Matapos malinisan ang cassette at tape ng kanta ay dagling umakyat si Don Menandro pabalik sa kwarto ng kanyang anak.
Kaagad niyang inayos ang radyo. Ilang minuto pa ay pumailanlang na ang malamyos na awitin sa buong kwarto ni Joaquin.
Malungkot na pinakinggan ng mag-asawa ang lumang tugtugin kasabay ang pagbabalik-tanaw sa kanilang simulain.
"Daddy, ask Mommy to dance with you again," excited na suhestiyon ni Joaquin sa ama.
Naiilang na tumingin si Don Menandro sa kanyang asawa. Maging ito man ay tila hindi kumportable pero dahil nakamasid ang kanilang anak, walang nagawa si Don Menandro kung hindi ang lapitan si Donya Soledad at ialay ang kanyang mga kamay dito.
"Maaari ba kitang maisayaw, Magandang Binibini?" muling banggit ni Don Menandro sa unang salitang binitiwan niya noon kay Soledad.
Kahit naaalangan ay napilitang kuhain ni Soledad ang kamay ng asawa. Pero ang hindi niya inasahan ay ang katotohanang may mararamdaman pa rin pala siyang kakaibang kaba para sa asawa.
Ng muling magkadikit ang kanilang mga kamay ay naroon pa rin ang tila kuryenteng dumaloy sa kanyang katawan.
Tumayo siya at sumabay sa kanyang asawa hanggang sa mapunta sila sa gitnang bahagi ng kwarto ni Joaquin.
Masayang pinanuod ng bata ang kanyang mga magulang kahit na sa likod ng nakangiti niyang labi ay ang labis na lungkot. Kahit pilit na itago nang mga ito sa kanya ang tunay nilang nararamdaman ay kitang-kita ni Joaquin sa mga kilos nila ang pagkabalisa at alinlangan.
Ilang sandali pa ay naisipan ni Joaquin na samahan sa pagsasayaw ang kanyang Mommy at Daddy. Kaagad siyang kinuha at kinarga ni Don Menandro at ipinagitna sa kanilang dalawa habang ang kanilang mga noo ay magkakadikit at sumasabay sa malamyos na tugtog.
"Mommy, Daddy. Sana lagi tayong ganito. Masaya ako kapag nakikita ko kayong masaya ni Daddy," maya maya'y sambit ni Joaquin.
Hindi naman kaagad sumagot ang kanyang mga magulang pero tila natauhan din silang dalawa.
"O-oo naman, Anak. Bakit hindi?" Panabay na sambit ng mag-asawa.
Sa narinig kahit papa'no ay gumaan ang pakiramdam ni Joaquin. Masaya niyang hinimlay ang ulo sa balikat ng kanyang ama at ipinikit ang kanyang mga mata.
Ilang minuto pa ay nahikab na ang bata at saka dahan-dahang ipinikit ang kanyang mga mata.
Ng mapagtanto ng mag-asawa na tulog na si Joaquin ay marahan nila itong inilapag sa kanyang kama. Walang salita ang namutawi sa bibig ng mag-asawa.
Sabay nilang pinagmamasdan ang maamong mukha ng kanilang Anak habang ito ay natutulog. Inosenteng mukha ng batang nabuo dahil sa pagmamahalan nila noon.
Matapos kumutan ni Donya Soledad si Joaquin ay sabay na rin silang lumabas ng pintuan, iniawang lamang nila ang pinto nito gaya ng palagi nitong nais.
"Mag-usap tayo, Soledad," mahinang sambit ni Menandro sa kanyang asawa.
Hindi kumibo si Soledad bagkus ay sumunod na lamang siya sa asawa. Main door ang tinutungo nila at alam ng Donya kung saan ito tutungo-
Sa swing na paborito nilang tambayan noon bago pa man malubog sa sobrang oras sa trabaho ang kanyang asawa.
Sabay silang naupo doon at tumingala sa kaulapan. Walang masyadong bituin. Gaya ng damdamin nilang dalawa ngayon, mabigat at madilim. Tila nagbabadya ang isang malakas na ulan at anumang oras ay maaaring bumuhos sa kanila.
"I'm sorry," marahang sambit at panimula ni Don Menandro. Hinawakan niya ang mga kamay ng asawa at marahan iyong pinisil.
Kaagad na namuo ang luha sa mga mata ni Donya Soledad. Kanina niya pa pinipigil maluha dahil sa sari-saring emosyon na nararamdaman.
"Na-realize ko ang mga pagkukulang ko, nakita ko ang kagustuhan ng pagkakataon na manatili tayong matatag. Magagawa kong patawarin at kalimutan lahat ng nagawa mong kasalanan sa akin manatili lang tayong buo. Huwag mo lang kami iwanan ni Joaquin," pagpapatuloy ng Don.
Sa pagkakataong yun ay tuluyan ng napahagulgol si Donya Soledad. Napayuko ito at naitakip sa kanyang buong mukha ang dalawang palad. Panay ang yugyog ng kanyang balikat dahil sa hindi mapigil na pag-iyak.
"I understand, Soledad. Kailangan mo lang din patawarin ang iyong sarili upang mas maging magaan ang pagsisimula nating muli. Pangako, magiging responsable na akong asawa sa 'yo mula ngayon."
Subalit mariing iling ang naging sagot ni Donya Soledad..
"B-bakit ngayon lang, Menandro? Bakit?!" Umiiyak pa rin ito.
"It takes time for me to realize. I'm sorry, mas inuna ko ang pride ko at naging manhid ako sa mga paliwanag mo. Hinayaan kong pera ang gumanap sa dapat ay tungkulin ko para sayo so please forgive me, Soledad." Nahihiyang pahayag ulit ni Don Menandro.
"I wanted to stay. I want to start and live my life with you and Joaquin, again. But... but..." muling napahagulgol si Donya Soledad habang hindi maituloy tuloy ang nais niyang sabihin.
Kaagad na kinabahan si Don Menandro. May kakaibang takot sa tinig ng kanyang asawa at may kung anong parte ng isip niya ang ayaw makinig doon.
"S-soledad, may problema ba?"
"I'm sorry, I'm sorry.." umiiling na pahayag ni Donya Soledad.
Napalunok si Don Menandro.
"P-pero bakit? Hindi mo na ba talaga ako mahal? Wala na ba talaga kahit kaunting pagmamahal man lang? B-bakit hindi natin subukang balikan ulit ang nakaraan gaya kanina? Alam ko, Soledad. Alam ko na mahal mo pa rin ako!" Naluluha na ring pahayag ni Don Menandro.
"M-mahal pa rin kita, Oo! Mahal ko kayo ni Joaquin pero hindi na maaari, Menandro. Hindi na pwede.."
Hindi maintindihan ni Don Menandro kung bakit tila may pumipigil sa asawa kahit pa nga naroon pa rin ang pagmamahal nito para sa kanila ni Joaquin.
Napatayo siya mula sa pagkakaupo at saka nagpabalik balik ng lakad sa harapan ng asawa. Pagkakuwan ay tumigil siya sa tapat ni Donya Soledad.
"Anong problema, Soledad. Sabihin mo sa akin, please! Mauunawaan ko. Maaari nating isuplong sa pulis si Manuel kung manggugulo siya. Tinatakot ka ba niya? Obsessed na ba siya sayo?" Sunod sunod na tanong ni Don Menandro.
Muling umiling si Soledad. "H-hindi,"
"Then, what?!" Medyo lumalakas na rin ang boses ng Don.
"I'm sorry," dagli niyang hingi nang paumanhin.
Dahil kanina pa rin nag-iipon nang lakas ng loob ay tuluyan na ngang naibulalas ni Donya Soledad ang pinakatatagong lihim.
"I'm pregnant, Menandro! At si Manuel ang ama!"