MANIKA 2

861 Words
Nakangiting nilapitan ni Sheila ang anak. Hindi nito naramdaman ang presensiya niya dahil nakatalikod ito habang tutok sa panonood ng t.v. sa sala. May binili siya para rito kanina pagkauwi galing opisina. Buti na lang, umuwi na ang dalagitang pinsan kaya may naiiwanan na siya kay Shammy. Itinapat niya sa harapan ng anak, ilang pulgada ang layo sapat para makita nito ang hawak, ang laruang binili. Manika rin ito pero hindi katulad ng gusto nito. Malaki rin naman pero hindi kasing laki ng manika ni Anika na parang sa anim na taong gulang na bata ang laki, kalahati lang ng taas nito. Tiningnan ni Shammy ang manika at pagkatapos ay ang ina. Nang makitang nakangiti ang ina, napipilitang kinuha ito ng bata. Umikot si Sheila sa sofa at tinabihan ang anak. "Wala ka bang sasabihin sa mommy?" Hinaplos pa ni Sheila ang buhok ng anak, habang nakatingin si Shammy sa manika. "Salamat po, mommy." Kahit nakangiti ang anak, alam ni Sheila na hindi ito masaya dahil ibang manika ang binigay niya. "Pasensiya na baby, ha? 'Yaan mo, pag may nakita si mommy ng ganoong manika katulad kay Anika, bibilihin natin, pero pag-iipunan muna, ha? Okay na ba iyon?" Medyo lumawak na ang ngiti ng anak sa narinig na sinabi niya. "Sige po. Eto na lang po muna ang lalaruin ko. Si Elsa..." "Ng Frozen!" Sabay pa nilang sabi. Humahagikgik na tumawa si Shammy. Sana lang ay may mabili siyang murang manikang gaya noon. Para hindi nalulungkot ang anak. *** "'Ayan ba 'yung sinasabi mo? 'Ampangit naman!" At tinabig ni Anika ang manikang tangan niya. Dahil sa gulat hindi nakakibo si Shammy. Tiningnan niya si Anika na nakangisi at binalingan ang manikang nalaglag. Kalalabas lang niya sa gate para sana pumunta ng park, hinihintay niya lang si Ate Hanna, nang makita at lapitan nga siya ni Anika. Mabilis na pinulot ni Shammy ang manika niya at binalingan si Anika na nang-aasar ang mukha. "Bakit mo tinapon si Elsa? Ang bad bad mo naman." Malapit na siyang umiyak nang lumapit na si Ate Hanna. "O, bakit? Baby, what happened?" Hindi naman sumagot ang dalawang bata. Inirapan lang sila ni Anika, bitbit na naman ang pinagmamalaking manika. Iba't ibang damit ang sinusuot nito at kung ano ang suot ni Anika, ayon din ang suot ng manika niya, kaya lalong gumaganda sa paningin nang naiinggit na si Shammy. "Halika na," yaya ni Hanna. Pero imbes na sumama, mabilis na pumasok ulit si Shammy sa loob ng bahay. Naiwang nakakunot ang noo ni Hanna sa labas. *** "Bakit, Hanna? Anong nangyari kay Shammy?" Dapat ay mag-o-overtime siya ng araw na iyon. Dagdag din sana sa susuwelduhin niya. Kaso nga nag-text si Hanna na hindi pa raw kumakain si Shammy, ayaw raw kumain ng hapunan. Kahit anong pilit na gawin nito. Nag-aalala siyang baka malipasan ito nang gutom, kaya umuwi na lang siya imbes na mag-OT pa. "Hindi ko alam ate, kasi kaninang umaga okay pa naman siya. Tapos no'ng pupunta sana kami ng park, doon na nag-tantrums, hanggang ngayon ayaw akong kausapin." Mababakas mo sa mukha ni Hanna na nag-aalala rin ito sa alaga. "E, ano bang nangyari? May nakausap ba siya? Sa labas o sa telepono?" Habang paakyat sa hagdan ng second floor ay tanong ni Sheila sa nasa likurang si Hanna. "Nakausap? 'Yung bata lang naman diyan sa tapat. 'Yung batang babae na maputi." Pagpasok nila sa kuwarto, nakaupo sa kama si Shammy at nakasandal sa headboard habang yakap ang unan. Sa harapan nito ang sira-sirang manikang si Elsa. "Oh my God anak, anong ginawa mo sa manika mo?" Nagpipigil sa galit na saad ni Sheila. Ang mahal din naman ng bili niya sa manikang iyon at sinira lang ng anak. "Ayoko po niyan. Hindi 'yan 'yong katulad ng manika ni Anika," malungkot na sabi nito. Sa sobrang inis, pagod at pag-aalala, mabilis na dinampot ni Sheila ang tsinelas ni Shammy na nasa lapag. At hinila ang anak para mapadapa sa kama at sunud-sunod na pinalo sa likurang bahagi nito. "Sumosobra ka ng bata ka! Sinabi ko na sa 'yo na wala tayong perang pambili ng ganoong manika pero hindi ka pa rin nakikinig!" Pumapalahaw na sa iyak dahil sa sakit si Shammy, pero hindi pa rin tinitigilan ni Sheila ang pagpalo. Mabilis namang inawat ni Hanna ang pinsan at kinuha si Shammy. Humihikbing yumakap ang bata kay Hanna, habang naiiyak na ring napaupo si Sheila sa kama. Nabitawan ang tsinelas na hawak. "Ano ka ba, ate? Para manika lang nagkakaganiyan ka na? Bata lang si Shammy kaya naiinggit siya," naiinis na turan ni Hanna, habang patuloy na pinapatahan si Shammy. Parang nahimasmasan naman si Sheila sa nagawa sa anak. Mabilis na nilapitan si Shammy, pero mahigpit na nakayakap kay Hanna at ayaw man lang siyang lingunin. Parang nadudurog naman ang puso ni Sheila sa naririnig na pagtangis ng anak at sising-sisi siya kung bakit pinairal ang init ng ulo. "Sorry, baby." Lumuhod siya sa harap nito at hinawakan ang kamay ni Shammy. Marahang hinila palapit sa kaniya. Mugto ang matang bumaling sa kaniya ang bata at yumakap. Paulit-ulit namang sinasabi ni Sheila na hindi na uulitin ang ginawa habang nakayakap sa anak. jhavril---
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD