Kinabukasan ay maagang nagising si Rosana. Kahit alam niyang may galit ang kanyang ina sa kanya ay umaasa pa rin siyang mapapatawad at mauunawaan siya nito. Madilim dilim pa ng siya ay bumangon. Kaagad siyang nagpa-apoy sa kanilang kalan at nagsalang ng tubig na mainit para sa kanilang kape. Pagkatapos ay nagsimula na rin siyang magwalis sa tapat ng kanilang bahay.
Ano mang pagod ng katawan niya noong nagdaang gabi ay hindi pa rin nagawang makatulog ng maayos ni Rosana. Gustong-gusto niya makita at makamusta si Andres. Gusto niya ito makausap at masigurong ligtas.
Hindi pa man natatapos sa pagwawalis si Rosana ay narinig niya na rin ang pagbangon ng kanyang ama. Kaagad siyang bumalik sa pinapakulong tubig at sakto namang kumukulo na rin ito. Akma sana niyang isasalin iyon sa thermos ng agawin ni Mang Tonyo sa anak ang pamunas.
"Ako na, Rosana. Delikado 'yan dahil mainit." Marahang sambit nito.
Kaagad namang binigyan ng espasyo ni Rosana ang ama upang makakilos ito ng maayos. Ang hinarap niya na lamang ay ang kinuhang tasa at ipinaglagay ng kape at asukal ang ama doon.
"Nakausap mo na ba ang inay mo tungkol sa pagsama mo kila Joaquin mamaya sa hospital?" maya maya'y tanong ni Mang Tonyo sa kaniyang anak.
Malungkot na umiling si Rosana bilang tugon.
"Gusto mo ba kausapin ko ang Inay mo?"
Tumingin lamang si Rosana sa ama. Gusto niyang tumango pero alam niyang tingin niya pa lang ay alam na ng ama kung ano ang gagawin. Muli siyang yumuko at nagpokus sa paglalagay ng kape sa baso.
"Hay, Ikaw na bata ka. Kung hindi lang talaga kita prinsesa," masayang sambit ni Mang Tonyo bago nito ginulo ang buhok ng anak.
"Sorry kagabi, Itay. Alam ko naman po na napag-alala ko kayo ni Inay. Pero hindi ko po kasi kayang pabayaan na lang si Andres na mabugbog ni Mang Karding. Ilang beses na po akng naililigtas at naipagtatanggol ni Andres, Tay. Sana po maintindihan ni Inay." Nahihiyang pahayag ni Rosana sa ama.
Kaagad naman siyang nilapitan ni Mang Tonyo at niyakap. Hinaplos haplos din nito ang kanyang buhok at likod.
"Sigurado akong naiintindihan ng Inay mo, Rosana. Siguro natakot lang talaga siya kasi alam mo naman ang ugali ni Mang Karding, 'di ba?"
Marahang tumango si Rosana habang hindi pa rin bumibitiw sa ama. Ilang sandali pa ay naramdaman ni Rosana ang pagsali ng isa pang katawan na yumakap din sa kanya. Sa amoy pa lang nito ay alam niya ng ito ang kanyang ina. Tuluyan ng napahikbi si Rosana. Hindi kasi siya sanay na nilalambing ng mga magulang.
Ang ganitong pagkakataon ay napakabihira lamang at aminado ang bata na maging siya ay natakot din kagabi. Hindi lamang para sa kalagayan ng kaibigan kung hindi maging sa kanyang sarili.
"Naiintindihan kita, Rosana. Natakot lang talaga ako kagabi. Nanay mo ako, e. Hindi ko kakayanin kung mapapahamak ka," ani Aling Rosing habang nakayakap sa anak.
"Hindi ko na po uulitin, Inay. Sa susunod po magpapaalam na talaga ako sa inyo. Sorry po."
"Sige na, magpalit ka na ng damit mo doon at pagkatapos kumain ay ihahatid ka ng Itay mo sa malaking bahay. Huwag kang magpapasaway sa kanila at huwag lalayo kapag nasa hospital na kayo, baka mawala ka," pagkakuwa'y bilin ni Aling Rosing.
Ang malungkot na mga mata ni Rosana ay napalitan ng ningning gayundin ang kanyang buong awra. Masaya siyang ngumiti at tumango sa ina. Niyakap niya ito ng maghigpit saka nagmamadaling pumanhik sa kanilang papag at naghanap ng maayos na damit na pwedeng isuot.
Masaya ding niyakap ni Mang Tonyo ang asawa at saka hinalikan ang buhok nito.
"Magiging panatag na ang Rosana natin kapag nakita ang kaibigan niya," malumanay na sambit ni Mang Tonyo.
Nagpakawala ng malalim na buntong hininga si Aling Rosing saka tumingin sa asawa.
"Mabuting bata ang anak natin, Tonyo. Kahit ikakapahamak niya, gagawin niya para makatulong. Sana ngayong inunawa natin siya, matuto na siyang magsabi at huwag magdesisyong mag-isa. Napakabata niya pa para solohin ang isang mabigat na desisyon." Malungkot na pahayag ni Aling Rosing.
Napatango tango naman si Mang Tonyo. "Sana nga," anito saka niyakag ang asawa sa lamesa upang ipagtimpla ito ng kape.
"Lalabas na ako para makapamili ng pandesal at palaman," muling saad ni Mang Tonyo saka nagmamadaling inubos ang kanyang kape na nasa tasa.
"Sige na para makapag-almusal si Rosana bago mo ihatid," pagtataboy ni Aling Rosing sa asawa.
Ilang minuto pa ay masayang lumabas si Rosana suot ang isang kulay puting dress. Nakangiti siyang nagpakita sa ina at umikot sa harapan nito.
"Inay, okey na po ba itong suot ko?"
"Oo, isa yan sa magandang dress na bagay sa'yo," ani Aling Rosing.
"Nasaan po si Itay?"
"Namili lang ng pandesal. Maupo ka na diyan at inumin 'yang kape mo, mamaya lang ay narito na rin ang Itay mo."
Mabilis namang sumunod si Rosana. Pagdating ni Mang Tonyo ay maayos nilang pinagsaluhan ang kanilang munting Almusal. Naubos naman kaagad ni Rosana ang bahagi niya.
Nagsepilyo siya sana matiyagang naghintay sa ama upang ihatid siya sa malaking bahay.
"O, yung bilin namin ng Inay mo, Rosana." Muling saad ni Mang Tonyo ng marating nila ang bahay ng pamilya Añonuevo.
"Opo, Itay. Hindi ko po kinakalimutan," magalang na tugon ni Rosana.
Ilang sandali pa ay lumabas na rin ang owner jeep ng pamilya. Naroon ang mag-asawa kasama si Joaquin, Marina, at si Nestor na nagmamaneho ng sasakyan.
"Halika na, Rosana. Baka magbago pa ang isip ng Itay mo," natatawang pahayag ni Don Menandro.
Magkasabay na natawa si Don Menandroat Mang Tonyo. Pagkakuwan ay binuhat na ni Mang Tonyo si Rosana upang maisakay ng maayos sa sasakyan.
"Kayo na ho ang bahala sa Prinsesa ko, Don Menandro." Magalang na paalam ni Mang Tonyo sa pamilya.
"Maaasahan mo 'yan, Tonyo. Sige mauna na kami." Nakangiting tugon ni Don Menandro.
Masayang kumaway si Rosana sa ama habang papalayo ang sinasakyan gayundin naman ito sa kanya. Matapos 'yon ay si Joaquin naman ang hinarap ni Rosana.
"Mabuti pinayagan ka, Rosana!" Masayang bulalas ng bata.
"Nagulat nga din ako, e. Saka alam mo, hindi nila ako pinagalitan." 'Di makapaniwalang tugon ni Rosana.
Habang sina Don Menandro at Donya Soledad ay natatawa at naiiling na nagkatinginan...
Dahil may kalayuan ay kulang isang oras din sila bumyahe. Huminto din sila sa bayan upang mamili ng mga prutas at pwedeng makain ni Andres. Sa tuwing sila ay mapapahinto sa trapik, iniisip ni Rosana na sana ay may pakpak ang sinasakyang owner jeep ng sa gayon ay makarating na sila sa paroroonan.
Nang makarating sa Hospital ay sa information desk kaagad sila dumeretso at dahil unang beses pa lang ni Rosana makapasok ng Hospital ay talaga namang namangha siya sa lawak nito, ang amoy na hindi niya maintindihan at ang kulay puting mga pader kahit saan siya lumingon.
"Joaquin, g-ganito pala kalaki ang Hospital, no?" Hindi mapigilang tanong niya sa kaibigan.
"Oo, Rosana. May mas malaki pa dito sa Maynila,"
"Talaga? Marami sigurong tao ang may sakit kaya sobrang laki ng mga hospital, saka tingnan mo sila, ang gaganda naman ng mga kasuotan nila!" Manghang pahayag ni Rosana habang nakaturo sa mga nurse na sabay sabay naglakad sa gawi nila.
"Sila naman ang mga nurse. Katulong ng doctor sa panggagamot." Nakangiting sambit ni Joaquin. Kahit papa'no, ang makitang nakangiti si Rosana ay nagpapagaan nang kalooban niya.
"Oo, alam ko yung nurse, Joaquin. Naituturo naman sa school yun. Pero ngayon ko lang sila nakita sa malapitan. Ang ganda pala nila," kiming saad ni Rosana habang hindi inaalis ang paningin sa mga nurse na dumadaan.
"Joaquin, Rosana, halina kayo. Puntahan na natin si Andres," Maya maya'y tawag sa kanila ni Donya Soledad.
Dagli namang sumunod ang dalawang bata. Hindi na nagulat pa si Rosana ng hawakan ni Andres ang kanyang mga kamay at akayin. Iyon din naman kasi ang bilin ng kanyang ina upang huwag siyang maligaw o mawala.
Isang pinto ang tinapatan nila, marahang kumatok doon si Don Menandro. Ilang saglit pa ay bumukas naman iyon at iniluwa si Aling Sonya, ang ina ni Andres. Hindi maitatangging magdamag itong umiiyak dahil mugto ang mga mata nito. Tila puyat na puyat.
Yumukod ito saka niluwagan nito ang pinto pagkakita sa mag-asawa.
"Tuloy ho kayo, Don Menandro at Donya Soledad," anito sa mahinang boses. Nauna namang pumasok si Joaquin kasunod si Rosana habang hawak pa rin ng batang lalaki ang kamay niya saka sumunod na nagsipasok ang mga matatanda.
Tila maiiyak naman si Rosana sa nakikitang hitsura ng kababata. Halos hindi ito makilala dahil sa bendang nakabalot sa kanyang ulo at kanang bahagi ng mukha.
May pasa ang kaliwang bibig niya gayundin ang mga braso niya. Mayroon ding sugat sa tuhod at binti.
Hindi namalayan ni Rosana na pabara niyang binawi ang kanyang kamay kay Joaquin upang mahawakan ang kamay ni Andres na naka-dextrose.
"A-andres," mahinang bulong ni Rosana. "G-gising ka na, Andres," naiiyak na muling pahayag niya pero ni hindi ito gumagalaw.
"Ano daw ang resulta ng mga exam na ginawa sa kanya, Sonya?" Si Don Menandro iyon habang nakatingin sa batang nakaratay.
"A-awa ng diyos ay maayos naman po ang ulo niya, mabuti na lang daw at walang namuong dugo. Pati ibang parte ng katawan niya ay maayos naman po. Magpapalakas na lang daw siya at pagagalingin yung tahi sa ulo niya saka siya maiuuwi," paliwanag ni Aling Sonya.
"Mabuti naman kung gano'n. O heto," ani Don Menandro habang inaabot ang nakasobreng pera.
"Tanggapin mo ito panggastos ninyo habang narito pa kayo sa Hospital. 'Wag mo na rin intindihin ang bill, ako na ang bahalang magbayad no'n," dagdag pa niya.
Hindi naman kaagad tinanggap ni Sonya ang sobre.
"N-naku, nakakahiya naman ho sa inyo, Don Menandro at Donya Soledad. Malaking bagay na po na nailigtas ninyo ang anak ko at maipakulong ang walanghiyang lalaki na 'yon." Nakayukong sambit nito.
Kaagad na kinuha ni Donya Soledad ang mga kamay ni Sonya saka inilagay na roon ang sobre.
"Huwag kang mag-alala, Sonya. Kung ayaw mo, pwede mo namang ibalik yan kapag nagtatrabaho ka na ulit sa tubuhan. Ibabawas namin paunti-unti sa sasahurin mo,"
Sa narinig ay kaagad na sumang-ayon si Sonya. Kinuha niya ang sobre at saka ibinulsa.
"Pero, hindi ka obligadong magbayad kaagad, Sonya." Paalala ni Don Menandro.
Tumango naman ng sunod sunod si Sonya.
"Maraming salamat po sa inyo. Hindi ko makakalimutan ang kabutihan ninyong ito sa amin," naluluhang pahayag niya.
"I-inay?" Mahinang tawag ni Andres.
Naglingunan ang lahat sa gawi ng bata. Maging si Rosana ay labis na natuwa ng makitang nakadilat na si Andres at nakatingin sa kanyang ina…