KABANATA 13: TRAUMA

1846 Words
ANDRES POINT OF VIEW "Andres! Tumayo ka nga diyang hampas-lupa ka!" Galit na bulyaw ni Itay Karding. Kasalukuyan akong nagpapahinga sa papag dahil katatapos ko lang din magsaing, magluto ng pinadala ni Inay na mauulam at gumawa ng assignment. Bahagya akong kinabahan. Sanay naman akong lasing palagi si Itay pero ngayon niya lang ako tinawag na Hampas lupa at tila galit na galit pa siya. Wala naman akong maisip na nagawang mali sa kanya. Hindi nga kami nagkita maghapon. Marahan akong bumaba mula sa kawayang papag at nagtangkang sumilip muna sa kusina pero hindi ko pa man nailalabas sa kurtina ang ulo ko ay kaagad ng may dumaklot doon. Masakit at ramdam ko ang pagkakahila sa mga buhok ko na animo'y tinatanggal ang mga iyon sa aking anit. Para din akong papel na iwinasiwas sa hangin at saka binitawan. Nasubsob ang mukha ko sa lupa, ramdam ko ang sakit ng bibig at ilong ko na siyang tumama. Mabilis akong naupo ngunit hindi ko magawang umiyak. Naramdaman ko rin ang mainit na likidong lumabas sa ilong ko. Nalasahan ko iyon, lasang kalawang! Kaagad ko namang pinunasan gamit ang braso ko, nakita kong dugo na pala iyon. Kaagad akong nagtaas ng mukha, dahil hindi naman gano'n kaliwanag ay malabo sa akin ang hitsura ni Itay Karding. Ang nasisiguro ko lang ay lasing ito dahil sa amoy ng alak. "Napakawalang-hiya niyo ng malandi mong Ina! Magsama kayo sa impyerno!" Muling sigaw ni Itay saka n'ya itinumba ang lamesa kung saan nakalagay ang ulam na pinirito ko. Ipinagbabato niya rin sa akin ang ilang pirasong baso at plato na nasa kusina. Sinasangga ko naman ang mga iyon gamit ang braso ko pero nababasag din iyon sa tapat ko at napakasakit kung tatama sa akin. "Aray ko po! Tama na, Itay." Pagmamakaawa ko sa kanya. Nagsimula na ring pumatak ang luha sa mata ko na inakala kong natuyo na. Kusa akong napaatras sa sulok ng pintuan. Gusto kong magtago mula sa kanya pero mabilis siyang lumapit sa akin. Sinabunutan niya ulit ang ulo ko. "Ano, ha? Tatakasan mo rin ako?" Nanggigil ang tinig niya. Nagsimula na akong pamahayan ng matinding takot. Parang nanlilisik kasi ang mga mata ni Itay. "I-itay, huwag po. Hindi po ako tatakas." Mahinahong saad ko sa kanya. Umaasa na baka sakaling mapalambot ko pa ang puso niya. "Sinabi ng huwag mo 'ko tatawaging Itay, hindi mo ako tatay!" huling narinig ko bago ako tila nabingi ng i-untog niya ang ulo ko sa poste na malapit sa pintuan. Hindi lang isang beses ko naramdaman ang matigas na bagay na iyon sa ulo ko, paulit ulit. Hindi ko mabilang hanggang sa tuluyan akong nahilo at nagdilim ang paningin ko. Binitiwan rin ako sa wakas ni Itay, pero hindi ko na rin maigalaw ang katawan ko. Alam ko na nakadapa lang ako sa lupa, pilit ko mang i-angat ang katawan ko ay hindi ko kaya. Muli, narinig ko ang ingay ng pagbabasag ni Itay ng mga kasangkapan. Nakamulat pa rin ang mga mata ko pero hindi na sapat ang nakikita ko para mahulaan kung ano ang nangyayari. Kalaunan ay natahimik rin si Itay. Pinilit kong pumikit kahit nahihilo ako, umaasa na sana ay dumating na si Inay at saklolohan ako. Habang tumatagal ay sobrang sakit na rin ng ulo ko. Hindi ko alam kung gaano katagal akong nakapikit, basta ang alam ko, nagising ako ulit ng marinig ang pakikipag-away ni Itay sa kung sino. Inakala kong si Inay iyon, pinilit kong gumalaw, hindi ko pa rin kaya. Sinubukan kong dumilat pero hindi gaya kanina, ngayon hindi ko na talaga maidilat ang mata ko. Nagkasya ako sa nagagawa ng tainga ko, ang makinig na lamang. Papalalim na ang antok na nararamdaman ko ng makarinig ako ng sunod sunod na ingay. Malakas at nakakatakot… __________ THIRD POINT OF VIEW "A-andres," mahina ngunit masayang bulalas ni Rosana. Hindi niya maitatanggi ang tuwa sa kanyang mga mata. Kaagad namang lumapit si Aling Sonya sa kaniyang anak. Maging ito ay hindi napigilang maluha ng makitang nagising na si Andres. "Kumusta ang pakiramdam mo, Anak?" dagling tanong nito sa anak. Saka lamang tila napansin ni Andres ang mga taong nakapalibot sa kanya maging ang lugar na kinaroroonan niya. "Nasaan po ako, Inay? S-si.. S-si Itay po?" nanginginig na tanong ni Andres. "Sssshh, narito ka sa hospital, Anak. Wala na rin dito si Karding. Naroo'n na siya sa dapat niyang kalagyan. Wala ka ng dapat ikatakot, narito na ang Nanay." Naluluhang tugon ni Aling Sonya sa Anak saka ito niyakap ng marahan. "Narito din sina Don Menandro at pamilya niya kasama si Rosana. Sila ang nagligtas sayo kagabi." Doon lamang naisipang tingnan ni Andres ang mga bisita niya. Kahit medyo maga ang kanyang bibig ay pinilit niyang ngumiti sa mga ito. Malungkot na gumanti ng ngiti si Rosana sa kaibigan. Muli, hinawakan niya ang kamay nito. "Magpagaling ka na, Andres ha? Para magpi-picnic ulit tayo nila Joaquin." Nakangiti ngunit may luhang nais dumungaw sa mga mata ni Rosana. "Saka yung mga gagawin sa school, ako na ang bahalang magpakopya sayo. Ako na rin ang magtuturo kung di mo pa alam," mabait na sambit din ni Joaquin. Masaya namang ngumiti si Andres sa kanila. "Salamat," tanging sagot nito saka muling bumalik sa higaan. "O pano, Andres. Kailangan mong magpalakas. Aba, marami pa tayong trabaho sa tubuhan," nakangiting singit ni Don Menandro. Gaya kanina, ngumiti lang din si Andres. "Oho, Don Menandro," anito. "Ah, Sonya, maaari ka ba naming makausap sa labas sandali?" Tawag ni Don Menandro sa ina ni Andres. Mabilis namang tumango si Sonya saka nagpaalam sandali sa anak. "Maiwan muna namin kayo rito, ha? Magkwentuhan muna kayo," bilin ni Donya Soledad sa mga bata. Ngumiti at tumango naman sina Rosana at Joaquin bilang tugon. Nang makalabas ang mga matatanda ay nagsimulang magbalat ng orange si Rosana. Si Joaquin naman ay naupo sa paanan ni Andres. Nanatiling walang imik si Andres. "Ah, Andres. K-kamusta pala ang pakiramdam mo?" Panimulang tanong ni Rosana sa kaibigan. Hindi naman kumibo si Andres. Gaya kanina ay seryoso ito at nakatingin lang sa gawi ng pinto pero mapapansin na blangko ang mga mata niya. May mas malalim pa kasing bagay ang tumatakbo sa isip ni Andres.. "Kapag nakita ko siya ulit, papatayin ko na siya!" Mahina ngunit mariing sambit ni Andres. Ang kaninang seryosong awra niya ay napalitan ng galit at pagkamuhi.. Takang nagkatinginan sina Andres at Joaquin. Pareho silang hindi sigurado kung tama ba ang narinig na sinabi ni Andres. "Ano ulit yun, Andres?" lakas loob na tanong ni Joaquin. Marahang umiling si Andres bilang tugon. "P-pwede bang makainom?" Sa halip ay naitanong niya na lang. "Oo naman!" Dangling tugon ni Joaquin saka tumayo at inabot kay Andres ang bottled water. Muling sinulyapan ni Joaquin si Rosana na noo'y matatapos na sa pagbabalat ng orange. "Heto, Andres. Kainin mo. Nilinis ko na yan," maya maya'y sambit ni Rosana kay Andres habang inaabot ang binalatang prutas. Kaagad naman iyong kinuha ni Andres. Kahit hirap siyang ibuka ang bibig ay pinagtyagaan niyang kainin ang prutas. "B-baka hindi na ako makabalik dito, Andres. Bilisan mo na lang ang pagpapagaling para makapag-laro na ulit tayo nila Joaquin sa tubuhan at palaisdaan, ha?" si Rosana. "Oo, bukas lang maglalaro na tayo," masaya ang mga matang tugon ni Andres. "Talaga? Hihintayin pala kita bukas," masayang sambit ni Rosana. "Tama yan, Andres. Kailangan malakas ka para magpaunahan ulit tayo sa pagtakbo," ani Joaquin. Kusang napangiti si Andres sa narinig. "Kailan ka ba nanalo sa akin, Joaquin?" May pagmamalaki sa boses niya. "Malay mo bukas, kung makakauwi ka," kasunod noon ay ang malakas na tawa ni Joaquin. "Sigurado matatalo mo ako, mahina pa ako, e," "Kaya kailangan magpagaling ka na." "Gagaling din ako kaagad. Ako pa ba?" "Promise, Andres?" Si Rosana habang nakataas ang hintuturong daliri. Gumaya naman si Andres sa kanya, "Promise!" anito saka nila pinag-krus ang kanilang mga daliri. Gulat na gulat naman si Joaquin sa nasaksihan. Kaagad ding nalungkot ang ekspresyon ng kanyang mukha. "Teka, ano yan? Ba't kayo lang may ganyan? Ba't ako wala?" "Matagal na namin 'tong ginagawa ni Rosana kapag magpa-promise kami. Hindi ka pa namin kilala no'n." Pagbibigay impormasyon ni Andres. "G-gano'n ba. Hindi ba ako pwede gumaya?" "Hindi, sa amin lang to, e!" Mariing tanggi ni Andres. "Gagawa na lang tayo, Joaquin." Maya maya'y singit ni Rosana. Kaagad namang umaliwalas ang mukha ni Joaquin sa narinig. "Ay, sige." Masayang sang-ayon nito. "Teka, nawiwi-wee ako. Punta muna ako sa CR, ha?" pagkakuwa'y paalam ni Joaquin. Tumango lamang si Rosana samantalang si Andres ay hindi kumibo. Paglabas ng pinto ni Joaquin ay saka lamang nagsalita si Andres. "Gagawan mo din si Joaquin ng promise gaya sa atin?" Nakasimangot na tanong ni Andres kay Rosana. "Oo. Pero hindi kagaya ng sa atin, syempre." Mabilis na tugon ni Rosana. "Baka mamaya mas maganda yung gawin niyo." Mariing umiling si Rosana. "Hindi," nakangiti niyang tugon. Doon pa lamang tila nakampante si Andres. Masyado mang bata sa idad, ang kahirapan at paraan ng kanilang pamumuhay ay tunay na nagpapa-matured sa kanila. Idagdag pa ang payo at pangaral ng kanilang mga magulang. "Rosana, gawa na tayo ng gaya sa inyo ni Andres," saad ni Joaquin pagkalabas nito mula sa CR ng kwarto ni Andres. Panandaliang natahamik si Rosana pero wala siyang maisip na ibang paraan para sa salitang Promise. "Ay ganito na lang tayo Rosana." Si Joaquin iyon na tila may naisip. Humarap siya kay Rosana at saka itinaas ang kanang palad. Nakabukas ang lahat ng kanyang daliri at animo'y mag-aapir. Gumaya naman kaagad si Rosana subalit ang ginawa niya ay in-appear lamang ang nakataas na palad ni Joaquin. "Gano'n ba, Joaquin? Promise tapos apir? Okey din yun," nakangiting sambit ni Rosana. Ngayon ay sigurado siyang mas maganda pa rin yung sa kanila ni Andres. Lihim ding natawa si Andres sa nasasaksihan. Ngunit mariing umiling si Joaquin. "Hindi ganyan, ganito, oh.." aniya saka inilapit ng marahan ang kamay kay Rosana. Pinagdikit nila iyon at pinagdakop pagkalaon. "O, diba? Ang ganda!" masayang bulalas ni Joaquin habang pinagmamasdan ang mga daliri nilang magkasalikop. "O-oo nga, no?" Maging si Rosana ay namangha din. Napakaganda naman kasing pagmasdan ang pagsasalitan ng mga daliri nila habang nakakuyom. Sa nakita ay kaagad na nalungkot si Andres subalit wala naman siyang magagawa. Hindi rin naman si Rosana ang nakapag-isip ng paraan na iyon. Gayunpaman, ang nakapagpagaan na lang sa loob ni Andres ay ang naiibang promise nilang dalawa ng kababata at isa pa ay matagal na nila iyong ginagawa. "Andres, tingnan mo. Hindi maalis ang kamay namin ni Rosana." Masayang bulalas ni Joaquin sa naimbentong paraan na iyon. "Oo nga, pero natatanggal naman talaga 'yan, e. Bitiwan mo kasi ang kamay ni Rosana. Ikaw lang naman ang nakahawak," may inis man ay nagawang ikubli iyon ni Andres. Takang tiningnan ni Joaquin ang kanilang kamay. Oo nga, napansin niyang deretso ang mga daliri ni Rosana at tanging daliri niya lang ang nakakuyom, katunayan na hindi ito ang nakakapit kung hindi siya lamang….
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD