Chapter 15

2678 Words
MULA sa isang malawak na kwarto ay makikita ang paglalagay ng isang babaeng nakasuot ng uniporme na tila waitress, ng mga tokens na ginto sa harapan ng kinauupuan ng isang singkit ang mata na lalaking nakasuot ng amerikanang itim. Tanging siya lang ang nanalo sa bet sa isang naging laban sa APWHAEM at milyones ang perang nakuha niya rito dahil doon. NAYANIG naman ang paligid nang isang grupo ng mga malalaking langgam na AI ang pinabagsak nina Laxus na nakasalubong nila sa paglalakad. Kasabay kasi nito ay ang paglaglag sa lupa ng mga malalaking bloke ng kung anong mga bagay na dala ng mga AI na iyon. Nasa limang malalaking bloke ng makikintab na bato ang bumagsak sa lupa at wala naman daw nalabas sa vision ni Laxus kung ano iyon o kung item drop ba ito o hindi. Bago niya pagmasdan ang mga iyon ay pasimple munang sinipat ng binata ang talim ng kanyang ginamit na Earth Sword at ayos din daw pala ito. “Kaso, hindi naman ako mahilig sa maraming weapons. Mas maganda kung isa lang ang gamit ko. Siguro ay mag-i-stick na muna ako sa Night Sword. Kay Lisa ko na lang muna ibibigay ang spear at itong isa…” napatingin siya kay Herald. “Akin pa rin… Rare ito, baka may magandang gamit pa rin talaga ito.” Pagkabalik niya sa kanyang espada sa lalagyanan nito ay sa mga malalaking bloke ng kung ano na siya lumapit, at pinagmasdan at hinawakan nga niya ito. “Ano kaya ito boss? Baka mga malalaking asukal? Hindi ba ganoon ang mga langgam?” sabi ni Herald na pasimpleng dinilaan ang nasa tapat niya na naging dahilan upang si Wind na nasa likuran nito ay mapa-iling. “Komedyante talaga ang isang ito,” sabi naman ng archer sa sarili at seryoso niyang pinagmasdan ang isang bloke na nasa harapan niya. “Walang lumalabas sa vision ko, sa inyo ba?” tanong ni Laxus at sabi ng mga tumingin sa kanya ay wala rin. Kinuha nga ng binata ang kanyang kutsilyong nasa pouch at pagkatapos noon ay buong-lakas niyang sinaksak iyon. Dito na nga biglang nagkaroon ng c***k ang bloke na iyon at doon na sila lumayo mula roon. Ang lamat na ginawa ni Laxus ay kumayap nang kumayap hanggang sa biglang nabiyak sa ilang bahagi ang unang bloke. Mula roon ay may kung ano palang laman sa gitna ito. Isang brown chest at nang makita ito nina Herald ay isa-isa nilang pinagsisira ang mga natitira pang apat na bloke. Ngayon nga ay nasa harapan na nila ang limang chest na magkakamukha lang naman at parang wala namang espesyal na laman ang mga ito kung pagmamasdan. Sa mga tipikal na games kasi ay wala itong pinagkaiba sa mga normal chest na naglalaman ng mga common items. Binuksan nila ang isa at wala itong laman. Ganoon din ang pangalawa, at hanggang sa pang-apat ay wala rin. Pagdating sa huling chest ay napatingin na nga lang si Herald kay Laxus. “Kapag wala pa itong laman ay sayang lang ang effort natin,” sabi ni Herald at nang buksan na niya ang nahuhuli ay doon na nga tumambad sa kanila ang isang nakarolyong maruming papel. Nakatali pa nga ito at pagkakita nila rito ay isa lang nga ang naisip nila kung ano ito. “Mapa yata ito,” sabi ni Herald na mabilis na kinuha ang bagay na iyon at tinanggal ang tali. Halos kasing-laki lang ito ng bond paper at nang buklatin na niya ay doon na nga napaseryoso sina Laxus at Wind na nasa kanyang likuran. “Mapa nga ito boss,” sabi ni Herald at si Laxus ay seryosong pinagmasdan ito. Narito ang Giant Forest at ang Wide Land na dinaanan nila at sa dulo ay ang Starting Plaza. Kasunod ng area kung nasaan sila ay may isang village na may pangalang Frontera at may tatlong map area rin ang kasunod nito. Ang Gorgon Temple sa kaliwang bahagi, ang Netral Mountain sa unahan at sa kanan ay ang Falls of the Sleeping Siren. Tanging iyon lang ang makikita sa mapang ito. Wala nang ibang impormasyon sa kung ano ang mga area na kailangan nilang lampasan bago marating ang mga iyon. Wala ring ibang nakalagay kung ano pa ba ang kasunod nito. Sa taas nga ng mapa ay may nakalagay na Terra Region 1. “Ayos, may village nga boss dito,” sabi ni Herald at si Laxus ay napatango na lang. “Pero wala namang nakalagay sa mapa kung gaano pa tayo kalayo roon. Kung sabagay, malaking bagay na rin iyan. Ang mabuti pa ay magmadali na tayo sa paglabas sa gubat na ito. Mas magandang hindi tayo abutan ng gabi rito,” sabi ni Laxus at sinabi rin niyang si Herald na ang magtago ng mapa. Isiningit na nga lang ng binata ang papel na iyon sa tagiliran nito. Tiningnan nga ni Herald ang mga nasa likuran niyang mga manlalaro. “Mga kasama, tayo na sa Frontera Village.” Si Laxus naman ay napa-iling at naglakad na. Parang naingayan na naman siya kay Herald at nagmadali na lang siyang naglakad habang nagmamasid sa paligid sapagkat hindi pa naman talaga sila ligtas dito. Agad na humabol ng lakad sa kanya si Lisa at pasimpleng napatingin sa binata habang hawak nito ang dalang spear. “Natatakot ka pa ba?” mahinang tanong ni Laxus sa dalaga at umiling naman si Lisa. “Marami na tayo, isa pa, nandiyan ka naman,” nakangiting winika ng dalaga. “Tss… Dapat marunong ka ring makipaglaban.” “Healer mo ako ‘di ba? Hindi pa ba sapat iyon?” napangusong winika ni Lisa at si Laxus naman ay napabuntong-hininga. “Hindi, paano kung maraming kalaban?” “E di… Itong spear, tusok-tusok lang naman iyon. Madali lang sa akin iyon,” nangingiti pang winika ni Lisa at si Laxus ay hindi na malaman kung tama ba na sinasabi niya ito sa dalaga. Habang patuloy silang naglalakad ay pansin na rin nila ang paglakas ng hangin na dumadapo sa kanilang mga katawan at parang nakikita na nga nila ang liwanag sa dulo ng kagubatang ito. Napa-isip na nga lang si Laxus kung gaano na ba sila katagal na naglalakad dito? Parang nasa halos buong araw na rin at nang palapit na sila nang palapit sa liwanag ay doon na nga napatakbo ang mga nasa likuran nilang players na excited nang makalabas. Sa pagdiretso ng ilan ay doon na rin sila nakarinig ng mga pagsigaw mula sa mga ito. Dito na naalalarma sina Laxus at nang marating nila ang dulo ng damuhan nang dahan-dahan ay doon na sila napahinto. Ang mga naunang tumakbo ay hindi naging maingat sapagkat sila pala ngayon ay nasa itaas ng isang matarik na kalupaan. Ang Giant Forest ay nasa itaas ng isang mahabang bangin at dito na nga tumambad sa kanila ang isang malawak na kalupaan sa ibaba. Mula roon ay mararamdaman ang malakas na hangin at masyadong napakataas nila mula sa ibaba. Hindi maii-suggest na dito sila dumaan dahil baka matulad lang sila sa dalawang players na basta na lang dumiretso rito. Si Laxus ay napatingin sa ibaba at nakatanaw siya ng mga kabahayan. Mukhang iyon daw yata ang sinasabing Village sa mapa. Kasunod noon ay ang paglingon niya sa mga lugar na kasunod nito. Puro malalawak na damuhan ang madadaanan nila at parang nababalutan ng makakapal na kung anong hamog ang karugtong nito. Tanging ang kabundukan sa dulo ang natatanaw nila na nababalutan naman ng maitim na ulap ang tuktok. “Paano tayo pupunta sa ibaba nito?” tanong ni Lisa at si Laxus ay napatingin sa paligid. Talaga raw na isang pahabang bangin ito at parang sinandyang maging ganito ang disenyo ng area na ito ng mga developers. “Iyan din ang hindi ko masabi,” sabi ni Laxus na naintriga sa isip niya dahil parang ayaw pa ring ipakita sa kanya ang mga pwedeng lugar na mapuntahan nila maliban sa village na nasa ibaba. Nasaan daw ang temple, ang falls? Parang interesante ito sa kanya at naisip niyang baka raw may mga malalakas na AI doon. Parang mga kagaya sa mga games na nalaro niya, may mga area guardians na kailangang patayin para lang makalampas, o para makakuha ng isang rare item. “Pero paano nga ba kami makakababa sa village na iyon? May kailangan kaya kaming gawin dito?” tanong ni Laxus sa sarili na nakitang ang araw ay papalubog na rin nang oras na ito. Mula naman sa itaas, ay bigla na lang kumawala ang isang malakas na hangin at naging dahilan iyon para maalarma ang mga players na naroon. Napatakbo pabalik sa loob ang karamihan habang sina Laxus naman ay napatingala sa itaas at dito na nga tumambad sa kanila ang isang napakalaking ibon na ngayon ay nakatingin sa kanila. Hinugot ni Laxus ang kanyang espada at nakaramdam ng hindi maganda sa tingin ng malaking ibon na ito. “Black Falcon: Level 6.” Isa itong dambuhalang ibon na itim ang kulay na sa tingin niya ay kaya silang dagitin at basta na lang ihulog sa ibaba. Nang makita ito ni Laxus ay hindi na kaagad ito maganda para sa kanya. Maging siya ay napatakbo na rin pabalik sa loob ng gubat. Pagdating nila sa loob ay seryoso nang nakatingin sa kanya sina Herald at Wind. Ang mga non-gamers naman ay makikitang parang natatakot na naman dahil sa pwedeng mangyari sa kanila. Mula pa rin nga sa labas ng kagubatan ay nakarinig pa sila ng malalakas na huni ng ibon at tila hindi lang iisa ang AI na iyon. “Boss, paano na?” tanong ni Herald at si Laxus ay bumuntong-hininga at seryosong tumingin dito. “Mas maganda yatang dito muna tayo magpalipas ng gabi. Wala pa rin akong alam na paraan para makababa sa sunod nating target area,” sabi ng binata at si Lisa ay napatabi na nga lang sa kanya dahil maya-maya lang ay tiyak na magdidilim na rito sa loob. “Siguro naman, may paraan talaga para makarating tayo sa baba,” bigla namang sinabi ni Wind na pasimple pa ring nagmamasid sa paligid. “Sa tingin ko rin, at tayo mismo ang kailangang makatuklas noon,” sabi ni Laxus. “Sa tingin ko, baka pwede nating sakyan ang mga ibon na iyon? Paano kung kagaya sila noong Ogre na kaya mong pasunurin?” sambit ni Herald at naisip din naman ito ni Laxus. “Level 6 ang AI na iyon at mas may advantage din sila kasi nasa ere sila. Level 1 lang naman ang mga Ogre na nakalaban ninyo. Paano ba natin lalabanan ang ganoong mga kalaban? Pwede siguro…” napatingin si Laxus kay Wind. “Kaso, iilan na lang ang palaso ko… Wala na akong magagamit kapag ginamit ko pa ito… Palagay mo ba, kailangan na ba nating i-clear nang husto ang Giant Forest na ito?” sambit naman ng archer na napa-upo na lang sa isang naka-usling ugat ng puno roon. Ang mga non-gamers, wala pa ring maintindihan sa mga nag-uusap-usap na kasama nila. “Iyan din ang naiisip ko, baka may mga area sa lugar na ito ang makakatulong sa atin para makababa. Pero mas magandang bukas na uli tayo magsimula,” sabi ni Laxus na napapansing mas mabilis dumilim dito sa loob ng gubat. “Maganda kung maghanap muna tayo ng mga tuyong kahoy para may ilaw tayo mamayang gabi. Isa pa, mas maging alerto tayo dahil pakiramdam ko ay mas magiging aggressive ang mga AIs dito mamayang gabi. Ito ay sa palagay ko lang naman,” sabi pa ni Laxus at napatango naman sina Herald at Wind dito. “Paano natin sisindihan boss?” tanong naman ni Herald. “May lighter akong item,” sagot ni Laxus at pagkatapos noon ay naghanap na siya ng mapupwestuhan para upuan. Si Lisa ay sumunod sa kanya habang si Herald naman ay inutusan ang mga kasama niyang maghanap ng mga tuyong kahoy. Ang gabi ay sumapit na nga at makikita ang mga players na iyon na nakapaikot sa isang maliwanag na apoy mula sa nagliliyab na mga kahoy sa gitna nila. Iyon ang tanging liwanag sa kagubatang iyon nang oras na iyon. Makikita na naman ang kwentuhan ng mga non-gamers na sinalihan din naman ni Lisa dahil hindi naman daw siya kakausapin ni Laxus. Isa pa, mas maganda raw na kaibiganin din niya ang mga kasama nila rito. Nakatayo naman si Laxus nang oras na iyon habang nakasandal sa isang puno. Nagmamatyag ang mga mata niya kagaya ni Herald na alertong-alerto nang mga oras na iyon. Si Wind naman ay nakasampa sa isang hindi kataasang sanga ng isang puno at doon siya nagbabantay kung sakali mang may mga AI na biglang lumitaw. Habang lumilipas ang oras ay parang wala namang masamang nangyayari sa kanila, kaso, ang hindi nila alam nang mga oras ding iyon ay kanina pa palang naka-abang ang napakaraming AI sa kagubatang ito na sila ay atakehin. Kanya-kanya ng tago ang mga ito sa mga malalagong dahon ng puno at mula sa isang hindi kalayuang puno ay isang level 5 na AI din kasalukuyang nakalawit sa isang malaking sanga ng puno. Isa itong malaking paniki at may mga kasama itong mga mas mababang level dito na sabay-sabay na namulat ang mata nang ang malamig na simoy ng hangin ay dumampi sa mga katawan nila nang oras na iyon. Mula naman sa labas ng game ay isang pustahan na naman ang lumitaw sa screen ng mga mayayamang tao na nanonood ng nangyayari sa loob ng game. Ang pagpupustahan naman ngayon ay kung magagawa bang makaabot ng umaga ng mga players sa Giant Forest, dahil sa mga oras na ito ay maaari na silang atakehin ng napakaraming AI sa area na iyon na napaka-aktibo dahil ang oras sa loob ng game ay gabi na. Nang mga oras ding iyon sa loob ng game ay makikita naman mula sa kalangitan ang pagbagsak ng isang lalaking may nakasuot ng makintab na baluti at kulay blonde ang buhok. May malaking palakol ito sa likod at hindi man lang ito kinakabahan na mahulog mula sa kanyang pinagtalunan. “Bakit kaya wala pa ang Daymond na iyon,” bulalas ng lalaki at habang nasa ere siya ay isang dambuhalang Black Falcon ang nakita niyang papalapit na sa kanya upang siya ay atakehin. Ngumisi nga ang lalaki at mabilis na kinuha ang kanyang palakol na item. Dito nga ay nagliwanag ang talim nito at doon na nga niya sinabayan ang AI na papalapit na sa kanya. Mula roon ay isang liwanag na paikot ang bumalot sa katawan ng dambuhalang ibon at kasunod noon ay ang pagkahati ng katawan nito sa dalawa. Kumawala rin ang malakas na hangin mula roon at sinabayan ito ng pagsabog ng ibon dahil sa ang HP nito ay naging zero na. “Napakahinang AI… Ano ang laban mo sa Sky Axe ko na level 10 na?” nakangising bulalas ng binatang patuloy na nahuhulog mula sa kalangitan. Kasunod nga nito ay ang pagkislap ng medalyon na nasa kwintas nito. Doon na nga kumawala ang isang malakas na hangin at lumabas ito mula sa kanyang mga paa na naging dahilan para makontrol niya ang kanyang katawan sa ere. Ngayon ay makikitang lumilipad na siya at masayang-masaya siya dahil isa siya sa nabigyan ng isang God’s Ability, ang kakayahang kontrolin ang hangin. Iilan lang silang may ganitong ability sa mga kasama niya, at bilang tinaguriang pinakamalalakas sa game na ito ay tama lang na mapasama siya sa mga natatanging may ganitong skill. “Natutuwa ako sa game na ito… Hindi ako nagsising sumali sa Advanced Beta Testing nito. Mga ganitong game talaga ang magandang laruin,” sabi pa niya at ngayon ay unti-unti na niyang nakikita ang Giant Forest na nais niyang puntahan para hanapin si Daymond. “Napakatigas kasi ng ulo ng isang iyon…” sabi pa ng binata sa sarili at ngayon nga ay napangiti na lang muli siya habang patuloy na lumilipad pababa. Wala siyang kaalam-alam na ang player pala na hinahanap niya ay wala na sa game na ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD