KABANATA 11: ANG PAGHAHARAP.

1746 Words
Kabadong nagkatinginan sina Joaquin at Rosana. Nagmamadali namang bumaba ng hagdan si Donya Soledad gayundin ang dagling paglapit ni Marina sa dalawang bata upang yakapin ang mga ito. Nais sanang sumilip sa nakaawang na pinto ni Rosana pero mabilis siyang hinatak pabalik ni Marina. "Dito ka lang, Rosana!" Anito. "P-pero..." nanginginig ang mga labi ni Rosana at hindi malaman kung ano ang sasabihin. Oo nga at pitong taong gulang lamang siya subalit alam niya kung ano ang ingay na iyon. Hindi lang iyon basta bagay na may malakas na tunog. Niyakap siyang muli ni Marina. Hinawakan naman ni Joaquin ang mga kamay niya. "Sshhh," saad ni Marina sa batang babae. Habang si Donya Soledad naman ay pabalik balik na naglalakad sa kanilang harapan. Nasa bibig niya ang mga daliring nanginginig at hindi maitatanggi ang pag-aalala sa kanyang buong mukha. Paroo't parito siya sa pintuan at pasilip silip. Bagama't walang matatanaw mula roon dahil madilim ang kinaroroonan ni Don Menandro, umaasa siyang matatanaw kahit ang bulto man lamang nito. "Mommy, come. Hug me," tawag ni Joaquin sa ina. Panandaliang tumigil ito sa paglalakad ng tila matauhan saka naiiyak na lumapit sa anak. "Oh, I'm sorry, baby. I'm sorry. Pasensya ka na kay Mommy, ha?" Hingi nito ng paumanhin bago naupo sa tabi ni Joaquin at isinandal sa kanyang dibdib ang anak. Nasa puso niya ang hindi maipaliwanag na takot para sa mabuting asawa. Ngayon ay kagat niya naman ang ibabang labi. "Mommy, your shaking," Malungkot na saad ni Joaquin. Nagsimula na ring kabahan ang bata sa ikinikilos ng ina. "I j-just can't help it, Anak. Nag-aalala ako sa Daddy mo." Naiiyak na pahayag ni Donya Soledad. Malungkot na ngumiti si Joaquin sa ina, "I trust Daddy. He is strong," Matapang nitong pahayag. Gaya niya ay napilitan na ring ngumiti si Donya Soledad. Tila mas malakas pa sa kanya ang anak. "You're right," anito habang mabilis na hinahaplos ang balikat ni Joaquin. "Daddy will come back safe," nakangiti niya pang dagdag. "Sorry po," maya maya'y singit ni Rosana. "Ssshh," dagling kontra ni Marina sa bata. "K-kasalanan ko po kapag may nangyari kay Don Menandro." umiiyak na pahayag niya. Hindi naman kumibo si Donya Soledad. Oo! Naroon ang kagustuhan niyang isisi sa bata ang nangyayari ngayon subalit wala na rin iyong maitutulong dahil naroon na rin naman ang kanyang asawa. Ang tanging hiling niya na lamang ay makauwi ng ligtas si Don Menandro. Ilang sandali pa ay narinig na nila ang tunog ng paparating na sasakyan. Sabay sabay silang sumilip sa pintuan habang si Donya Soledad ay tuluyang lumabas ng pintuan at dumeretso sa gate. Naunang lumabas ang kaibigang pulis ni Don Menandro. Tila humihinto ang oras ni Donya Soledad habang hinihintay ang pagbaba ng asawa mula sa bukas na sasakyan. Ng sa wakas ay nasilip niya ito sa loob. Ilang sandali pa ay bumaba na rin ito subalit puno ng dugo ang harapan ng kanyang malinis na damit. Wala sa sariling natutop ni Donya Soledad ang sariling bibig saka nagmamadaling sinalubong ang asawa. "M-menandro, anong-" "I'm fine. Diyan ka lang at puro dugo ang damit ko," mabilis na pigil ng Don sa kanyang maybahay. "H-ha? Okey ka lang ba? A-anong nangyari?" Sunod sunod na tanong ng ginang sa asawa. "Mamaya ko ipapaliwanag. Sa ngayon, kailangan munang madala sa hospital si Andres." ani Don Menandro. Pagkababa niya ng sasakyan ay muling bumalik sa loob ang kaibigan nitong pulis. "Susunod ako, kumpadre. Magpapalit lang ako ng damit," paalam nito sa kaibigan. Sumaludo naman ito sa kanya saka nagpaalam na aalis na rin. Magkasunod na pumasok na sa loob ng bahay sina Don Menandro at Donya Soledad. Kaagad na niyakap ni Joaquin ang ama pagkakita dito. Balewala sana ang nagkalat na dugo sa damit nito subalit mabilis siyang inilayo ni Don Menandro. "Daddy, a-ano po ang nangyari?" umiiyak na tanong ni Joaquin. Ang totoo ay kanina niya pa pinipigil ang iyak na iyon. Nagpakita lang siya ng katatagan sapagkat walang ibang lalaki sa kanilang tahanan maliban sa kanya. Sinusunod niya lang rin ang payo ng kanyang ama na siya ang dapat na papalit sa pwesto nito tuwing mawawala ito sa isang lugar. Isa isa silang tiningnan ni Don Menandro saka ito bumuntong-hininga. "Naabutan namin si Andres na nakatali sa ilalim ng lamesa habang natutulog si Karding. Puro sugat ang katawan ni Andres pati yung ulo niya. Ako ang bumuhat sa kanya kaya puro dugo ang damit ko. Yung malakas na putok naman, galing 'yon kay Karding. Sinubukan niyang makipag-agawan ng baril kay kumpadre no'ng gisingin namin siya at arestuhin, mabuti na lang at sa lupa lang naiputok, pagkatapos no'n ay napatulog na ng isang kasama naming pulis si Karding." Mahanang paliwanag ni Don Menandro. "Ngunit paano po niya napatulog si Mang Karding?" Curious na tanong ni Joaquin. "Basta, hindi mo pa dapat na marinig iyon, Joaquin. Ang importante, ligtas na ang lahat. Wala na kayong dapat ikabahala," nakangiti nitong tugon habang isa isa muling tiningnan ang mga kasama sa bahay. "S-si Andres po, ligtas na ba siya?" Hindi maiwasang tanong ni Rosana. Nakangiting tumango si Don Menandro. "Oo, Rosana. Maya maya ay pupuntahan ko siya sa hospital, gusto mo bang sumama?" Mabilis na tango naman ang isinagot ni Rosana. "Rosana!" Malakas na tinig iyon ni Aling Rosing. Kasalukuyan itong nakadungaw sa pintuan ng malaking bahay gayundin si Mang Tonyo. Nasa mukha nila ang labis na pag-aalala. Nang makita nila si Rosana ay walang paalam ng pumasok sa loob ng malaking bahay si Aling Rosing at dumeretso sa kinauupuan ng anak. Kaagad niyang sinuri ang buong katawan ng Anak at ng makitang wala namang kakaiba kay Rosana maliban sa ilang gasgas sa tuhod ay tila nakahinga na ito ng maluwag. Saka lang din siya tila natauhan ng makita sina Don Menandro at Donya Soledad na nakamasid lang sa kanya. "A- paumanhin po, Don Menandro at Donya Soledad. Nag-alala lang ho talaga ako ng husto para kay Rosana." Nakayukong saad ni Aling Rosing. "Walang anuman iyon, Aling Rosing," nakakaunawang tugon ng Don. "A-ano ho ba ang nangyari?" Nagtatakang tanong ni Aling Rosing. Malumanay na pinaliwanag muli ni Don Menandro ang nangyari mula sa pagpunta ni Rosana doon hanggang sa pagkakasagip nila kay Andres. "Mabuti na lang at nasabi kaagad sa amin ni Rosana dahil kung hindi, baka hindi na namin abutang buhay si Andres. Marami na kasing dugo ang nawala sa kanya pagdating namin doon," malungkot na saad ni Don Menandro. Puno ng amusement ang mga mata nina Mang Tonyo at Aling Rosing habang nakatingin sa malungkot na anak. "Gano'n ho ba, nako, e, maraming salamat po sa paniniwala niyo sa anak ko, Don Menandro at Donya Soledad. Gayunpaman, nag-alala pa rin kami ng lubos sa ginawa niya kaya kung hindi niyo ho sana mamasamain, iuuwi ko na sana ang aking anak," maya maya'y pahayag ni Aling Rosing. "P-pero Inay, sasama po ako sa pagpunta ni Don Menandro sa Hospital," may kabang pahayag ni Rosana. Tiningnan lamang siya ng kanyang ina at hindi ito kumibo. "Bilang magulang ay nauunawaan ko kayo ng lubos. Gusto ko rin kayo pasalamatan sa maayos na pagpapalaki sa inyong panganay. Kung papayagan niyo siyang makasama sa pagbisita namin kay Andres bukas ng umaga ay ihatid niyo lamang si Rosana dito. Mag-iingat kayo sa pag-uwi." Malumanay na sambit ni Don Menandro kay Aling Rosing. Tumango na lamang si Aling Rosing saka nito inakay ang anak palapit kay Mang Tonyo na nanatiling nakasilip pintuan. "Isosoli ko na lang itong damit mo, Joaquin." Pahabol ni Rosana habang iika ikang naglalakad. "Huwag mo ng intindihin 'yan, Rosana. Sa iyo na yan," nakangiting tugon naman ni Joaquin. Lumingon si Rosana at malungkot na muling nag-ngitian ang magkaibigan. "Halika, Rosana," ani Mang Tonyo sa anak habang nakadipa ang dalawang braso. Malugod na lumapit si Rosana sa kanyang ama at kumarga dito. "Mauuna na ho kami," magalang na paalam ni Don Menandro sa pamilya Añonuevo. Tumango naman at ngumiti si Don Menandro bilang tugon sa pamilya ni Rosana. Ng makalabas ng kanilang bakuran sina Rosana ay hindi maiwasang mag-alala ni Joaquin kaya tinanong niya ang kanyang ama. "D-daddy, hindi kaya nila paluin si Rosana? Tumakas lang daw siya kanina." Ngumiti lamang si Don Menandro sa anak saka ginulo ang buhok nito. "Magpahinga ka na, Joaquin. Bukas ay makakasama natin si Rosana sa pagbisita kay Andres." Tiwalang tugon ng Don sa kanyang anak. Sa narinig ay napayapa ang isip ni Joaquin. Niyakap niya ang ama at saka magalang na nagpaalam dito at umakyat na sa kanyang silid. Samantala…. Walang kibo si Aling Rosing habang pabalik sa kanilang tahanan. Labis naman ang takot ni Rosana dahil alam niyang may kaparusahan ang ginawa niyang pagtakas sa mga ito. "Sorry po sa ginawa ko, Inay at Itay," malungkot na paumanhin ni Rosana sa kanyang mga magulang. "Natatakot lang po ako para kay Andres. Ilang beses na kasi siyang sinasaktan ni Mang Karding." Dagdag na paliwanag pa ni Rosana. "Hindi mo alam kung gaano kami nag-alala ng Inay mo, Rosana. Paano kung nasaktan ka rin ni Karding?" Si Mang Tonyo. "Hindi naman po ako nagpakita kasi natatakot din ako, kaya po ako nagpunta kina Joaquin kasi alam kong matutulungan ako ng Daddy niya." animo'y matandang sagot ni Rosana. "Bakit hindi ka sa amin nagsabi?" "Kasi sabi niyo ni Inay huwag tayong makiki-alam sa pamilya nila." Napabuntong-hininga na lamang si Mang Tonyo sa mga katwiran ng anak. Naroon naman kasi ang katotohanan sa mga salita nito. "Anupaman ang maging katwiran mo, mali pa rin ang ginawa mong pagtakas at pagbibigay ng alalahanin sa amin ng Itay mo, Rosana." Malamig na sambit ni Aling Rosing. "Sorry po, Inay, Itay," ani Rosana habang nakayuko sa balikat ng ama. Hinaplos naman ni Mang Tonyo ang likod ng anak. "Nauunawaan namin, Rosana. Pero sana sa susunod, matuto kang magpaalam para hindi kami mag-alala ng iyong Inay," muling bilin nito. "Opo, Itay," tanging sagot ni Rosana. Dahil kampante na ang isip, napahikab siya at maya maya'y nakatulog na habang karga ni Mang Tonyo. Marahang inilapag ni Mang Tonyo si Rosana pagdating nila sa kanilang tahanan. "Papayagan mo ba siya sumama bukas?" Tanong nito sa asawa habang tahimik na nakaupo. Masama pa rin ang timpla ng misis niya, alam niya 'yon. Pero sigurado siyang mauunawaan din nito ang ginawa ng kanilang anak. "Hindi ko alam, Tonyo. Baka bukas na ako makapag-isip ng matino," anito saka tumayo at nagtimpla ng kape…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD