"Ang gu-gwapo naman pala ng mga body guard ni Rosana ko." Nakatawang saad ni Mang Tonyo sa amin.
Ngumiti ako habang natawa naman ng mahina si Joaquin.
Kung ikukumpara ang kasuotan ko kay Joaquin, ako talaga ang magmumukhang body guard habang siya ang amo ko at..
at si Rosana ang kapareha niya.
Bahagyang nagpuyos ang dibdib ko dahil sa isiping 'yon.
Pinilig ko ang ulo at sinubukang alisin sa isip ang 'di magandang senaryo na iyon.
Baka naman masyado lang mataas ang imahinasyon ko. Sarili ko lang din naman ang sinasaktan ko.
"O, iingatan niyo ang prinsesa ko, ha? Nag-iisa lang 'yan." dagdag pa ni Mang Tonyo.
"Opo," sabay naming bigkas ni Joaquin.
"Ang ganda mo naman, Rosana." maya maya'y nakangiting saad ni Joaquin.
Naunahan niya ako. Mas inuna ko kasing titigan kanina si Rosana kaysa batiin ito.
"Sus, gwapo rin naman kayong dalawa ni Andres," nakangiting tugon ni Rosana. Tiningnan niya ako at 'di sinasadyang nagkatagpo ang mga mata naming dalawa.
Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng kakaiba niyang tingin sa akin. Basta ang pakiramdam ko may ibang kahulugan iyon.
Nakita ko rin kung paano niya suriin ang kabuoan ko. Sa unang pagkakataon, nakaramdam ako ng pagka-asiwa at pag-aalinlangan kung maayos ba talaga ang hitsura ko at kung kaaya-aya ba ako sa mga mata niya.
"Ano na? Magtitinginan na lang ba kayong tatlo diyan?" Narinig kong tanong ni Mang Tonyo. Doon din ako tila natauhan. Marahan akong nag-iwas ng mga mata kay Rosana.
Inayos ko ang sarili at saka nagpaskil ng masayang ngiti sa aking mukha.
"Uhm, ano? Tara na?" Yaya ko kina Joaquin at Rosana. Nagpati-una na rin ako sa paglalakad.
Alam ko naman na sumusunod na rin sa likuran ko ang dalawa pero ang hindi ko inaasahan ay ang hitsura nila habang naglalakad ng sabay.
Hawak ni Joaquin ang isang kamay ni Rosana habang naka-alalay pa ang isang kamay niya sa likuran ni Rosana.
Mabilis akong nag-alis ng tingin sa kanila at mas binilisan ko pa ang paglalakad palabas sa tubuhan.
Nakita kong naroon na rin pala ang sasakyang susundo sa amin. Masama nanaman ang pakiramdam ko, naiinis ako!
Nauna na akong pumasok sa loob ng sasakyan. Pinili kong maupo sa tabi ng driver. Ilang sandali pa ay naroon na rin sina Rosana ay Joaquin. Nagtatawanan pa silang dalawa habang papasok ng sasakyan.
Hindi ko makontrol ang sarili na tingnan sila ng masama mula sa front mirror.
Sinubukan ko rin namang pakalmahin ang sarili, marahan akong nagbuga ng malalim na buntong-hininga. Sa ganitong pagkakataon ay siguradong hindi ko na kakayaning pekein ang tuwa na dapat nakapaskil sa mukha ko.
Mabuti na lang at hindi nakikita ng dalawa ang hitsura ko dito sa harapan. Pumikit ako ng mariin at sinubukang baguhin ang nararamdaman kong panibugho.
Nagulat pa ako ng may biglang tumapik sa mga balikat ko. Nagmulat ako at nakita ko ang drayber na siyang tumapik sa akin ng marahan.
"Okey lang 'yan, Brad. Ano man yan, lilipas din yan," Mahina at halos pabulong na lang na pahayag niya sa akin.
Napakunot ang noo ko. Kung tatantyahin kasi ang idad ng lalaking drayber ay tila hindi naman ito nalalayo sa idad ko pero siguradong nasa wastong gulang na ito.
Ngayon ko lang napansin ang hitsura niya dahil na rin siguro sa ibang bagay ako nakapokus kanina. Ngumiti na lang ako sa kanya at ibinaling ang paningin sa malawak na palayang nadaraanan namin.
Naririnig ko ang masayang kwentuhan ng dalawa sa likuran ko.
*Hindi man lang makahalata sa pananahimik ko!* inis na saad ko sa sarili.
Dahil mukhang sariwa ang hangin sa labas ay naki-usap ako sa katabi kong drayber na baka pupwedeng buksan nito ang bintana ko.
"Sige lang, hindi ko naman ini-lock 'yan." nakangiti niyang tugon sa akin.
Kaagad ko namang ibinaba ang bintana at ninamnam ang malamig lamig na hangin. Napakabango talaga ng simoy sa kabukiran.
"Andres, ba't ang tahimik mo?" Narinig kong tanong ni Rosana.
Napangisi ako. Ayoko sana siyang sagutin pero baka makahalata naman sila.
"Wala naman akong sasabihin," malamig kong tugon sa kanya.
"G-gano'n ba," tila napahiyang saad ni Rosana.
"Hayaan na lang muna natin si Andres, Rosana. Baka wala lang siya sa mood," ani Joaquin.
Lalong lumaki ang ngisi ko. Prang gusto ko silang sigawan dalawa pero wala namang sapat na dahilan para gawin ko iyon. Sariling damdamin ko lang naman lahat ng ito.
"Nasaan na nga pala tayo?" Si Joaquin iyon.
"Ah, dun sa malaking aquarium kamo ng mga isda," masayang sagot naman ni Rosana.
"A- oo. Para kang nasa ilalim ng dagat doon tapos kitang kita mo mula sa paa mo hanggang sa pagtingala mo yung napakaraming isda."
Pinaikot ko ang mga mata ko sa naririnig. Bakit ba kasi itong si Rosana, sabik na sabik sa mga gano'ng bagay?
"Narito na tayo," maya maya ay sambit ng drayber.
Panandalian kaming huminto sa tapat ng isang may kataasang gate. Ng bumukas iyon ay saka marahan ipinasok ang sinasakyan namin.
Ng tuluyan na itong huminto ay nagsibabaan na rin kami.
Bumungad ang isang malawak na espasyo kung saan napapalibutan iyon ng mga lobo, bulaklak at tila mga banderitas.
Hindi maikakailang magarbo ang selebrasyon na iyon. Sa gitnang parte ay ang napakalaking larawan ni Andy at may nakasulat doong, MALIGAYANG KAARAWAN, ANDY.
"Halina kayo, may upuang inilaan sa inyo si Andy," yakag sa amin ng drayber.
Hindi ko mapigilang mamangha. Talagang pinaghanda pa kami ng mauupuan ni Andy? Sa pagkaka-alala ko kasi, hindi naman namin siya trinato ng maayos.
"Wow, ang ganda.." Narinig kong sambit ni Rosana pagkaupo namin sa isang bilog na mesang napapalibutan ng tatlong upuan, sakto lang din sa aming tatlo. Hindi ko mapigilang lingunin si Rosana. Kitang-kita ko na halos malaglag na ang panga niya habang pinagmamasdan ang mga dekorasyon at buong lugar.
"Ang yaman pala talaga nina Andy," Mahinang bulalas niya pa.
May ilang bisita na rin ang dumarating at halatang mayayaman din ang mga iyon. Hinanap ng mata ko si Andy pero hindi ko siya mamataan.
Napansin ko rin ang malaking regalo na hawak ni Joaquin. Bakit hindi ko napansin na bitbit niya iyon?
"A- sandali lang, ha? Ilalapag ko lang itong regalo natin kay Andy," maya- maya'y paalam ni Joaquin.
"Teka, natin?" Nagtatakang tanong ko.
"Oo, pangalan nating tatlo ang nakalagay diyan, ayan tingnan mo." ibinaba ni Joaquin sa harap ko ang regalo. May kabigatan din iyon.
Naroon nga ang pangalan naming tatlo. Tumango ako at muling ibinalik kay Joaquin ang regalo.
"Sige na, ilagay mo na yan sa lagayan ng mga regalo." Nakangiti kong saad kay Joaquin.
Mabilis naman siyang tumalima at nagtungo sa malaking lamesa kung saan naroon ang ilan pang mga regalo na dala rin ng ibang bisita.
"Anong nangyayari sa 'yo, Andres?" nakasimangot na tanong ni Rosana sa akin.
"Bakit?"
"Parang ang sama ng ugali mo! Kung masama ang pakiramdam mo sana hindi ka na lang sumama hindi yung pati kami ni Joaquin idadamay mo sa inis mo." nakapa-ekis ang dalawang braso niya habang kunot na kunot ang noo. Pabulong lang naman ang pagkakasambit niya kaya walang makakapansin na inaaway niya ako.
"Ha? Ako masama ang pakiramdam? Sinong may sabi sa'yo?" pagtanggi ko.
Hindi siya kumibo. Nakita kong nakatingin lang siya sa kinaroroonan ni Joaquin. Tila may kausap itong isang babae na hindi nalalayo sa idad namin.
Pinakatitigan ko maigi ang ekspresyon ni Rosana pero nakangiti lamang siya.
Napabuntong-hininga ako. "Pwede mo naman sabihin sa akin kung ayaw mo akong kasama. Pwede naman kitang iwanan na kay Joaquin kung yun ang gusto mo."
Marahas siyang bumaling sa akin.
"Anong drama yan, Andres? Ang sabihin mo ikaw ang may gusto umalis!" nanlalaki na rin ang mga mata niya.
Napailing ako.
"Bakit mo ba 'ko inaaway?" Naiinis na ring tanong ko sa kanya.
Pero inirapan niya lang ako at saka nag-iwas na siya ng tingin. Sa halip ay iginala niya na lang ang kanyang mga mata.
Gano'n na rin ang ginawa ko. Ilang minuto pa ay pabalik na ulit si Joaquin sa pwesto namin.
"Sino 'yon?" Kaagad na tanong ni Rosana kay Joaquin.
"Ah, yon? Anak yun ng kaibigan ni Daddy na taga-rito rin," nakangiting tugon ni Joaquin.
"Ang ganda niya no?"
"Huwag kang mag-alala, mas maganda ka pa rin dun," kumindat pa si Joaquin kay Rosana.
Muli akong nainis. Kung pwede lang iwasan ang ganitong pakiramdam, iiwasan ko. Pero hindi ko kaya. Ang magagawa ko lang, mag-iwas ng tingin at magpokus sa ibang bagay.
Ilang minuto pa ay pumailanlang na sa ere ang malakas na boses ng isang babae. Kasabay ang pag-welcome sa mga bisita ay ang pagpapakilala na rin kay Andy bilang birthday Celebrant.
Saka siya lumabas mula sa loob ng malaking bahay papalabas sa tarangkahan.
Medyo chuby man ay may hulma pa rin ang kanyang katawan. Bagay sa kanya ang baby blue na animo'y gown sa haba. Maganda ang pagkakaayos ng kanyang buhok gayundin ang kaunting make-up na inilagay sa kanyang mukha.
Pero gaya ng sinabi ni Joaquin kanina. Mas maganda pa rin talaga si Rosana.
Ng madako ang tingin ni Andy sa akin ay ngumiti siya. Gumanti ako ng ngiti bilang respeto at pasasalamat na rin sa espesyal na pagtrato niya sa amin sa kabila ng masamang pinakita namin ni Joaquin sa kanya sa eskwelahan.
Naging sandali lang ang pagpapakilala at pagbati kay Andy sa kanyang kaarawan. Malaki ang cake na inilaan ng kanyang pamilya para sa kanya. Alam kong isa ang bagay na gaya nito ang ninanais ni Rosana kaya naman kitang-kita ko sa mga mata niya ang amusement habang nakatingin kay Andy.
Kalaunan ay dumako na rin kami sa salo salo. Maraming pagkain. Lahat ay masasarap. Nagtaka pa ako dahil mayroong puro naka-unipormeng nagbabantay sa pagkain.
Grabe naman, pati pagkain kailangan nilang bantayan!
Matapos kumain ng tahimik ay nagpasya akong lumayo muna sa karamihan. Sa idad kong ito ay palihim akong tumitikim ng sigarilyo. Maging sina Joaquin at Rosana ay hindi alam ang tungkol dito. Ginagawa ko lang naman ito kapag ganitong may iniisip akong kakaiba.
Sisindihan ko na sana ang hawak kong sigarilyo ng biglang sumulpot sa harapan ko si Andy. Nakangisi siya habang nakatingin sa sigarilyong naka-ipit sa daliri ko.
"Pwede ba kitang saluhan diyan?" aniya bago tuluyang lumapit sa akin. Inagaw niya ang hawak ko at saka kusa iyong sinindihan.
Tila kakaibang Andy ang kaharap ko ngayon. Itinaas niya ang laylayan ng kanyang dress at saka sumandal sa pader habang nakatukod ang isang paa patalikod.
Humihit siya ng sigarilyo at saka ibinuga sa akin.
"Ikaw ang talagang gusto ko, Andres," aniya saka marahang lumapit sa akin.
Ang akala ko nga ay yayakapin niya ako pero hindi naman pala.
"A-anong ginagawa mo, Andy? Naninigarilyo ka rin?" Takang taka ako.
"Bakit, may masama ba rito? Hindi ba na-curious ka lang din naman kaya mo 'to sinubukan? Hindi ka ba nag-iisip kung anong pakiramdam na magkadikit ang katawan ng isang babae at lalaki? Kung anong pakiramdam ng mahalikan? Kasi ako, curious na curious na.." bulong niya sa tainga ko.
Pakiramdam ko ay nagtayuan lahat ng balahibo ko sa katawan. Kaagad na nag-init ang pakiramdam ko kasabay ang pagkabuhay ng mga dugo ko.
Ngunit bago pa man ako matangay sa malamyos at mainit init na tinig ni Andy ay nakita ko si Rosana 'di kalayuan sa amin, nakatingin siya at halos titig na titig.
Pero tama ba ang nababasa ko sa mga mata niya? Tila nag-aapoy kasi iyon sa galit.