Chapter Seven
Hawak ni Dimas ang kamay ko habang papasok kami sa isang restaurant. Halatang mamahalin ang restaurant na iyon. Ambiance pa lang ay naghuhumiyaw ng ang may kaya lang kumain sa restaurant na ito ay iyong may pera talaga.
Nandito kami para kitain ang mga kaibigan ni Dimas. May apat daw siyang kaibigan and of course kaedad niya ang mga ito.
"Nandito na si Dimas." Anunsyo ng lalaking unang nakakita sa amin no'ng lumingon siya sa gawi ng pinto.
"That's Arturo Marquesta." Bulong ni Dimas sa akin. Tinandaan ko ang pangalang binanggit nito.
Nagsipaglingunan na rin ang tatlo pang kaibigan ni Dimas.
"Iyong nakadilaw ay si Maccoy Silvistador. Iyong naka-polo na puti ay si Alvin Mexante. Iyong nasa dulo na black ang suot na suit ay si Zoren Kuvien." Tango lang ang naging tugon ko. Ang intimidating ng dating ng mga ito. Pero hindi naman ako affected. Sanay akong humarap sa isang intimidating na tao. Matagal na nga lang no'ng huli ko itong nakita.
"Dimas, hindi mo naman sinabi na magdadala ka nang magandang dalaga rito. Don't tell me anak mo ito?" napangiwi ako sa sinabi ni Zoren Kuvien.
"Shut up, Zoren. She's my wife." Exaggerated ang singhap nila. Bahagya tuloy akong napatago sa likod ni Dimas.
"Aba'y isang masamang biro iyan, Dimas. It's not funny." Si Alvin Mexante naman ang nagsabi no'n.
"Sino bang nagbibiro? Wife, magpakilala ka sa kanila."
"Good morning, I'm Luna Magdaline Madrinale-Luvier." Napasapo pa sa dibdib ang mga kalalakihan. Talagang ine-exaggerate nila ang reaction nila.
"Prank lang ito. For sure hindi ito totoo. Mukhang kaedad lang ng anak ko." Umiling-iling pa si Maccoy Silvistador.
"It's not. Kailan lang kami ikinasal." Ipinaghila ako ni Dimas ng upuan. Nang makaupo ako ay saka naman siya umupo sa bakanteng pwesto sa tabi ko.
"Seryoso ka talaga, Dimas?"
"Yes." Tugon ng asawa ko. Sabay halik nito sa pisngi ko. "At walang pagsisisi sa puso ko na si Luna Magdaline ang pinili ko." Napangiti ako. Umaapaw sa kilig ang puso ko. Kita ko kasing proud ang lalaki na ako ang asawa niya.
"Damn! The old man is in love." Bulalas ng mga ito. Tinawanan lang sila ni Dimas.
"Mag-order na nga muna tayo." Para maiba na ang takbo ng usapan ay iyon na lang ang naibulalas ni Dimas sa kanila.
"Gusto mo ba ng steak, hija?"
"Hija? Call her Luna." Ito na naman si Dimas. Siguro'y tunog bata talaga ang hija para sa kanya.
"Luna, what do you want?" tanong ng kaibigan ng asawa ko.
Okay sa akin ang steak kaya sasagot na sana ako pero naunahan ako nito.
"Hindi siya into steak, Maccoy. Mas prefer niya ang mga veges and salad." Bahagyang nagsalubong ang kilay ko. Hindi naman ako mapili sa pagkain.
"Oh, iyan ang order-in natin."
Hindi na ako nakaangal pa. Kung ako ang papipiliin ay parehong okay naman. Pero kasi kung isa lang ang pipiliin ay go talaga ako sa steak. Pero na order na. Wala na akong nagawa pa.
Habang naghihintay na mai-serve ang pagkain ay napunta ang topic nila sa mga negosyo. Hanggang sa mapunta na ang topic sa politics.
"Dimas, iyan bang si Governor Tiago ay walang planong tumakbo sa higher position? Senador, VP, or President?"
"Nagsisimula pa lang sa karera ang anak ko. Baka wala pa sa plano niya iyon."
"You know... magsabi lang kayo sa amin at handa kaming sumupotra kung maisipan niyang tumakbo sa higher position. Kita naman sa Santo Claro kung gaano kahusay iyang inaanak namin."
"I'll tell him na sinabi ninyo iyan." Tugon ng proud na proud na ama.
"Ito bang si Tiago ay single pa o magaling lang magtago ng private life n'ya?" tahimik lang din akong nakikinig. Parang kabastusan kasing makipagsabayan sa kanila. Ewan kung bakit naisip ko iyon.
"Sa pagkakaalam ko'y single pa ang binata ko. Wala rin namang nali-link sa kanya."
"Iyon naman kasing si Governor Tiago ay hindi man lang bigyan ng pansin ang dalaga ko." Nailing na ani ni Maccoy Silvistador.
"Malabo kasi iyon, Maccoy. Iyong mga anak natin ay parang kapatid na ang Turing ni Governor Tiago. Malambing patulan niya." Pare-pareho silang tumawa. Saktong dumating na ang pagkain. Nang magsimula akong kumain ay halos hindi ko na manguya pa ang dahon na nais ipakain ni Dimas sa akin. Pero para hindi maging rude ay ipinakita ko na lang na nag-e-enjoy ako sa pagkain ko.
Kumakain ako pero hindi talaga ako fan ng mga ganito... si mama ay favorite niya ang mga ganito. Pero ako'y hindi. Tamang kain lang. Pero iyong katulad nito na ito talaga ang kakainin ko hanggang maubos ay hindi ko talaga gusto.
"You want more?" pukaw ni Dimas sa atensyon ko habang sinisimot ko ang nasa plato ko. Hirap na hirap na nga ako na ubusin ay you want more pa raw. No. Ayaw ko na. Umiling ako rito.
"B-usog na ako." Mahinang ani ko. Kahit sa totoo lang ay hindi iyon totoo. Gutom ako, pero hindi ako mabubusog sa damong pagkain ko. Kakain na lang ulit ako sa bahay.
"May mga babae talagang conscious sa katawan nila. Ganyan na ganyan ang anak kong si Alishia, Luna. Top priority ay ang figure." Damn, inisip pa tuloy nitong conscious ako sa body ko. Which is ganito talaga naman ang katawan ko. Kumain man ako ng marami or sakto lang ay hindi ako tabain.
"I really don't mind kung conscious si Luna sa figure niya. Mas gusto ko pa nga iyon. Makatitiyak akong inaalagaan niya ang sarili niya lalo na para sa akin." Bahagya pang hinawakan ng lalaki ang kamay ko. Ngumiti naman ako rito. I think kailangan naming mag-usap ni Dimas mamaya. Mukhang kailangan kong itama rito ang mga maling akala niya.
Nagpatuloy naman ang kwentuhan ng mga ito. Business ang topic. Pati mga hobbies nila. Mukha namang maaayos ang mga kaibigan ni Dimas. Marunong din kumilatis ng kaibigan ang asawa ko.
Pagkatapos pa ng isang oras ay nagpasya na silang maghiwalay.
Ako naman ay medyo nagdiwang. Uwing-uwi na talaga ako. Pero pagsakay namin sa sasakyan ni Dimas ay inianunsyo nito na may dadaanan pa kami.
"Mahal, after nito uuwi na tayo?" malambing na tanong ko sa lalaki. Yumakap pa ako sa braso nito. Ngunit bahagya nitong binawi at iniangat niya ang cellphone niya para yata iparating na busy siya.
"May bibilhin lang tayo then after ay uuwi ka na---"
"Ikaw? Hindi ka pa uuwi?" takang ani ko rito. Umiling siya.
"Dadaan pa ako sa office ni Tiago. Gusto ko siyang i-check doon."
"Okay, mahal. Nauunawaan ko." Mas katanggap-tanggap siyempre sa akin kung priority nito ang anak niya. Kahit pa adult na ang anak nito ay dapat lang na priority pa rin nito ang anak.
Nang makarating kami sa isang gusali ay medyo nagulat pa ako nang malaman kong bilihan ng sasakyan ang lugar na ito.
"Luna Magdaline, mamili ka na ng sasakyan mo." Utos ng asawa ko. Nanlaki ang mata ko dahil sa narinig.
"Anong sabi mo?" takang ani ko.
"Mamili ka na ng gusto mong sasakyan. Walang issue sa akin kahit iyong pinakamahal pa. If may kulay kang gusto---"
"Dimas!" ani ko rito. Kumapit pa ako sa laylayan ng damit nito. "Hindi ko kailangan ng car. Ano ka ba naman?"
"Gift ko sa 'yo ito, Luna Magdaline. Kaya pumili ka na. If ever gusto mong ipa-customize ang loob ng sasakyan---"
"Dimas." Mas pinaseryoso ko pa ang tinig ko. Kaso hinalikan lang nito ang noo ko.
"Gift, Luna. Gift na hindi mo dapat tanggihan. Sige na at mamili ka na. May lakad pa ako." Bagsak ang balikat na gumawi ang tingin ko sa mga sasakyan na tiyak namang mamahalin.
Ayaw ko. Pero narinig ko na panay na ang buntonghininga ng asawa ko.
"Mamili ka na." Ulit nito.
"I-kaw na lang ang bahala." Mahinang ani ko. Hinawakan nito ang kamay ko at dinala ako sa gilid.
"Look, Luna Magdaline." Tumingin naman ako rito. "Parang ang lungkot-lungkot mo naman. Puro mali ba ang ginagawa ko? Pinagtitinginan tayo ng mga tao. Sa inaakto mo ay baka ma-misinterpret pa nila." Tama ito. Kaya naman ay agad akong humingi rito ng dispensa.
"S-orry, mahal. Para lang kasi sa akin ay sobra-sobra na ito. Hindi ko kailangan ng sasakyan---"
"Dito ba natin pag-uusapan ang bagay na ito?"
Maraming nakatingin. Kaya naman umiling na lang din ako. Labag man sa loob ay sumang-ayon na lang din ako para makaalis na kami.
"Sige, bili na tayo. Sa bahay na lang tayo mag-usap."
"Perfect. Let's go, tignan natin iyong mga sasakyan." Lumakad na kami sa mga sasakyan na naka-display. Si Dimas pa nga ang kinakausap no'ng staff. Iyong mga gusto ni Dimas ang tinatanong. Opinion ni Dimas ang hinihingi. Ako... tahimik lang. Gusto na lang din talagang umuwi na.
Nang makapili ito ng sasakyan bibilhin ay agad iprinoseso iyon.
"Oh, hindi ka ba masaya sa regalo ko sa 'yo?" tanong ng aking asawa. Rinig na rinig ng mga tao iyon at napatingin pa sa akin.
"M-asaya. Salamat, mahal ko." Nahihiyang ani ko.
"You're welcome, Luna Magdaline. Kahit anong gusto mo ay ibibigay at bibilhin ko para sa 'yo. Sabihin mo lang sa akin, ha." Gusto niya ang sasakyan na ito, siya ang nagsabi, siya ang nagpumilit. Pero parang ang dating ay ako ang nanghingi rito. Mag-uusap talaga kami sa bahay. Hindi talaga pwedeng ganito ito.
Alam kong mapagbigay siya, pero hindi ako natutuwa sa mga ganitong klaseng 'gift' nito sa akin.
"S-alamat. U-wi na tayo, Dimas." Mahinang ani ko.
"Okay. Ipahahatid na kita sa bahay. May lakad pa ako." Okay. Mamayang gabi na lang kami mag-uusap nito. Hindi ako makakatulog kung hindi ko io-open dito ang frustrations ko ngayon.