Chapter 12

3072 Words
NAPASERYOSO na lang si Laxus nang makitang yumuko sa harapan niya ang dalawang malaking Ogre na may malalaking mata at ngipin. Dito ay naisip niyang baka ito ay dahil sa natalo niya ang kasamahan ng mga ito ay posibleng sundin na siya ng mga ito. Inisip niya na ang pinuno kaya nila iyong napatay niya? Pero kung anuman ang dahilan ay magandang pangyayari ito para sa kanya. Parang kagaya noong isang game na nalaro niya noon na kayang mapasunod ng kanyang hero ang mga alagad ng natalo niyang kalaban. Lumabas nga bigla sa vision niya na hindi siya aatakehin ng mga Ogre na ito sapagkat tinalo niya ang lider ng grupo nila. Tama ang naisip niya at natatawa siya dahil ang mga low level na AI na tulad nito ay may ganoon palang attitude sa game na ito. O baka ito lang? Ibinalik na nga niya ang kanyang espada sa lalagyanan nito at mula sa likuran niya ay makikitang mabilis na naglalakad ang mga players na iniligtas niya. Hindi naman talaga niya iniligtas ang mga ito dahil ang ipinunta lang naman niya rito ay subukan kung mapapatay niya ang Ogre na iyon dahil alam niya ang weakness nito. “Bro! Ang galing mo! Paano mo iyon nagawa?” nakangiting tanong ng lalaking may weapon na espada. Napatingin naman si Laxus sa singkitin na lalaking iyon na tirik ang buhok. Nakita rin niya ang mga kasama nito at kanya-kanya ng tingin ang mga ito sa kanya. Sa bilang niya ay nasa tatlumpu ang mga ito na ngayon ay nakangiting nakatitig sa kanya na hindi niya gusto. “Wala lang, level 1 lang ang Ogre,” sabi ni Laxus na ikinaseryoso ng lalaking nasa tapat niya. Mula naman sa likuran ay pasimpleng nakatingin ang isa pang player sa lalaking may dilaw na buhok. “Kaya mo rin palang makita ang levels ng mga AI, na mukhang hindi alam nitong singkit na ito… Tss,” ani ng lalaki sa sarili. Makikita rin sa likuran niya ang isang bow na gawa sa metal at ang mga arrows nito na parang nasa lima lang sa lalagyanan nitong nasa tagiliran. Mahaba ang buhok nito at natatabunan ng makapal na bangs nito ang kanang mata nito. “Kaya ko ring talunin ang Ogre na iyon, kaso, masasayang ang arrows ko na hindi ko pa alam kung saan ako makakabili sa game na ito,” sabi pa nito sa sarili na pinagmasdan pa ang binatang nagligtas sa mga mahihina niyang kasama. Pinagmasdan niya ang espada sa tagiliran nito at ang spear na hawak nito. “Siguro, kailangan ko na ring maghanap ng pangmalapitang weapon. Tss…” Tumalikod na nga siya at nagmasid na muli sa paligid. Kung alam lang daw niyang ang dalawang Ogre ay gagawin iyon… Siya na raw sana ang pumatay sa AI na iyon. “Pero akala ko rin ay ang ulo ang weakness ng Ogre na iyon kaya hindi rin siguro magiging madali sa akin na talunin ang isang iyon.” “Bro! Sumama ka sa amin. Mukhang ikaw ang kailangan namin para makatawid sa gubat na ito,” ani naman ng lalaki na nakatayo sa harapan ni Laxus. Iniangat nga nito ang kanyang kamay para makipagkamay sa binata. “Herald nga pala, isang swordman sa game na ito. Nakakatuwa kasi may espada ka rin. Akala ko ay ako lang ang nabigyan ng ganyang weapon sa atin,” sabi pa nito at si Laxus naman ay tiningnan lang ang kamay ng lalaki. “Item drop lang ito,” ani Laxus na tinalikuran na ang lalaki pagkatapos. Wala siyang pakialam dito at hindi rin siya interesadong sumama sa mga ito na sa palagay niya ay magiging pabigat lang. Napaseryoso naman si Herald nang basta na lang siya talikuran ng lalaki. Nakaramdam na nga siya ng hindi pagkatuwa sa ginawa nito. Pinilit niyang hindi mainggit sa ginawa nito at inisip na magiging magandang kasama niya ito, kaso, mukhang may pangit pala itong ugali kaya nga napahugot siya ng espada. Ang mga nasa paligid ay nabigla nang bigla na lang humakbang pauna si Herald. Ang espada nito ay makikitang nakaamang sa katawan ni Laxus na kasalukuyang naglalakad palapit sa mga Ogre na nakatingin dito. Mula naman sa likuran ay napangisi ang archer na si Wind dahil lumabas na rin ang tunay na ugali ng Herald na iyon. Ramdam niyang hindi ito talaga mabait at ang gusto lang nito ay maglider-lideran sa mga walang alam na mga kasama nila. “Maganda ito,” sabi ni Wind sa sarili at tumingin siya sa lalaking may dilaw na buhok para abangan kung ano ang gagawin nito. Umalingawngaw sa buong paligid ang banggaan ng dalawang talim nang mabilis na umikot si Laxus at sinalag ang gagawin ni Herald. Nahugot kaagad ng binata ang kanyang Night Sword na ngayon ay pinipilit na itulak ng kanyang nasa harapan gamit naman ang espada nito. “Lumabas din ang tunay mong kulay,” ani Laxus at bigla na lang humiyaw ang dalawang Ogre na malapit sa kanila. Nakangisi naman si Herald habang nakatingin sa lalaking may dilaw na buhok. “Hindi ko kasi gusto ang ginawa mo sa akin,” ani ng binata na mabilis na tumalon palayo. “Kung iniisip mong mas magaling ka sa akin ay nagkakamali ka… Alam kong isa kang gamer, pero hindi ka uubra sa akin kung maglalaban tayo,” wika ni Herald na naging alerto rin dahil sa pagtingin nang hindi maganda sa kanya ng dalawang Ogres. “Hindi mo ba nagustuhan na nagawa kong talunin ang Ogre na iyon nang ganoon kabilis? Isa lang ang ibig-sabihin noon…” Ngumiti si Laxus at itinaas niya ang kanyang isang kamay matapos ibaon sa lupa ang hawak niyang spear. “Huwag na kayong mangialam dalawa. Easy lang sa akin ang isang ito.” Sinabihan pa nga ni Laxus ang dalawang Ogre na nagkatinginan nang marinig iyon. Naintindihan nila ang sinabi ng binata at ang mga nakakita noon ay namangha dahil umatras nga ang dalawang malaking nilalang na mga iyon. “Ayos ah,” winika ni Wind. Napahigpit naman ang hawak ni Herald sa kanyang espada nang makita ang ginawa ng lalaking may dilaw na buhok. Nakita rin niya ang pagngisi nito at nag-cast na nga siya ng skill ng kanyang espada. Si Laxus naman ay sumeryoso nang mag-register sa kanya ang isang skill na gagawin ni Herald. “Sword Sonic: A speedy and highly damaging attack.” “Balak mo ba akong i-PK sa game na ito? Masyado ka namang gigil,” winika ni Laxus at inihanda na niya ang kanyang sarili at nabigla siya nang tumakbo na palapit sa kanya si Herald. Iwinasiwas nito sa hangin ang espada nito at kumawala ang isang malakas na hangin. Dumiresto papunta sa direksyon ni Laxus ang isang matalas na atake na ikinaseryoso kaagad nito. Dito na nga nagliwanag ang espada ni Laxus at sinabayan niya rin ito ng isa ring skill. Ang Curving s***h, at doon nga nagtama ang dalawang tirang iyon na naging dahilan para kumawala ang isang malakas na hangin sa harapan ng dalawa. Ang mga players na naroon ay napatakbo palayo dahil baka raw madamay sila. Napatingin pa nga sila kay Herald at napalunok sila ng laway dahil hindi naman daw ganito ang pagkakakilala nila sa player na ito. Tila raw nagbago ang katauhan nito dahil sa pagdating ng player na ito na may dilaw na buhok. “Okay lang ako, diyan ka lang,” sabi naman ni Laxus nang makitang papalapit sa kanya si Lisa. “Huwag mo akong ihi-heal. Hindi ako kaya nito.” Napakuyom naman ng kamao si Herald nang marinig iyon at napatingin siya sa babaeng dilaw rin ang buhok. Talagang lalo siyang niyayabangan ng player na ito na lalong hindi niya nagustuhan. Muli ngang humigpit ang hawak niya sa kanyang espada at tumakbo siya palapit kay Laxus para atakehin ito. Umalingawngaw muli sa paligid ang banggaan ng kanilang mga espada at pagkatapos ay muli silang naglayo at tumakbo palayo. “May player din palang narito ah… Akala ko puro mga weaklings ang narito,” sabi ni Laxus na nginisian naman ni Herald. “Iyan din ang akala ko… Syempre, dapat nating malaman kung sino ba ang mas malakas sa ating dalawa. Hindi porket natalo mo ang Ogre…” “O sabihin nating nag-steal kill ka lang?” sambit pa ni Herald at napangisi siya muli sa lalaking muli niyang nakabungguan ng espada. “Gamer ka, kaya dapat alam mo na iyon,” sabi naman ni Laxus na mabilis na sinalag ang espada ni Herald. Dito nga ay sinunod-sunod siya ng kalaban na ikinaseryoso niya. Ramdam niya ang gigil nito at napapa-atras siya sa ginagawa nito. “Akala mo ba malakas ka? Bakit? Sino ka ba?” nakangising winika ni Herald nang makitang napapa-atras na ang player na may dilaw na buhok sa ginagawa niya. Dito nga ay nagliwanag na ang talim ng espada nito at doon na napaseryoso si Laxus at napangisi. Isang Sword Sonic ang ginawa ni Herald at napakalapit nito na parang napaka-imposible nang maiwasan. Subalit si Laxus ay mabilis na umatras pakaliwa habang nakaharang sa katawan nito ang kanyang espada. Nahagip pa rin siya nang kaunti sa atakeng iyon pero nabawasan ang damage nito dahil sa kanyang pinandepensang weapon. Kasabay noon ay napatingin siya kay Herald at nakita niya sa kanyang vision ang weakness ng skill na iyon na ikinagulat niya nang bahagya. Gumagana rin daw pala ito sa players. Dito na nga nagliwanag ang talim ng kanyang espada at nanlaki na lang ang mata ni Herald dahil hindi siya makaka-atake kaagad dahil sa pagbitaw niya ng sword skill na iyon. May 3 seconds delay sa pagkilos ang mararamdaman niya matapos iyon at mas maganda raw talagang pangmalayuan ang skill na iyon. Kaso, hindi naman niya akalaing hindi direktang tatama sa kalaban ang atake niyang iyon. “Masyado ka kasing mayabang… Hindi mo talaga ako kilala dahil ni minsan ay hindi pa ako natatalo sa kahit anong game,” bulalas ni Laxus at kumawala ang kanyang sword skill at nilampasan si Herald na buong-buong sinalo ang s***h ng espada niya. Ang mga players na nakakita sa nangyari ay natulala na lang sa nakita. Si Wind nga ay napakuyom ng kamao dahil nasaksihan niya. Ang smooth ng movement ng player na may dilaw na buhok at kung ire-replay sa isip niya ay isang napakagandang bitaw ng atake iyon gamit ang isang espada. Hindi man iyon napakabilis pero, makikitang alam na alam nito ang ginawa. “Hindi basta-basta ang player na ito… Ano ang ginagawa nito sa Terra Region?” winika ni Wind sa sarili na napatingin na lang lalo sa player na iyon. Napaluhod si Herald dahil sa atakeng tumama sa kanyang katawan. Nabawasan din ng kalahati ang kanyang HP at nakita pa nga ni Laxus ang pagkabawas din ng energy level nito. Kasabay rin noon ay ang pagkawala ng hindi kalakasang hangin sa kinatatayuan nilang dalawa. Seryosong ibinalik ni Laxus ang kanyang espada sa lalagyanang nasa kanyang tagiliran at dito na nga gumalaw ang buhok niyang dilaw dahil sa hangin. “Ngayon, alam mo na kung sino ang mas malakas sa ating dalawa… Isa pa, kung may gusto man akong makalaban na mga players ay alam kong wala sila sa lugar na ito,” winika ni Laxus na ikinaseryoso naman ni Herald nang marinig iyon. Posible raw bang may alam din ang player na ito tungkol sa game na ito? Napangiti na nga lang si Herald at tumayo. Ibinalik na nga rin niya ang kanyang espada sa lalagyanan nito at nilingon ang player na nagpaluhod sa kanya gamit ang isang atake. Naiinis siya dahil natalo siya, pero… “Nakapagdesisyon na ako… Sasama ako sa iyo, sa ayaw mo man o sa hindi,” nangingiting winika ni Herald at si Laxus naman ay napa-iling. “Hindi na kailangan, mas magandang sila na lang ang samahan mo. Isa pa, tama na ang isang magulo na kasama sa akin. Tss…” nasambit naman ni Laxus na nakaramdam na ng kakalmaduhan sa player na nasa kanyang likuran. “Hindi pwede… Kailangan kong sumama sa iyo… Bukod sa malakas kang player, mukhang pareho yata tayo ng target sa game na ito, hindi ba?” “Gusto mo ring mahanap kung nasaan ang mga gamers na nasa loob ng game na ito?” dagdag pa ni Herald na nagpabago ng tingin ni Laxus sa malayo. “Iyan din ang gusto ko para makaramdam na ako ng thrill sa game na ito… Marami pa akong hindi alam at alam kong mahina pa ako,” seryosong winika ni Laxus at si Herald ay napaseryoso nang marinig iyon. Ang sabihin ng tinalo siya na mahina pa ito ay isang bagay na hindi niya naisip na sasabihin nito kahit pa nayabangan siya rito. “Paano ba maging malakas sa game na ito? May ideya ka na ba?” tanong ni Herald na kumuha ng healing item sa pouch niya at ininom ito pagkatapos. “Item levelling. Maghanap ng rare weapons… Iyan ang naiisip ko. Iyang espada mo, level 1 pa lang kaya walang laban iyan sa espada ko na malapit nang mag-level 4,” ani pa ni Laxus at si Herald ay napaseryoso nang marinig iyon. “M-may level ang espada ko?” bulalas ni Herald na ikinaseryoso ni Laxus. Mula naman sa malayo ay napatingin si Wind dahil parang nagkaroon ng seryosong pag-uusap ang dalawang iyon sa malayo. Isang bagay kung bakit hindi siya bilib sa Herald na ito ay dahil hindi nito alam na may mga levels ang mga weapons dito. Iniisip nga niya na baka hindi rin ito makapasok sa mga gamers na pumasok sa game dahil wala naman daw talaga ito. Puro hangin ang tingin niya rito kaya nga natatawa na lang siya nang palihim habang pinapanood itong turuan ang mga walang alam na players na kasama nila. “Siguro, sadyang bagsak ka sa exam kaya ka napasama sa beta testing nito. Tss…” Pero ibang usapan na raw kapag ang player na may dilaw na buhok ang kanyang pagmamasdan. Ito raw talaga ang isang gamer, at malakas ang kutob niyang hindi lang ito basta gamer na pumasok dito. Dito na nga siya nagdesisyon na sumama rin sa lalaking iyon. Kahit ayaw pa nito ay didikit siya rito dahil ayaw niyang mapasama sa mga mahihinang gaya ng mga kasama niyang ngayon ay nagkukwentuhan na naman. “Hindi mo alam? Tingnan mong mabuti,” sabi ni Laxus na napa-iling na lang. Pagkatapos noon ay napatingin siya kay Lisa na nakatingin din sa kanya. Naglakad na nga ang binata at si Herald naman ay napangiti dahil nakita nga niyang may level ang kanyang esdapa. “Oo nga! Ang galing!” bulalas nito at napatingin siya sa player na may dilaw na buhok na malayo na pala sa kanya. “Boss! Hintayin mo ako! Sasama ako sa iyo!” bulalas ni Herald na tumakbo at napatingin pa sa mga kasamahan niya. “Mga kasama… Sumama tayo sa player na ito! Malakas ito at siguradong hindi tayo mapapahamak dahil sa kanya!” nagtawag pa nga si Herald ng kasama at si Laxus ay napatanggal na naman ng dumi sa kanyang tainga dahil doon. Nakangiti naman siyang sinalubong ni Lisa at inismidan niya ito. Napatingin nga rin siya sa dalawang Ogre at nabigla si Laxus nang ilahad ng isa rito ang malaki nitong kamay. Pinapatapak siya nito roon at napatingin naman siya sa dalagang kasama niya. Tumapak doon si Laxus at hinila si Lisa para samahan siya. Kasunod nga noon ay ang pagtili ng dalaga nang umangat na silang dalawa. Inilagay sila ng Ogre sa balikat nito at pinaupo. Si Lisa ay nakapikit naman habang nakahawak sa binata. “Huwag ka ngang matakot…” ani Laxus na napatingin sa ibaba habang naglalakad na rin ang Ogre na kasama nila. Dahan-dahang iminulat ng dalaga ang kanyang mata at nang makita niyang nasa itaas siya ay doon na napangiti ito. “Ang ganda dito… Ang taas natin,” ani ng dalaga at si Laxus na nasa kaliwa niya ay tumingin na lang sa malayo. “Huwag ka na lang maingay. Huwag ka ring malikot dahil baka mahulog ako,” ani Laxus na napatingin sa ibaba. Nakasunod na nga sa kanila ang mga players na iyon. Mukhang sasama na nga talaga ito sa kanya na ayaw niya sanang mangyari. “Boss!” sigaw pa ni Herald sa ibaba. “Ano nga pala ang pangalan mo? Para naman alam ko kung ano ba ang itatawag namin sa iyo,” dagdag pa nito at si Laxus ay tumingin sa ibaba. Kumaway pa nga si Herald at napa-iling na nga lang siya. “Laxus… Laxus ang IGN ko sa game na ito!” bulalas ng binata at nang umalingawngaw sa pandinig ni Herald at Wind ang pangalang iyon ay dahan-dahan silang napatingin sa lalaking may dilaw na buhok. Parang may narinig na silang ganoong IGN datis. “Sino ba itong Laxus na ito? Hindi natin matalo-talo… namatay na nga ang mga kasamahan niya sa game pero nagawa pa rin tayong counter-in?” “Mag-ingat na talaga kayo kapag nabasa ninyo ang ganyang IGN. Pwedeng may gumagaya sa pangalang iyan, pero kung hindi ninyo talaga matalo-talo… Isa lang ang sigurado. Kalaban ninyo ang player na ni minsan ay hindi pa natatalo sa kahit anong game,” wika ng lalaking si Jimmy (Herald) sa mga nasa computer shop nang oras na iyon. “I-ibig-sabihin. L-legit ito?” “Oo… Hindi pa ba ninyo kita sa galawan ng hero niya?” Napakuyom ng kamao si Herald habang nakatingin kay Laxus. Kung ito nga talaga ang player na iyon… Isa lang ang ibig-sabihin nito… Nakaramdam naman nga ng excitement sa dibdib si Wind sa kanyang sarili nang marinig ang pangalang Laxus. “Sinasabi ko na nga ba… Maglalaro ka rin ng game na ito!” bulalas nito sa sarili na napatingin pa lalo sa lalaking may dilaw na buhok. Mula sa likuran ng isang lalaking nakaupo ay makikita si Kiefer (Wind) na seryosong nanonood sa mga daliri ng taong nasa kanyang harapan na kasalukuyang naglalaro. Ang bilis ng pagpindot nito at ang mga manlalaro sa kabilang panig ng computer shop ay napamura na lang nang hindi nila magawang patayin ang napakatinik na escaping moves ng player na nasa harapan niya. “Ang galing! Ito nga talaga si Saint! Ang idol kong si Laxus!” masayang winika ng lalaki na seryoso na ngang pinanood kung paano gumalaw ang kanyang idolo, tatlong taon na ang nakakalipas.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD