"Marina, okey ka lang ba?" nag-aalalang tanong ni Nestor sa kasintahan.
Nanginginig na tumango si Marina habang yakap siya ng kasintahan. Wala kasi sa isip niya na mangyayari ang bagay na iyon.
"O-okey lang kaya siya, Nestor?" may takot sa mga tinig ng dalaga. Hindi kasi lingid sa kanila na malakas ang kapit ng amain ni Andres sa mga pulis dahil dati itong sarhento. Nasuspende nga lang dahil sa maling paggamit ng sandata at pagiging marahas. Nakulong ng ilang taon subalit nakalaya ring muli dahil sa koneksyon.
Kaagad na tumayo si Andres mula sa lapag at nilapitan ang magkatipan.
"Umalis na po kayo, Ate Marina. Ako na po ang bahala kay Itay," pagtataboy nito sa kanila.
"P-pero, hindi ka kaya saktan niyan paggising niya?" tanong pa rin ni Marina.
"Sanay na po ako kay tatay. Hihingi lang po sana ako ng pabor. Paki-sabihan naman po si Inay na huwag munang umuwi kasi baka siya nanaman ang pagbalingan ni Itay."
"P-pero…" awang-awa si Marina sa sitwasyon ni Andres pero wala siyang magawa.
"Huwag kang mag-alala, Andres. Kami na ang bahala sa nanay mo. Basta ikaw, alam mo na ang gagawin, 'di ba?" Puno ng kumpyansa ang mga tinig ni Nestor.
Marahang tumango si Andres at ngumiti. "Salamat, Kuya."
Makahulugang nagtanguan sina Andres at Nestor saka nagdesisyon ng umalis ang magkasintahan. Dederetso muna sila palengke upang masabihan ang ina ni Andres saka ihahatid ni Nestor si Marina sa malaking bahay.
Samantala, malungkot na pinagmasdan ni Andres ang ama amahan. Kung nabubuhay lamang ang tunay niyang ama, sigurado siyang masaya din sana ang pamilyang inuuwian niya araw araw.
Tumayo siya at kumuha ng basang tuwalya upang punasan ang nakatulog niyang amahin. Masama man ang trato nito sa kanilang mag-ina. Kailangan niya pa rin itong irespeto sa kadahilanang mahal ito ng kanyang ina. Maayos naman siya kapag hindi nakainom, 'yon nga lang, nagiging kabaliktaran siya ng pagkatao niya kapag lasing na.
Dahil hindi kayang buhatin ni Andres si Karding, ang kanyang amain, ay hinayaan niya na lamang itong doon na matulog. Nilagyan niya na lamang ito ng unan at kumot saka siya nagpasyang lumabas muna ng bahay. Walang pagkain sa kanilang tahanan, mabuti na lang at nakakain na siya kanina kina Joaquin kaya kahit papa'no ay busog na rin siya. Magtutungo na lang muna sa siya sa paborito niyang tambayan at magpapahangin doon.
Madilim na at may kalamigan ang simoy ng hangin. Tanging mga kuliglig ang maririnig sa paligid. Maliwanag naman ang bilog na bilog na buwan kung kaya't ito na ang nagsisilbing liwanag niya. Walang takot na binaybay ni Andres ang naglalakihang mga tubo. Bumunot siya ng isang maliit na piraso at binitbit iyon.
Nang makarating siya sa pasukan patungong fishpond ay lumiko siya sa kanang bahagi ng lugar kung saan matatagpuan ang tulay na kahoy. Umaabot ito hanggang sa gitnang bahagi lang ng ilog na maaaring tambayan.
Naupo doon si Andres at hinayaang lumaylay ang kanyang mga paa sa malamig na tubig. Tahimik niyang nginatngat at sinipsip ang dala dalang tubo saka itinatapon sa ilog kapag wala ng lasa. Nagiging pagkain din kasi iyon ng mga karpa at tilapya kaya wala namang masama kung doon siya magtapon.
Kasalukuyang naglalakbay ang isip ni Andres tungkol sa kanyang buhay ng muntik na siyang mapatalon sa tubig dahil sa gulat.
"Bakit hindi ka nagyayaya, ha?" Tinig iyon ni Rosana. Lingid sa kaalaman ni Andres ay natanaw siya ng kababata na dumaan sa tapat ng bahay nila. Saktong nasa labas si Rosana at nanunuod ng mga bituin kaya naisipan niyang sundan na lang ang kababata. Sigurado din naman siyang sa tambayan nilang iyon ang tungo nito.
"Ano ba'ng ginagawa mo rito?" Inis na tanong ni Andres. Pero sa loob loob niya, masaya siyang may makakasama doon lalo pa nga at si Rosana iyon.
"Nakita kitang papunta dito, kaya sumunod ako. Ayaw mo yata, e. Uuwi na lang pala ako," malungkot na sambit ni Rosana.
Panandaliang 'di kumibo si Andres. Alam niya namang hindi aalis si Rosana.
Ilang sandali pa ay kusa na ring naupo si Rosana sa tabi ni Andres at inilaylay ang paa sa tubig.
"Grabe ka naman, Andres. Ang sungit mo," anang batang babae saka inagaw ang tubo na nasa kamay ng kababata.
Pero hindi pa rin kumibo si Andres. Alam ni Rosana na may problema ito. Gano'n naman madalas si Andres tuwing may gusto takasan sa bahay nila.
"Alam ko na, lasing nanaman siguro si Manong Karding, 'no?"
Ilang sandali pa ay dali daling tumayo si Rosana at saka sinuri ang katawan ni Andres.
"Teka, may pasa at sugat ka nanaman ba?" Nag-aalalang tanong nito.
"Wala," ani Andres saka inalis ang ang kamay ni Rosana na nakahawak sa damit niya.
"Wala naman pala, bakit parang galit ka din sa 'kin?" Nakalabing tanong ni Rosana.
Tiningnan lang ni Andres ang kababata saka muling ibinalik ang tingin sa mga paa niyang naglalaro sa tubig.
Walang magawa si Rosana kung hindi ang magkibit-balikat. Subalit ilang sandali pa ay inakbayan ni Rosana ang kaibigan at saka tinapik tapik ang kabilang braso nito habang walang arteng nginangatngat ang matigas na buko ang tubo.
"Anong ginagawa mo?" nagtatakang tanong ni Andres.
"Ayaw mo naman ako kausapin, e," ungot ni Rosana.
Balewala naman kay Andres ang ginawi ng kababata tutal kahit papa'no ay napapagaan naman noon ang pakiramdam ni Andres. Ayaw niya namang sabihin kay Rosana na binastos ng tatay niya si Ate Marina. Baka matakot na rin kasi itong magpunta sa bahay nila balang araw o baka pati sa kanya at magalit pa lalo ang pamilya ni Rosana partikular na si Aling Rosing.
"Makikipaglaro ka pa ba sa 'kin kung hindi na maging maganda ang trato sa 'yo ng Tatay Karding?" may pag-aalinlangan sa boses ni Andres.
"Oo naman," dagling tugon ni Rosana.
"Si Nanay nga 'di naman masyadong mabait sa 'yo pero nakikipaglaro ka pa rin sa akin, 'di ba?" Nakangiting tanong ulit niya.
"Syempre, hindi naman ako kay Aling Rosing makikipaglaro," tugon ni Andres.
"Kaya nga, hindi rin naman ako makikipaglaro kay Manong Karding," balewalang ganti ni Rosana.
Masayang nagtinginan ang dalawa. Ilang sandali pa ay nagtatawanan na sila.
Mula sa pwesto nila ay kitang kita nila ang maliwanag na buwan at ang mga bituing nakapalibot doon. Ang malinis na ilog naman ay nagsilbing salamin ng kalawakan. Malinaw na nakikita doon kung ano ang nasa itaas sa tulong na rin ng liwanag ng buwan. kusa lamang iyong nagugulo sa tuwing may tatalong isda o maglalaro ang mga paa nina Andres at Rosana sa tubig.
Subalit hindi pa man nagtatagal na nagkakatuwaan ang dalawang bata ay matinis na sigaw na ni Aling Rosing ang pumukaw sa atensyon nila.
"Ang nanay!" Bulalas ni Rosana saka nagmamadaling tumayo. Gano'n din naman ang ginawa ni Andres. Dagli silang nagsuot ng tsinelas saka tumakbo palayo sa kahoy na tulay. Hindi para magpakita kay Aling Rosing kung hindi ang taguan ito at unahan sa pag-uwi.
Pagtakas na ilang beses nang ginawa nina Andres at Rosana pero kahit minsan ay hindi sila nahuhuli. Ang totoo ay hindi sila nakakaramdam ng takot, masaya pa nga nila iyong pinagkukwentuhan kinabukasan.
May naging sikreto na rin kasi silang lagusan kung saan hindi sila makikita ni Aling Rosing. Pero imbis na tumakbo paalis ay aantayin pa nilang magpunta si Aling Rosing sa mismong tulay saka panunuorin itong magalit.
Nang tila matapos na ito sa paghahugad sa kahoy na tulay ay saka pa lamang din nagtatatakbo sina Rosana at Andres patungo sa tanging daanan kung saan naghihiwalay at nagtatagpo ang landas nilang dalawa.
"Uwi ka na, ha?" nakangiting bilin ni Rosana kay Andres.
"Oo, ikaw din. Sige na baka abutan pa tayo ni Aling Rosing." Hingal na sambit din ni Andres.
Wala ng isinagot pa si Rosana kaya nagmamadali nalang siya na pumasok sa loob ng bahay at nagkunwaring tulog. Ang kaso lang, hindi pa man siya nakakatapak ng sahig nila sa loob ay nakaharang na sa pintuan ang kanyang ama…