KABANATA 25: HIGH SCHOOL LIFE

2021 Words
Isang malakas na sampal mula kay Itay ang nakita kong dumapo sa pisngi ni Roldan pagkauwi na pagkauwi namin sa bahay. Subalit hindi man lang siya kumibo at matalim lang ang mga matang nakatingin sa akin. "Kailan ka pa natutong sumabat sa usapan ng mga matatanda at maging ganoon kabastos, ha Roldan?" Galit na saad ni Itay sa kanya. Si Inay naman ay madaling sumaklolo at mabilis na nakalapit kay Roldan upang aluhin ito. "Tigilan mo na 'yan, Tonyo. Ako na ang bahalang kumausap sa Anak mo," malumanay na paki-usap ni Inay kay Itay. "Sige, ngayon kayo mag-usap. Gusto ko marinig ang magiging dahilan ng Anak mo, Rosing," determinadong pahayag ni Itay habang hindi hinihiwalay ang kanyang mga mata kay Roldan. Ako naman ay abut-abot ang kaba. Naaawa ako para kay Roldan pero alam kong malaking pagkakamali ang ginawa niya kanina sa harapan pa man din ni Don Menandro. "Totoo naman ang sinabi ko. Talaga namang sa akin napupunta lahat ng gawain na para kay Rosana dahil palagi ninyo siyang pinapayagan na gumala at umalis. Ako ang madalas na napagbubuntunan ni Inay ng galit sa tuwing pagod na pagod siya pero sa bandang huli, si Rosana pa rin ang mahusay para sa iyo, Itay," mahabang paliwanag ni Roldan. Nakipaglaban din siya ng titigan kay Itay. Nagulat ako sa tinuran niya. Pansin ko rin na tila namutla si Inay pero si Itay ay napangisi lang habang naiiling. "Iyon lang ang dahilan mo para ipahiya ang buong pamilya natin sa harapan ni Don Menandro? Dahil lang naiinggit ka sa kapatid mo? Bakit, hindi mo ba narinig na makakatulong na sa atin ang Ate mo at yun ay bunga ng ilang taong paggagala niya na sinasabi mo," galit na sambit ni Itay. Hindi na kumibo pa si Roldan subalit tiningnan niya ulit ako ng matalim. Alam kong galit pa rin siya sa akin at ang katotohanang sinabi niya ngayon ay tunay na nakapagpakunsensiya sa akin. May punto naman kasi siya, palagi akong wala at hindi ko man lang naisip na mas bata siya sa akin para akuin ang mga trabaho ko sa bahay. walang paalam siyang tumalikod kay Itay. "Aba't-" galit na susundan sana ni Itay si Roldan na noo'y lumabas ng bahay subalit mabilis siyang napigilan ni Inay. "Nakita mo ba yung ginawa ng anak mo, Rosing? Kailan pa natuto mambastos ng ganyan kalala 'yang anak mo, ha?" "Ssshh, hayaan mo muna si Roldan, Tonyo. Baka dahil nagbibinata na rin siya kaya gano'n. Ang importante, nasabi niya na ang gusto niya sabihin. Mamaya ay matatauhan din yun at hihingi ng tawad sa 'yo," malumanay na paliwanag ni Inay habang pinapaupo si Itay sa silya. "Itay, Inay, hahanapin ko po si Roldan at kakausapin," paalam ko sa kanila. "Mabuti pa nga," dagling tugon ni Inay kaya naman mabilis akong tumakbo sa labas at sinundan ang lugar na tinahak ni Roldan. Natagpuan ko naman siya 'di kalayuan sa aming bahay. Nasa ilalim siya ng isang malaking punong mangga kung saan may inilagay na upuang kahoy sa ilalim noon na madalas nagiging tambayan ng mga trabahador sa tubuhan, kung minsan ay nagiging inuman din nila. Kaagad ko siyang nilapitan at tinabihan sa upuan. Wala siyang imik at tila nakatulala lang sa kawalan. "R-roldan okey ka lang ba?" Nais ko sanang hawakan ang balikat niya upang aluhin siya subalit natatakot akong baka ayaw niya at magalit lamang siya sa akin. "Ikaw, okey ka na ba? Masaya ka ba sa napanuod mo?" malamig na tugon niya sa 'kin. "Kailanman ay hindi ko ikinatuwa ang ikinasasakit ng ibang tao, Roldan. Humihingi ako ng tawad kung-" "Ano ba'ng ginagawa mo rito, Rosana?" mabilis niyang putol sa sinasabi ko. "A- gusto sana kita makausap para maayos na natin 'to." Ngumisi siya at tila natawa ng bahaw. tumingin siya sa akin, "Bakit, may magbabago pa ba? Wala naman 'di ba? Magtatrabaho ka na raw at makakatulong sa pamilya kaya ang dapat kong gawin ay intindihin ka pa rin dahil kung hindi, ako ang lalabas na masama at hindi nakakaintindi, 'di ba?" "E-ano ba kasi ang gusto mong gawin ko?" nagpapakumbaba pa rin ako. "Alam mo, Rosana. Umalis ka na lang, iwanan mo 'ko rito dahil hindi ko kailangan ng simpatya mo," inis na tugon niya saka ako muling tinalikuran. Wala akong magawa. Masakit ang mga salitang binitiwan niya sa akin. Hindi ko maintindihan kung bakit hindi niya maunawaan ang mga ginagawa ko. Oo, siguro nga nahahaluan ng paglilibang ang pagsama ko sa mga trabahador ng tubuhan at palaisdaan pero sa maliit na katawan kong ito? Kahit pa sabihing malapit na ako mag teenager ay bumibigay pa rin naman ang lakas ko. Tumayo ako at malungkot na umalis. Marahan akong bumalik sa bahay. Inabutan ko sina Inay at Itay sa labas habang nakaupo sa mahabang kawayan at nagkakape. "O, nasaan na si Roldan?" tanong ni Itay. Tumikhim ako, "A- naroon pa rin ho sa ilalim ng punong mangga, Itay. Ayaw po akong kausapin. Masama pa rin ho yata ang loob niya." pinilit kong ngumiti sa kanila habang nagsasalita. "Gano'n ba, hayaan mo. mamaya kakausapin ko siya, lalaki sa lalaki." kinindatan pa ako ni Itay. "Sige ho. Pasok na po ako," paalam ko. Tumango naman sila ni Inay kaya pumasok na rin ako sa loob. Dumeretso ako sa higaan ko at nagtalukbong ng kumot. Napahinga ako ng malalim habang iniisip ang huling pag-uusap namin ni Roldan. Umaasa na lang ako na bukas o sa susunod na mga araw, magiging maayos na rin kaming dalawa. Hindi naman kami ganoon ka-close ni Roldan. Mas madalas kong napapansin na malapit siya kay Inay at ako naman kay Itay pero mahit minsan ay hindi ako nakaramdam ng inggit sa kanya. Marami akong pangarap na kasama siya at kahit minsan ay hindi tumatak sa isip ko na may lihim siyang sama ng loob sa akin. Hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako habang nag-iisip. Nagising ako ng maramdaman ang pagbangon ni Inay. Naririnig ko na rin ang malakas na tilaok ng mga alagang manok ni Itay sa likod-bahay. Gaya ng nakagawian, tumayo na ako at magsisimulang tumulong kay Inay para sa agahan namin bago pumasok sa eskwelahan. Walang imik si Inay. Sanay naman akong hindi niya ako napapansin kung hindi makakagawa ng hindi maganda. Panay mali lang kasi ang napupuna niya sa akin at balewala naman 'yon. Habang nakasalang ang sinaing ay naligo na ako. Mamaya ay mga kapatid ko naman ang paliliguan ko at bibihisan bago kami sabay sabay na maglalakad papasok sa eskwelahan. Eksakto alas syete ay naglalakad na kami papasok. Sama sama kaming apat na magkakapatid kahit pa nga walang imik si Roldan. Ihahatid ko muna sa elementarya ang tatlo bago ako dederetso sa high school na katabi lang rin ng eskwelahan nila. Kasabay pa rin namin sina Andres at Joaquin pero ng umagang iyon, kay Roldan sumabay si Andres na nagpapahuli sa paglalakad. "Kamusta si Roldan?" Tanong ni Joaquin ng kami na lang tatlo ang naglalakad patungong high school. "Ayos naman siya, hindi niya ako kinakausap. Nasaktan kasi siya ni Itay kagabi. E ang Daddy mo, kamusta? Pasensya na sa nangyari kahapon, Joaquin." "Ayos lang yun. Nauunawaan naman ni Itay na minsan daw talaga, hindi mawawala sa magkakapatid ang awayan at samaan ng loob. Ang totoo, naiinggit nga ako sa inyo kasi may mga kapatid ka," nakangiting sambit ni Joaquin sa akin. "Totoo yun, Rosana. Nakakainggit ang may kapatid," singit ni Andres. "E, 'di ba kapatid na rin naman ang turing niyo sa mgakapatid ko?" "Oo nga, pero iba yung makakasama mo sila sa iisang bahay," paliwanag ni Andres. "Tama," dagling sang-ayon naman ni Joaquin. Lumabi ako at tumango tango. May punto naman sila. Papasok na sana kami sa gate ng biglang may tumawag sa pangalan ko. Si Andy, isa mga kaklase at ka-close ko sa room. Huminto ako at pinauna na sina Joaquin at Andres. "O, Andy." Bati ko sa kanya. "Bakit mo naman pinauna yung dalawang kaibigan mo," inis na palatak niya. Naalala ko, crush nga pala niya parehas sina Joaquin at Andres. "Oo nga pala, sorry. Saka nagmamadali rin kasi silang pumasok," pagdadahilan ko na lang habang natatawa. Kabaligtaran ko si Andy. Simple ako at walang arte dala ng nakasanayan kong buhay samantalang si Andy ay kikay at makolorete sa katawan. Cute naman siya at may blond na buhok, maputi at medyo chubby. Sabi niya ay may lahi siyang american kaya ganoon. Masayang pagmasdan ang kabuoan niya. Akalain mong kung anu-anong clip ang nakalagay sa buhok niya gayundin sa suot niyang necktie. Makulay din ang mamahalin niyang bag at may makintab na black shoes. Nakakainggit kung pagmamasdan pero hindi ako nasanay na mainggit sa iba. Masaya at kuntento ako sa buhay ko at kung anong meron ako gaya ng madalas na ibilin ni Itay sa akin. Nakita kong halos magkanda-haba ang leeg ni Andy sa katatanaw sa papalayong bulto nina Andres at Joaquin. Natawa ako ng lihim sa kanya. "Baka naman maging giraffe ka na niyan, Andy. Ang takaw mo naman kasi sa crush. Akalain mong dalawa pa silang crush mo?" Nakatawang pahayag ko sa kanya. "O, e bakit ba? Sabi mo naman di mo sila type, 'di ba? Parehas kasi silang may angking kagwapuhan at katangian na gusto ko kaya akin na lang silang dalawa, okey?" kinikilig na pahayag ni Andy. Nailing ako, bakit naman hindi? Kaso sa dami ng nagpapakita ng interes sa dalawang kumag na iyon, swerte na lang siya kung mapansin siya at magustuhan din. Hindi ko naman iyon nagawang ibulalas sa kanya, baka kasi magtampo siya sa akin. Sabagay, madalas ko naman siyang kasama sa canteen. Nililibre niya ako kapalit ng maipakausap ko lang siya kay Andres o kay Joaquin. Maaaring sabihin na pinagkakakitaan ko ang dalawa kong kaibigan ng hindi nila namamalayan. "Hoy, mamayang recess ha? Lilibre kita ng kahit ano, basta ipakausap mo sakin si Joaquin at Andres," kumapit pa siya sa braso ko at hinila malapit sa kanya. Naamoy ko ang mabangong halimuyak na marahil ay iwinisik niya sa kanyang katawan at damit. O baka naman naliligo siya ng pabango! Pinaikot ko ang mga mata ko, walang bago sa bilin niya. "Hay, oo na po." Nangingiti kong sambit. Kinilig at halos di mawala ang ngiti sa mukha ni Andy. Masaya kaming pumasok sa room pero dahil hindi naman kami magkatabi ng silya, ngitian at tanguan ang tanging usapan namin sa loob. Dumating ang oras ng recess. Paglabas na paglabas ng teacher namin sa pintuan ay ang mabilis na pagtayo rin ni Andy at paglapit sa pwesto ko. Hindi ko pa nailalagay sa bag ang ginamit na ballpen at notebook pero hinatak niya na ako sa kamay. "Teka! Yung mga gamit ko," angil ko. "Hayaan mo na yan. Di naman yan mawawala diyan, halika na." Nagmamadali niya akong kinaladkad palabas ng room. Naiiling na lang ako pero wala akong nagawa. sa kamamadali niya pa ay nalaglag ang ballpen ko sa sahig. Napakamot na lang ako sa ulo dahil hindi ko man lang nagawang pulutin iyon. "Punta na tayo sa room nila kunwari sinama mo ako," masayang bilin niya. "Mga pakulo mo talaga," naiiling kong saad habang binabagtas ang daan papuntang room ng mga 3rd Year. "Gosh, teka.." huminto sandali si Andy at saka may dinukot sa bulsa niya. Inilabas ang maliit na salamin doon at tiningnan ang kanyang repleksyon. "Mabuti na lang natural na mapula ang labi ko," bulong niya sa sarili saka nginitian ang sarili sa salamin. Pakiramdam ko anumang oras ay masasapok ko na siya. "Tara na. Kanina nagmamadali ka," kunwa'y inis na saad ko. Nagulat pa ako ng makitang tulala lamang si Andy at nakatitig sa likuran ko. Natural na nangunot ang noo ko at sinundan nang tingin ang pinagmamasdan niya. Nakita ko sina Andres at Joaquin kasama ang ilang kaklase nila habang naglalakad sa hallway at patungo sa direksyon namin. Recess na rin pala nila. Sabay silang kumaway sa akin at saka nagmadali sa paglapit. Si Andy ay hindi pa rin umiimik sa kinatatayuan niya. Ang weird! Wala akong magawa kung hindi ang tapikin ng mahina ang pisngi niya. "Tulo mo lumalaway," mahina kong sambit sa kanya...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD