Chapter 2

2048 Words
PABAGSAK na isinandal ni Ciara ang kaniyang sarili sa swivel chair. Nakabusangot ang kaniyang mukha at halata sa sarili na kanina pa ito naiinis. Wala siyang magawa pagkatapos umalis sa restaurant na 'yon kung hindi ang bumalik sa kaniyang opisina dahil alam niyang wala na siyang iba pang mapupuntahan. "Para namang ang laki ng problema mo, madam," pagbibiro sa kaniya ni Vivian. Inilapag nito ang hawak na folder sa lamesa na nasa harap lang ni Ciara. Sumimangot naman si Ciara at nagpapadyak na lang nang may maalala. "Malaki talaga ang problema ko, Viv. Hindi mo alam kasi wala ka sa posisyon ko," hinaing ni Ciara. Huminga ito nang malalim at inayos ang pagkakaupo. "Bakit ba kasi kailangan ko pa 'tong gawin?" "Ipaalala ko ba?" pang-aasar pa lalo ng kaniyang kaibigan, "dahil mawawala sa iyo lahat ng pinaghirapan mo kapag hindi mo 'yon ginawa." "Salamat, ah. Ang laki talaga ng ambag mo," sarcastic nitong sagot. Kinuha ni Ciara ang folder na inilapag ni Vivian at binasa. Napakunot ang noo niya nang makita na wala pa rin ang pirma na inaasahan niyang tao. Agad namang nabasa ni Vivian ang mukha ng kaibigan kaya hindi na ito nagdalawang isip pa na ipaliwanag ang nangyari. "Hindi nagustuhan ni Mr. Dela Vega 'yong presentation kanina. Hindi raw maganda kung 'yan ang ipapakita natin sa mga tao dahil one time fame lang ito." Isinarado naman agad ni Ciara ang folder at napahilot sa kaniyang sentido. Sunod-sunod na ang problema at hanggang ngayon ay wala pa rin siyang solusyon. "Dagdag pa ang pesteng matandang kalbo na 'yan. Akala naman niya nagustuhan ko rin 'yong pinakita ng team niya. Mas maganda pa nga 'yong idea ko kaysa sa kanila," reklamo ni Ciara. Tinawanan naman siya ni Vivian at napailing. Sa ilang taon na nilang magkakilala ay kilalang-kilala niya na si Ciara. Para nga daw silang magkapatid sa tuwing magkasama. Malapit ang loob ni Ciara sa kaibigan lalo na at wala itong kapatid. Wala rin siyang ibang mapagsabihan ng kaniyang nararamdaman sa tuwing may nangyayaring hindi maganda sa bahay nila. "Hayaan mo na si Mr. Dela Vega. Ako na ang bahala sa kaniya. Unahin mo na lang muna 'yong hinahanap mo ngayon," sambit ni Vivian. Lumapit ito sa may couch at doon umupo. "Oo nga pala. Anong nangyari kanina sa nag-apply sa iyo?" "Katulad lang din ng dati," walang ganang sagot ni Ciara. Nang may maalala ang dalaga ay tinignan niya ang kaibigan. "And speaking of him. Mukhang sa'yo yata interesado." "Ako?" pagturo ni Vivian sa kaniyang sarili. "May iba pa ba akong kausap?" Inilibot ni Ciara ang tingin sa paligid at para bang naghahanap ng kausap. "Hello? May iba pa bang Vivian sa room na 'to? Pakitaas na lang ng kamay." "Sige ka. Kapag may nagtaas talaga ng kamay ay mapapatakbo ka," pananakot ni Vivian dahilan ng pagtigil ni Ciara. "Che!" "So, bakit nga interesado siya sa akin?" pagbabalik ni Vivian sa kanina nilang pinag-uusapan. "Ay, te? Alam ko ba? Sana sumama ka at kayo na lang dalawa ang nag-usap." Tumawa naman si Vivian sa pagiging sarcastic ng kaibigan sa kaniya. "Alam mo sa daming nag-apply sa iyo ay wala ka pa ring napipili. Ano ba talagang balak mo?" Napabuntong hininga si Ciara sa naging tanong ni Vivian at napasandal sa kaniyang upuan. "Bakit kasi hindi mo na lang subukan mag-ampon? Tutal ay apo lang naman pala ang gusto ng tatay mo." "Hindi naman kasi ganoon kadali 'yon," sagot ni Ciara, "edi kung okay lang na ganoon ay sana tapos na ako sa problema ko. Hindi mo kilala si Daddy. Hindi ganoon kadali ang basahin ang utak no'n. Malay mong ipa-DNA niya kami ng bata, edi tapos ako?" "Tsk," singhal ni Vivian. Para bang nakikihati na rin siya sa problema ng kaibigan dahil sa nangyayari ngayon. "Ang gulo naman kasi ng pamilya niyo. May pamana-mana pa kasing nagaganap." "Sorry, ah. Parang kasalanan ko pa." "Sa tagal mong naghahanap at sa tagal mong mamili. Baka may isang tao ka lang talagang hinihintay." Napakunot naman ang noo ni Ciara sa sinabi ng kaibigan. Tinignan niya pa ito na para bang binabasa ang isip ni Vivian. "Sabihin mo na. Pahihirapan mo pa akong mag-isip," sambit ni Ciara. "Hina mo naman sa comprehension, lods. I mean, bakit kasi hindi mo na lang kausapin 'yong ex mo?" "I did," wika ni Ciara sa mahinang boses at dahil malayo si Vivian ay hindi nito narinig ang sinabi ng dalaga. "Ano?" Vivian asked. Huminga muna nang malalim si Ciara bago niya harapin ang kaibigan na naghihintay sa kaniyang sagot. "Ang sabi ko, ginawa ko na," sagot ni Ciara at halata sa boses nito na hindi siya komportableng pag-usapan 'yon. "Oh, tapos? Anong nangyari? Pumayag ba siya?" sunod-sunod na tanong ni Vivian. Lumapit pa ito kay Ciara para mas marinig ang paliwanag ng amo. "For sure ay pumayag 'yon. Alam naman natin na noon pa lang ay gusto nang maka-score 'yon sa iyo." Seryoso ang mukha ni Ciara habang inaalala ang ginawa niyang pagkausap sa dating kasintahan. Kung wala lang siyang ibang mapupuntahan ang hindi niya 'yon gagawin kay Calix. Kaya pagkatapos ng nangyaring usapan ay pinangako niya na sa sarili na hindi na talaga siya hihingi pa ng tulong sa lalaking 'yon. "You know what he said?" sambit ni Ciara. "What?" "Nothing," maikling sagot nito. Nagdadalawang isip pa si Ciara kung sasabihin ang totoo, pero sa huli ay umamin na lang ito sa totoong nangyari. "He just laughed." "W-What?" hindi makapaniwalang tanong ni Vivian. Nang ma-process ang sinabi ni Ciara ay ganoon na lamang ang pagtawa niya sa harapan nito. "Tinawanan ka lang ni Calix? Hindi nga?" "Oo nga. Gusto mo pa bang ulitin ko? Mukhang masaya ka, eh." Pinigilan naman ni Vivian ang pagtawa nang marinig ang sinabi ni Ciara na may pagka-sarcastic na. Alam niyang napipikon na ang kaibigan. "Bakit kasi kinausap mo pa?" Napailing si Ciara habang pinipigilan na huwag batukan ang kaibigan niya. Mabuti na lang at malayo sila sa isa't isa kung hindi ay makatitikim talaga ang kaibigan niya. "Alam mo, Viv, konti na lang at makukurot na kita sa singit," tugon ni Ciara. Napanguso naman si Vivian at napaisip kung may nasabi ba siyang mali. "Parang kanina lang ay nagtatanong ka kung bakit hindi ko na lang kausapin 'yong gagong 'yon tapos noong sinabi kong ginawa ko na ay nagtanong ka kung bakit ko siya kinausap. Iyong totoo, nahulog na ba 'yong maliit mong utak?" "Sakit mo naman magsalita. Para namang hindi kita kaibigan." "Hindi naman talaga. Amo mo kaya ako," pagpapaalala ni Ciara sa kaniya. Ang kaninang tumatawa na si Vivian ay natahimik na lang. Alam niyang hindi nito mapapatulan ang kamalditahan ni Ciara kaya hinayaan niya na ito. "Pasensya na, boss. Maganda lang talaga ako," turan ni Vivian. Napahinto ito ng ilang segundo na para bang nag-iisip bago muling nagsalita. "So, kung wala ng pag-asa ang gago mong ex. Wala ka talagang choice kung hindi ang hagilapin sa mundo ang lalaking hinahanap mo?" Dahan-dahang napatango si Ciara. Bago pa man siya makapagsalita ay biglang tumunog ang kaniyang phone. Biglang bumungad ang text message ng kaniyang daddy nang tignan niya ito. Sa reaksyon pa lang ni Ciara ay alam na kaagad ni Vivian kung tungkol saan ang nabasa ng kaibigan. "May problema na naman ba sa bahay niyo?" pag-usisa ni Vivian. Inilapag ni Ciara ang kaniyang phone sa ibabaw ng lamesa. "Pinapauwi lang ako ng maaga," sagot ni Ciara. "Gusto mo bang samahan kita?" pag-aalok ni Vivian sa kaniya. Kapag ganitong maaga umuuwi ang dalaga ay alam niya na kaagad kung sino ang madadatnan ng kaibigan sa bahay nila. "Hindi na. Alam kong marami pa ang gagawin mo rito. Kaya ko naman sigurong mag-isa." Napaisip si Ciara at hindi sigurado kung tama ba ang sinabi niya. Maikli itong tumawa at pilit na ngumiti sa kaibigan. "Well, sana talaga." "Sus! Ikaw pa. Kaya mo 'yan," sagot ni Vivian sa kaniya. Lumipas ang ilang minuto nang magpaalam si Ciara sa kaibigan. Kahit na hindi gusto ni Ciara ang umalis ay wala siyang magawa kung hindi ang sumunod sa ama. Nang makarating sa kanilang bahay ay agad siyang sinalubong ng dalawang maids at kinuha ng isa ang gamit na dala ni Ciara. "Ma'am, kanina pa po kayo hinihintay nina Sir," bati sa kaniya ng isang katulong. Hindi naman sumagot si Ciara at sumunod lang sa paglalakad papunta sa may dining area. Pagkarating niya roon ay sabay-sabay na nagsipaglingunan ang lahat kay Ciara. "You're here," sambit ng kaniyang ama. Nakaupo ito sa wheelchair at halata na ang pamamayat ng kaniyang katawan dahil sa sakit nito. Sa halip na nasa ama ang tingin nito ay naagaw na naman ng kaniyang pansin ang dalawang babae na nakaupo rin doon. "And they are also here," mahinang wika ni Ciara habang hindi inaalis ang tingin sa dalawa. Walang reaksyong umupo si Ciara sa puwesto niya. Hindi niya mapigilang mainis sa tuwing makikita ang bagong nakaupo sa dating upuan ng kaniyang ina. Isang taon pa lang ang nakalilipas, pero ramdam ni Ciara na pinapalitan na ang kaniyang ina. Pakiramdam niya ay sa susunod ay siya na ang magiging sampid sa pamilya na meron siya. "How's your day, iha?" malumanay na tanong ni Jessica. Wala pa sanang balak sumagot si Ciara kung hindi ito pinagsabihan ng kaniyang ama. "It's okay, Charles. Hindi niya naman kailangan sagutin. Baka pagod lang talaga si Ciara." "Ciara," maawtoridad na tawag ng kaniyang ama. "I'm fine," walang ganang sagot ni Ciara. Kahit na masasarap ang nakahain na pagkain ay nawawalan ito ng gana. Siguro ay ganoon talaga ang mararamdaman lalo na at hindi mo gusto ang mga taong kasama. "How's your study, Julia? May napili ka na bang course?" Napailing naman ang anak ni Jessica sa tanong ng ama ni Ciara. "I'm still choosing pa po, Tito Charles," sagot ng dalaga. "I told you to practice calling me dad." Napalingon naman agad si Ciara sa sinabi ng kaniyang ama. Tinignan ni Ciara si Julia at nakita nito ang pagngiti ng dalaga. Itinago niya sa ilalim ng lamesa ang kaniyang mga kamay at hindi niya mapigilang ikuyom ito. "D-Dad," nahihiyang tawag pa ni Julia. Nakita naman ni Ciara kung paano ngumiti ang kaniyang ama sa narinig na pagtawag sa kaniya. "Tsk," mahinang singhal ni Ciara. "Bakit hindi na lang katulad ni Ate Ciara ang kunin mong course sa college? Para naman may katulong si Ciara sa pagpapatakbo ng negosyo." "Dad!" pag-awat ni Ciara nang hindi niya na matanggap ang naririnig sa ama. Napalingon naman ang lahat sa kaniya. "Kaya ko naman mag-isa, dad. Simula bata pa lang ay mulat na ako sa pagpapatakbo ng negosyo natin. Hindi ko kailangan ng katulong lalo na kung manggagaling lang sa kanila." "Ciara!" sigaw ni Charles. Natahimik naman ang lahat. "Ganyan ba kita pinalaki?" Hindi na lamang nagsalita si Ciara dahil alam niyang hindi rin maganda ang lalabas sa bibig niya. Mas lalo niya lang gagalitin ang kaniyang ama at alam niyang hindi maganda 'yon lalo na at may iniinda itong sakit. Kailangan magawan niya na ng paraan 'yong sinasabi ng ama niya kung hindi ay tuluyan na talagang mawawala sa kaniya ang lahat at hindi niya hahayaang mangyari na mapunta lang ang lahat ng kaniyang pinaghirapan sa dalawang babaeng kaharap niya ngayon. "Kumain ka na, iha. Mukhang nagutom ka sa pagtatrabaho," sambit ni Jessica. Walang nagawa si Ciara kung hindi hayaan ang ginang na lagyan ng pagkain ang plato niya. Tinignan ng dalaga ang reaksyon ng kaniyang ama at tinuturo nito ang pagkain sa harap niya. Kinuha na lamang ni Ciara ang kutsara at tinidor. Pinilit niyang kainin ang pagkain at habang nakikita ni Jessica 'yon ay hindi niya mapigilang mapangiti kay Ciara. "Since you are all here, we have something to say to the both of you," pag-uumpisa ni Charles. Hindi nakawala sa mata ni Ciara kung paano abutin ng kaniyang ama ang kamay ni Jessica. "Are you sure, Charles?" mahinang bulong ni Jessica sa kinakasama. Tumango naman ang lalaki at nginitian ito na para bang sigurado na siya sa sasabihin. Napatigil ang lahat sa pagkain at nakaabang sa sasabihin ng dalawa. Ganoon na lamang ang gulat sa mga mata ni Ciara nang marinig ang sinabi ng kaniyang ama. "I already proposed to Jessica, and starting today, she and Julia will have to live here with us. And Ciara, start practicing calling her mom."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD