Chapter Three
Limang buwang relasyon... at iyon na ata ang pinakamasayang mga buwan sa buhay ko. Hindi pa rin okay sa mga Lola ko ang relasyon namin ni Dimas. Pero hindi naman iyon ang magiging hadlang sa relasyon naming magkasintahan.
Nasa pasyalan kami ni Verry nang makatanggap ako nang tawag mula sa Lola Conching ko.
"Umuwi ka." Seryoso ang tinig nito kaya naman nagmadali kami ni Verry na makauwi. May kaba pa sa dibdib ko, sa totoo lang. Pero pagdating ko sa amin ay parang nahulog ang puso ko dahil sa labis na gulat. Pababa pa lang ng tricycle ay nakita ko na agad ang eksena sa loob ng bakuran namin.
Nakaluhod si Dimas Luvier habang may hawak na pulang kahita. Sa likod niya ay nakatayo ang tatlong matanda na nakahawak sa isang mahabang banner.
Pare-parehong busangot ang mga mukha. Halatang hindi nila gusto ang nangyayari.
Nang muli kong tignan si Dimas ay malawak ang ngiti nito. Nasa mga mata nito ang hope na marinig nito sa akin ang inaasam na sagot.
Will you marry me? Iyon ang nakasulat sa banner na hawak ng tatlong matanda.
Naramdaman ko ang pagkurot ni Verry sa tagiliran ko. Hindi ko alam kung kinilig ba ito o gusto niya akong pigilan.
Pero para na akong nakahiga sa mga ulap. Iyong sayang nararamdaman ko'y hindi ko na maipaliwanag.
"D-imas?"
"Noong nakita kita'y pumasok agad sa aking isipan kung ano ang pakiramdam na maging kasintahan... maging asawa ang isang katulad mo. Sa loob ng limang buwan ay puro saya ang inihatid mo sa akin." Sa loob ng limang buwan ay hindi nga namin naranasang mag-away. Magkalayo man ang agwat ng edad namin ay para kaming nagkikita sa gitna para maunawaan ang isa't isa. Mahaba rin ang pasensya nito, kaya naman hindi kami umaabot talaga sa away. "Luna Magdaline, mahal kita. Nais kong ipagpatuloy natin ang pagmamahalan at kasiyahan natin na magkasama." Nanatili itong nakaluhod. Habang iyong mga matatanda sa likod ay puro irap lang. "Sana'y piliin mo akong pakasalan. Ipinapangako kong walang katapusang kasiyahan ang ihahandog ko sa 'yo." Humakbang ako palapit. Saglit na pinagmasdan ang singsing na hawak nito. Saka ko siya tinitigan. Tumango ako.
"Oo naman. Payag akong magpakasal sa 'yo, Dimas." Galak na ani ko.
"Ay, hindi man lang nagpakipot!" reklamo ni Lola Teresita.
Pabagsak namang ibinaba ni Lola Felipa ang banner.
"Hindi ba natin naturuan itong batang ito na magpakipot? Oo agad!"
"Tsk. Ayaw ko na. Hindi ako dadalo sa kasal niyan kapag natuloy." Nag-walkout naman si Lola Conching. Pero tinawanan ko lang ang mga ito. Galak na isinuot ni Dimas ang singsing sa daliri ko, saka ito tumayo at mahigpit akong niyakap.
Nakuha pa nitong patakan nang halik ang noo ko.
"Mahal na mahal kita, Dimas."
"Mahal na mahal din kita, Luna Magdaline. Kaya talagang gusto kitang makasama na. Nais na kitang matawag na Mrs. Luvier. Salamat sa pagpayag mong pakasalan ako. Sobra-sobra ang saya ng puso ko."
"Pero sandali nga. Paano mo napapayag sina Lola?"
"Kinausap ko sila. Nagmakaawa ako. Sinabi ko sa kanila na mahal na mahal kita. Sobrang mahal na mahal kita. Nakita siguro nilang sincere ako. Kaya naman pumayag na sila."
"At sila pa ang humawak ng banner?" aliw na tanong ko rito. Inabot ko pa ang buhok nito ang bahagyang hinagod.
"Napilitan. Obvious naman sa pagwa-walkout nila. Pero hindi big deal sa akin iyon, Luna Magdaline. Basta masaya ako ngayon na pumayag ka nang magpakasal sa akin."
"I love you, Dimas."
"Hmmm!" OA na tikhim ni Verry. Hindi pa pala ito umalis. Saktong tumunog ang cellphone ni Dimas.
Mukhang sa trabaho niya iyon. Kaya naman dali-dali itong nagpaalam. Nauunawaan ko naman. Saka kailangan ko ring makausap sina Lola. Tiyak na masama ang loob nila.
Pumasok ako sa loob, sumunod naman si Verry. Nasa sala ang tatlong matanda. Lahat sila ay nakasimangot.
"Mga Lola..."
"Kapag nagpakasal ka roon ay hindi kami dadalo." Himutok ni Lola Conching.
"Bakit naman po? Kayo lang po ang family ko. Payag po ba kayo na kapag ikinasal ako ay walang family na kasama?"
"Bakit pa kailangan mo ng kasama? Hindi ka naman nakikinig sa amin na pamilya mo?" masama ang loob na ani ni Lola Felipa. Umupo ako bago tinignan ang mga ito.
"Masaya po ako. Sobrang saya ko po na inalok ako ng lalaking mahal ko ng kasal. Hindi po ba talaga pwedeng suportahan na lang ninyo kami---"
"Hindi ko kaya, Luna. Ayaw ko. Diyos ko ka! Wala ka na talagang nais pakinggan. Sarili mo na lang." Naiyak ako sa narinig ko kay Lola Teresita.
"Pinakikinggan ko po ang sinasabi ng puso ko. Pinili ko po si Dimas dahil siya ang mahal ko."
"Nagrerebelde ka ba, Luna?"
"Po? Lola Conching, bakit naman po ako magrerebelde? Wala pong dahilan para gawin ko iyon."
"Alam ko na! Ginagawa mo iyan dahil galit ka sa tatay mo!"
"Wala pong kinalaman si tatay rito. Huwag po natin siyang isali sa usapan dahil alam naman po ninyong galit ako sa kanya. Hindi po siya parte ng buhay ko."
"Ipapaalam mo ba sa kanya?" natigilan ako.
"Wala po akong balak na ipaalam kay tatay ang bagay na ito. Saka po matagal ng wala sa buhay ko ang taong iyon. Iyong mga nangyayari sa akin ngayon... hindi na po niya kailangan pang malaman."
"Eh sa nanay mo?" napatingin ako kay Lola Conching.
"Kahit naman po gustuhin ko'y wala naman po tayong contact sa kanya. Saka happiness ko po itong pinag-uusapan natin. Baka humadlang din sila. Doon po sila magaling eh. Iyong humadlang lalo na kapag alam nilang masaya ako. Bawal po ata akong maging masaya."
Pare-pareho silang natahimik.
"Magpapakasal po kami ni Dimas. Kung pati po kayo ay mas pipiliing pigilan ako. Mag-cry na lang po siguro ako. Pero magpapakasal pa rin po ako." Pare-pareho silang bumuntonghininga. "Kung issue pa rin ang malaking agwat ng edad naming dalawa... uunawain ko na lang po kung hindi kayo makadalo."
"Luna!" ani ni Verry. Halata namang nasaktan ang tatlong matanda sa sinabi ko. Naiyak na talaga ako nang tuluyan. "I'm sorry po, mahal na mahal ko lang po talaga si Dimas. Siya lang po iyong nag-iisang lalaki na nagparamdam na deserve kong mahalin at maging masaya. Lahat ng mga lalaki sa buhay ko ay hindi naman po ako napasaya ng ganito. Siguro naman po'y tama lang na piliin ko iyong lalaking ngayon ay nagmamahal na sa akin ng tama. Iyong nagpapasaya na sa akin. Gustong-gusto ko po siyang piliin kahit pa malaki ang agwat ng edad namin. Magpapakasal po ako. Sa ayaw at sa gusto ninyo."
--
ISANG buwang preparation. Simpleng garden wedding lang. Sinabi ko na kina lola na nais ko silang makasama sa espesyal na araw na iyon sa buhay ko.
Pero walang dumalo. Sinubukan naming maghintay. Wala ang tatlo kong Lola, wala rin si Verry.
Nang matauhan ako na wala talaga sila... naglakad akong mag-isa sa aisle. Umiiyak. Malungkot dahil mas pinili ng mga mahahalagang tao na wala sa espesyal na araw na ito ng buhay ko.
Pero nang makarating ako't makaharap si Dimas. Nawala agad sa aking isipan ang lungkot. Oo, ganito ko kamahal ang lalaking ito. Kaya kong tanggapin ang lahat, makasama ko lang ito.
Nabubulagan na ba ako sa pag-ibig na nadarama ko rito? Kung oo ay alam kong hindi ko ito pagsisisihan. Mahal ko. Sobra.
Ilan lang ang witness, mga tauhan lang nito. Sa totoo lang ay umaasa akong darating sina Lola, hahabol, para sana masaksihan ang kasal ko.
Pero wala eh. Natapos ang kasal na hindi ko talaga sila nakita.
Pero hindi ko pinayagan ang sarili ko na tuluyang malungkot. Kasal namin ito. Dapat lang na maging masaya ako.
Pagkatapos ng garden wedding ay idinaos lang sa isang restaurant ang reception. Kahit doon ay wala talaga.
"Nagpadala ako ng tao roon sa inyo para in case na magbago ang isip ng mga Lola mo ay makahabol sila sa kasal natin o kahit dito sa reception. Pero sabi ng tauhan ay hindi raw talaga nagpatinag. Nanonood daw sila ng TV sa bahay ninyo." Napabuntonghininga ako't tumango.
"Inihanda ko naman na ang sarili ko sa mga possible na mangyari sa araw na ito. Malungkot ako na wala sila Lola. Pero hindi ko hahayaang manaig ang lungkot. Kasal natin ito. Happiness nating dalawa ang ngayon ay importante sa akin."
"Salamat, Luna Magdaline. Salamat at mas pinili mong ituloy ang kasal natin kahit wala sila." Maluha-luha pa ito. Bakas sa kanyang mukha ang kagalakan.
"Bakit naman hindi? Bakit hindi ko itutuloy ang kasal na pinapangarap ko? Ikaw ang pangarap ko, Dimas. Mahal na mahal kita." May umagos ng luha sa mga mata nito. Agad kong iniangat ang kamay ko't pinunasan ang luha nito.
"Salamat, Luna Magdaline." Kinabig ako nito't niyakap. "Mahal din kita."
Ganito siguro talaga kapag nagmamahal... kapag nakita mo na iyong taong nais mong makasama. Iyong happiness na lang ninyong dalawa ang iisipin mo.
Kasi ako... sa mga oras na ito ay iyong happiness lang namin ang nangingibabaw. Mahalaga sa akin ang mga Lola ko. Noong iwan ako ni Nanay ay hindi sila nag-alinlangan na kupkupin ako. Pero hindi naman kasi pwedeng sundin ko na lang sila dahil lang ayaw nila sa lalaking mahal ko.
"Mrs. Luvier." Dinig kong ani ni Dimas. Napangiti ako. Kinilig. "Bagay na bagay sa 'yo, mahal." Bulong nito sa akin.
"Talaga?" masuyo kong tanong sa aking asawa.
"Oo, sobrang bagay sa 'yo. Ngayong kasal na tayo ay pwede na sigurong sumama ka sa akin sa Santo Claro. Gusto kitang dalhin sa bahay ko roon. Gusto kitang ipakilala sa anak ko."
Napatulala ako rito. Hindi sumagi sa isip ko iyon habang naghahanda kami sa kasal. Oo nga, hindi nga pala rito ang home town ng lalaki. Sa Santo Claro ito talagang nakatira.
"Bigla akong kinabahan." Hinaplos nito ang aking pisngi.
"Huwag, Luna Magdaline. Tiyak kong magugustuhan ka ng anak kong si Tiago. Mabait iyon."
"Paano kung ayaw niya?"
"Kung ayaw niya ay hindi naman iyon magiging hadlang sa atin. Kung ikaw nga ay ipinaglaban mo ako sa mga Lola mo. Gano'n din ang gagawin ko. Patutunayan ko kung gaano kita kamahal." Tumango ako't yumakap dito.
"Pero magpapaalam pa rin tayo kina Lola."
"Of course. Sasamahan pa kitang magpaalam. After ng reception ay uuwi tayo sa inyo at sasabihin ang plano natin."
"Sige." Walang pag-aalinlangan sa sagot ko.
Gaya nang usapan namin, pagkatapos ng reception ay umuwi kami sa bahay. Inabutan namin sila Lola na nanonood ng TV.
"Mga Lola ko, si Dimas po. Asawa ko." Mahinang ani ko sa kanila. Tinatantiya pa ang sitwasyon.
"Anong gusto mong marinig sa amin, Luna? Congratulations and best wishes?" disappointed na tanong ni Lola Felipa. Umiling naman ako.
"Hindi naman po." Hindi sila nagsalita pa.
"Magpapaalam po sana kami." Sinulyapan ko si Dimas na siyang nagsalita. "Isasama ko na po si Magdaline sa Santo Claro?"
"Gano'n na lang? Iaalis mo sa poder namin ang apo namin ng gano'n na lang?" napatayo pa si Lola Conching. Masama ang tingin sa asawa ko.
"Lola, b-abalik din naman kami. Ipakikilala lang po ako ni Dimas sa anak niya."
"Luna, nabulagan ka na talaga. Sa tingin mo ba'y kapag sumama ka sa kanya ay aayon na ang lahat sa inyo?" naiyak na ani ni Lola Conching.
"Hindi ko po sinabing aayon sa amin ang lahat. Pero magkasama naman po naming haharapin ang ano mang pagsubok. Asawa ko na po si Dimas, iyong mga pangarap ko po ay kasama ko na po siyang tutupad---"
"Sige, umalis ka na. Kayong dalawa. Huwag na kayong babalik dito. Ayaw ko nang makita pa ang pagmumukha mo." Naiyak ako dahil sa narinig ko kay Lola Conching. Niyakap naman ako ng asawa ko.
"Umalis na kayo. Kalimutan mo na kami, Luna Magdaline. Tutal sarili mo lang din naman ang pinakikinggan mo."
"Huwag naman pong ganito. Mahal na mahal kayo ni Luna---" pinigilan ko si Dimas. Hindi rin naman siya pakikinggan ng mga ito. Kaya naman kahit mabigat sa loob ko ay nag-impake ako.
"Ginayuma mo ang apo ko! Ang tanda-tanda mo na para sa kanya. Para mo na ngang anak iyan." Hila ko ang maleta ko na lumabas ng silid. Inabutan ko si Dimas na nakayuko lang habang tinatalakan nila Lola.
"Tama! Ginayuma mo lang iyong bata. Ngayon ay inasawa mo pa. Nakakadiri ka."
"Lola, tama na po. Kung hindi po ninyo kayang igalang ang asawa ko ay aalis na po kami." Mahinang ani ko.
"Mabuti pa nga! Huwag na kayong babalik dito! Kahit mamatay pa kami'y huwag na huwag kang sisilip o tatapak pa rito. Umalis na kayo." Pinili ko lang naman ang lalaking mahal ko, pero gano'n nga siguro talaga. Hindi lahat ibibigay sa 'yo. Pinili ko si Dimas, nawala sa akin ang mga Lola ko. Mabigat sa dibdib ko... pero itinulay pa rin namin ni Dimas ang pag-alis.