"Mama..."
Hindi ko maiwasang dumaing na may kasamang pagpapasaklolo kay Mama. Maluha-luha siyang tumango sa akin at kaagad akong niyakap nang mahigpit.
"Anak, pareho nating ayaw ang gagawin mong pagtatago ngunit kailangan," bulong niya sa akin. Lumuluha man siya ngunit may determinasyon sa kanyang mukha.
Napasulyap ako kay Papa. Nasa mukha din niya ang determinasyon habang naghihintay sa akin. Alas dos na ng madaling ngunit pare-pareho kaming walang tulog. Pagkatapos kasi nilang magdesisyon kanina ay tinulungan na nila ako sa aking pag-iimpake. Tiyak ang kanilang mga galaw at walang halong pagsusubali.
Nakakalungkot at nakakagalit.
Ito ang unang pagkakataon na malalayo ako sa mga magulang ko. Hindi ako sanay na hindi sila nakikita sa araw-araw. Kahit 18 na ako, pakiramdam ko ay napakabata ko pa para malayo sa kanila.
Nakakagalit ang mga pangyayari. Hindi ko naman ginusto na ma-involve sa isang maimpluwensiyang tao na nanamantala ng kahinaan ko. Ngunit heto ako ngayon, ako pa talaga ang tatakas at magtatago. Hindi ba at siya iyong unang nagpakita ng interest sa akin? Siya iyong nagdala sa akin sa lugar na iyon at nagparamdam na sobrang espesyal ko sa kanya. Siya iyong nanamantala sa kahinaan ko. Siya ang mas may kasalanan sa aming dalawa dahil siya ang mas nakatatanda. Kaya bakit parang ako ang may kasalanan at kinakailangan na ako pa ang umalis?
Mabuti na lang at mabilis ang pagpaplanong ginawa nina Papa at Mama kanina kahit na lubhang nakabibigla ang mga pangyayari. Kung ako lang mag-isa ay baka nabaliw na ako sa kaguluhang napasok ko. Mabuti na lang at may mga magulang ako na gagawin ang lahat para sa akin. Matatawag na ring coincidence na nadestino si Kuya sa ibayong probinsiya kaya may lugar akong pwedeng puntahan sa gagawin kong pagtakas.
"Tara na, Darcy habang tulog pa ang mga kapitbahay. Hindi natin alam kung sino ang pwedeng magsumbong kay Attorney sa gagawin mong pagtakas ngayon." Nagmamadali na si Papa habang bitbit ang isa sa mga backpacks kung nasaan ang ibang damit ko. Dala ko naman sa likuran ko ang isa pa kung nasaan ang laptop at iba pang gamit ko.
"Ma," muli kong lingon kay Mama.
"Paano po sa school?" problemado kong tanong. Hindi lang si Carla ang nasa isipan ko ngayon kundi pati na rin ang pag-aaral ko.
"Ako na ang bahala roon, anak. Sisikapin kong mapapayag sila na mag-modular ka muna habang naroroon ka sa Kuya mo," nanghihingi ng tiwala na sagot ni Mama.
"Paano po kayo? Baka kung ano ang gawin nila sa inyo." Natatakot na naman ako para sa kaligtasan ng pamilya ko.
"Anak, huwag kami ang isipin mo. Kaya namin siyang harapin ng Papa mo. Hindi naman siguro niya kami sasaktan. Maaari sigurong pagbantaan niya kami ngunit pakiramdam ko ay hanggang sa pagbabanta lang siya. Kaya huwag kang mag-alala. Paliliwanagan namin si Attorney hanggang maintindihan niya na hindi pwede ang gusto niyang mangyari. Kami ang tatawag sa'yo araw-araw kaya huwag ka nang masyadong mag-alala, okay? Mag-ingat kayo ng Kuya Dennis mo roon. May awa ang Diyos, Darcy. Magkakasama ulit tayo."
Muli akong yumakap kay Mama bago tuluyang sumama kay Papa. Ito na lang ang maghahatid sa akin sa bus station upang may maiwan dito sa bahay. Para na rin kung may hindi inaasahan na mangyayari ay may magsasabi agad sa amin ni Papa.
Palingon-lingon kami ni Papa sa paligid bago sumakay sa lumang kotse na pag-aari niya. Tiniyak muna namin na walang nanunuod sa amin bago niya pinaandar ang sasakyan. Kulang isang oras bago kami makarating sa istasyon ng bus.
Si Papa na ang bumili ng ticket para sa akin habang naghihintay ako sa loob ng sasakyan. Pasulyap-sulyap ako sa paligid at nagdarasal na sana ay walang nakakakilala sa akin sa mga pasaherong naroroon.
Nang makabalik na si Papa ay pinasuot niya ako ng bullcap katulad niya. Siguradong nag-aalala rin siya na may makakilala sa amin na maaaring magsabi kung Anong bus ang sinakyan ko kung sakaling may utusan si Attorney para magtanong-tanong.
Inabutan niya rin ako ng ilang lilibuhin na baon ko nang makaupo na ako sa loob ng bus.
"Pa, may inabot na sa akin si Mama kanina," pagtanggi ko.
"Kunin mo na ito, anak. Hindi natin alam kung hanggang kelan kayo mananatili ng Kuya mo roon. Mas mabuti nang may extra kang hawak. Hayaan mo at kapag may suweldo na kami at kapag may inabot ang mga ate mo ay magpapadala ako agad sa inyo ni Dennis."
Hindi ko napigilan ang pag-iinit ng mga mata ko at ang paninikip ng lalamunan ko.
"Papa..." Iyon na lang ang tangi kong nasabi bago ako yumakap sa kanya. Lalong piniga ang puso ko nang maramdaman ko ang ginawa niyang paghalik sa ulo ko.
"Mahal ka namin, Darcy. Kayo ng mga ate at Kuya mo," ngumiti siya sa akin kahit na puno ng lungkot ang kanyang mukha lalo na ang kanyang mga mata.
"Mahal na mahal ko rin kayo, Papa," minamalat na Ang boses ko sa pagpipigil kong maiyak nang malakas. Malapit nang mapuno ang bus kaya kinakailangan nang bumaba ni Papa. Lungkot na lungkot ako habang nakatingin sa kanya. At dahil doon ay lalo akong nagalit sa Attorney Simon na iyon.
Hanggang sa umandar ang bus ay naroon si Papa. Waring tinitiyak niya na makakaalis talaga ako sa bayan namin. Maluha-luha na humilig ako sa bintana ng bus habang iniisip ang mga iniwan ko sa aking pag-alis at ang mga kinatatakutan kong mangyari. Kahit hindi ako relihiyoso at napadasal ako na sana ay hindi mangyari ang mga iyon.
Tulog na tulog na ang mga pasahero ng bus ngunit gising pa rin ako. Paano ako makakatulog kung sobrang dami ng laman ang isipan ko? Isa pa sa mga iniisip ko ay si Carla, kung paano ko ipapaliwanag sa kanya ang pag-alis ko. Ayoko namang sabihin ang tungkol kay Samuel sa kanya lalung-lalo na ang nangyari sa amin. Isa iyong malaking pagtataksil sa relasyon namin. Lalo lang siyang masasaktan kapag nalaman niyang natukso ako sa iba, nakipaghalikan at nakipagyakapan. At higit sa lahat, bukod sa nahubaran at natikman ng iba ang hubad kong katawan ay muntik pa akong angkinin ng isang lalaki. Para sa akin ay muntik pa lang iyon kahit na talagang napasok niya ako. Hindi nga lamang buo at hindi todo-todo.
Halos tatlong oras ang biyahe. Alas sais na ng umaga nang bumaba ako sa bus at nagmamadaling sumalubong kay Kuya na nagmamadali rin sa paglalakad papunta sa akin.
"Tara na. Bilisan mo," pagmamadali niya nang maiabot ko na sa kanya ang isang bag na dala ko. Umakbay ang isang braso niya sa akin at halos itago niya ang mukha ko sa kili-kili niya.
"Kuya, hindi ko makita ang nilalalakaran ko!" pagrereklamo ko sa kanya.
"Huwag ka ngang umangal diyan! Alam ko ang ginagawa ko!" impit na singhal niya sa akin.
Nakarating kami sa isang van kung saan may driver nang naghihintay sa amin.
"Si Ponso, kaibigan ko. Pons, kapatid ko. Si Darcy," pagpapakilala niya sa aming dalawa. Nagtanguan kami Ng kaibigan ni Kuya bago niya pinaandar ang van. At pagkalipas ng labinlimang minuto ay pumarada na ito sa harapan ng isang mataas na bahay na may mataas na gate.
"Safe ka rito, Darcy," bulong sa akin ni Kuya habang naglalakad na kami papasok ng bahay nang pagbuksan kami ng isang matandang lalaki. Nagbatian sila ni Kuya at ipinakilala niya ako. Doon ko nalaman na caretaker ito ng boarding house na kinaroroonan namin ngayon.
Inilibot ko ang mga mata ko sa kabuan ng kuwartong pinasok namin ni Kuya sa ikalawang palapag ng bahay. May double deck roon, may dalawang aparador. May isang mesa kung saan may dalawang upuan. May mas mahabang mesa kung saan nakapatong ang isang rice cooker at plastic na lalagyan na may lamang mga noodles at de lata. Sa isang bahagi ng kuwarto ay may pintuan na nasilip kong maliit na banyo.
"Halos kumpleto na itong kuwarto, Darcy kaya hindi mo na kailangang lumabas. May wifi rin kaya pwede kang manuod sa phone mo habang wala ako. Hayaan mo at mag-uuwi ako mamaya ng mga lutong ulam para hindi mo ako isumbong kay Mama na noodles at de lata lang ang ipapakain ko sa'yo."
Humarap ako sa kapatid ko.
"Kuya, nagkuwento ba sina Mama?" nahihiya kong tanong sa kanya. Nawala ang ngiti niya at saka nag-iwas ng tingin.
"Sabi ko naman kasi sa'yo na mag-iingat ka, 'di ba?"
Napayuko ako. Hindi naman naninita ang tono ng boses niya ngunit tinamaan ako sa sinabi niya.
"Sorry, Kuya. Hindi ko naman kasi inaasahan na ganon agad ang mangyayari," pagpapaliwanag ko.
"Darcy," tawag niya sa akin kaya nag-angat ako ng ulo at tumingin sa kanya na may tanong sa aking mga mata.
"Sa mga tulad niyang nakukuha ang lahat sa isang pitik lang ng kanyang kamay, isang malaking hamon ang ginawa ng pamilya natin sa kanyang kapangyarihan at impluwensiya. Isa itong malaking desisyon na sana ay mapapanindigan natin hanggang sa huli," seryoso niyang saad.
"Sorry, Kuya. Pati kayo ay nadadamay nang dahil sa akin," nahihiya kong sagot sa sinabi niya.
"Madadamay at madadamay kami, Darcy dahil hindi naman kami basta na lang papayag na mapapariwara ka sa kanya. Nasubukan mo na at naranasan kahit sandali lang ang mapasailalim sa kanya. Huwag mo na ulit hayaang mangyari ulit iyon. Kahit gaano katagal ang pananatili mo rito ay tiisin mo hanggang sa magsawa siya sa paghahanap sa'yo. Huwag tayong magpapasindak sa kanya. Naiintindihan mo?"
"Oo, Kuya. Naiintindihan ko."
Sabay sa sinabi kong iyon ang pangangako ko rin sa sarili ko.
Inumpisahan na namin ang isang laban. Ngayong nakalayo na ako kay Atty. Simon, hindi na ako muling magpapasailalim sa kanya.
Hinding-hindi na at paninindigan ko iyon.