ROSANA'S POINT OF VIEW
Dahil siguro sa pagod kaya nais kong matulog na pero nakasimangot na mukha ni Inay ang bumungad sa akin pagpasok pa lang sa pintuan.
Wala namang bago sa kanya pero alam ko kapag dahil lang sa pagod ang pagsisimangot niya o dahil galit talaga siya. Ang hitsura niya ngayon ay yung tipong mananakit anumang oras.
Kaagad akong kinabahan.
"Anong oras na, Rosana?"
"A-ah, kasi po pi-"
"Ang tinatanong ko, kung anong oras na?!" Sigaw niyang tanong ulit sa akin.
Natigagal ako, tiningnan ko ang paligid, mamula mula pa ang papadilim na ulap. Kung hindi ako nagkakamali, alas sais pasado na.
"S-siguro ho, alas sais na?" Kinakabahang tugon ko na halos patanong na rin.
"Tama! Alam mo naman pala kung paano tumingin ng oras kahit sa ulap lang. Bakit hindi mo magawang umuwi ng mas maaga, ha? Anong palagay mo sa akin dito, katulong ninyo? Aba naman, Rosana. Ikaw lang ang aasahan kong makakatulong sa akin ng mas maayos dito. Linggo linggo mong ginagawa 'yan pero wala ka namang napapala!" Animo'y armalite ang tinig ni Inay habang mabilis na binibigkas ang mga salitang iyon.
Nagyuko ako ng ulo at hindi na kumibo pa. Alam kong isang maling sagot lang ay magpapanting agad ang tainga niya at pansamantala akong mabibingi dahil sa isang malakas na sampal.
"Bukas, bukas aalis ka nanaman, 'di ba?" Tanong niya sa akin.
Hindi ko alam kung iiling ako o tatango. Alam niya namang tuwing linggo ay nagyayaya ng picnic si Joaquin.
"M-magsasabi na lang po ako kay Joaquin na hindi ninyo ako papayagan, Inay." Mahinang tugon ko.
Narinig ko pa ang pagpapakawala niya ng buntong-hininga saka ako tinalikuran. Talagang hindi yata ako makakasama bukas.
Nalungkot ako sa isiping iyon pero hindi ko na pinahalata. Pumasok na rin ako sa loob ng bahay. Napansin ko na malinis ang buong bahay gayundin ang tambak na labahang iniwan ko kaninang umaga. Halos wala ng kalat na damit na nakasampay kung saan saan. Tila naglinis nga si Inay ng buong bahay.
Kaagad akong nakaramdam ng konsensya. Tumingin ako sa likod bahay at nakita kong nakasampay doon ang sarkaterba naming mga damit. Baka kaya siguro gano'n na lang ang galit ni Inay sa akin. Hindi ko man lang siya natutulungan sa bahay.
Lumapit ako sa kanya at saka siya niyakap mula sa likuran.
"Sorry po, Inay. Siguradong pagod na pagod kayo maghapon," naiiyak kong sambit sa kanya.
"Hindi lang ako ang pagod, pati na mga kapatid mo dahil sila lang ang tumulong sa akin," malamig ang tinig niya.
Bumitaw ako sa pagkakayap sa kanya saka tinungo ang mga kapatid kong nakaupo sa kawayang sofa.
"Kain na kayo? Sasandukan ko kayo," nakangiti kong sambit sa kanila.
"Pagod kami, Ate. Nasaan ka ba kasi palagi? Wala namang pasok sa school, e." Si Ricky iyon.
"A- e, hayaan niyo bukas dito lang ako maghapon. Ako na ang maglilinis sa labas ng bahay at magtutupi ng mga nilabahan ni nanay."
"Nilabahan namin nila Inay, Ate," mariing sambit ni Roldan, ang pangalawa kong kapatid.
Nangiti ako sa narinig. Tila nanlalaki pa kasi ang mga mata nito at nang-iirap habang nakatingin sa akin. Kalalaking tao, ang taray taray.
"Oo nga pala, nilabahan niyo. Sorry," pagtatama ko sa nauna kong nasabi.
"Hihintayin na natin ang itay ninyo para sabay sabay na tayong makakain," si Inay iyon.
Tahimik kaming naghintay sa pagdating ni Itay. Wala kaming imikan at pakiramdam ko ay pagod din talaga silang lahat.
Gusto kong ipikit ang mga mata ko pero patuloy ko iyong nilalabanan. Sa labasan ako napagod at walang napala samantalang si Inay at ang tatlo kong kapatid, nalinis yata ang buong bahay pati bahay ng gagamba sa sulok sulok ay inalis din nila.
"O, bakit parang namatayan ang mga mukha niyo diyan?"
Sabay sabay kaming napalingon sa pintuan. Si Itay ang naroon, nakadungaw ito sa pinto habang nagtatakang nakatingin sa amin.
Sabay sabay kaming lumapit sa kanya upang magmano.
"Bakit ang tahimik ninyo? Kinakabahan tuloy ako, e," aniya ulit.
"Pagod lang ang mga bata, Tonyo. Naglinis kami ng buong bahay at naglaba ng mga maruruming damit. Ikaw na lang ang hinihintay para makakain na," paliwanag ni Inay sa kanya.
"Gano'n ba, kung gayon e tayo na pala ng makakain na," dagling yaya ni Itay sa amin.
"Hindi ka ba muna magkakape at magpapahinga?" Takang tanong ni Inay habang kinukuha ang maruming damit na hinubad ni Itay.
Mariing umiling si Itay.
"Mamaya na siguro pagkatapos kumain para makapagpahinga na rin kayo agad ng mga bata," nakangiting sambit ni Itay.
Nagkusa na rin siyang magsandok ng pagkain at pinaupo na lamang si Inay. Ilang sandali pa ay tahimik na kaming naghahapunan.
"Ako na rin pala ang maghuhugas, Rosing. Sabayan mo na magpahinga ang mga bata pagkatapos natin kumain," banggit ulit ni Itay.
Mula kanina ay ngayon ko lang ulit nakitang ngumiti si Inay ng gano'n katamis. Wala namang bago kay Itay, kapag nakikita niyang labis ang pagod ni Inay ay siya na ang gumaganap sa maiiwang gawain nito lalo na sa gabi.
Ako man ay lihim na napangiti pero dahil wala naman akong ginawa maghapon dito sa bahay, nagboluntaryo akong akuin ang hugasin.
"Ay, Itay, ako na lang po ang maghuhugas,"
Subalit umiling lang ulit si Itay.
"Ako na lang, Rosana. Alam kong pagod ka rin sa tubuhan at palaisdaan kanina. Nabanggit nga pala ni Don Menandro na sa susunod na taon, bibigyan niya na kayo ng sahod sa pagtulong sa tubuhan para may panggastos na raw kayo para sa sarili ninyong pangangailangan. Kalahati ng sahod namin. Malaking bagay na iyon, hindi ba?" Nakangiting paliwanag ni Itay.
Nagulat ako at hindi ko mapigilang mapamangha sa narinig.
"Talaga po, Itay?" Nakangiti kong tanong sa kanya.
Masaya siyang tumango bilang tugon.
"Nagpapasalamat din daw siya dahil palagi ninyong sinasamahan si Joaquin. Maaga raw natututo ang anak niya sa mga dapat malaman sa hacienda dahil sa inyo ni Andres."
Napangiti ako ng maluwang sa narinig. Maging si Inay ay medyo gumanda na rin ang awra at ang mga kapatid ko.
"At saka nga rin pala," muling saad ni Itay, napakamot pa siya sa ulo ng tila may maalala.
"Iniimbitahan niya rin pala tayo bukas sa madalas ninyo daw pag-picnic-an nila Joaquin kasama si Aling Sonya at Andres. May kaunting salu-salo raw silang ihahanda."
Tila na-e-excite na nagpalakpakan ang mga kapatid ko maliban kay Roldan.
"Talaga, Tay? Sasama tayong lahat bukas?" Masaya kong pahayag.
"Bakit gusto mo ba ikaw lang?" Kaagad na singit ni Roldan na ikinabigla ko.
"H-hindi naman sa gano'n," tanggi ko.
"Roldan, saan naman galing yung tanong na yun?" Gulat na sambit ni Itay.
Hindi na kumibo pa si Roldan at nagpatuloy na lang siya sa pagkain.
Ngayon ko lang napansin na talaga palang inis siya sa akin. Akala ko kanina ay namimilosopo lang siya o nagtataray-tarayan. 'Di bale, bukas ay babawi na lang ako sa kanya.
Kinabukasan ay maaga kaming nagising. Naglinis muna ako ng paligid at tumulong kay Inay sa pagluluto ng almusal. Hapon pa naman ang imbistasyon sa amin kaya marami pa akong pwede gawin.
Nagtaka lang ako dahil ang akala ko ay magiging okey na kami ni Roldan pero tila galit pa rin ito sa akin.
Ipinagtimpla ko siya ng kape ng makita kong gising na siya at kasalukuyang nakaupo sa sofa.
"Kape mo, Roldan." Nakangiti kong inabot sa kanya ang tasa ng kape saka ko siya tinabihan sa upuan.
"Galit ka ba kay Ate?" Panimula ko.
Hindi siya kumibo. Maging ang kapeng ibinigay ko sa kanya ay hindi niya man lang ginalaw o tinapunan ng tingin.
Hinawakan ko siya sa balikat pero marahas niya iyong tinanggal.
"Ano ka ba, Rosana? Ang aga aga mo naman mangulit. Umalis ka na nga lang kaysa nambubwisit ka dito," mahina subalit mariin niyang sambit.
Nagulat ako at hindi ako makapaniwala sa sinabi niya. Dalawang taon lang ang tanda ko sa kanya kaya nasanay na rin ako na hindi niya ako tinatawag na Ate pero hindi ako sanay na binabastos niya ng ganito.
"B-bakit ka ba nagagalit sa akin, Roldan?" Takang tanong ko.
"Wala, wag mo ng alamin!" aniya saka ako tinalikuran.
Pinagmasdan ko na lang siya habang papunta sa kusina at ang kape na tinimpla ko. Ako na lang siguro ang iinom nito.
Alas dos ng hapon na. Nakagayak na kaming lahat maliban kay Roldan na noo'y nagbabasa lamang ng komiks habang naka-upo sa sofa.
"Ano ba, Roldan? Hindi ka ba sasama?" Narinig kong tanong ni Itay sa kanya.
"Ayoko ho, Tay. Magtitiklop na lang ako ng mga damit mamayang hapon. Saka baka umulan din, walang magsisilong," paliwanag niya kay Itay.
Tiningnan ako ni Inay at pakiramdam ko ay dapat akong makunsensiya. Nangako kasi ako kahapon na hindi aalis at ako ang gagawa ng pagtitiklop.
Naglakas loob akong magsalita ulit.
"A-ako na lang po ang maiiwan dito, Itay," mahina kong pahayag.
"Hindi na, ako na lang. Sayang naman nakabihis ka na, e mukhang kaninang umaga ka pa excited." Sarkastikong saad ni Roldan. Nakangisi ito at naiiling.
"Walang maiiwan!" Medyo malakas ang boses ni Itay. Palatandaan na malapit na itong mainis.
"Magbihis ka na, Roldan." Dominanteng utos ni Itay. Kapag ganoon na ang tinig niya ay kailangan na siyang sundin dahil hindi namin gugustuhin ang magiging kasunod noon kapag nagkataon.
Dagling tumayo si Roldan at nilampasan ako. Sinadya niya pang sagiin ang balikat ko na hindi naman nakita ni Itay dahil busy siya sa paglalagay ng sinturon sa beywang niya.
Tahimik kaming naglakad papuntang fishpond. Naroon na sina Andres at Aling Sonya gayundin si Don Menandro at Joaquin. Hindi rin mawawala si Ate Marina, Kuya Nestor, at Nanay Ising.
Masayang kumaway sa akin sina Joaquin at Andres. Gumanti naman ako kaagad ng kaway at malaking ngiti subalit narinig ko ang tila pagbulong ni Roldan ng kung ano. Hindi ko lang iyon masyadong naintindihan kaya binalewala ko na lamang.
Kaagad na nagkamay sina Inay, Don Menandro, Itay, at Aling Sonya bago kami naupo sa mahabang upuang nakapalibot sa malaking lamesang kahoy.
"Finally, personal ko na rin kayong mapapasalamatan sa pagpapahiram ninyo ng anak niyo kay Joaquin tuwing weekends. Maaga niyang natutunan ang hirap ng mga manggagawa at matutong tumulong sa kanila, sa inyo," nakangiting panimula ni Don Menandro.
Nakangiti lamang habang nakikinig sina Itay at Inay gayundin si Aling Sonya.
Kami naman nila Andres at Joaquin ay tahimik ding nakaupo at nakikinig.
"Sa susunod na taon ay plano kong bigyan na rin sila ng sahod sa pagpapagod nila at dahil tuwing sabado at linggo lang naman sila makakatulong, gagawin kong kalahati ng sweldo ng mga manggagawa kada araw ang magiging sahod nila, gayundin si Joaquin syempre," anito saka tumingin kay Joaquin at tinapik ang balikat nito.
Tiningnan ako ni Joaquin at masaya akong ngumiti sa kanya. Hindi man namin magagawa ang gusto namin dahil nariyan ang magulang namin, ang importante ay nagkasama-sama kami ngayong araw.
"Ang tanong ko ho ngayon, payag ba kayo sa ganoong bagay?" Nakangiting tanong ni Don Menandro.
"Aba, e mas maigi ho ang ganoon, Don Menandro," Kaagad na tugon ni Inay.
"Oo nga po, kaysa naman palaging wala si Rosana sa bahay at sa akin napupunta lahat ng gawain niya. Maiging sahuran niyo na lang siya para may mapala naman siya tuwing aalis ng bahay," maya maya'y singit ni Roldan sa usapan...