"Rosana, ano ang gagawin mo kung malalaman mo na maghihiwalay ang Nanay at Tatay mo?" Tanong ni Joaquin kay Rosana habang naglalakad sila patungong eskwelahan.
"Ha? A- e, 'di malulungkot. Bakit mo naitanong?" Nagtatakang tugon ni Rosana.
"Wala ka bang gagawin para pigilan sila?"
Nagkibit-balikat lamang si Rosana.
"S-siguro meron."
"Gaya ng ano?"
"Kakausapin ko sila."
"Ano namang sasabihin mo?"
Lumabi lamang si Rosana saka nag-isip sandali.
"Hindi ko alam. Teka, bakit ka ba tanong ng tanong? Hindi naman maghihiwalay sina Inay at Itay. Sigurado ako do'n. Takot lang ni Itay kay Inay." Natatawang pahayag ni Rosana.
"Bakit, Joaquin. Maghihiwalay ba sina Don Menandro at Donya Soledad?" Maya maya'y singit ni Andres na kanina pa nakikinig lang sa usapan.
Malungkot na bumuntong-hininga si Joaquin pagkatapos ay tumango.
"Parang gano'n na nga."
Doon lamang tila naintindihan ng batang si Rosana ang lahat.
"T-teka, paano mong nalaman 'yan, Joaquin? Sinabi ba nila sa 'yo? Hindi ba dapat tinatago muna nila?" Ani Rosana ng maalala ang ilang palabas na napapanuod sa TV sa tuwing may hiwalayang nagaganap sa isang pamilya.
"Hindi nila sinabi, narinig ko lang ng hindi sinasadya."
"Anong dahilan ba't sila maghihiwalay?" Muling tanong ni Rosana.
Nagkibit-balikat lamang si Joaquin. Wala siyang balak na ikwento sa mga kaibigan ang kasiraan ng kanyang ama at ina. Hangga't maaari, siya lamang ang pwede makaalam ng tunay na dahilan ng kanyang Mommy.
Gaya ni Joaquin ay tuluyan na ring nalungkot si Rosana habang si Andres ay tila hindi apektado sa naririnig na problema ni Joaquin. Galing na siya sa ganoong sitwasyon at mas malala pa nga ngayon pero nakakaya niya naman.
Ng makarating sa school ay sabay ng pumasok sina Andres at Joaquin sa kanilang classroom. Wala silang imikan. Madalas kasi ay si Joaquin ang nagbubukas ng usapan sa kanilang dalawa pero ngayon, mas okupado ang isip niya sa lagay ng kanilang pamilya kaya pinili niyang manahimik muna at mag-isip.
Natapos ang maghapon ng hindi namamalayan ni Joaquin. Hindi mawala sa isip niya ang inabutang eksena kanina sa kanilang bahay nang magising siya.
Nasa bar ng kanilang bahay ang kanyang ama. Doon na yata ito nakatulog habang sa tabi nito ay ang bote ng mamahaling alak.
Ng silipin niya ang kanyang ina sa kwarto ay nakatalukbong ito at tila tulog pa rin. Pakiramdam ni Joaquin ay hindi tumalab ang ginawa niya kagabi. Mabuti na lamang at naroon si Yaya Marina at Nanay Ising para asikasuhin siya.
Maging sa quizes tuloy at exams ay hindi niya nagawang magpokus.
Hindi niya alam kung ano ang susunod na hakbang kapag umuwi na siya. Hindi niya alam kung kakayanin ba niyang tanggapin na magkakahiwalay na talaga ang kanyang Mommy at Daddy.
Maglalakad lang sila ulit pauwi. Nakangiting mukha ni Rosana ang sumalubong sa kanila ni Andres habang papalabas sa gate ng eskwelahan.
"Joaquin, kamusta ka? Hindi ka lumabas ng school kaninang recess, a?" Si Rosana.
"Wala akong gana kumain," simpleng sagot niya.
"Nagugutom ako, ilibre mo naman ako, Joaquin." Masiglang sambit ni Rosana.
Gusto mahawa ni Joaquin sa sayang pinapakita ng kaibigan subalit sadyang mabigat ang kanyang pakiramdam. Dumukot lamang siya ng kanyang bulsa at iniabot kay Rosana ang kanyang wallet.
"Heto, mamili ka na lang ng gusto mo, Rosana. Pasensya ka na, mabigat lang talaga ang pakiramdam ko." Hingi ng paumanhin ni Joaquin.
Lumabi lamang si Rosana pero hindi na siya kumibo habang si Andres ay kunot-noong nakamasid lang din kay Rosana.
"Halika, Andres. Samahan mo akong mamili. Okey lang ba kahit magkano gastusin ko, Joaquin?"
Tumango lamang si Joaquin bilang tugon. Sa kanilang tatlo, siya lang ang may malaking pera sa kanyang wallet palagi. Palaging ibinibilin ng kanyang ama na huwag siyang magpapagutom at alam din daw nito na may biglaang gastos sa school minsan.
Kahit ginagawan siya ng pambaon ng kanyang Ina o Yaya Marina, palagi pa ring may inilalagay na pera si Don Menandro sa wallet niya- wallet na iniregalo sa kanya nito noong magsimula siyang mag-aral.
Hindi na nga mabilang ni Joaquin kung magkano na ang naroon basta ang alam niya, araw araw nilalagyan iyon ng kanyang ama. Ang ilang perang papel pa nga ay inilagay niya na lang sa kanyang damitan at itinago.
"Andres, yayain muna natin si Joaquin sa tambayan. Magmeryenda tayo doon para sumaya naman siya kahit papa'no." Animo'y matandang pahayag ni Rosana kay Andres habang namimili ng nilagang saging at kamote cue.
Namili na rin siya ng juice na iinumin nila.
"Wow, ang daming laman ng wallet ni Joaquin!" Mahinang bulalas ni Rosana nang mabuksan iyon.
"Hoy, para kang ewan diyan. Bilisan mo na, magbayad ka na nga," inis na sambit ni Andres.
Sumimangot si Rosana saka inis na inabot dito ang nabili nila. "O, ayan. Bitbitin mo 'yan kaysa sinusungitan mo ako!"
"Hindi kita sinusungitan, no. Ang tagal mo lang kasi magbayad. E, kanina pa naghihintay si Joaquin doon. Saka ngayon ka lang ba nakakita ng pera?"
Hindi kumibo si Rosana at naglakad na lamang pabalik sa kinaroonan ni Joaquin.
"Joaquin, nainip ka ba maghintay?" Tanong ni Rosana.
Tila nagulat pa si Joaquin sa tanong ni Rosana saka siya umiling ng sunod sunod. "Hindi naman, bakit?"
"O, diba, Andres? Nagmamadali ka lang kasi," ani Rosana kay Andres saka ito inirapan.
Napailing iling na lang si Andres.
"Ba't ka ba nagagalit, Rosana?" Mahinang tanong niya sa kababata subalit imbis na sagutin siya nito ay nagpatiuna na itong maglakad pagtapos iabot kay Joaquin ang wallet.
"Ba't kayo nag-aaway ni Rosana, Andres?" Si Joaquin.
Nagkibit-balikat lamang si Andres.
"Ewan ko dun, bigla biglang nagsusungit. Oo nga pala, dadaan tayo sa tambayan. Do'n daw natin kakainin 'to sabi ni Rosana." Si Andre's saka ipinakita ang dala dala niyang pagkain.
"Gusto ko yun." Kaagad na sumigla ang anyo ni Joaquin sa narinig.
Tinapik lamang ni Andres ang likuran ni Joaquin saka sila nagmadali na sa paglalakad upang abutan si Rosana.
Ng mapatapat na sila sa kababata ay pinag-gitnaan nila ito at sabay nilang hinawakan ang magkabilang kamay ni Rosana.
Hindi naman nagtaka si Rosana. Sa halip ay nginitian niya ang dalawang kababata bago sila lumiko sa short cut at masayang naglakad patungong fishpond.
Ganoon lamang ang tampuhan nilang tatlo. Hindi nagtatagal at kung minsan kung hindi naman ganoon kalala ang damage ay hindi na nila kailangan pa mag-sorry sa isa't-isa..