SOFIA:
KINABUKASAN ay mabigat pa rin ang katawan ko. Sobrang sakit ng ulo ko at para akong binugbog ng sampung katao. Mataas na ang sikat ng araw at kumakalam na rin ang sikmura ko.
Gusto kong bumangon dahil uhaw na uhaw na rin ako pero hindi ko kaya ang sarili. Halos wala na ring boses ang lumabas sa bibig ko sa sobrang pagkakapaos ko.
Nanghihinang ibinalot ko ang makapal na kumot sa nanginginig kong katawan. Dahan-dahang bumangon ng kama kahit sobrang bigat ng katawan at ulo ko. Halos umikot ang paningin ko na nakatayo ako. Dama ko ang panginginig ng mga tuhod ko sa bawat paghakbang ko pagawi ng pinto.
"H-Haden?" paos ang boses kong pagtawag dito.
Dahan-dahan akong lumabas ng silid. Napakatahimik ng buong unit ko. Na ultimo konting kaluskos lang ay wala akong marinig.
"Apaka walang puso mong hudas ka. Nagawa mo talaga akong iwanan na nagdedeliryo ako sa lagnat," piping usal ko na nagngingitngit ang loob.
"Babe, pagpaliwanagin mo naman kasi ako. Pakinggan mo lang ako, okay?"
Natigilan ako na marinig ang baritonong boses nito mula sa kusina. Maingat akong humakbang palapit at nagkubli sa may pinto. Napasilip ako dito at kitang nagluluto siya habang nakalapat ang cellphone sa tainga.
"Bigyan mo naman ako ng oras, oh? Matatapos din 'to. Babalik din siya kay Kuya kapag nasuyo na niya ang kapatid ko. Hindi naman kami nagmamahalan ni Sofi, so, please? Intindihin mo naman ang sitwasyon ko, Lalyn. Bakit ba lahat ng mahal ko kinasusuklaman ako na wala naman akong ginagawang masama?"
Puno ng pait nitong saad sa kausap niya sa kabilang linya. Napanguso ako na napasandal ng pinto. Parang kinukurot ako sa puso na malamang. . . kausap niya ang kasintahan niya. Buti pa siya. Nasusuyo na niya ang mahal niya. Pero ako? Ni hindi ko matawagan si Hades.
Tumulo ang luha ko na hindi ko namalayan. Kahit nanghihina at nahihilo ako ay pumihit na ako patalikod at halos gumapang na pabalik ng silid ko.
Padapa akong nahiga ng kama na napahagulhol sa hindi ko malamang dahilan. Bakit ba ako apektado na sinusuyo niya ang nobya niya? Dapat nga matuwa ako dahil madali ko na siyang mahihiwalayan pagdating ng araw. Pero bakit ang bigat sa dibdib? Bakit parang. . . parang ayoko na siyang ibalik?
Tama pa ba ang nararamdaman ko? Alam kong mahal ko si Hades. Mahal na mahal ko siya at siya ang nanaisin kong makasama hanggang pagtanda ko. Pero bakit. . . bakit hindi ko na kayang pakawalan ang Haden na 'to? Anong meron siya at. . . nakapasok na siya sa puso ko? Na hindi dapat mangyari. Hindi ako pwedeng mahulog kay Haden. Hindi ko siya pwedeng ibigin. Hindi talaga pwede, Sofi!
Hindi ka pwedeng umibig. . . sa dalawang lalake.
NATIGIL ang paghagulhol ko na marinig ang pagbukas ng pinto. Taranta naman itong lumapit na bakas sa mukha ang pag-aalala. Halos matapon na nga ang dala niyang pagkain sa pagmamadali malapitan lang ako.
"Sofi, anong problema? Masyado bang masakit?" magkasunod nitong tanong.
Inilapag niya sa bedside table ang dalang lugaw at tubig bago bumaling sa akin. Kinarga niya ako na inilipat sa gitna ng kama mula sa paanan. Isinandal niya ako ng headboard na pinahid ang luha ko. Nakalarawan ang pag-aalala sa mga mata nito.
"Aray ko," daing ko na ikinabahala nito.
Lihim akong napangisi na naupo siya sa tabi ko at hindi malaman kung anong hahawakan sa akin.
"A-anong masakit? May maitutulong ba ako?" puno ng pag-aalalang tanong nito.
Napapikit ako na sumandal sa dibdib nito. Natigilan ito na napaakbay naman sa akin. Lihim akong napangisi na panay ang lunok nito.
"Gusto mo bang dalhin na kita sa hospital?" malambing tanong nito habang hinahaplos ako sa buhok ko at yakap-yakap na ako.
"Ayoko do'n," mahinang sagot ko.
"Pero mas maaalagaan ka do'n, Sofi. Natatakot na rin ako eh. Magdamag na mataas ang lagnat mo," sagot nito.
"Magdamag?"
Napatingala ako dito na yumuko at nagsalubong ang mga mata namin. Kimi itong ngumiti na napahalik sa noo kong ikinalunok ko at bumilis ang kabog ng dibdib!
"Oo. Magdamag kitang pinupunasan ng maligamgam na tubig pero hindi ko naman napapababa ang lagnat mo," puno ng pag-aalalang saad nito.
"You mean. . . you've take good care of me, all night long?" naninigurong tanong ko.
"Oo nga. Hindi rin naman ako makatulog na inaapoy ka ng lagnat. Baka mamaya ay habang nahihimbing ako ay tumitirik na pala ang mga mata mo."
Lihim akong napangiti sa sinaad nito. Inalagaan niya ako magdamag? Nagpuyat siya para maalagaan ako. At ngayon ay hindi pa siya pumasok sa trabaho para may kasama ako at may umasikaso sa akin. Hindi ko alam kung bakit pero. . . may puwang sa puso ko ang natuwa na malaman ang mga iyon sa kanya.
"Anong ngiti 'yan, hmm?"
Napalis ang ngiti ko na marinig ang sinaad nitong nanunudyo ang tono at may naglalarong pilyong ngiti sa mga labi.
"Anong ngiti? Hindi ako nakangiti, noh?" pagkakaila ko na nagsusungit ang tono at napabusangot.
Napahalakhak naman itong umayos ng upo paharap sa akin. Dinampot nito ang dalang lugaw na hinalo-halo sa bowl nito. Umuusok-usok pa iyon na napakabango ng amoy na nakakagutom Hindi ko tuloy mapigilang kumalam ang sikmura na ikinalapat ko ng labi at nag-iwas ng tingin dito. Nakakahiya.
"Sorry, nagutom ka tuloy. Nakaidlip na kasi ako kanina kaya 'di ko namalayan ang oras," anito na puno ng guilt ang tono.
"It's okay," tipid kong sagot.
"Kainin mo na ito," anito na iniumang sa bibig ko ang kutsara na may lugaw.
Mahinang hinipan pa nito iyon na sinigurong hindi ako mapapaso.
"Laway mo tumalsik na," ingos kong ikinahagikhik nito.
"Hayaan mo na. Ingredients 'yan. Masarap naman ang laway ko eh," saad naman nito.
"Ew," maarteng ismid kong ikinahalakhak nito.
Naiiling na lamang akong tinatanggap bawat pagsubo nito sa akin. Pasado alas-dyes na rin kasi ng umaga kaya kumakalam na talaga ang sikmura ko.
"How is it? Masarap ba?" anito matapos kong kumain at painumin nito ng tableta.
"Hindi."
"Wow, huh? Naubos mo nga eh."
"Tsk. I have no choice, hudas. Gutom na gutom na ako," ingos ko kahit totoo namang masarap ang gawa niyang lugaw.
Naiiling naman itong inayos ang pinagkainan ko. Pero siya namang pagdighay ko ng malakas na ikinamilog ng mga mata kong natutop ang bibig. Nag-init ang mukha ko lalo na't napahagikhik ito na nilingon ako.
"Busog na busog pero hindi daw nasarapan," parinig pa nito na ikinaningkit ng mga mata ko dito.
Napakindat lang naman ito na nanunudyo pa rin ang ngiti sa mga labi. Napairap ako dito na bumaling sa labas ang paningin.
Inilabas naman nito ang mga pinagkainan ko na pasipol-sipol pa. Napatitig naman ako sa kamay kong may gasa. Mapait na napangiti na napatitig doon. Napaka maalagang tao ni Haden. Kahit hindi kami magkasundo ay inaalagaan niya pa rin ako. Ramdam ko namang mabuti siyang tao. Alaskador man siya sa akin at palaging pinapainit ang ulo ko ay hindi naman talaga ito mapagsamantala.
Naalala ko nga kagabi no'ng inasikaso niya akong pinaliguan. Kahit nakita na niya ang katawan ko ng dalawang beses ay hindi niya ako hinubaran kagabi. Hindi rin hinipuan sa mga sensitive part ko. Napakaswerte lang ng babaeng mahal niya na may isang Haden San Diego siya.
Pasimple akong nagpahid ng luha na marinig ang mga yabag nitong papalapit. Nanatiling nakayuko na kinukubli ang pagtulo pa rin ng luha ko. Naupo ito sa gilid ng kama na napahinga ng malalim.
Ramdam ko ang mga mata nitong nakatutok sa akin na ikinabibilis ng kabog ng dibdib ko. Hindi ako makaangat ng mukha dahil panay pa rin ang pagtulo ng luha ko.
"What's on your mind, Sofi?" maalumanay nitong tanong.
Napalabi ako na nanatiling nakayuko. Patuloy ang pag-agos ng luha ko. Hinaplos naman ako nito sa ulo na isinandal sa kanyang dibdib. Lalo akong napahikbi na napasandal dito. Hinahaplos-haplos naman ako nito sa buhok ko.
"Sofi, tahan na," pag-aalo nito na ilang minuto na akong umiiyak sa dibdib niya.
Umiling lang ako na patuloy sa pag-iyak. Hindi ko na rin kasi maintindihan kung saan ako mas nasasaktan at nahihirapan ngayon. Kung sa kalagayan ba namin ni Hades? O ang sa amin ni Haden. Nagtatalo ang puso at isipan ko sa dalawang bagay. At hindi ko na malaman kung saan ako magfo-focus para maresolba ko ang problemang kinakaharap ko ngayon.
Gusto ko mang lumayo. Mapag-isa at hanapin ang sarili ko. Pero alam ko namang imposibleng mangyari 'yon sa sitwasyon ko. Natatakot rin ako na baka pagbalik ko kung kailan buo na ako ay. . . wala na akong babalikan.
Pumisil ito sa baba ko at pilit iniangat ang mukha ko. Kusang namigat ang mga talukap ng mata ko na sinalubong nito ng isang malalim at masuyong halik ang mga labi kong unti-unting ikinatahan ko. Hanggang sa namalayan ko na lamang ang sariling. . . tinutugon ko na rin ito habang magkayakap kaming dalawa.
PARA akong nabuhusan ng tubig na maisip si Hades kung saan humahagulhol itong nakayuko noon at ang basag na boses nitong sinaad na durog na durog at galit na galit ang puso niya. Kung paanong ang kapatid at fiance niya ay pinagtaksilan siya.
Napabitaw ako kay Haden na malakas itong nasampal! Napatagilid ang pisngi nito na bumakat ang palad ko sa makinis niyang pisngi na namula. Saka ko lang napansin na may pasa ito doon.
Napaawang ang bibig kong napatitig sa pisngi niyang nagkulay ube. Tila sinampal o sinuntok ang itsura no'n. Pero wala pa naman ito kahapon kaya tiyak akong bago lang 'yon.
"H-Haden," nauutal kong sambit.
Nag-igting ang panga nito na nahaplos ang pisngi. Napalunok ako na makita ang pagdaan ng sakit sa mga mata niya. Nagbaba ako ng paningin nang mapatitig ito sa akin habang sapo ang pisngi.
"S-sorry," mababang saad nito na tumayo na.
Napalunok akong napasunod ng tingin ditong lumabas ng silid dala ang pinagkainan ko.
BUONG maghapon pa rin naman ako nitong inalagaan. Kahit hindi kami nag-iimikan ay inaasikaso niya pa rin ako. Panay ang pagbanyos niya sa akin at pakain. Kaya kinagabihan ay mas gumaan na ang karamdaman ko.
Nakahalukipkip ako na nakatanaw sa billboard ko sa harapan. Nagpapahangin dito sa balcony dahil hindi ako makatulog.
Narinig ko naman ang mga yabag nito palapit na hindi ko na nilingon pa. Maya pa'y may ibinalabal siyang kumot sa likuran ko at saka ikinulong ako sa bisig nito. Napangiti ako na hindi ko namalayan at naisandal ang katawan ko dito. Mas lalo naman niya akong niyakap na sumubsob sa balikat ko.
"Mabignat ka," anito.
"Kaya ko na," tipid kong sagot.
Ilang minuto kaming natahimik. Nakamata sa billboard ko na nakangiti.
"Nasuyo mo na siya?" basag ko sa katahimikan namin.
Natigilan ito na dinig kong napalunok sa naitanong ko. Mapait akong napangiti na tumuwid ng tayo. Kumalas na rin ito mula sa pagkakayakap sa akin mula sa likuran. Tumayo ito sa tabi ko na napahawak pa sa railings habang sa harapan nakamata.
"Hindi eh. Galit na galit pa rin siya at tuluyan na niya akong hiniwalayan," mababang saad nito.
Napalunok ako na napipilan. Hindi malaman kung anong isasagot sa kanya. Akala ko kasi ay nasuyo niya ang girlfriend niya kanina. Napalapat ako ng labi na kinakastiguhan ang isipan ko dahil. . . may parte sa puso kong natuwa na tuluyan na silang naghiwalay ng girlfriend niya.
"Good."
"Good?"
Namilog ang mga mata ko na naisatinig ang nasa isipan ko! Gosh! Nangunot ang noo nito na humarap sa akin. Napapangiwi ang ngiti ko na naningkit ang mga mata nito sa akin.
"Hehe. I mean. . . g-good. . . g-goodnight, hudas. Inaantok na ako," palusot ko na nauutal pa.
Napangisi naman ito na ikinaiwas ko ng tingin dito at hindi mapigilan ang pamumula ng mukha ko. Napahagikhik itong napailing.
"Goodnight," tumatango-tangong saad nito. "Akala ko kasi. . . good. . . good kasi single na ang asawa mo," natatawang saad pa nito.
Napalapat ako ng labi na tumalikod na dito. Pilit kinukubli ang pagsupil ng ngiti sa labi ko na malamang malaya na nga ito. Hindi ko rin alam kung bakit pero. . . natuwa akong malaman iyon sa kanya. Na tuluyan na siyang. . . hiniwalayan ng ex girlfriend niya.
NAGTUNGO ako sa kama na ikinasunod naman nitong kakamot-kamot pa sa ulo. Sinenyasan ko itong patayin ang ilaw na ikinasunod naman nito.
"Where are you going?" tanong ko na akmang lalabas na ito ng silid.
Tanging ang malamlam na lampshade na lamang ang nagsisilbing ilaw namin dito sa silid ko. Naipilig naman nito ang ulo.
"Matutulog na rin. May kailangan ka pa?" tanong nito.
Napanguso ako na tinapik ang tabi kong kama. Napapilig naman ito ng ulo na lumapit pa rin naman dito sa kinaroroonan ko.
"Bakit?" anito.
"D-dito ka muna." Mahinang saad ko.
"Bakit?"
"Anong bakit?"
"May kailangan ka ba sa akin?" tanong nito na tila naguguluhan.
"Gosh. Why so slow, hudas?" mahinang bulong ko.
"Ano?"
"Wala. Lumabas ka na nga," pagsusungit kong pagtataboy dito.
Napakamot naman ito sa ulo na salubong ang mga kilay.
"Ang gulo mo. Para kang bunbon ko eh. Magulo."
Namilog ang mga mata ko na nag-init ang mukha sa sinaad nitong ikinahagikhik naman nito na makita ang reaction ko.
"Damn, hudas! Watch your mouth, will you? Babae pa rin ako," asik ko na ikinahalakhak nitong naupo ng kama.
"Bakit kasi hindi mo ako diretsohin, Ate. Madali naman akong kausap."
Napataas ako ng kilay ditong napakindat pa na umayos ng higa sa tabi ko. Lihim akong napangiti pero pinaniningkitan ko pa rin ito.
"Higa na. Dito lang ako," anito.
"L-lumabas ka nga. Hindi kita gustong makatabi sa kama, noh?"
Napahagikhik lang naman itong marahan akong hinila sa braso na pinaunan sa matigas niyang dibdib. Nanigas ako na napapalunok. Halos mabingi na ako sa lakas ng kabog ng dibdib ko na niyakap ako nito!
Namimilog ang mga mata ko na damang-dama ko ang tigas ng katawan niya at ang init na sumisingaw sa kanya!
"Goodnight, Sofi. Matulog na tayo. Kasal na natin bukas." Bulong nito.
Napalapat ako ng labi na nagsumiksik pa lalo sa dibdib nitong ikinahalik naman nito sa ulo ko.
"G-goodnight. . . hudas ko," piping usal ko.
Mapait akong napangiti na tumulo ang luha. Gulong-gulo ang utak ko na hindi na malaman kung anong gagawin. Gusto ko na lamang matapos ang lahat ng kaguluhang ito. Pero paano?
Kung pwede lang akong lumayo at tumakas na lang sa lahat? Gagawin ko. Pero kung gagawin ko naman iyon ay parang napaka-selfish at immature ko naman. Hindi naman kasi ang pagtakas ang solusyon sa problema namin ni Haden.
Sabay namin itong pinasok. Kaya marapat lang na sabay namin itong lagpasan at solusyunan.
May parte sa puso ko na umaangal na hwag ituloy ang kasal namin bukas pero. . . mas nananaig ang kagustuhan na ituloy ko iyon. Hindi ko alam. Maging ako ay nalilito na rin. . . sa nararamdaman ko. Nahahati sa dalawa ang opinion ko at hindi makapag-isip ng maayos.
Natatakot din kasi akong magkamali ako ng magiging desisyon ko. Mariin akong napapikit na ilang beses huminga ng malalim.
"Bahala na bukas." Piping usal ko na nagpatangay na sa antok.