Matapos namin makapagbanlaw ng katawan sa balon na malapit lang naman sa fishpond ay nagpasya na kaming maghiwa-hiwalay upang makauwi. Hapon na at siguradong pagod na rin sina Andres at Rosana gaya ko.
"Hindi mo ba kami pamemeryendahin, Joaquin?" tanong ni Rosana.
Sabay kaming napalingon ni Andres kay Rosana.
"Hay naku, Joaquin. 'Wag ka na magtaka kay Rosana. Palagi namang gutom 'yan, e." Natatawang sambit ni Andres.
Napailing ako at natawa. Tama naman si Andres, bukod sa palagi itong naiinis, naging hobby niya na rin yata ang kumain ng kumain.
"Hoy, Andres, ako lang ba ang matakaw?" umirap pa ito kay Andres.
"Ayan, tingnan mo nagkakandahaba nanaman 'yang nguso mo." Nakaturo pa si Andres sa mukha ni Rosana kaya lalo lang itong nabuwisit.
"Tumigil na nga kayo," pigil ko sa kanilang dalawa.
"Sige na, dadaan tayo kay Aling Nena para makabili ng meryenda."
Si Aling Nena ang nagtayo kailan lang ng lutong meryenda malapit sa tubuhan at masarap naman ang mga luto niya kaya pumatok ito sa kanilang mga trabahador at kalugar.
Masayang ngumiti si Rosana at saka nagpatiuna na sa paglalakad.
"Sana may ginataang kamote si Aling Nena," mahinang sambit ni Rosana.
"Meron 'yan," sagot ko sa kanya.
Dahil halos takbuhin namin ang daanan papuntang pwesto ni Aling Nena ay madali kaming nakarating doon. Nadismaya nga lang si Rosana dahil wala na kaming inabot na ginataang kamote. Anito ay kauubos lang bago kami dumating.
"Bukas kung gusto ipagtatabi kita ng para sa 'yo para hindi ka nauubusan." nakangiting suhestiyon ni Aling Nena.
"Magandang ideya po 'yan, Aling Nena. Para naman hindi namin nakikitang gutom itong si Rosana," muling pang-aasar ni Andres.
Inis na tumalikod na lamang si Rosana at gaya kanina ay nakasimangot ito.
"Aling Nena, pabili na lang po ako ng tatlong banana cue at tatlong buko juice," magalang kong sambit sa kanya.
Ngumiti naman siya sa akin saka iniabot ang binibili ko.
"O, eto na lang muna, Rosana. Bukas sisiguruhin ko na may matitira sayong ginataang kamote." Nakangiti kong saad sa kanya habang inaabot ang banana cue.
Hindi siya kumibo pero dagli niya namang kinuha iyon at ngumiti sa akin.
Maya maya ay ginulo ni Andres ang buhok ni Rosana. "Pakabusog ka," aniya.
Inis na inalis ni Rosana ang kamay ni Andres sa kanyang ulo na ikinatawa naman ni Andres. Maging ako ay natawa sa pagkukulitan nilang dalawa.
Simula ng maka-move on si Andres mula sa mapang-abusong kamay ni Manong Karding noon ay naging masiyahin na ito. Tinulungan namin siya ni Rosana upang kahit papa'no ay makalimot ito sa mapait na karanasang iyon.
Gayundin naman si Aling Sonya. Hindi na siya naghanap pa ng makakasama sa buhay. Gaya ni Daddy, nagpokus na lang din siya kay Andres at sa pagtitinda sa palengke.
"Tara, uwi na tayo habang kumakain," yaya ko sa dalawa.
"Tara na, iwanan na nga natin 'yan si Andres," mabilis na lumapit si Rosana sa akin at hinila ako sa kamay.
Nilingon ko si Andres na natatawa pa ring nakasunod sa amin.
"Bakit ba kasi naiinis ka pa rin kay Andres e palagi ka naman niyang inaasar?" Tanong ko kay Rosana.
"Sinong matutuwa sa kanya? Palagi akong inaasar na gutom palagi?" Ani Rosana sabag irap kay Andres na noo'y nasa tabi niya na.
"Bakit? Totoo naman, e. Kapag gutom ka palagi kang nakasimangot," si Andres.
Nagulat ako ng biglang umigkas ang braso at kamay ni Rosana. Sinapak niya pala sa tiyan si Andres.
Impit na dumaing si Andres, alam kong hindi naman iyon kalakasan at nagpanggap lang si Andres na nasaktan upang ma-satisfy siguro si Rosana.
"Sa susunod mas malala pa diyan ang aabutin mo!" Dinuduro pa nito si Andres.
Lihim kaming nagkindatan ni Andres. Huwag lang umuwi si Rosana na may sama ng loob sa isa sa kanila.
Inihatid muna namin si Rosana saka kami umuwi ni Andres. Solo kong tinahak ang daan pauwi sa bahay. Gaya ng nakalipas na ilang linggo, palagi akong masaya tuwing matatapos ang araw dahil sa dalawa kong kaibigan.
Napahinto ako ng mapatapat sa gate ng bahay namin. Tila may bagong kotse ang nakaparada roon. Kumunot ang noo ko, hindi kasi pamilyar ang hitsura ng sasakyan sa mga palaging bumibisita kay Daddy..
Pero sa kabilang banda, baka bagong kaibigan din ni Daddy na galing kung saan. Nagkibit-balikat ako saka binuksan ang gate at pumasok na sa loob.
"Dad, I'm home," sigaw ko habang nagmamadaling umakyat sa aking kwarto. Ito ay upang makaligo at makapagbihis na rin ako ng malinis na damit.
Wala akong narinig na sagot mula kay Daddy, binalewala ko naman iyon at nagpokus sa dapat kong gawin. Siguro ay mamaya ko na lang siya kukwentuhan ng tungkol sa maghapon ko.
Matapos makapaglinis at makapagbihis ay bumaba na ako. Nakapambahay lamang ako sapagkat ang gabing ito ay oras naman namin ni Daddy. Magkukwentuhan kami hanggang magdamag at inaamin kong natutuwa ako dahil sa oras na inilalaan niya sa akin.
Dumeretso ako sa kusina pero si Nanay Ising lamang ang naroon at nagluluto ng hapunan.
"Magandang gabi po, Nay." Malakas kong bati sa kanya. Lumingon siya sa akin at saka ngumiti. Tila may kakaiba sa kanyang mukha, nabasa ko ang kakaibang lungkot sa kanyang mata habang nakangiti.
"Nay, bakit po?" Nagtataka kong tanong.
"Nasaan po si Daddy?"
Inginuso ni Nanay Ising ang pintuan palabas sa aming mini-garden kung saan may maliit na den. Naroon din ang paborito ni Daddy na swing.
Tumungo ako sa pintuan at saka marahang binuksan ang pinto. Nakatalikod na katawan ng babae ang bumungad sa akin paglabas ko doon. Nakaharap siya kay Daddy at wala silang imikan.
Kinabahan ako, kailanman ay hindi nagpapasok si Daddy ng babae sa aming bahay. Ang madalas na bumibisita sa kanya ay puro lalaki at ang iba ay mag-asawa na nais bilihin ang aming mga lupain pero alam kong hindi isinusuko ni Daddy iyon.
Mag-aasawa na ba ulit si Daddy?!
Pero nangako siya sa akin!
Tatalikod na sana ako upang bumalik sa loob ng bahay habang hindi pa nila ako napapansin ng marinig kong magsalita ang babae.
"Sige na, Menandro. Kahit ngayon lang ay pagbigyan mo ako," pamilyar ang tinig na iyon sa akin!
Hindi ako tumuloy sa pagpasok at nagkubli na lamang sa pader kung saan hindi nila ako makikita.
"Hindi ako makapapayag, Soledad!" Mariing sambit ni Daddy.
Natutop ko ang sariling bibig pagkarinig sa pangalan ni Mommy! Sinasabi ko na nga. Kayapamilyar ang tinig niya.
"At saan mo ititira ang anak ko? Sa bahay ninyo ni Manuel kasama ang anak ninyo? Baka gawin mo pang taga-pag alaga ang anak ko doon," mahina ngunit galit ang boses na iyon ni Daddy.
Anak nila Ninong Manuel at Mommy?!
Hindi ako makapaniwala sa naririnig ko.
May kapatid pala ako? Hindi ko mawari ang dapat na maramdaman. Mariin kong pinigil ang sariling hininga gayundin ang mapabulalas ng iyak at makapag-ingay.
"Bakit naman namin siya pag-aalagain ng kapatid niya? May Yaya si Emmanuel at apat na taon na rin siya. Hindi ba dapat lang naman na makilala ni Joaquin ang kapatid niya? Isa pa, naisip ko lang na mas magaganda ang mga eskwelahan sa Maynila.Marami siyang pagpipilian kung saan pwede siyang makapag-aral ng mas mahusay, kaysa dito sa probinsya," pagpupumilit ni Soledad.
Ayoko! Hindi ko na kailangan makilala ang kapatid ko... masaya na akong mag-isa kasama sina Andres at Rosana.
Hindi ko kailangan ng bagong kapatid.
Gusto ko sanang ibulalas iyon pero wala akong lakas ng loob. Hindi pa rin ako handang harapin si Mommy.
"Bakit hindi si Joaquin ang tanungin mo kung gugustuhin niyang sumama sa 'yo, Soledad?" Malamig na tugon ni Don Menandro.
"Alam mo naman na hindi yun gano'n kadali. Kaya nga ikaw ang kinakausap ko, para din naman 'to sa anak natin."
"Talaga bang para lang 'to kay Joaquin? O nagi-guilty ka na rin sa pang-iiwan mo sa kanya at gusto mong makabawi man lang para mabawasan ang kasalanan mo?" Sarkastikong pahayag ni Daddy.
"Sabihin na nating nangungulila ako sa kanya, miss na miss ko na ang anak natin, Menandro," tila umiiyak na saad ni Mommy.
"Pag-iisipan ko," maya maya'y sambit ni Daddy.
Nataranta ako at napailing kaya nagpasya na lang akong bumalik na sa loob ng bahay.
Ng akmang bubuksan ko na ang pinto ay nagulat pa ako ng biglang bumukas iyon at tumambad doon si Nanay Ising na may dalang dalawang tasa at thermos ng kape.
Nagulat pa siya ng makita akong nagtatago sa gilid. Nakita ko ang awa sa kanyang mga mata. Sumenyas ako na huwag siyang maingay, kaagad naman siyang tumango. Ng lampasan niya ako ay saka ako pumasok sa loob. Dumeretso ako sa kwarto ko at ini-lock ang pinto.
Nagtakip ako ng unan sa aking mukha saka ko inilabas ang kanina pa pinipigil na luha. Kailan ko ba huling ginawa ang ganito?
Ah, matagal na at dahil din 'yon sa gustong pakikipag-hiwalay ni Mommy kay Daddy.
Ngayon ay naririto nanaman siya at gusto naman akong kunin? Ang masakit pa, bakit parang hindi rin ako kayang ipaglaban ni Daddy?
Hindi! Hindi ako papayag na basta niya na lang ako kukunin at isasama matapos niya akong iwanan ng wala man lang paalam.
Kung hindi ako kaya ipaglaban ni Daddy, pwes ako ang magtatanggol sa sarili ko.
Hindi na ako lumabas pa at hinintay na lang sila o si Daddy na magpunta sa kwarto ko. Maya maya ay may narinig na rin akong pag-alis ng isang sasakyan. Mula sa bintana ay natanaw ko ang papalayong kotse ni Mommy. Sa kanya pala ang bagong kotse sa labas kanina.
Nagpakawala ako ng buntong-hininga saka malungkot na tinanaw si Mommy. Talagang hindi niya man lang ako sinilip o hinanap. Sa isiping iyon ay napailing iling ako at nakabuo ng isang desisyon.
"Anak, hijo nariyan ka na ba?" Tawag ni Daddy.
Naupo ako sa kama at saka kinuha ang paborito kong libro. "Opo," sagot ko.
Maya maya'y pumasok na si Daddy at saka naupo sa tabi ko.
"Nuod tayo o kwentuhan?" Nakangiti niyang tanong sa akin.
"Bakit hindi mo ako ipinaglaban kay Mommy, Daddy?" Walang paligoy ligoy na tanong ko sa kanya. Nakita ko ang pagkabigla sa mukha niya at agad na pamumutla.
"Siya yung umalis kanina lang, 'di ba? Dapat na ba akong maawa sa sarili ko dahil hindi niya man lang ako tiningnan o sinilip?"
"Hijo,"
"Ayoko, Daddy. Hindi ako sasama sa kanya," pagmamatigas ko saka muling binalikan ang libro ko.
Nakatingin lang ako roon pero hindi ko mabasa kung ano ang nakasulat doon. Tila blangko ang isip ko.
"Pakinggan mo rin sana ako, Joaquin," malungkot ang mukha ni Daddy.
Nagpasya akong isara ang libro at tingnan siya sa mukha.
"Tama ang Mommy mo. Mas magaganda ang eskwelahan sa Manila. Mas maganda ang opurtunidad na naghihintay sa 'yo doon. Saka magiging panatag ako dahil nasa puder ka naman niya."
Sa narinig ay tuluyan nang tumulo ang luha ko. Hindi ako makapaniwala na ganito kabait si Daddy. Maging ako ay handa niyang ilayo sa kanya magkaroon lang ng magandang buhay.
Niyakap ko siya ng mahigpit.
"Hindi, ayoko Daddy. Kung sasama ka sa akin, tayong dalawa sa Manila. Kaya naman natin, papayag ako. Hindi kita iiwanan dito." Desidido kong sambit.
Inilayo niya ako sa kanyang katawan at hinawakan sa magkabilang balikat.
"Pero hindi ko maaaring iwanan ang negosyo natin dito, Anak. Paano sila?" Ang tinutukoy niya ay ang mga trabahador sa tubuhan at palaisdaan.
Naisip ko rin iyon pero hindi pa ako handang mawalay sa kanya maging sa lugar na ito.
"Dad, bigyan mo ako ng panahon para makapag-isip. Sa bakasyon, ibibigay ko ang sagot ko," Malumanay kong pahayag sa kanya.
Siya naman ang yumakap sa akin at saka tinapik tapik ang likod ko.
"Magdesisyon ka ng maluwag sa iyong puso, Anak." Aniya...