NAPAHINTO si Laxus sa paglalakad nang may isang puno na medyo maliit silang nakita at may bilog na prutas itong bunga. Para itong orange kung pagmamasdan nang malapitan. May lumabas nga sa vision ng binata na ito ay pagkain.
“Redgerines: Food.”
Pumitas nga ng isa ang binata at binuksan ito na seryoso namang pinagmasdan ng mga kasama niya. Ang loob nito ay walang pinagkaiba sa oranges maliban sa kulay nito, at ang mga kasamahan niya ay pinapanood lang siya habang ginagawa iyon. Nang makita nga nila na isinubo ni Laxus ang isang pinunit na laman noon ay nagulat sila.
“B-boss? Nakakain iyan?” tanong ni Herald at si Laxus ay napaseryoso ng tingin sa kanyang hawak na prutas. Ang tamis daw nito na may kumukulbit na asim ang katas. Nakikita rin niya na dahan-dahang nadaragdagan ang energy level niya dahil dito.
“Kailangang kumain sa game na ito… Hindi mo ba nakikita ang energy bar mo?” tanong ni Laxus at si Herald ay napaseryoso na lang na pinagmasdan ang kanyang vision. Maging si Wind ay hindi rin alam iyon at doon pa nga lang niya nakita ang kanyang Energy Bar. Hindi pa pala ito lumilitaw at nakita niyang nabawasan na ito.
“Kumuha na kayo… Kung kaya ninyong maglagay sa pouch ninyo ay maglagay kayo bilang reserba. May energy bar tayo rito na kailangang may laman at may mahabang oras sa taas. Mapupuno lang ito sa pamamagitan ng pagkain, o maging ng pagtulog. Virtual Reality ito at mukhang isa lang ang hindi natin mararamdaman dito. Iyon ay ang pain ng mga damage na makukuha natin,” paliwanag ng binata at ang lahat ay napaseryoso na lang ng tingin sa kanya.
“A-ang galing ninyo boss… P-paano mo iyon alam?” nangingiting tanong ni Herald na mabilis na kumuha ng isa at binuksan. Doon na nga rin nagsitakbuhan ang ilang mga players at kumuha ng isa para kumain.
“Kusa ko lang nalaman, wala naman akong alam sa game na ito. Sadyang kailangan lang talagang pag-aralan para malaman…” seryoso pang winika ni Laxus at panay tango naman si Herald na napangiti nang malasahan na ang katas ng prutas na kanyang hawak.
Si Laxus ay napatingin pa nga kay Lisa at sinabihan niyang maglagay ito ng isa sa pouch nito. Tatlo ang inilagay ng dalaga at ang binata naman ay isa dahil lima lang ang capacity ng lalagyanan niya. Nagsilagay rin ang mga kasama niya ng ilan sa mga pouch nila at pagkatapos noon ay muli na silang naglakad. Habang naglalakad ay ang dami ngang tanong ni Herald na pasimple lang na pinakikinggan ni Wind na ngayon ay nasa likuran na ng tatlong nangunguna sa paglalakad nila.
“Ahh… Ibig-sabihin, kapag nag-level up ang items ko, pwede ring makakuha ako ng iba pang sword skill…”
“Siguro nga boss, maganda kung may mga villages dito na pwede nating bilhan ng items. At baka may mga lugar din dito na may mga malalakas na weapons, palagay mo?” tanong pa ni Herald at si Laxus, kahit ayaw ng maingay ay medyo napapasalita na rin. Hindi rin naman ito kagaya noong sa mga computer shop na kapag nakapagsuot na siya ng headphone at nakaharap sa monitor ay hindi na niya maririnig ang mga miron sa kanyang likuran.
“Posible iyan… Gaming world kasi ito,” sabi pa ni Laxus na pasimpleng nag-oobserba sa paligid. Nagtataka nga siya kasi parang wala na raw yatang nagpapakitang AIs ngayon.
“P-pero may tanong nga pala ako boss…” nangingiting winika pa ni Herald na kating-kati na niyang itanong kanina pa.
“Ikaw ba iyong Laxus na sinasabing hindi pa natatalo sa kahit anong game?”
Si Wind ay napatingin kay Herald nang marinig iyon. “Hindi pa ba obvious?” anito sa sarili na napa-iling. “Bobo talaga itong singkit na ‘to.”
“Hindi ako ‘yun. Ginaya ko lang ang IGN niya kasi idol ko iyon. Baka nga nasa gamers group siya,” sabi pa ni Laxus at si Lisa ay napatingin sa kanya na kaagad niyang nilakihan ng mata para sabihing huwag nang umimik.
“N-niyayabang mo naman ako boss… Ang galing n’yo kasi. Kayo talaga iyon,” sabi pa ni Herald at si Laxus ay kunyari ay natawa na hindi naman talaga niya ugaling gawin.
“Mas magaling ang totoong Laxus… Basta, hindi ako iyon. Kasi kung ako iyon, baka iniwanan na kayo nito rito. Suplado kasi iyon at hindi mahilig makisama sa iba,” sabi pa ni Laxus at si Lisa ay pasimpleng itinago ang mukha nang magpigil ng tawa. Sa loob-loob naman ng binata ay napapa-isip siya kung bakit pa ba raw niya kailangang gawin ito?
Si Wind naman sa likuran nila ay napatingin kay Laxus nang oras na iyon. Tama ang sinasabi nito. Napakasuplado nga raw talaga ng Saint na iyon dahil minsan ay ninais niya itong kausapin kaso, nilampasan lang siya nito basta. Ang player namang ito… Ngayon ay hinayaan na silang sumama rito. Ang Laxus na idol niya ay gustong mag-isa at kung ito nga iyon ay parang iba nga raw yata ito. Dito tuloy siya medyo naguluhan kaya parang nagbago ang isip niya kung si Laxus na Gaming Genius nga ba talaga ito.
“Hindi nga boss? H-hindi kayo iyon?” Ayaw pa ring tumigil ni Herald at ayaw talaga niyang maniwala sa sinasabi ng kasama niyang ito.
“Hindi talaga ako iyon… Nakikipag-usap na ako sa iyo. Ang bait-bait ko rin… Hindi ako kagaya noong Laxus na sinasabi mo,” sabi pa ng binata at si Lisa ay todo-pigil pa rin sa pagtawa.
“Hindi ko alam Saint kung ano ang nangyari sa iyo, pero mukhang ginagawa mo lang iyan para hindi isipin ng mga iyan na ikaw iyon. Talagang sinasabi mo ang ugali mo,” ani Lisa sa sarili na huminga nang malalim para lang mawala ang pagtitimpi niyang matawa sa sinasabi ng lalaking ito. Naisip tuloy niyang makisali sa pagsisinungaling nito… Para makabawi na rin daw sa mga pagsusuplado nito sa kanya.
“Hindi talaga siya ang sinasabi mong Laxus… Kilala ko sa tunay na mundo ang player na iyan. Kilala ko rin ang Laxus na tinutukoy mo.”
Si Laxus ay pasimpleng tumingin kay Lisa na mukhang nagsimula na naman sa kadaldalan ng bunganga. Ngumiti ito sa kanya at parang hindi niya gusto ang mga gagawin nito.
“Iyong Laxus na sinasabi mo ay napakasuplado. Wala iyong kaibigan at lalong hindi iyon nakikipagkapwa sa iba. May iba iyong mundo. Para sa akin, abnormal ang ganoon. Oo, magaling siyang gamer, pero hanggang doon lang siya… kapag nawala ang gaming. Para na siyang abnormal,” sabi ni Lisa na may kaunti pang pagtataas ng boses.
Si Laxus naman ay gustong supalpalin ang dalaga lalo na sa sinabi nitong pagiging abnormal niya. Hindi niya gusto ang sinabi nito at doon na nga rin niya narinig si Herald.
“Oo nga… Idol ko iyon sa pagiging gamer, pero mukhang hindi nga iyon palakaibigan. Suplado at walang pakialam sa iba. Ayaw ko rin ng ganoon. Ako, mayabang talaga ako, pero kapag ang kasama ko ay ang mga tropa ko, mas mayabang lalo ako,” natatawa pang winika ni Herald at si Wind naman na nasa likuran nila ay napapatango na lang dahil ang Saint na si Laxus ay sadyang napakawalang-kwentang tao kung wala ang gaming. Ni hindi man lang daw siya nito nginitian nang harapin niya ito. Pagdating sa galawan sa paglalaro, idol niya ito at mukhang kagaya ni Herald ay alam din nito kung gaano nga naman kasuplado ang lalaking iyon.
“Kaya itong Laxus na ito?” Nabigla si Laxus nang akbayan siya ni Lisa. “Ibang-iba ito, friendly ito. Noong una medyo suplado pa ito sa inyo pero sa loob-loob nito ay gusto nitong makipagkaibigan sa lahat. Bestfriend ko ito sa real life at napakabait nito. May pakialam ito palagi sa iba, lalo sa akin na bff niya.”
“Ano ba ang sinasabi ng babaeng ito? Naririndi na ako,” sabi ni Laxus sa sarili at pinalo pa siya sa likod ni Lisa.
“Hindi ba Laxus? Ibang-iba ka sa Laxus na tinutukoy niya? Ang pangit kaya ng ugali ng Laxus na idol mo at alam mo iyon,” ani pa ni Lisa at si Laxus ay napa-iling na lang sa kanyang isip. Kailangan niyang sakyan ito upang hindi siya paghinalaan ng mga ito na siya nga naman talaga ang Laxus na sinasabi ng mga ito.
“O-oo!” sagot ni Laxus na ang sama ng tingin sa dalaga. Parang siya pa yata ang magsisisi sa kanyang ginawang pagsisinungaling pero kailangan na rin naman niyang gawin ito dahil wala naman daw yatang thrill kung ipagyayabang niyang siya nga talaga iyon.
“Mabuti naman, pero boss pa rin ang itatawag ko sa iyo kasi ang galing mo. Baka ikaw si Laxus 2.0,” nangingiting winika pa ni Herald at si Wind naman ay napangiti nang palihim dahil doon. Laxus din ang pangalan ng kasama niya at baka nga sadyang malakas ito kagaya ng kanyang idolo.
“Friendly Laxus 2.0.”
Ang mga kasama naman nila ay walang pakialam sa kanila dahil hindi naman nila kilala ang sinasabi ng mga ito na Laxus na Gaming Genius. Ang importante sa kanila ay sumama sila sa mga manlalarong ito para maka-survive sila sa larong ito na medyo okay rin naman daw dahil may mga powers sila.
“Mukhang no choice na talaga ako,” sabi ni Laxus sa sarili na napatingin pa rin kay Lisa na naka-akbay pa rin sa kanya nang oras na iyon. Feeling close na raw yata ang isang ito sa kanya ngayon at mukhang in-character ang pagsisinungaling nito na kahit hindi niya nagugustuhan ay kailangan niyang sakyan.
“Pero boss, akala ko jowa mo iyang kasama mo. Same color din kayo ng buhok… Baka hindi kayo Bff ah,” nangingiting wika pa ni Herald at si Lisa ay mabilis na bumitaw kay Laxus.
Gusto ni Lisa na sabihin hindi iyon mangyayari. Kaso, in-character siya.
Napasalita nga bigla si Laxus na may pasimple pang tingin sa dalaga.
“Naku hindi, bff lang ng konti. Malas ang magiging boyfriend nito kasi masakit sa tainga ang boses,” ani Laxus at si Lisa ay napaseryoso nang marinig iyon. Inaasar daw siya ni Laxus at mukhang ito ang pambawi nito.
“Hoy! An---“ Napahinto sa sasabihin si Lisa nang bigla siyang itulak ni Laxus at doon na nga umalingawngaw ang malakas na banggaan ng dalawang talim sa harapan ng napaupo sa lupang dalaga.
Seryosong napatingin si Laxus sa isang kakalitaw lang na player na muntikan nang matamaan si Lisa sa pag-atake nito. Pagkakita ng mga manlalaro sa isa pang iyon ay agad na napahanda ng mga weapon sina Wind at Herald.
“P-paano mo napigilan ang atake ko? Balak ko lang sanang bawasan ang HP ng chix na iyan,” nakangising winika ng lalaking may mahabang buhok at nakapusod ito sa likuran nito. Nangingintab din ang espada nito na may tila mga dahon na kumayap na nakaukit sa blade nito. Nang makita nga ito ni Laxus ay napaseryoso siya ng tingin dito sapagkat may kung anong lumabas sa kanyang vision tungkol sa weapon na iyon.
“Earth Sword: Level 3. Rare Item.”
Mabilis ngang tumalon palayo ang lumitaw na player at napapunas sa kanyang noo. Napatingin nga siya muli sa player na may dilaw na buhok at napaseryoso siya dahil paano raw siya nito napigilan kung napakabilis ng pagsugod niya rito.
“Lalo akong nagkaka-interes sa isang ito.”
“Ikaw lalaking may dilaw na buhok… Hinahamon kita ng isang duel!” bulalas ng lumitaw na player na iyon at si Laxus ay napangisi nang marinig iyon.
“Malakas ang isang ito,” sabi ni Laxus sa sarili at napahigpit ang hawak niya sa kanyang spear at espada dahil nakaramdam siya ng excitement dito. Malakas ang kutob niyang mabibigyan siya nito ng isang magandang laban.
“Game,” sabi ni Laxus na kinangisi kaagad ng bagong dating na manlalarong iyon. Napalunok pa nga ito ng laway dahil hindi siya makaramdam ng takot mula sa player na may dilaw na buhok. Parang ang laki ng tiwala nitong matatalo siya nito.
“Lumayo muna kayo,” wika ni Laxus sa mga kasamahan niya. “Mukhang may ideya na ako kung saan galing ang isang ito…”
Nang marinig ito nina Herald at Wind ay doon na sila napaseryoso. “Ang grupo ng mga gamers?”
Ibinato ni Laxus ang kanyang Spear kay Lisa at sinabing hawakan muna nito ito. Ang player namang nasa harapan ni Laxus ay napatingin sa espadang hawak niya.
“Night Sword: Level 4.”
“Level 4 na kaagad ang kanyang espada? Mas mataas sa level ng Earth Sword ko… Pero normal weapon lang naman ito kung ikukumpara sa sandata kong mataas ang quality,” sabi pa ng manlalarong ito sa kanyang sarili.
Umihip ang hindi kalakasang hangin sa paligid at nagharap na ang dalawa sa harapan ng mga manlalarong nasa likuran nila.
“Bago tayo maglaban, gusto ko munang magpakilala… Ako si Daymond at nagmula ako sa---“ Nahinto siya sa sasabihin. Muntik na kasi niyang masabi at napatingin siya sa manlalarong nasa harapan niya.
“Nagmula ka sa mga malalakas na gamers na hindi ko alam kung nasaan sa game na ito?” nakangising tanong ni Laxus at dito na napaseryoso si Daymond. Ibig-sabihin ba nito ay may nalalaman ang isang ito tungkol sa paghahati ng grupo ng mga pumasok sa game na ito?
Ngumiti naman si Daymond at ikinalma ang kanyang sarili. “Ikaw? Magpakilala ka!”
Ngumisi si Laxus at iwinasiwas sa hangin ang kanyang hawak na espada. “Kapag natalo kita, doon lang ako magpapakilala,” wika nito na ikinahigpit ng hawak ni Daymond sa kanyang sandata.
“Hindi ko gusto ang tabas ng dila mo… Isa ka lang namang mahinang player kaya ka narito. Kaya para maturuan kita ng leksyon, papatayin na kita sa game na ito…” winika ni Daymond at doon na nga nagliwanag ang talim ng kanyang espada.
“Sword Skill: Earth Power.”
Isang skill na nagpapataas ng damage ng kanyang espada sa loob ng tatlong segundo.
Nayanig ang paligid at doon ay biglang naglaho si Daymond na ikinaseryoso ni Laxus. Kasunod noon ay ang pagbaon ng talim ng espada ng kalaban sa kanyang likod na ngayon ay nasa likuran na pala niya.
“Easy win…” sabi ni Daymond. Ang mga players na nakasaksi noon ay napaseryoso at si Lisa ay kinabahan kay Laxus dahil nakita niyang nababawasan ang HP nito. Kasabay noon ay ang pagdidilim ng paligid na tila naging gabi at dito na napaseryoso si Daymond nang may hangin na tumagos din sa kanyang katawan. Dito nga ay lumapag naman si Laxus sa kanyang harapan na umuusok ang talim ng espada.
“Curved s***h!”
“Kung malakas kang player, dapat ay may defensive item kang suot… Kaso, wala at advantage ito ng level 4 kong espada laban sa iyo… Isa pa…”
Isang mahabang pulang guhit ang lumitaw sa dibdib ni Daymond at ang kanyang HP ay bumagsak sa 40%. Napaseryoso siya at napahigpit ng kapit sa kanyang espada. “I-ikaw?” bulalas nito at bigla na lang itong naglaho at naging dahon. Mula sa kung saan ay kumislap ang talim ng kanyang espada at isa pang sword skill ang ginawa nito papunta sa kalaban.
“Annihilate!”
Isang destructive skill ng kanyang espada na may kasamang pagsabog kapag tumama sa kalaban na makakapagbigay ng malaking pinsala sa kalaban.
Napaseryoso si Laxus doon pero may lumabas sa kanyang vision na ikinaseryoso niya.
“Skill Weakness: 10 seconds casting.”
Dito nga ay umalingawngaw sa paligid ang banggaan ng kanilang mga espada at bago pa man gumana ang skill na nagmumula sa espada nito ay mabilis niyang iwinasiwas pataas ang kanyang Night Sword bago pa man matapos ang pagdilim ng paligid.
Umangat nga ang kamay ni Daymond na may hawak sa espada dahil doon at si Laxus ay napangisi nang bumigla siya nga hakbang pauna. Bago mawala ang dilim ng paligid ay ibinaon niya ang kanyang espada sa tapat ng puso ng kanyang kalaban.
“Hindi na kailangang lumabas sa vision ko ang weakness ng bawat players dito… Dahil para rin kaming tao na ang pagtigil ng pagtibok ng puso ang pinakangbasehan… Hindi ba, APWHAEM?” bulalas ni Laxus sa sarili at si Daymond ay hindi makapaniwala dahil parang nagmukha siyang mahina sa manlalarong ito na nasa Terra Region.
“Marami pa sana akong gustong itanong sa iyo, kaso, walang thrill kung malalaman ko kaagad,” ani pa ni Laxus at nagliwanag na muli ang paligid at ang skill ni Daymond ay naglaho dahil sa unti-unting pagka-ubos ng kanyang HP.
“Kung gusto mo akong makilala?”
Sa pagdapa ng katawan ni Daymond ay sinundan din ito ng mahinang mga salita ni Laxus.
“Ibalita mo na lang sa labas… Na si Laxus Elrod ay narito sa loob ng game na ito para talunin ang lahat ng mga gamers na nasa kung saan…”
Nanlaki ang mata ni Daymond nang marinig ang pangalang narinig niya. Kahit gusto pa niyang mabuhay ay tila huli na ang lahat. Ang dahilan pala kung bakit hindi niya ito matatalo ay dahil sa…
Sumabog ang katawan ni Daymond at naging abo. Kasunod noon ay ang pagbagsak ng espada nitong Earth Sword na ikinangisi ni Laxus dahil nasa kanyang possession na ito ngayon. Ang mga players na nasa likuran lalo na sina Herald at Wind ay napalunok na lang ng laway sa ginawa ng player na may dilaw na buhok.
Hindi iyon basta-basta, at sadyang napakapambihira para sa kanila.
“Easy win pala…” sabi na lang ni Laxus sa sarili at tumingin sa itaas. May isang maliit na siwang sa mga dahon ang makikita at doon ay napangisi siya. Kung may nagpakitang isang player na gamer, posibleng may iba pang magpapakita sa kanya magmula ngayon.
“Maganda ito,” winika pa niya at napatingin siya sa kanyang likuran. Pagkatapos noon ay ibinalik na rin niya sa tagiliran niya ang kanyang bagong nakuhang sandata. Kasunod noon ay naglakad na siyang muli sa kagubatang iyon.