Kinabukasan ay masayang nagsabay-sabay sa pagpasok ang tatlong bata. May sasakyan namang maaaring maghatid sa kanila at sagot na iyon ng pamilya ni Joaquin pero mas pinipili nilang tatlo ang maglakad papasok sa paaralan. Katwiran nila ay mas nag-eenjoy silang maglakad kasama ang ilang kabataan sa nayon. Higit sampung minuto lang naman ang lakaran mula sa kanilang bahay patungong eskwelahan.
"Oo nga pala, kailangan daw kayo mapagawaan ng passport ni Daddy. Nakalimutan kong sabihin sa inyo kahapon," panimula ni Joaquin.
Nagtatakang napalingon si Rosana kay Joaquin.
"Passport, ano naman yun, Joaquin?"
Sandaling nag-isip si Joaquin saka muling nagpaliwanag.
"Kailangan yata yun para makasakay ng eroplano saka para makapasok sa ibang bansa. Tama, yun ang sinabi ni Daddy sa 'kin noong kinuhaan nila ako." Nakangiting saad ni Joaquin.
"E-eroplano? Y-yun ba 'yong maingay na lumilipad?" nanghuhulang tanong ni Rosana.
Masayang tumango ng sunod-sunod si Joaquin.
"Tama ka, Rosana. Yun nga."
Kaagad na nanlaki ang mga mata ni Rosana. Tila hindi makapaniwala sa narinig.
"S-sasakay talaga tayo sa gano'n?"
Si Andres na tahimik lang at nakikinig ay hindi maiwasang makisabat sa nagiging reaksyon ng kababata.
"Bakit? Ano ba'ng nakakagulat sa pagsakay sa eroplano, Rosana?" Naiiling na sambit niya.
Kaagad siyang sinamaan ng tingin ni Rosana at inirapan.
"Ke-aga aga ako nanaman ang sinusungitan mo, Andres," inis na saad ni Rosana.
Napapalatak lang si Andres pero hindi na siya umimik ulit. Nagpatiuna na rin itong maglakad at medyo iniwanan si Joaquin at Rosana.
Nagkatinginan na lamang ang dalawang batang naiwan at panabay na nagkibit-balikat.
Lingid sa kaalaman ng dalawa, maagang nasira ang araw ni Andres. Ginising ba naman siya ng malamig na tubig na ibinuhos ng kanyang amahin sa kanya habang natutulog.
May hang-over pa yata ito subalit may hawak na ulit na bote ng gin at tinutungga iyon habang ginigising ang anak-anakan.
Kaagad naman siyang dinaluhan ng mama niya habang maiyak iyak ito. Gaya ng nakasanayan na tanawin ni Andres, may bangas nanaman ito sa mukha at putok ang labi. Sa totoo lang, gusto ni Andres na magalit sa kanyang ina. Wala kasi itong tapang upang ipagtanggol ang kanyang sarili at maging siya na kaisa-isa nitong anak.
"Bakit ka umuwi, Nay?" Mahina at nagtatakang tanong ni Andres sa ina.
"Hindi kita kayang pabayaan mag-isa dito, Anak." Hilam ng luha ang mga mata nitong tugon sa anak.
Napangisi naman si Andres sa narinig.
"Gano'n din naman, hindi mo rin naman ako maipagtanggol sa kanya," malungkot na saad ni Andres.
Naubos na rin ang luha niya sa kaiiyak noong simula kaya ang pagsasaboy ng tubig ng kanyang amahin ay balewala na lamang sa kanya. Mabilis na lang siyang tumayo at nagtungo sa palikuran upang deretso nang makaligo.
Tila nagiging bato na ang puso at katawan ng bata sa nasasaksihan araw araw. Tanging si Rosana at Joaquin na lamang ang nagpapasiya sa kanya, subalit nitong nakaraang ilang araw, pakiramdam niya ay napupuno naman siya ng inggit kay Joaquin. Tila ba naaagaw na kasi nito ang buong atensyon ni Rosana.
"Hoy, Andres. Hintayin mo naman kami ni Joaquin," sigaw ni Rosana sa kaibigan. Masyado na kasi itong mabilis maglakad.
Parang hindi naman sila naririnig nito kaya minabuti na lang ni Rosana na bilisan ang paglalakad at sabayan si Andres pero dagli siyang pinigil ni Joaquin.
"Hayaan mo na lang muna siya, Rosana. Baka may ginawa nanaman si Mang Karding sa kanya kaya siya ganyan, siguradong mamaya ay okey na ulit yan si Andres," malungkot na saad ni Joaquin.
Nakaramdam naman ng guilt si Rosana sa narinig. Bakit ba hindi niya kaagad naisip 'yon? Masyado kasi siyang na-excite sa sinasabi ni Joaquin sa kanya. Ang totoo ay siya talaga ang masungit.
Gustong-gusto lapitan ni Rosana si Andres subalit nag-alangan siya dahil baka tamang hayaan muna nila ang kaibigan. Sigurado naman siyang maya maya lang ay lalapit na ulit ito sa kanila ni Joaquin.
Eksaktong trenta minuto matapos ang alas syete ay nakarating sila sa eskwelahan. Magsisimula na ang flag ceremony kaya dumeretso na ang tatlong bata sa kani-kanilang mga hanay.
Magkaklase sina Joaquin at Andres sa grade 3 at parehas na nasa higher section habang si Rosana naman ay grade 2 at nasa section 3. Tuwing recess ay nagkikita kita sila at madalas silang inililibre ni Joaquin ng pagkain sa canteen subalit iba ang araw na iyon. Hindi kasi lumabas si Andres at nanatili lamang daw ito sa loob ng classroom.
Sa tanghali naman ay may baon silang kanin at ulam habang si Andres ay hahatiran pa ng pagkain ng kanyang ina. Sabay sabay silang kumakain at nagpapahinga bago muling magbukas ang klase sa hapon.
Matalino sa Math at Science si Joaquin samantalang panlaban naman sa mga palaro si Andres. Si Rosana ay madalas na kinukuhang muse sa kanilang eskwenlahan at ipinalalaban sa bayan. Gaya ng dati, si Don Menandro ang bahala sa pinansyal na gastusin at ilang pangangailangan ni Rosana sa pakikipagkumpetensyon.
Samamtala, buong araw walang kibo si Andres. Habang pauwi sila ng hapon ay hindi na nakapag-tiis pa si Rosana. Nilapitan niya si Andres saka ito inakbayan. Pero sa pagtataka ni Rosana, kaagad nitong inalis ang kamay niya at mabilis na naglakad palayo sa kanila ni Joaquin.
"Joaquin, hindi mo ba nakausap si Andres kanina sa room niyo?" Malungkot na tanong ni Rosana.
Mariing umiling si Joaquin bilang tugon.
"Maghapon lang siyang ganyan. Walang pinapansin at parang galit palagi."
Napatango tango na lamang si Rosana saka naglakad ng dahan dahan kasabay ni Joaquin. Nag-aalala man siya sa kalagayan ng kababata at kaibigan ay wala pa rin siyang magagawa para dito.
"Joaquin," tawag na muli ni Rosana sa kaibigan.
"Hmmm?" Himig na tugon ni Joaquin.
"Sa palagay mo, ano kaya'ng maganda ipang-surprise natin kay Andres? Kasi kung totoo na sinaktan nanaman siya ni Mang Karding, siguradong malungkot si Andres ngayon," nag-aalalang pahayag ni Rosana.
"May naisip ako," dagling tugon ni Joaquin sa kaibigan.
"Talaga?" Masayang sambit ni Rosana.
Tumango ng sunod sunod si Joaquin saka inilapit ang bibig sa tainga ni Rosana.
Unti unti namang nanlaki ang mata ni Rosana sa galak ng marinig ang suhest'yon ni Joaquin. Masaya siyang tumango at nakipag-apir sa kaibigan matapos nitong maibulong sa kanya ang naisip na plano…