HALLEJAH'S POV
Nawalan ako ng balanse nang unang paglapag ng mga paa ko sa di pamilyar na lupain.
Pabagsak akong napaupo sa lupang halos hindi ko ramdam ang buhay.
Nararamdaman ng mga katulad kong Diway ang mga parang mabining tunog na nanggagaling sa lupa
simbolo ng mga buhay na naninirahan dito pero kakaiba itong lupang kinababagsakan ko.
Kahit na idinikit ko ang pisngi ko sa tuyong lupa ay wala akong naririnig na tunog mula dito.
Anong nangyayari? Sadyang wala bang nabubuhay sa lupang ito o humina ang kapangyarihan ko?
Bahagya kong itinaas ang palad ko at tulad ng inaasahan ko ay nagawa kong bumuo ng ulap sa kalangitan upang magbigay ng ulan dito sa lupa.
Ibig lang sabihin nito ay hindi humina ang kapangyarihan ko, sadyang wala lang buhay ang lupaing kinaroroonan ko.
Anong ginawa ng mga hangal na tao sa mundo nila at nawalan ng buhay ang lupaing tinatapakan ko?
Nang ilibot ko ang paningin ko sa paligid ay napansin kong puro bato at mga putol na puno ang nakikita ko.
Isang bahagi rin ng kinaroroonan kong lugar ang halos nahukay na. Sa tingin ko ay kinuha ang mga lupa at batong naroon at sadyang pinapatag ang mataas na lugar na bahagi ng kinaroroonan ko.
Parang gusto ko tuloy magsisi kung bakit tumatakas ako sa klase ko noon sa Diwali tungkol sa mundo ng mga tao.
Sana naman ay may ideya ako kung ano ang tawag sa mga nakikita ko dito sa mundo nila.
Dahan-dahan akong tumayo at medyo nanginig pa ang mga binti ko dahil sa kawalan ng kalikasan sa paligid.
Kakailanganin talaga ng isang Diway na katulad ko ang lakas mula sa kalikasan.
Bakit ba dito ako bumagsak mula sa Diwali? Kung isang karaniwang Diway lang ako ay tiyak hindi ko na kakayaning tumayo o maglakad pa dahil sa kahinaan dulot nang kawalan ng mga puno at halaman sa paligid.
Mula sa kinaroroonan ko ay may natanaw akong luntiang lugar. May kalayuan man ito ay nasisiguro kong mga puno at halaman ang naroon sa lugar na iyon.
Nasaan ba ang Deritos? Kung nandito siya sa paligid ay tiyak hindi ganito ang lugar na ito. Ang sabi sa akin ay maririnig ko ang tawag ng Deritos pero kahit ang tunog ng kalikasan ay di ko marinig sa lugar na ito.
Gamit ang natitira kong lakas ay tinutumbok ko ang natatanaw kong lugar na may mga puno.
Ilang metro na ang nilakad ko nang maramdaman ko ang pagbabago sa paligid.
Lumamig at lumakas ang ihip ng hangin at mabilis na nagtago sa makapal at maitim na ulap ang araw.
Ayon sa naalala ko ay ito iyong tinatawag na bagyo. Walang bagyo sa Diwali at ito iyong unang beses na makaranas ako ng ganito.
Totoo bang nagtataglay ng malakas na hangin at ulan ang bagyo?
Sa unang patak ng ulan ay natatawa ko pang sinalo ito gamit ang mga palad ko.
Mabilis na nabasa ng ulan ang suot kong manipis na maikling damit na hanggang tuhod ko lamang.
Walang manggas ang damit ko kaya deretso sa braso ko ang patak ng malalaking butil ng ulan.
Kakaiba ang ulan dito sa mundo ng mga tao, nagbibigay ito ng lamig sa katawan ko.
Nang sumabay ang malakas na ihip ng hangin ay lalo kong naramdaman ang lamig na minsan sa buhay ko ay hindi ko naramdanan maliban na lang noong ikinulong ako ni Gael sa loob ng yelo dahil pinakawalan ko ang alaga niyang kabayo.
Gamit ang kakayahan kong manipulahin ang apoy nagawa kong labanan ang lamig na bumabalot sa'kin pero dahil wala akong mapagkunan ng lakas sa paligid ay di nagtagal ang pagpapainit na ginawa ko.
Muntik na akong natangay ng malakas na hangin kung hindi lang ako naging maagap. Gano'n na ako kahina at natatakot akong hindi na makarating sa lugar na may mga halaman.
Napatingin ako sa inaapakan ko nang mapagtantong hindi na ito lupa bagkos ay patag na ito at matigas sa pandama ng paa ko. Kasing tigas ito ng bato pero dama ko ang buhanging pinatigas na sangkap nito. Isa itong malapad at mahabang patag na daanan.
Ito ba iyong kalsada? Ayon sa natutunan ko ay dito dumadaan ang mga tao.
Pero sa gitna nang malakas na buhos ng ulan at malakas na hangin ay wala akong nakikitang tao sa paligid ko.
Sabi ni Ina ay kawangis lang daw namin ang mga tao pero nakakatuwa lang daw ang kasuotan ng mga ito.
Muli ay sinubukan kong gamitin ang kapangyarihan ko pero talagang hinang-hina na ako kaya wala ring nangyari.
Ito na nga iyong dahilan kung bakit ayaw kong magpunta sa mundong ito!
Ayaw ko naman talagang mamuno sa Diwali pero bakit ako pa iyong naatasang kumuha ng Deritos?
Matapos ang misyong ito ay habambuhay na akong maging malaya mula sa obligasyon ko bilang Himadi at iyon lang ang tanging nakapagpayag sa'king tumapak sa mundong ito.
Habang binabaybay ko ang kalasadang daanan ng mga tao ay bigla akong nasilaw ng paparating na liwanag.
Nanlaki ang mga mata ko habang papalapit sa kinatatayuan ko ang liwanag.
Saan nanggaling ang liwanag na nakikita ko? Walang nakapagsabi sa akin na may mga nilalang sa mundo ng tao na nagtataglay ng nakakasilaw na liwanag na katulad sa araw.
Namangha ako nang huminto sa mismong tapat ko ang liwanag na iyon.
D-dalawa ang mga ito at ngayon ay nakatutok sila sa akin!
Isang malakas na pagbukas ng parang pinto ang narinig ko bago isang tao ang sumigaw mula sa loob ng nilalang na nilalabasan ng dalawang liwanag.
"What the f*ck are you doing?!!!"
Hindi ko naintindihan ang sinisigaw ng taong lumabas mula sa pintuang binuksan niya pero ang alam ko ay galit na galit siya.
Sa kabila nang malakas na buhos ng ulan at pagaspas ng hangin ay dinig na dinig ko ang galit sa boses niya.
Unang beses kong makakita ng tao kaya namamangha akong napatitig sa kanyang kabuuan . Malinaw ko siyang nakikita kahit na umuulan at may kadiliman ang langit.
Isa akong Diway kaya normal lang sa amin ang may malinaw na paningin kahit na sa dilim.
Kakulay ng buhok ko ang buhok niya, nakakatuwa.
Kasingtangkad siya ng mga lalaking Diway pero hindi mahaba ang buhok niya.
Tama si Ina, nakakatuwa ang kasuotan ng mga tao.
Nakakahinga pa ba siya sa suot niyang halos bumabalot sa buong katawan niya.
Kaming mga Diway kasi ay gusto naming maramdaman ang tunog at haplos ng kalikasan sa balat namin kaya hangga't maaari ay hindi kami nagbabalot ng kasuotan sa katawan namin.
Iyong iba nga sa amin ay ang mismong kalikasan ang isinusuot dahil doon kami mas komportable.
"Are you listening to me?"
Napasulyap muli ako sa mukha ng taong nasa harapan ko na dahil sa kakaiba niyang isinigaw sa'kin.
Katulad ko ay basang-basa na rin siya dahil sa ulan.
Dahan-dahan akong lumapit sa kanya kaya lalong naging malinaw sa akin ang matalim niyang mga titig at ang kulay asul niyang mga mata.
Nakakamangha, iba ang kulay ng buhok niya kaysa mga mata niya.
Hindi rin siya maputi katulad naming mga Diway. Mamula-mula ang balat niya na bumagay talaga sa kanya at parang kating-kati ang kamay ko na haplusin ang mukha niya upang malaman kung gaano ito kalambot.
"What the hell?!" malakas na bulalas ng tao habang pinasadahan ang buo kong katawan ng mariin niyang titig.
Hindi ko pinansin ang kakaiba niyang lenggwahe dahil naaaliw ako sa konting buhok na naaninag kong tumutubo sa dibdib niyang sumisilip sa nakabukas na butones ng suot niyang damit.
Ito iyong unang beses na nakakita ako ng buhok na tumutubo sa ibang bahagi ng katawan maliban sa ulo.
Napaisip tuloy ako kung may iba pa bang bahagi ng katawan niya ang tinutubuan ng buhok maliban sa dibdib niyang nasisilip ko.
Nakakaaliw naman pala ang katawan ng isang tao.