chapter 1
Ilang libong taon na ang nakaraan nang nagkaroon ng kasunduan ang isang tao at isang Diway.
Ang Diway ay ang mga mahiwagang nilalang na may kapangyarihang gamitin ang mga elemento para sa kabutihan ng kalikasan.
Mas kilala sila sa mundo ng mga tao bilang mga diwata na mababasa lang sa mga kwentong pambata at mga alamat.
May mga nagsasabing totoo sila at meron ding nagsasabing mga kathang-isip lamang sila.
Lingid sa kaalaman ng marami ay talagang totoo ang mga diwata.
Sila ay naninirahan sa sarili nilang mundo na tinatawag na Diwali.
Noong unang panahon ay kasa-kasama pa sila ng mga tao dito sa lupa.
Sila ang nilalapitan ng mga tao sa oras ng pangangailangan. Likas na mababait ang mga Diway at matulungin.
Pero likas din sa mga tao ang pagiging ganid at paghahangad ng higit pa sa kailangan nila.
Sinamantala nila ang kabutihan ng mga Diway. Inabuso nila ang kalikasang siyang kinukunan ng lakas ng mga ito hanggang sa nagpasya ang Reyna ng mga ito na lisanin ang mundo ng mga tao at tuluyang manirahan sa Diwali.
Sa mga panahong iyon ay may isang natatanging tao na malapit sa mga Diway.
Isa siyang magsasaka na kailanman ay hindi gumawa ng bagay na makasira sa tiwala ng mga Diway at sa halip ay ipinaglalaban niya ang kalikasan laban sa mapagsamantala niyang mga kauri.
Sa paglisan ng mga Diway sa mundo ng mga tao at tuluyang pananatili sa Diwali ay sasarhan nila ang pintuang nagdudugtong sa dalawang mundo.
Pero dahil sa magsasakang kaibigan nila ay isang kasunduan ang nabuo.
Bawat anak ng dakilang Reyna at Hari na namumuno sa Diwali ay tatapak sa mundo ng mga tao upang hanapin ang Deritos, mahiwang bato na ihinabilin ng naunang Reyna ng mga Diway sa magsasakang itinuturing na kaibigan ng lahi nila.
Ang Deritos ay ang makapangyarihang bato na babalanse sa likas na yamang maiiwan ng mga Diway sa pangangalaga ng mga tao.
Para sa normal na tao ay walang espesyal silang makikita sa mga batong tinatawag na Deritos. Tanging ang isang Diway lamang ang makakita sa halaga ng Deritos.
Ang Deritos ang dahilan kung bakit patuloy na may halamang nabubuhay sa gitna ng desyerto. Ang Deritos ang dahilan kung bakit sa kabila ng pagkasira ng karagatan ay may mga isda pa ring nabubuhay dito.
Ang Deritos ang dahilan kung bakit sa kabila ng pananamantala ng mga tao ay patuloy pa ring bumabangon ang kalikasan.
Ang Deritos ang dahilan kung bakit nangyayari ang pagbabago sa mga likas na yaman upang makibagay at patuloy na mamuhay sa kabila nang patuloy na pag-usbong ng mga makabagong teknolohiya na sumisira sa kapaligiran.
Kung tutuusin, ilang libong taon na rin nabuo ang sinasabing kasunduan kaya minsan ding naisip ng mga bagong namumuno sa Diwali na baliwalain na lamang ito pero sadyang kakailanganin ng mga nakatakdang mamuno sa Diwali ang basbas galing sa liwanag ng batong Deritos upang hindi kailanman mamatay ang mahiwagang apoy sa mundo ng mga Diway na bumubuhay sa mga halaman at mga likas na yaman na pinagkukunan ng lakas ng mga Diway.
Sa panahong ito, panahon ng pag-usbong ng mga teknolohiya sa mundo ng mga tao ay mas lalong kakailanganin ng mga Diway ang batong Deritos.
Nakasara man ang pintuang nag-uugnay sa dalawang mundo ay apektado pa rin ang Diwali sa bawat nasisirang kalikasan sa mundo ng mga tao dahil naroon ang Deritos na nagsisilbing puso ng Diwali.
Iilang Diway na rin ang nagkasakit dulot ng sunud-sunod na pagkalagas ng mga likas na yaman sa kamay ng mga tao.
Ngayon , imbes na hingin lang ang basbas ng batong Deritos ay nagbago na ang mission na gagawin ng Diway na nakatakdang umapak sa mundo ng mga tao.
Balak na ng kaharian ng Diwali na bawiin ang Deritos at dalhin sa mundo nila upang tuluyang maputol ang ugnayan nila sa mundo ng mga tao dahil hangga't naroon ang Deritos sa mundo nila ay apektado pa rin ang mga Diway sa pang-aabuso ng mga tao sa kalikasan.
Kawangis lang naman ng mga tao ang mga Diway pero ang kasuotan nila ay ayon sa kalikasang pinoprotektahan nila.
Mga bulaklak o di kaya mga dahon mula sa mga halaman ang karaniwang kasuotan ng mga Diway.
Kaibahan din nila sa mga tao ay ang napakinis nilang mga balat na animo kumikislap tuwing nasisinagan ng araw.
Takaw pansin din ang mahahaba at makukulay nilang mga buhok na kakulay din ng mga mata nila.
Mapababae man o mapalalaki ay nagtataglay ng mahahabang buhok.
Tanging ang angkan ng Himadi na namumuno sa kahariang Diwali ang may natatanging kulay ng buhok na katulad sa mga tao at sila rin ang may kasuotang katulad ng sa mga tao, mga damit na gawa sa manipis na tela na napapalamutian ng mga nagkikislapang mga bato.
Natatangi sa kaharian ng Diwali ang pagkakaroon ng itim na itim na buhok at mga matang sing-itim ng gabi at ang mga Himadi lamang ang nagtataglay ng buhok at mga matang iyon simbolo ng pagiging angat nila sa lahat ng mga Diway.
Ang mga Himadi lang ang nagtataglay ng kakayahang gamitin ang lahat ng elemento hindi tulad ng karaniwang Diway na iisang elemento lamang ang kayang gamitin.
Ang mga Diway na naninirahan sa kahit na anong anyong tubig ay may kapangyarihang gamitin ang elemento ng tubig.
Ang mga Diway na naninirahan sa himpapawid ay may kapangyarihang gamitin ang elemento ng hangin.
Ang mga naninirahan sa maiinit na lugar at nangangalaga sa mga halamang may masamang epekto sa mga normal lang na nilalang pero pinahalagahan pa rin dahil bahagi sila ng kalikasan ay ang mga Diway na kayang manipulahin ang elemento ng apoy.
Ang mga Diway na nangangalaga sa mga likas na yaman na nasa ilalim ng lupa at maging ng lahat ng mga tumutubo sa ibabaw nito ay ang nagtataglay ng kakayahang gamitin ang elemento ng lupa.
At lahat sila ay sinusunod ang mga Himadi na namumuno sa buong Diwali, ang pinakamakapangyarihang Diway na kayang gamitin ng sabay ang apat na elemento.
Sa kasalukuyang henerasyon limang Himadi ang nakatakdang mamuno sa Diwali.
Lahat sila ay handang paglingkuran ang kalikasan at pamunuan ang lahat ng Diway maliban sa isa.
Siya si Hallejah Himadi, ang pinakabata at tanging babae sa limang magkakapatid.
At sa kasamaang palad ay tanging siya lamang ang nagtataglay ng tatak ng nakatakdang pumaroon sa mundo ng mga tao.
Sa henerasyong ito lamang nangyari ang ganito. Noon ay tatlo o di kaya ay lahat ng mga Himadi ang nagtataglay ng tatak pero parang biro na sa pagkakataong ito ay si Halleja lamang ang may kakayahang lumabas sa pintuang naghihiwalay sa dalawang mundo.
Pero iba si Hallejah sa mga kapatid niya. Ayaw niya magkaroon ng responsibilidad sa kaharian ng Diwali.
Gusto lang niya ay buong maghapon na malayang maglakbay sa bawat sulok ng Diwali at makipagkulitan sa mga Diway na makakasalamuha niya at magbigay ng sakit sa ulo sa ibang Himadi.
Ang pinakaayaw niya ay ang nakatakda niyang pagtapak sa lupain ng mga tao.
Para sa kanya ay mahihinang nilalang ang mga ito na walang ibang ginawa kundi ay ang sirain ang sari-sarili nilang mga buhay.
Pero dumating nga ang nakatakdang oras upang personal niyang harapin ang mga sinasabing tao na naririnig niya sa kwento ng mga matatandang Diway.
Sa ayaw at sa gusto niya ay kakailanganin niyang pumunta sa mundo ng mga tao upang kunin ang batong Deritos.
Daang libong taon na ang nakaraan mula noong huling masilayan ng mga Himading nagpunta sa mundo ng mga tao ang Deritos kaya walang makapagsabi kung nasaan na ito sa kasalukuyang panahon.
Wala ring makapagsabi kay Hallejah kung ano ang dapat niyang paghandaan sa pagtapak niya sa mundo ng mga tao.
Hindi siya nakikinig sa mga pangaral noon ng mga nakatatanda tungkol sa mundong pupuntahan niya kaya wala talaga siyang ideya kung ano ang daratnan niya roon.
"Pagpalain ka ng kalikasan sa iyong paglalakbay," masuyong basbas sa kanya ng Hari ng Diwali na siyang ama niya.
"Mag-iingat ka doon anak, tandaan mo ang mga dapat at hindi mo dapat gawin," paalala ng Reyna na siyang ina niya.
May pagdadalawang-isip siyang sumulyap sa apat niyang kapatid na lalaki na kapwa seryosong pinanonood ang pagbasbas sa kanya ng mga magulang nila.
Gamit ang mga mata ay pinarating ni Halleja sa pinakapanganay niyang kapatid ang gusto niyang itanong.
Kunot-noong napaisip naman si Himael kung ano ang gustong itanong ng kapatid niyang si Hallejah.
Nabaghan ding napatingin sa palitan ng titigan ng dalawa ang ikalawang kapatid ni Hallejah na si Gael.
"Anong problema?" pabulong na tanong ng ikaapat niyang kapatid na siyang nasa pinakamalapit.
"Kaebal ano iyong pinagsasabing bawal ni Ina?" pabulong din niyang sagot sabay pandidilat sa panganay na kapatid.
Sa isip niya ay walang kwenta talaga itong si Himael at laging hindi niya maasahan sa kagipitan.
Mulagat namang napamaang sa kanya si Kaebal dahil sa tanong niya. "Hindi ka nakikinig sa mga turo sa'yo?" gimbal nitong tanong.
Inikot lang ni Hallejah ang mga mata niya dahil hindi naman siguro niya itatanong kung alam niya at nakikinig siya di ba?
"Humayo ka na Hallejah at sundan mo ang tawag ng Deritos upang muli kang makabalik dito sa Diwali dala ang mgandang balita."
Hindi na nagkaroon ng pagkakataon pa si Hallejah na marinig ang sagot ng kapatid niya sa tanong niya dahil hinigop na siya ng malakas na pwersa mula sa mundo ng mga tao.