Sapo ang ulong napapaigik sa sakit si Mindy ng pinilit niyang bumangon. Muli siyang napahiga sa kama dahil hindi niya kinakaya ang sakit. Napatingin siya sa bintana at mataas na ang araw, tanghali na siguro. Nakapikit ang isang matang sinulyapan ang orasan sa bedside table at alas-onse na ng umaga. Ang haba pala ng tulog niya. Kaya siguro sumasakit ang kaniyang ulo. Nagpahinga siya ng ilang saglit at ng pakiramdam niya ay okay na siya, bumangon siya nang marahan. Inaantok-antok pang hinagilap ang sapin sa paa at agad na tinungo ang CR. Naghilamos at nag-tootbrush. Subalit nabigla siya sa paglabas ng CR. Nagkalat sa tokador niya ang maraming pera! Saan galing ang mga ito? Nahihintakutang marahan siyang lumapit dito. Puro lilibuhin at limandaan. Nanginginig ang kamay na binilang niya.