Tiningnan siya ng makahulugan ng kanyang ama. Ang mga mata nito ay nagtatanong. Kaagad na kinabahan si Rosana.
"Tay, kanina ka pa po ba diyan?"
Tila nag-isip ito saka dahan dahang tumango.
"Basta nakita kitang tumatakbo paalis kanina at nakita rin kitang nagmamadali ngayon at parang may tinataguan." Nakapamaywang na tugon nito sa kanya.
"G-gano'n po ba," namumula ang pisngi na tugon ni Rosana. Mabuti na lang at gabi na kaya hindi iyon masyadong halata. Isa pa ay morena din kasi ang balat niya.
Tumango si Mang Tonyo ng sunod sunod saka ito yumukod kay Rosana at nginitian ang bata.
"Lagot ka sa Nanay mo," tila nang-aasar na pahayag niya kay Rosana.
"Tay naman, e." Lalong kinabahan si Rosana lalo at naririnig niya na ang tawag ng kanyang ina. Sa lakas ng boses nito, siguradong malapit na ito sa kanilang bahay.
Tumawa naman ng malakas si Mang Tonyo saka ginulo ang buhok kanyang anak.
"Hala sige na, pumunta ka na sa higaan at ako na ang bahala sa nanay mo." Pagtataboy nito sa kanya.
Hindi napigilan ni Rosana ang mapangiti sa ama. Matapos bumulong ng pasasalamat ay kaagad na tumalima si Rosana. Mabilis siyang naka-akyat sa papag at nagtalukbong ng kumot sa kanyang buong katawan.
"Narito na ba si Rosana, Tonyo?" Inis na tanong ni Aling Rosing sa Asawa.
Tumango si Mang Tonyo ng walang alinlangan.
"Oo, kanina pa nga tulog, e," Pagsisinungaling nito sa Asawa.
Tila gulat na gulat naman si Aling Rosing sa narinig.
"Sigurado ka? Saan daw siya galing? Kanina sinilip ko ang higaan nilang magkakapatid wala naman siya diyan." Anito saka nagmamadaling sumilip sa higaan ng mga anak.
"Bakit, umalis ba si Rosana? Ang alam ko kasi nariyan lang siya. Ayan nga't naghihilik na."
Lalong nangunot ang noo ni Aling Rosing nang makitang nakatalukbong si Rosana. Hindi naman kasi gano'n kalamig ang panahon para magkumot ng buong katawan. Kaagad nitong hinila ang kumot paalis sa katawan ni Rosana saka walang alinlangang hinaplos ang noo ng batang babae.
"Tingnan mo, pawis na pawis," himutok ni Aling Rosing.
Kaagad namang nakahagilap ng isasagot si Mang Tonyo.
"E- baka dahil nakatalukbong siya," muntik pang mautal ito sa isasagot.
Makahulugang tumingin si Aling Rosing sa asawa saka ito pinandilatan ng mata.
"Hoy, Tonyo. Siguruhin mo lang na hindi mo pinagtatakpan 'tong bata na 'to dahil kung hindi, dalawa talaga kayong tatamaan sa akin." Bulyaw nito kay Mang Tonyo.
Sumenyas naman ng tahimik si Mang Tonyo saka masuyong lumapit sa asawa.
"Huwag ka ng maingay. Gabi na at nagpapahinga na rin ang mga bata. Gusto mo ba masahehin ko nalang itong likod mo? Mukhang high blood ka nanaman kasi," malambing na saad nito.
Lihim na natuwa si Rosana sa naririnig na usapan ng kanyang mga magulang.
Mabuti na lang at hindi siya sinumbong ng kanyang ama.
Samantala, inis pa ring naupo si Aling Rosing sa mahabang upuan at nagpakawala ng buntong-hininga. Alam niyang pinagtatakpan lang ng kanyang asawa si Rosana pero wala siyang magawa dahil hindi niya naman nahuli ang anak sa pagtakas nito.
Sigurado rin siya na si Andres ang kasama ng Anak. Wala naman kasi itong pwede makasama kung hindi ang bata lang na 'yon. Noong una ay wala namang problema si Rosing kay Andres pero nag-iba ang lahat ng biglang sumulpot si Karding sa buhay ng mag-ina. Naging siga ito sa buong baryo nila at palaging naghahanap ng gulo tuwing malalasing.
Minsang nagka-engkwento sila ni Karding, lasing ito at pinagmumura siya sa daanan ng hindi niya pagbigyan ang kagustuhan nitong ihatid siya sa kanilang bahay. Napapansin din ni Aling Rosing na tila nagpapahiwatig ito ng kakaiba sa kanya. Bagay na inilihim niya na lamang sa kanyang asawa upang wala ng maging gulo pa.
"Sweetheart, ano nanaman ba'ng iniisip mo? Palagi na lang mainit ang ulo mo, gusto mo palamigin ko?" Pilyong saad ni Mang Tonyo sa Asawa saka ito hinaplos sa braso pababa.
"Tonyo- pagod ako. Saka wala ako sa mood makipag-anuhan sa'yo. At pwede ba, 'wag mo nga ako inuuto ha? Alam kong pinagtatakpan mo lang yan si Rosana." nakasimangot na sumbat ni Aling Rosing.
"Eto naman, naglalambing na nga yung tao, sinusungitan pa. Hindi ka pa naman magme-menopause, 'di ba?"
Nanlaki ang mga mata ni Aling Rosing at agad na nahampas sa balikat si Mang Tonyo.
"Ang bunganga mo nga Tonyo. Marinig ka ng mga bata," pigil nito sa asawa.
Pero sa halip na manahimik ay inilapit pa ni Mang Tonyo ang bibig sa tainga ni Aling Rosing saka ito bumulong.
"Tulog na nga sila," aniya.
"Maski na, itimpla mo na lang ako ng kape mabuti pa."
"Masusunod po, kamahalan." Kaagad na tumalima si Mang Tonyo at kunwa'y matikas na sundalong naglakad patungo sa kanilang kusina.
Hindi mapigilan ni Aling Rosing ang matawa sa ginawi ng Asawa. Totoong maswerte siya kay Mang Tonyo. Bukod sa masipag na ito ay napakabait pang asawa at ama sa kanilang mga Anak. Subalit iba ito kapag nagagalit, hindi naman sa pamilya niya madalas nag-uumpisa ang galit nito kung hindi sa nakapaligid sa kaniya. Kapag alam nitong naa-agrabyado ito at ang kanyang pamilya ay lumalabas ang tunay na sungay nito kaya nga hangga't maaari, umiiwas si Aling Rosing sa mga bagay na pwedeng magpagalit sa asawa. bibihira lang pero animo'y isa itong leon sa sobrang tapang.
__________
Habang sa malaking bahay, sa mansyon ng mga Añonuevo. Mainit ang nagiging pagtatalo ng mag-asawang Soledad at Menandro.
Dahil iyon sa nais ni Joaquin na maisama ang dalawang kaibigan sa Enchanted Kingdom.
"Hindi ka ba talaga nag-iisip kung gaano kalaki ang gagastusin natin kung isasama mo ang dalawang bata na 'yon, ha Menandro? Isang taong kita na natin dito sa Farm 'yon! Sa pag-aasikaso pa lang ng mga papel nila para sa passport, plane ticket, accomodation at gastos sa pagkain at rides, ubos na!" galit na bulyaw ni Soledad.
"Ano naman ang masama doon, e mas mag-eenjoy si Joaquin kung kasama ang dalawa niyang kaibigan? Kung ikaw nga kauuwi mo lang din galing sa Italy, 'di ba? Ngayon, si Joaquin naman ang hayaan nating mag-enjoy kasama ang mga kaibigan niya, pwede ba 'yon, Soledad?" Pahayag ni Don Menandro pero imbis na maki-ayon ay mariin pa ring umiling si Soledad.
"Bakit hindi 'yong mga kaibigan niyang maykaya ang isama natin? Kakausapin ko si Kiana, isama natin ang anak niya o sumama sila basta ang importante sila ang gagastos sa side nila. 'Di ba kalaro rin naman ni Joaquin si Kimmy sa school noong daycare siya?"
Napailing-iling din si Don Menandro. Hindi siya sigurado kung papayag si Joaquin sa sinasabi ng kanyang asawa.
"O, bakit ka umiiling diyan? Basta, hindi sasama ang dalawang bata na iyon, tapos ang usapan." Final na pahayag ni Soledad saka nagdadabog na tinalikuran si Don Menandro.
Paglabas niya ng pintuan ay nakita niya si Joaquin na nakikinig sa kanila mula sa labas.
"Joaquin! Anong ginagawa mo diyan? Hindi ba masama ang makinig sa usapan ng matatanda?" seryosong tanong ni Soledad sa Anak. Malungkot itong nakatungod sa malayo at hindi man lang siya tinapunan ng tingin.
Kaagad na lumapit si Don Menandro sa kinaroroonan ni Soledad, nakita niya na naroon nga si Joaquin. Nagpakawala muna ng malalim na buntong-hininga si Don Menandro, ngumiti saka tinungo ang anak at hinawakan ito sa magkabilang-balikat.
"I only want Rosana and Andres, Daddy. I hate Kimmy- she's a bad girl. Palagi niya akong tinutukso at inaaway. Saka sinasabihan niya ng bad words sina Rosana at Andres." Himutok ng bata.
"Talaga? Naku- e, dapat pala hindi ka makikipag-kaibigan sa kanya, Joaquin! Hayaan mo't kakausapin ko pa ang Mommy mo, okey? Pero sa ngayon, magpahinga ka na. Maaga ka pa bukas, 'di ba may pasok na?" Nakangiting tanong niya kay Joaquin.
Nakangusong tumango si Joaquin.
"I hate you, Mommy. Palagi na lang si Kimmy ang gusto mong kalaro ko. Ayoko nga sa kanya, e!" Inis na sambit nito habang nakatingin ng masama sa kanyang ina.
"Aba't-" hindi mapigilang mainis ni Soledad sa Anak pero kaagad siyang tinapunan ng makahulugang tingin ni Don Menandro. Tingin na minsan niya lang makita dito pero alam niya ang ibig sabihin no'n. Kailangang manahimik na siya.
Walang paalam na tumakbo si Joaquin sa kanyang kwarto at pabalibag na isinara ang pinto.
"Gano'n na ba siyang lalaki, Menandro? Hahayaan mo na lang na bastusin niya ako ng gano'n?" May himig ng sama ng loob sa tinig ni Soledad.
Nanatiling nakatayo si Don Menandro, nakasuksok sa bulsa ng kanyang patalon ang dalawa niyang kamay habang nakatitig lang sa asawa.
"Bawas bawasan mo ang pangingibang bansa para lang makapag-shopping upang ng sa gano'n, matutukan mo naman ang Anak mo habang lumalaki," tanging saad nito saka siya nilampasan at tumungo na rin sa kwarto nilang mag-asawa.
Naiwang tulala si Soledad habang iniisip ang sinabi ni Don Menandro. Iniisip niyang mabuti kung ayaw na ba siya nitong bigyan ng pang-shopping at pang-out of the country?
Kaagad siyang sumunod sa Asawa at naupo sa paanan nito.
"H-hindi mo na ba ako bibigyan ng pang-shopping, Menandro?" panimula niyang tanong.
Mula sa pagkakalapat ng likod ni Don Menandro sa malambot na higaan ay napataas siya ng ulo. Nakita niya sa paanan si Soledad. Malungkot itong nakatingin sa kanya.
Napailing siya at napangisi. Talagang hindi mapapakali ang asawa niya kung malalaman nitong hindi na siya makakapag-shopping ulit sa ibang bansa. Napaka-materialistic talaga.
Hindi siya kumibo at muling nahiga ng maayos.
"Hindi mo pwedeng gawin sa akin 'to, Menandro. Alam mong nagliliwaliw lang ako upang hindi ma-stress dito," galit na saad ni Soledad.
"Trust me, Soledad. I can. Kung ikaw nga gusto mong kontrolin ang desisyon ko para sa ikakasiya ni Joaquin, e."
Tila natauhan si Soledad.
"Yun lang ba? E-edi sige, hindi na kita pakiki-alaman!" Dagling tugon nito sa asawa.
Muling napa-iling si Don Menandro saka tinalikuran si Soledad. Bigla naman siyang niyakap ng asawa mula sa likuran.
"Honey, May balak pa naman kaming puntahan ng mga amiga ko next month," paglalambing ni Soledad.
"Humingi ng tawad kay Joaquin at sabihin mo rin na pumapayag ka na sa gusto niya," mahinang saad ni Don Menandro.
Sa narinig ay pabalikwas na bumangon si Soledad mula sa pagkakayakap kay Don Menandro.
"Teka nga muna, hindi ba at ako ang sinagot sagot niya kanina? Bakit ako pa ang magso-sorry? Masyado mo naman yatang ini-spoiled si Joaquin, Menandro?" Inis na pahayag ni Soledad.
"Narinig tayo ni Joaquin kanina. Medyo sumama ang loob nung bata. May pasok pa naman siya bukas kaya magsorry ka na, bilis na." Dominanteng utos nito sa asawa.
Nauna pang tumayo si Don Menandro mula sa higaan saka nakapamaywang na hinintay si Rosana na parang wala pa rin sa sarili.
"C'mon, Soledad. We will do it now. Hindi natin patutulugin ang anak natin habang may sama ng loob. Hindi iyon makakaganda sa gising niya bukas," anito saka siya hinila mula sa pagkakaupo.
Upang matapos na ay sumunod na rin si Soledad sa gusto ni Don Menandro pero nakapikit na nilang dinatnan si Joaquin. Tila nakatulog na ito..
"Sige lang, maririnig ka niya," pahayag ni Don Menandro.
Lumapit naman si Soledad kay Joaquin at idinikit sa tainga ng bata ang kanyang bibig,
"Sorry, Nak. Sige na, pumapayag na si Mommy na isasama mo sila Andres at Rosana sa Enchanted Kingdom. Bukas ay aayusin ko na rin ang mga papel nila, ha? 'Basta 'wag ka na magtampo kay Mommy, ha Anak." Paki-usap ni Soledad. Wala mang reaksyon mula may Joaquin, ang importante ay nasunod niya na ang kagustuhan ng asawa at nakahingi na rin siya ng sorry sa anak nila.
Tumayo si Soledad at nilampasan na si Don Menandro. Dumeretso siya sa kusina upang kumuha ng champagne.
Samantala, si Don Menandro naman ay lumapit na sa anak. Hinawakan niya ang kamay nito kaya naman Kaagad na nagmulat ng mata si Joaquin at masayang ngumiti sa kanyang Ama.
Malaki rin ang isinukling ngiti ni Don Menandro sa Anak at saka ito kinindatan…