KABANATA 20: SA TAMBAYAN

1917 Words
Ng makarating sa kanilang tambayan ay agad na nagtabi tabi ang tatlong bata. Gaya kanina ay nasa gitna pa rin nila si Rosana habang nakalaylay ang mga paa nila sa tubig at kumakain ng binili nilang pagkain. "Hanngang anong oras tayo magtatagal dito?" Tanong ni Joaquin. "Hindi ko rin alam. Ikaw? Hanggang anong oras mo ba gusto?" Si Andres iyon. "Gusto ko sana magtagal ng kaunti. Kung okey lang sa inyo na samahan ako kahit bago mag-gabi?" "Oo naman!" Mabilis na tugon ni Rosana. "Talaga? Sige." Nakangiting tugon ni Joaquin. "Ano'ng gagawin mo kung magkahiwalay nga ang Mommy ay Daddy mo, Joaquin?" Curious na tanong ni Rosana. Pansamantalang hindi kumibo si Joaquin. Ilang sandali pa ay napakibit-balikat na lang ito. "Ikaw, Andres? Paano mo nakaya noong nawala ang Itay mo?" Tanong ulit ni Rosana sa isa pang kababata. "Magkaiba naman kami ng pagdadaanan ni Joaquin. Kasi si Itay, namatay pero yung kay Joaquin, maghihiwalay lang. Siguro para sa akin mas madaling tanggapin yung maghihiwalay na lang sila kasi alam ko na parehas pa silang buhay. Kaysa may isang mamamatay." Mahabang paliwanag ni Andres. Umiling si Joaquin bilang tugon. "Mali ka, Andres. Mas matatanggap ko na iiwan ako dahil namatay ang isa sa kanila. Kasi wala naman akong magagawa kapag kailangan na sila ni God sa langit kaysa malaman ko na hindi na mahal ni Mommy si Daddy at may iba na siyang mahal kaya niya kami iiwan," malungkot na pahayag ni Joaquin. Hindi niya namalayan na naibulalas niya na pala ang tunay na dahilan ng paghihiwalay ng kanyang mga magulang. Takang nagkatinginan sina Andres at Rosana. Maging sila ay nalungkot sa narinig na dahilan ng kaibigan. "Pero, Joaquin. 'Di ba marami naman kayong pera? Saka naibibili naman ni Don Menandro ng gusto niya ang Mommy mo kaya paanong 'di na siya mahal ni Donya Soledad?" Hindi makapaniwalang tanong ni Rosana. "Narinig ko lang na hindi daw sapat yung pera lang. Hindi ko rin maintindihan," malungkot na tugon ni Joaquin. "Kasi sila Inay at Itay ang madalas lang naman pinag-aawayan pera. Kaya alam ko yun ang problema ng maraming tao. May problema din pala ang mayayaman, no?" Inosenteng tanong ni Rosana. "Buti pa nga kayong mahihirap, pera lang ang sulusyon sa mga problema niyo. Samantalang kami, hindi kakayanin ng kahit gaano karaming pera ang problema namin." "Bakit hindi mo sila subukang kausapin?" Tanong ni Andres. "Gumawa ako nang paraan kagabi pero parang 'di umubra, e." "Subukan mo silang kausapin, Joaquin. Baka magbago ang isip nila kapag sinabi mo na ayaw mong magkahiwalay kayong tatlo," suhestiyon din ni Rosana. "Sige, susubukan ko mamaya," sa huli ay napasang-ayon na rin si Joaquin. "Pero, paano kung tumuloy pa rin si Mommy sa pang-iiwan sa amin?" "Wala na tayong magagawa do'n, Joaquin. Sila ang matanda kaya siguro alam nila kung ano ang dapat nilang gawin." Si Andres. "Siguro dapat tanggapin mo na lang ang katotohanan. Hindi ka naman malulungkot, e. Nandito naman kami ni Andres. Saka naroon sa inyo si Yaya Marina at Nanay Ising. Gusto mo palagi ka naming dalawin ni Andres doon ay maglaro tayo?" "Salamat sa inyo," malungkot na ngumiti si Joaquin sa mga kaibigan. "Gawin natin yan pero ngayon, gusto ko sana na maging ok muna sila." "Tutulungan ka namin magpray na maging okey na ang Mommy at Daddy mo Joaquin. Diba, Andres?" Tumango naman ng sunod sunod si Andres. "Oo naman," nakangiting sambit nito. "Teka, nararamdaman niyo ba 'yon?" Tanong ni Joaquin. "Ang alin?" Si Rosana. "May nararamdaman ako sa paa ko, e." Sabay sabay na tiningnan ng mga bata ang paa nilang nakalubog sa tubig. Naroon nga ang ilang isdang tilapya at tila nanginginain sa mga nalalaglag nilang butil ng kamote cue. "Wow!" Mahinang bulalas ni Rosana. "Tara manghuli tayo?" Yaya ni Andres. "Paano? Wala naman tayong pamingwit na dala." "Hmm," nag-isip si Andres. Ilang sandali pa ay masaya nitong kinuha ang kanyang bag at inilabas ang yarn mula roon at ang notebook na may spring. Matapos pumutol ng kaunting bakal sa spring ay binalatan niya iyon. Natawa ng mahina si Rosana. "Sa tingin mo makakahuli ka ng isda gamit yan?" "Basta, manuod na lang kasi kayo! O, huwag mo ubusin 'yang kamote cue, gagamitin ko ang iba niyan. Bilin pa ni Andres. Matapos makakuha ng spring ay inarko niya itong animo'y isang taga na panghuli ng isda. Pumalakpak si Joaquin sa nakikitang creativity ng kaibigan. "Ang galing mo naman, Andres!" "Syempre naman, ako pa? Anak yata ako ng isang mahusay na mangingisda," Pagmamalaki niya sa mga kaibigan. Si Rosana naman ay nakamasid lang at hindi siya sigurado kung makakahuli ba ang kaibigan o hindi. Matapos maiayos ang taga sa dulo ng yarn at malagyan iyon ng kamote cue ay naghanap naman ng matibay tibay na sanga ng kahoy si Andres at ipinulupot doon ang natitirang haba ng yarn. Ilang sandali pa ay inilagay niya ang nagawang panghuli sa kanyang paanan at matiyagang hinintay na gumalaw 'yon. Maging sina Joaquin at Rosana ay nae-excite sa panghuhuli ng kaibigan. Ilang sandali pa ang lumipas at naramdaman na ni Andres ang paggalaw ng tali sa kanyang paanan at ang pagbigat nito. Dahan dahan niya iyong iniangat at pare-parehong nanlaki ang mga mata nila ng makita ang malaking tilapya na nakakagat sa dulo ng yarn. Panay ang pasag nito kaya sa bago pa man mahawakan ni Andres ang isda ay nakawala na ito at nakabalik sa tubig. Nakita nila ang taga na ginawa ni Andres ay naging deretso na. Dismayadong dismayado ang mga bata sa nasaksihan. Panay naman ang kamot sa ulo si Andres. "Sayang! Nakita niyo yun? Ang laki pa naman," ani Andres. "Kaya nga, sayang! Hindi kasi matibay yung taga mo, Andres," si Rosana. "Makakahuli pala tayo kahit ganito lang. Hayaan mo, bibigyan kita ng maraming taga, Andres. Para hindi na makawala yung mga isda sa susunod." Nakangiting sambit ni Joaquin "Sige, dalhin mo bukas tas bili ulit tayo ng kamote cue at balik tayo dito." Masayang suhestiyon ni Rosana. Sumang-ayon naman ang dalawang batang lalaki doon. Papalubog na ang araw ng maisipang tumayo ng magkakaibigan. "Ihahatid ka pa ba namin, Rosana?" Tanong ni Andres. "Kahit huwag na. Magkanya kanya na tayo kasi malapit na rin dumilim, o. Si Joaquin medyo malayo pa ang lalakarin." "Nako, okey lang naman ako. Magpahatid ka na kay Andres, Rosana." "Huwag na nga. Saka ano ka ba, Joaquin. Iisang daan lang naman ang tutunguhin namin. Ikaw nga itong diyan dadaanan, o." Ani Rosana sabay turo sa pakanang daanan. Sila kasi ni Andres ay sa kaliwang bahagi liliko. "Oo nga, no? O, sige na pala. Kita na lang tayo bukas doon sa waiting shed, ha?" Bilin ni Joaquin sa mga kaibigan. "Sige. O, galingan mo ang pakikipag-usap sa Mommy at Daddy mo, ha? Tapos k'wentuhan mo ulit kami nang mangyayari," Si Rosana iyon habang nagsusukbit ng bag. "Ipag-pray niyo ako, ha?" Si Joaquin ulit. "Makakaasa ka diyan," muling tugon ni Rosana. "O, pano? Tara na." Yakag sa kanila ni Andres. Mabilis namang sumunod ang dalawang bata dito hanggang sa maghiwalay na nga sila ng landas. Si Rosana ay hindi na talaga nagpahatid pa kay Andres at tumakbo na lamang ito patungo sa kanilang bahay. Sigurado siyang sasabunin nanaman siya ng kanyang Inay dahil ganitong oras na siya umuwi pero may nakahanda na siyang paliwanag sa Ina at umaasa siya na maiintindihan nito iyon. Gaya ng inaasahan. Nakakunot ang noo ni Aling Rosing pagdating niya sa pintuan ng kanilang bahay. "Ano nanaman ang palusot mo ngayon, Rosana?" Bungad nito sa kanya. "Inay, nagpasama lang po si Joaquin sa tambayan. Malungkot po kasi siya." Pagpapaliwanag ni Rosana. Pagkarinig sa pangalan ni Joaquin ay kaagad na nag-iba ang kanina lang ay masungit na ekspresyon nang mukha nito. "Si Joaquin ba kamo? Hindi ka nagsisinungaling?" Tila hindi pa rin ito kumbisido. Sunod sunod na iling ang ginawa ni Rosana. "Hindi po, Inay! Totoo po yung sinabi ko." "Kung gayo'n bakit daw siya malungkot, aber?" "Ano po.. Kasi sina Don Menandro at Donya Soledad daw maghihiwalay na, e." Kaagad na nanlaki ang mga mata ni Aling Rosing sa narinig at natampal nang mahina ang bibig ng anak. "Hoy, Rosana. Huwag ka ngang gumagawa gawa ng kuwento para lang maipalusot sa akin, ha?" Mahinang sambit nito. "Mamaya may makarinig sayo diyan!" "Pero, Inay. Hindi po ako gumagawa ng kuwento. Sinabi lang po 'yon ni Joaquin sa amin kanina." "Naku, ikaw na bata ka. Kapag nalaman ko na nagsisinungaling ka sa akin mayayari ka talaga. Hala, pumanhik ka na sa itaas at magpalit ng damit mo!" utos ni Aling Rosing. Gusto niyang paniwalaan ang sinasabi ni Rosana pero nag-aalangan din siyang nagsisinungaling lang ito. Pero kung sakali man, saan naman kukunin ni Rosana ang gano'ng ideya? Bata ito para magtagni ng gano'ng klaseng kwento. Napailing iling na lang siya saka hinarap ang kanyang sinaing na nakasalang. Mamaya ay tatanungin niya na lang ang kanyang asawa. Maghahain na ng hapunan si Aling Rosing ng saktong dumating si Mang Tonyo. "O, tamang tama ang dating mo. Heto, magkape ka muna habang naghahain ako ng hapunan," si Aling Rosing habang inilalapag ang kape sa tabi ng upuan ni Mang Tonyo. "Si Rosana, Nariyan ba? Tawagin mo nga." Utos nito sa asawa. "Nariyan. Gumagawa yata ng assignment niya. Bakit ba?" Nagtatakang tanong ni Aling Rosing. "Itatanong ko lang sana kung pumasok ba sa school si Joaquin. Maghapon kasing hindi nagpakita sa tubuhan si Don Menandro. Hindi niya pa naman ginawa 'yon kahit minsan," nagtataka ding pahayag ni Mang Tonyo sa asawa. "Gano'n ba. Ang alam ko sabi ni Rosana, kasama daw nila si Joaquin sa fishpond kaninang uwian at malungkot nga daw yung bata." "Malungkot? Bakit daw?" "E paano, maghihiwalay daw yata yung mag-asawang Don at Donya." Pabulong na sambit ni Aling Rosing. Si Mang Tonyo naman ang pinanlakihan ng mga mata. "Hoy, Rosing! Kailan ka pa natutong maki-tsismis?" Naiiling na sambit niya sa asawa. Kaagad siyang sinapok ni Aling Rosing. "Anong tsismis ba pinagsasabi mo, Tonyo? Si Rosana nga ang nagsabi sa akin. Ang akala ko nga ay nagsisinungaling lang siya, e." Pagpapaliwanag nito. Napaisip si Mang Tonyo. "Saan naman kukuhain ng anak mo yung ganoong kwento, Rosing. Nasaan ba siya at kakausapin ko?" "Naroon nga sa itaas! Akyatin mo na lang," pagtataboy ni Aling Rosing sa asawa. Kaagad na umakyat si Mang Tonyo sa kanilang papag. Inabutan doon ang anak na gumagawa ng takdang aralin. "Rosana," tawag pansin niya sa anak. Mabilis naman itong nag-angat ng tingin at lumapit sa ama upang magmano. "Bakit po, Itay?" "Ah- totoo ba yung sinabi mo sa Inay mo?" "Tungkol po saan, Itay?" "Tungkol kay Joaquin." Tumango si Rosana "Opo. Bakit po? Ayaw niyo rin maniwala sa akin?" "E, hindi naman sa ganoon, Anak. Pero kasi, syempre masyadong kumplikado ang mga ganyang usapan. Dapat hindi mo yan sinasabi kung kani-kanino lang, ha?" Bilin niya sa anak. "Kay Inay ko lang naman po sinabi, Itay." "Ganoon nga. Pero- nasabi rin ba sayo ni Joaquin kung bakit daw mahihiwalay sina Don Menandro at Donya Soledad?" Sasagot pa lang sana si Rosana ng may pumingot na sa tainga ni Mang Tonyo. "At ako pala ang tsismosa, ha? Halika nga dito at ubusin mo na yung kape mong matanda ka!" ani aling Rosing. Natawa at nailing na lamang si Rosana sa mga magulang. Naisip niya na mas maswerte pa rin siya kasi kahit naghihirap sila ay hindi nagagawang maghiwalay ng kanyang mga magulang.. Maswerte siya dahil buo at masaya pa rin sila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD