Chapter Twelve
Nagkulong lang ako sa kwarto. Kahit may kumatok na kasambahay ay hindi ko pinagbuksan. Wala pa rin si Dimas. Hindi ko alam kung nasaan siya. Kahit pagsagot sa tawag ay wala. Hindi rin uso sa lalaki ang pagsagot ng mga messages ko. Nasaan na ba siya? Sobrang lakas ng ulan. Hindi ko maiwasang matakot at mag-alala sa asawa kong hindi ko na mawari kung bakit parang hindi ko asawa sa tuwing umaalis siya. Sinipat ko ang orasan. 2:00 am na.
Masakit na ang ulo ko at sinisipon na rin ako. Pero hindi naman ako makatulog. Hinihintay ko si Dimas. Parang hindi naman na tama na umaalis ito at inaabot na ng ganitong oras ay wala pa rin. Parang binata ang style, parang walang asawang naghihintay.
Dahil hindi talaga makatulog ay bumangon na ako. Iinom ako ng gatas. Baka sakaling bisitahin ako ng antok kapag nakainom ako ng gatas.
Bumaba ako. Dim light na lang ang nakabukas sa sala. Iyon lang ang tanging tanglaw ko patungo sa kusina. Kumuha ako ng baso at sinimulan kong timplahan iyon ng gatas. Medyo dim lang din ang ilaw sa kusina. May mga parteng madilim doon. Pero sapat naman para matiwasay kong matimplahan ang sarili ng gatas na kailangan ko. Doon ko na rin iyon sinimulang inumin.
"Sana'y makatulog ka na, Luna Magdaline." Bulong ko sa sarili ko. "Tulog na. Masyado ng late. Uuwi rin iyon si Dimas. Huwag mo nang masyadong alalahanin. Okay lang siya." Natigil lang ako sa pagsasalita ng muli akong uminom. Sinaid ko ang laman no'n. Nang matapos ay inilagay ko na sa lababo. Kaso pagkatapos kong ilapag at umikot na ako para umalis ay kasabay rin no'n ang pag-ikot nang paningin ko. Napasapo ako sa ulo ko. Ilang gabi na rin kasi na palagi akong puyat. Tapos nagpaulan pa kanina. Pakiramdam ko tuloy ay bibigay na ang katawan ko. Ngayon nga ay iba na ang nakikita ko sa paligid. Blurry na.
Kumapit ako sa gilid ng counter at sinubukan kong lumakad. Kailangan ko ng suporta roon dahil ramdam kong palala na ng palala ang hilo ko. Nabaybay ko naman hanggang sa dulo ng counter. Pero mas grumabe pa ang hilong nararamdaman ko. Huminto ako at dalawang kamay na ang pinanghawak ko sa ulo ko. Sobrang sakit na no'n.
Hindi ko na kaya pang bumalik sa kwarto. Habang palala nang palala ay ramdam kong pati pagkakatayo ko ay hindi na stable. Kaso bago pa ako makakapit muli ay tuluyan nang bumigay ang katawan ko. Pero hindi ako bumagsak sa sahig. Naramdaman kong may sumalo sa akin. Gustuhin ko mang tignan kung sino pero tuluyan na akong iginupo ng kadiliman.
--
NANG magising ako ay nasa silid na ako ulit. Iginala ko ang tingin ko sa paligid. May tuyong bimpo sa aking noo, may mga gamot naman sa bedside table. Masakit pa rin ang ulo ko at may baradong ilong. Pero hindi na katulad kagabi iyong sakit ng ulong nararamdaman ko ngayon. Inalis ko muna ang bimpo at saka ako pilit na bumangon.
"Mahal ko?" saktong papasok si Dimas na may dalang tray na puno ng laman. Dali-dali nitong inilapag sa coffee table ang dala niyang tray saka siya lumapit sa akin. Umupo ito sa gilid ng kama at hinawakan ang kamay ko. "Kumusta ang pakiramdam mo? Masakit pa ba ang ulo mo? Nahihilo ka ba? Nahihirapan huminga?"
"O-kay lang ako." Binawi ko rito ang kamay kong hawak niya sabay iwas ng tingin.
"What's wrong, mahal ko?" worried na ani niya. Hinawakan niya ang pisngi ko at iginiya ang mukha ko para maiharap sa kanya. Pero muli ko lang din iyong iniwas. Nagtatampo ako rito. Siguro naman ay mahahalata na niya iyon kapag ganitong hindi ko siya pinapansin, 'di ba?
Bumuntonghininga ang lalaki.
"Sa tingin ko'y masama pa nga ang pakiramdam mo. Gusto mo bang kumain na? Halika at alalayan kita. Kailangan mong kumain at nang makainom ka ng gamot. Tinabig ko rin ang kamay nitong sumubok umalalay sa akin. Saka ako gumapang sa kabilang side ng kama at doon bumaba. "Luna Magdaline?" tawag nito sa akin. "Galit ka ba sa akin?"
"Nagtatanong ka pa?" biglang tumalim ang tingin ko rito. Parang nagulat pa nga ito eh. "Tinatanong mo pa talaga ako ng ganyan?" inis na ani ko.
"Luna?"
"Ilang araw pa lang tayo rito, Dimas. Pero araw-araw kang wala. Sa gabi'y hindi umuuwi to the point na inaabot na ako ng madaling-araw sa paghihintay. Dimas, bumalik na lang kaya tayo sa amin? Pakiramdam ko kasi kung narito tayo ay masisira lang tayo---"
"No. Hindi tayo babalik doon. Dito lang muna tayo. Saka Luna, unawain mo sana na ngayon lang ako nakabalik dito sa Santo Claro sa loob ng ilang buwan. May mga kaibigan akong gusto kong kitain at nagkakayayaan kami ng inuman. Saka maggaganyan ka ba kapag bumalik na ako sa trabaho? Araw-araw akong wala no'n. Gabi na ang uwi. Magiging issue rin ba iyon---"
"No! Kung alam kong nasa trabaho ka ay hindi magiging issue sa akin iyon. Pero iyong aalis ka tapos hindi ko alam kung saan ka pumupunta, kung anong oras ang uwi mo, kung okay ka ba... iyon ang hindi okay."
"So, kailangan bawat kibot ko ay sasabihin ko sa 'yo?"
"No. Pero asawa mo ako, Dimas. Bawal ko bang malaman? Kahit magsabi ka man lang? Ano ba ako rito? Display?" sunod-sunod na pumatak ang luha ko. "Ilang araw pa lang tayo rito... pero hindi ko na nagugustuhan ang takbo ng marriage natin."
"Nagsisisi kang pinakasalan ako?" lumungkot ang mukha nito.
"No! No, Dimas! Pinakasalan kita dahil mahal kita. Wala akong pinagsisihan pero sana naman ay maging responsible ka rin. Hindi mo ba naiintindihan ang gusto kong iparating?"
Bumuntonghininga ito.
"I'm sorry, Luna Magdaline." Umikot ito at lumapit sa pwesto ko. Niyakap ako nito kahit nagpumiglas ako. "I'm sorry, mahal ko. Hindi ko naisip na ganyan na ang nararamdaman mo. I'm sorry. Babawi ako. Babawi ako sa 'yo, mahal ko." Puno nang pangako iyon. Saka niya ako iginiya paupo sa couch. "Hindi ako aalis. Kung may puntahan man ako ay maaga akong magsasabi sa 'yo. I'm sorry." Wala akong imik. Tahimik lang. "Luna?" ani nito.
Malambot talaga ang puso ko rito. Kahit may tampo ay hindi ko rin matiis. Nang tignan ko ito ay naroon sa mukha nito ang pagsusumamo. "I'm sorry, mahal ko." Tumango na lang ako.
"Please... huwag mo akong palaging iwan dito. Mauunawaan ko kung nasa trabaho ka o mahalaga ang mga lakad mo. Pero asawa mo ako... ipaalam mo sa akin."
"I will do that! I'm really sorry, Luna Magdaline. Babawi ako."
"Dimas, isa pa pala. Huwag mo na akong regaluhan ng mga mamahaling alahas." Nagsalubong ang kilay nito.
"No. Sa bagay na iyan ay hindi ako sasang-ayon d'yan. Way ko iyon para iparamdam sa 'yo kung gaano kita kamahal. Ibibigay ko ang lahat sa 'yo, Luna Magdaline." Lumapit pa ito at pinatakan ng halik ang noo ko. "Kumain ka na. Ubusin mo iyan. Huwag na nating pagtalunan ang mga regalong ibinibigay ko sa 'yo dasi deserve mo ang mga regalong iyon. Masanay ka na, mahal ko."
Never akong masasanay. Hindi ako maluhong tao. Kahit pa bigay lang ay nanghihinayang pa rin ako sa perang ginagastos sa mga gano'n bagay.
Kumain ako, uminom ng gamot, at mas piniling magkulong lang sa kwarto dahil masama pa rin ang pakiramdam.
Hindi umalis si Dimas. Bumawi pa nga ito. Pagsapit ng gabi ay sa garden kami kumain nito. Medyo bumuti naman ang pakiramdam ko kaya nakuha kong bumaba.
May pina-set up itong table sa garden. May mga pailaw pa nga. Pero 'damo' pa rin ang nakahaing pagkain sa akin. Dahil espesyal ang sandaling ito kasama ang asawa ko ay hindi na ako nagreklamo.
Pero kaunti lang ang nakain ko.
"Mukhang masama pa ang panlasa mo dahil sa may sakit ka. I understand kung hindi mo maubos iyang ipinahanda kong pagkain. Pero kapag magaling ka na ay hindi na dapat ganyan."
"O-oo, Dimas. Sorry kung wala akong ganang kumain." Inilapag ko na ang tinidor na gamit. Habang ang asawa ko'y tuloy pa rin sa pagkain.
"You know what... kapag magaling ka na ay mamasyal tayo. Mag-island hopping tayo. Maraming magagandang isla rito."
"Talaga?" nae-excite na ani ko. Mas prefer ko iyong mga gano'n. Mas sasaya ako sa gano'n. Tapos makakapagsolo pa kaming mag-asawa.
"Yes, isama natin iyong mga friend ko na nakabakasyon din dito ngayon." Halatang masaya talaga ito sa mga kaibigan niya, kaya kahit disappointed na naiisip nitong mag-island hopping na may kasama kami ay hindi na ako nagkumento.
Nang matapos ito ay nanatili pa kami roon ng ilang saglit. Pero nang mag-ring ang phone nito ay agad itong nagpaalam. Trabaho ang dahilan nang tawag na gumambala sa amin. I know Dimas. He is a busy man. Kailangan na lang din talagang unawain.
Naiwan ako sa garden na medyo tulala pa. Hindi ko alam kung ilang minuto na akong mag-isa roon. Pero ng may naglapag ng plato sa mesa ay umangat ang tingin ko.
Si Governor Santiago Dimas Luvier. Ang anak ng asawa ko.
"Kain, Luna Magdaline. Umalis ang asawa mo." Nagsalubong ang kilay ko.
"Akala ko'y pupunta sa taas---"
"Sumakay ng sasakyan kasama ang mga bodyguard. Trabaho ba ang pupuntahan? Baka naman tumawag ang babae n'ya---"
"Sobrang lungkot talaga ng buhay mo, Governor Tiago. Ganyan ba talaga kapag walang love life?"
"Ganito kapag may kaharap na oportunista."
"Oh, nice!" nagkibitbalikat pa ako. "Ikaw nagluto nito? Ano ito, Governor Tiago? Nagbabawas ka ng kasalanan?" nangalumbaba ito.
"No. No plans na magbawas ng kasalanan. Pero kaya ko ring dagdagan pa ang kasalanan ko para lang mapaalis ka rito sa bahay ko... at sa buhay ng ama ko." Mapanganib ang mga salita kahit pa halos pabulong iyon.
"A-nong gagawin mo? Papatayin mo ako?"
"No, Luna Magdaline. Hindi ako mamamatay tao. But I'll make sure na ikaw mismo ang kusang aalis dito. Aalis na walang makukuha na kahit ano sa aking ama."