Chapter 11

2786 Words
UMALINGAWNGAW sa paligid ang pagtatama ng talim ng espada ni Laxus at ng ilang galamay ng kalaban niyang AI. Dito na nga naramdaman ng binata ang lakas na mayroon ito. Ganito pala raw ang game na ito. Sadyang ibang-iba sa mga paglalaro niya noon. Dito ay siya mismo ang kailangang kumilos para manalo at habang nakikipagbuno siya sa kalaban ay nakita niyang gagawa ito ng skill kaya nga agad siyang lumayo at tumakbo. Muli siyang pinatamaan nito ng Rain of Webs, kaso naiwasan niyang lahat ito. Mabilis siyang umikot at nang makita niya ang pwetan nito ay isang malakas na pagbato sa kanyang Spear ang kanyang ginawa. Ginamit niya ang skill nitong Throw at bumulusok nga ito papunta sa target niyang area. Nayanig nang bahagya ang paligid nang magwala ang AI dahil sa pagbaon ng isang matilos na bagay sa pwetan nito. Si Laxus naman ay ginamit ang pagkakataong iyon para umatake naman gamit ang kanyang espada. Nakita nga niya ang pagkabawas ng HP ng kalaban kaso nang malapit na siya rito ay bigla na lamang nagpakawala ng sapot ang kalaban. Dumikit ito sa bawat bahagi ng puno sa lugar na iyon at sa isang mabilis na oras ay isang pabilog na pinaghabing mga sapot ang nabuo. Mabilis na umakyat doon ang gagamba at hindi na ito naabutan ng binata. Napatingala siya at doon na niya nakita ang paghahanda ng matatalas na mga paa nito na bigla na lang tumalon papunta sa kanya. Ang bilis noon at dahil malaki ang AI ay babagsakan siya nito na naging dahilan para mapatakbo siya palayo. Ang kanyang espada lang hawak niya nang oras na iyon at kumawala ang malakas na hangin nang kumawala pa mula sa gagamba ang matatalas na hangin mula sa mga paa nito. Isang skill iyon at hindi ito basta-basta. “8-wind Slashes! A high damaging skill!” Masyadong mabilis ang mga iyon at kahit na naiwasan ni Laxus ang ilan doon ay tumagos pa rin sa katawan niya ang nasa tatlong atake na napakapagpaangat pa ng mga paa niya mula sa lupa. Padapa siyang bumagsak at ang kanyang HP ay makikitang bumababa na naman sa critical level. Mabuti na lang at kasama niya si Lisa na makikitang nag-cast uli ng skill at nai-heal muli siya. Mabilis na bumangon ang binata at nang umangat muli sa bahay na sapot ang gagamba ay doon na siya napatakbo papunta rito. “Hindi ako mananalo kung tatakbuhan ko lang ang isang ito,” sabi ni Laxus sa sarili at nakita niyang pababa nang muli ang AI. Isang mahigpit na hawak sa kanyang espada ang kanyang ginawa at dito na nga ito nagliwanag nang i-cast na muli niya ang sword skill nito. Muling bumaba ang gagamba at sa paglalapit nilang dalawa ay buong-lakas niyang ginamit ang kanyang skill sa mga paa nitong papalapit sa kanya. “Dahil level 1 ka lang, hindi ka naman siguro ganoon katigas kumpara sa Centaur na level 4,” sabi ni Laxus sa sarili at kumawala ang s***h ng kanyang espada at tumagos ito sa kalaban na nakapagpakawala pa ng hangin mula sa katawan nito. Sinalo rin ng binata ang tama mula sa mga paa nito at ang kanyang HP ay mabilis na bumagsak, kaso muli itong napuno nang i-heal siyang muli ni Lisa na seryosong nakatayo sa may hindi kalayuan. Nilabanan ng dalaga ang nararamdamang takot para lang matulungan si Laxus. “Magaling,” mahinang winika ni Laxus sa sarili bago pa man siya pahigang bumagsak sa lupa. Nakita niya ang pagkabawas muli ng HP ng kalaban at agad siyang tumayo at bago pa man ito makabalik sa sapot nito ay hinabol niya ito at pinatamaan ng isang wasiwas ng espada sa mukha nito. Doon nga nagwala ang gagambang AI at makikita ang guhit ng nagliliwanag na pula sa mukha nito. Si Laxus naman ay mabilis ding umakyat sa mukha nito at tumalon papunta sa likod nito. “Mas magaling pa rin ako sa iyo,” sabi pa ng binata at kahit na gumagalaw ang gagamba ay kaagad siyang tumalon papunta sa pwetan nito. Hinawakan niya ng dalawang kamay ang kanyang espada at habang pabagsak ay nagawa pa niya itong itarak sa tapat ng kanyang Spear na kasalukuyan pa ring nakabaon sa weak area nito. Nabawasan muli ang HP ng kalaban at habang umaangat na naman ang katawan nito ay agad na kinuha ni Laxus ang kanyang kutsilyo at pinagsasaksak ito nang paulit-ulit. Dito na nga nawarak ang bahaging iyon na pinaglalabasan ng sapot ng AI at dito na nga tuluyang naubos ang HP nito. Sumabog ang katawan nito at naging alikabok. Napangiti nang maliit si Laxus dahil natalo niya iyon at kasunod noon ay ang pagbagsak ng katawan niya sa ibaba kasunod ng paglaglag ng espada at spear niya na bumaon naman sa lupa sa hindi kalayuan. Kaso, nakita niya ang HP niya na may warning pa rin. Epekto ito ng lason ng AI at mukhang kailangan niyang alisin ito dahil kung hindi ay baka maubos ang HP niya dahil dito. Mabilis siyang bumangon at kinuha ang kanyang mga sandata. Ang kanyang espada ay level 2 na at nadagdagan ang stats nito. Napatingin nga siya kay Lisa na ngayon ay nakangiting lumapit sa kanya. “Iisa na ang heal ko ngayong araw, p-paano na kita maii-heal kapag may mga nakalaban pa tayo?” nag-aalalang tanong ni Lisa at si Laxus ay iyon din ang pinoproblema. Apat na beses lang kasi pwedeng gamitin ng dalaga ang healing nito sa loob ng isang araw. “Okay lang iyan,” sabi naman ni Laxus na walang ibang maisip na solusyon doon. Tanging ang mga makikita rito sa gubat ang naisip niyang pwedeng asahan. Sana raw ay may mga items dito na pwedeng gamitin sa healing at lalo na itong poison effect sa kanyang HP na kailangang ring mawala. Nang ilagay na niya muli sa tagiliran niya ang kanyang espada ay may kung anong bagay pa siyang nakita sa lupa. Tatlong maliit na botelya ito na may kulay violet na laman. “Item Drop: Antidotes.” Nang makita ito ni Laxus ay hindi niya maiwasang matuwa dahil may ganito palang ibibigay ang gagambang iyon. Agad niyang ginamit ang isa nito at pagkatapos ay inilagay niya ang isa sa kanyang kanyang pouch. Ang natitira namang isa ay ibinigay niya kay Lisa na kaagad na nabasa sa vision nito kung ano iyon. “Itago mo,” ani ng binata na hinawakan na ang kanyang spear at napatingin na sa direksyon na kanilang daraanan. Nawala na raw ang mga kung anong ingay sa hindi kalayuan at ang naisip niya ay pwedeng patay na ang mga players na pumasok dito sa loob ng gubat na ito. “Maging alerto ka pa rin, hindi pa rin tayo ligtas sa lugar na ito,” ani pa ng binata at umihip ang hindi kalakasang hangin sa paligid matapos iyon. Nagsimula na silang maglakad at may mga level 1 AI pa silang nakaharap kaso, ang kaibahan ay maliliit lang ang mga ito. “Giant Ants.” “Giant Moth.” “Giant Beetles.” Mga insektong AI ang mga ito at natalo rin ito ni Laxus dahil sa ang mga ito ay hindi ganoon kagaling kagaya noong gagamba kanina. Hindi niya alam kung bakit humina ang mga AI na nakasalubong nila pero mabuti na rin daw ito para mag-level lalo ang mga items niya. Nagpatuloy sila sa paglalakad at dito ay napaseryoso ang binata nang makakita siya ng dalawang players na tumatakbo patungo sa kanila. “Tulong!” bulalas ng mga ito na makikitang takot na takot ang mga mata. Ang HP ng mga ito ay nasa critical level na at bago pa man makalapit ang mga ito kina Laxus ay nawasak na lang ang katawan ng mga ito at naging alikabok na napayid na lang ng hangin. “L-laxus ano ang nangyari sa kanila?” tanong ni Lisa sa binata na napalunok na nga lang ng laway dahil sa kaba. “Humanda ka, mukhang may hindi magandang nangyayari sa bahaging iyon,” sabi ng binata at hinigpitan na niya ang pagkakahawak sa kanyang spear. Si Lisa naman ay kaagad na kinuha ang kanyang Healing Wand at dumikit sa binata habang sila ay naglalakad. “L-laxuss… Natatakot na naman ako,” mahinang winika ni Lisa at napaismid na lang ang binata. “Masasanay ka rin,” ani ng binata na bigla na lang napahanda kasi dadaanan nila ang isang makapal na damuhan. Naputol na kasi ang lupang dinadaanan nila at sa paglampas nila roon ay dito na napahinto ng paglalakad si Laxus dahil isang pababang kalupaan na pala ang nasa unahan nilang dalawa. Mula sa lugar na iyon ay makikita ang isang malaking AI na may hawak na malaking kahoy. Nasa loob ito ng isang pabilog at malaking hukay na tila sinadya para sa mga paglalaban. Isang malaking Ogre ang nasa gitna at sa kabilang bahagi ay may dalawa pang naka-upo na waring nanonood sa mga nangyayari sa ibaba. Umalingawngaw ang malakas na sigaw ng Ogre na nasa ibaba at pagkatapos noon ay buong-lakas na hinampas nito ang lupa kung saan ay nakakita si Laxus ng mga players na halos kasing taas lang ng tuhod ng Ogre na iyon. Si Laxus ay napaseryoso na lamang sa nakikita at pasimple niyang pinanood kung paano lumaban ang mga nasa ibaba. Makikitang mga walang alam talaga ang mga naroon kasi ang karamihan ay tumakbo na lang nang tumakbo at may nakita pa siyang sinusubukang tumakas kaso nakita rin niya na habang lumalayo ang mga ito sa lugar ay nababawasan ng nababawasan ang HP ng mga ito. “Ibig-sabihin, nasa isang battle sila na hindi nila pwedeng takasan, maliban na lang kung mapapabagsak nila ang Ogre na ito,” sabi ni Laxus sa sarili at napatingin muli siya sa AI na nasa gitna. Sa pagkakaalam niya ay ang ulo ng mga ito ang weakness nito, kaso iba ang lumabas sa kanyang vision na ikinangisi niya. Mula sa ibaba ay napatingin naman siya sa isang player na may dalang espada. Nakita niyang nagliwanag ang talim nito at sinubukang atakehin ang ulo ng Ogre, kaso, isang hampas lang ng malaking kahoy na hawak nito ang agad na nagpabagsak dito. Halos maubos ang HP ng player na iyon at mabuti na lang at may mga healers na kasama ito. “May alam na rin pala ang mga ito,” nasabi pa sa sarili ni Laxus dahil sa nakita niyang ginawa ng mga iyon. May ideya na raw pala ang mga ito na gamitin ang kakayahan nila sa game na ito. Isa pa, ang lalaki na may dalang espada ay mukhang hindi isang non-gamer base sa galawan at malakas ang kutob niyang totoo ito. “Tss, posible bang ginawa mo rin ang ginawa ko? Kaso, bakit hindi mo alam kung paano mapabagsak ang AI na iyan? Level 1 lang din ito at malaki lang talaga, at malaki ang damaging attack kaya mahirap sabayan…” Pinanood ni Laxus ang labanan sa ibaba at muling sumigaw ang Ogre at isang napakalakas na paghampas sa lupa ang ginawa nito na naging dahilan upang mayanig ang paligid at matumba ang mga players na nasa harapan nito. Nabasa ni Laxus na isang skill iyon. “Ground Shaker.” Isang skill na mapapatumba ang kalaban dahil sa pagpapayanig ng lupa sa pamamagitan ng pagpalo rito. Isa itong delaying ability na napakagandang gamitin para masira ang galaw ng kalaban. “Hindi ba nila alam ang weakness ng skill na iyon? Timing lang ng pagtalon,” sabi pa ni Laxus sa sarili dahil nakita rin niya ang skill weakness ng ability na iyon. Napatingin siya sa lalaking may hawak na espada at mukhang hindi naman pala ito magaling base sa obserbasyon niya. Galawang player naman daw ang kilos nito, kaso… “Wala itong binatbat sa akin,” wika ng binata at napatingin siya kay Lisa na nasa tabi niya. “Dito ka lang, tatalunin ko lang ang isang ito,” ani ng binata at ang dalaga ay kaagad na hinawakan sa braso si Laxus para pigilan ito. “Bakit?” ani Laxus na nilingon kaagad si Lisa nang may seryosong tingin. “May mga healers sa baba, kaya magiging okay lang ako. Isa pa, kaya kong talunin ang isang ito. Mabagal ang kilos nito,” ani pa ni Laxus at ang dalaga ay napalunok ng laway at dahan-dahang binitawan ang binata. Dito na nga dumausdos si Laxus pababa at sa kasamaang-palad ay bumangga ang paa nito sa isang naka-usling bagay na naging dahilan para pabulagtang bumagsak ito sa ibaba. “Tss… Hindi maganda ang pasok ko,” aniya sa sarili na mabilis na tumayo. May lumabas din sa vision niya at nasa battle mode na siya ngayon na hindi pwedeng takasan maliban na lang kung matatalo ang AI na nasa gitna, o ang mapatay siya rito. Ibinaon muna niya sa lupa ang kanyang spear at hinugot mula sa lalagyanan ang kanyang espada na ngayon ay level 3 na. Ang mga players naman sa kabilang bahagi ay napatingin sa nangyaring iyon at ganoon din ang malaking Ogre na makikitang humigpit ang hawak sa pamalo nito. Ang lalaki na may hawak na espada sa kabilang panig ay napasigaw sa binata. “Mag-iingat ka! Hindi mo kaya ang isang iyan!” bulalas nito at si Laxus naman ay napangisi nang marinig iyon. Muling ginamit ng Ogre ang Ground Shaker at sa paghampas nito sa lupa ay siya namang pagtalon ni Laxus habang ang kanyang espada ay makikitang nagliliwanag na. Nayanig ang paligid at muling natumba ang mga players na naroon. Ang mga ito ay napatingin naman sa player na may dilaw na buhok na sa pagkalapag sa lupa ay mabilis na tumakbo. “M-marunong siyang mag-cast ng skill? At espada pa ang weapon niya,” naibulalas ng player na may brown shirt. “D-delikado ang isang ito, hindi niya kaya ang Ogre. Dapat ang ulo ang atakehin niya,” sabi pa nito na napatingin sa mga kasama niyang healers. Pinaghanda niya ang mga ito para i-heal ang lalaki kung ito ay may matitira pang HP. Kaso, nakita rin nga niyang nagliliwanag ang hawak na pamalo ng Ogre. Ito na naman daw ang high damaging skill nito na kayang pumisa ng player gamit ang isang pambihirang pagpalo, ang Swing. Napangisi naman si Laxus nang lumabas sa vision niya iyon. “Sadya bang accuracy palagi ang weakness ng mga level 1 AIs?” ani pa niya sa sarili at nang atakehin siya ng Ogre ay isang mabilis na paggalaw palayo ang kanyang ginawa at kasunod noon ay ang mabilis niyang pagtakbo muli sa target niyang bahagi nito. “Ayos din naman ang ginawa nila, nabawasan nila ng HP ang isang ito… Pero salamat at akin ang last hit,” sambit pa ni Laxus at nang nasa harapan na siya ng paa ng AI ay ang mga players naman sa paligid ay napalunok ng laway dahil nakita nila kung paano naiwasan ng binatang iyon ang atake ng kalaban. Kasunod nga noon ay ang pagwasiwas ni Laxus sa kanyang espada. Tumama ang C-s***h nito sa paa ng Ogre at doon na kumawala ang isang hindi kalakasang hangin at isang paikot na pulang ilaw ang nakita sa bahaging iyon. Paghinto ni Laxus ay tumakbo naman siya palapit sa kanyang nakabaong spear at muli nga niyang hinigpitan ang hawak dito at buong lakas na ibinato ito patungo sa weak part ng kalaban gamit ang skill na Throw. Sa pagbaon nito sa paa ng Ogre ay doon na rin mabilis na naubos ang natitira nitong HP. Sumabog ang malaking AI na iyon at naging alikabok na pinayid ng hangin. Ang dalawang Ogre naman na nanonood ay napaseryoso ng tingin sa lalaking may dilaw na buhok matapos iyon. “Tss… Easy win,” sambit pa ni Laxus na kalmadong naglakad para damputin ang kanyang spear na nakalapag na sa lupa. Ang mga players na nakasaksi naman doon ay napaseryoso at nagulat sa nangyari. Sila kasi na may malaking bilang ay hirap na hirap na talunin ang Ogre na iyon, pero sa isang ito… “S-sino ang player na ito? Imposibleng isa itong non-gamer…” nasabi naman ng lalaking may hawak na espada na aminadong namangha rin sa ginawa ng player na iyon. Ang dalawang malaking Ogre naman ay sumigaw nang malakas at ang lahat ay kinabahan nang marinig iyon. Tumalon ang dalawang iyon sa ibaba at nayanig nang malakas ang paligid dahil doon. “H-hindi maganda ito,” naibulalas ng mga natatakot na players na parang gusto nang tumakbo. Si Laxus naman ay seryoso lang na pinagmasdan ang mga ito. Level 1 din ang dalawa at nang ihanda niya ang kanyang sarili ay nabigla na lang siya nang lumuhod ang isang tuhod ng mga ito at yumuko sa kanyang harapan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD