PRECY
Kahit masakit ang paa at binti ko ay hindi ako makatulog. Nanatili akong hubo't hubàd at parang tuod na nakahiga sa ibabaw ng kama at may takip lamang na manipis na kumot.
Paulit-ulit na binalikan ko sa isipan ko ang nangyari kanina at nagtatanong kung saan ako nagkamali at kung paano ko inakit si Aryan, para magalit siya sa akin ng gano'n, pero kahit pigain ko ang utak ko ay wala akong matandaan na ginawa ko para gano'n ang isipin niya sa akin.
Hinatak ko ang kumot at sumandal sa headboard ng kama. Niyakap ko ang nakatiklop na mga tuhod ko at pumikit, para pigilan ang nagbabadyang mga luhang nangingilid sa mga mata ko.
Napa-hikbi na naman ako, dahil muling bumalik sa isipan ko ang mga alaala na gusto kong kalimutan.
Ang dami kasing 'sana' ang naiisip ko sa tuwing naalala ko ang nakaraan.
Sana kung hindi namatay si mommy sa aksidente na 'yon ay buhay pa sana siya. Masaya pa ang pamilya namin at hindi nagbago si daddy.
Kung sana ay naging matatag lamang ang aking ama na humarap sa mga pagsubok na dumating sa kanya, sana'y hindi naging magulo ang buhay naming dalawa.
Nang dahil sa maling desisyon ni daddy, hinayaan niyang pumasok sa buhay namin ang mag-inang Gwyneth at Geneva na siyang naging dahilan, kaya lalo lamang nawala ang lahat sa amin at heto, pareho kaming nagdurusa ngayon.
Nakaratay sa ospital si daddy at walang nakakaalam kung kailan siya magigising. Ginamit siya ni Aryan, para hawakan ako sa leeg at mapasunod sa kagustuhan niya, para lang madugtungan ang buhay ng aking ama.
Pinahid ko ang mga luhang bumagsak at dumaloy sa magkabilang pisngi ko. Pagod na kasi akong umiyak ng paulit-ulit dahil sa kasalukuyang kalagayan ko.
Nang magpakasal ako kay Aryan ay tinanggap ko na ang lahat. Naging positibo ako at umasa na baka ito na ang simula, para mapalapit ako sa kanya, kahit alam ko sa sarili ko na imposible at ang selfish ko sa part na iyon, dahil malinaw naman na si Gwyneth ang mahal niya.
Masakit ang binti ko, pero mas higit pa d'yan ang nararamdaman kong sakit sa dibdib ko. Pakiramdam ko ay nadurog na naman ang puso ko na paulit-ulit kong binuo, pero sa huli ay nasasaktan pa rin ako.
Tanghali na nang magising ako. Pinilit kong bumangon at maligo. Napa-iling na lang ako ng makita ko ang mapupulang marka ng mga halik ni Aryan sa leeg ko. Bakas ito ng nangyari sa pagitan naming dalawa kaninang madaling araw.
Minabuti kong magsuot ng damit na hindi makikita ang marka sa dibdib at leeg ko. Iniwasan ko rin ang pumunta sa sala, para hindi makita si Aryan, dahil malinaw na narinig ko na ayaw niya akong makita.
Kahit namamaga at masakit pa ang paa ko ay naglinis ako ng bahay. Ayaw kong magalit na naman si Aryan at makarinig ako ng hindi magandang mga salita mula sa kanya, kapag sinabi niya na pabigat lamang ako sa kanyang buhay.
Mabilis na lumipas ang maghapon. Gabi na, pero wala pa rin si Aryan. Hindi pa siya umuuwi ng bahay at hindi ko rin alam kung nasaan na ba siya at kung saan nagpunta.
Lagi namang ganito, dahil kahit minsan ay hindi sinabi ni Aryan sa akin kung kailan siya uuwi dito sa bahay.
Nagma-mop ako ng sahig ng bumukas ang pintuan at nakita kong pumasok si Aryan, kasama ang isang magandang babae.
Hindi ko napigilan ang sarili ko at napatingin sa kanya. Nagtama ang aming mata, pero agad akong nag-iwas at nagbaba ng tingin at walang kibong yumuko, kahit dumaan sila sa harapan ko at pumasok sa elevator para umakyat sa second floor.
Wala akong narinig na kahit ano mula kay Aryan, gano'n rin sa babaeng kasama niya. Dumaan sila sa harap ko, habang nakayuko ako at hindi man lang nag-abalang kausapin ako.
Hindi na ako umasa na ipapakilala ako ni Aryan sa babaeng kasama niya. Alam kong hindi niya iyon gagawin, dahil mukha nga naman akong katulong sa damit na suot ko.
Palihim na sinundan ko ng tingin ang dalawang taong pinagmamasdan ko, hanggang nawala sila sa paningin ko. Pakiramdam ko ay nadurog na naman ang puso ko at para akong tuod na nakatayo sa kinatatayuan ko.
Ito ang unang pagkakataon na nagdala ng babae dito sa bahay si Aryan, sa loob ng halos pitong buwan na pagsasama namin dito sa kanyang bahay.
Kung titingnan, ang layo ng difference sa akin ng babaeng kasama niya. Bawat hakbang nito ay hindi maitago ang malakas na personality. Matangkad, maganda at sa kilos ay alam kong galing siya sa mayaman na pamilya.
Natigilan ako ng naramdaman kong may tumulong luha sa pisngi ko. Nakaramdam ako ng panghihina, kaya parang nauupos na kandila na sumandal ako sa pader.
"Ayos ka lang po ba, Ma'am Precy?" Narinig kong taong ni Tinay malapit sa akin.
Kahit hindi maganda ang pakiramdam ko ay pinilit kong ngumiti sa kanya.
"Oo, ayos lang ako, Tinay."
"Bakit po kayo umiiyak?" tanong niya sa akin, dahil hindi ko maitago ang mga luhang nag-uunahan na bumagsak mula sa mga mata ko.
Suminghot muna ako at nagpunas ng luha bago sumagot.
"Masakit kasi ang paa ko lalo na kapag gumagalaw ako, kaya sumandal muna ko dito sa dingding," mabilis na pagkakaila ko.
Alam kong hindi niya nakitang dumating si Aryan, pati na rin ang babaeng kasama niya, kaya walang ideya si Tinay na nagsisinungaling ako sa kanya.
"Tsk! Sabi ko naman sa iyo na magpahinga ka na muna, Ma'am Precy at huwag ng gumawa ng gawaing bahay para mabilis gumaling ang paa mo. Alam mo namang hindi pa maganda ang pakiramdam mo, dahil maga pa ang binti mo," napa-iling na sabi sa akin ni Tinay.
Tipid na ngumiti ako sa kanya. Alam kong hindi ito umabot sa mga mata ko, pero mas mabuti na ang ganito, para huwag na siyang magtanong sa akin ng kung ano-ano.
"Huwag mo na akong alalahanin. Kaya ko na ito. Isa pa, alam mong ayaw ni Aryan na wala akong ginagawa dito sa bahay," mahinahon na sagot ko.
Nakita ko ang paglambot ng ekspresyon sa mukha, gano'n rin ang dumaan na emosyon sa mga mata ng babaeng kausap ko. Aware si Tinay sa sitwasyon ko, pero kahit minsan ay hindi siya nagbigay ng kahit anong komento tungkol dito, bagay na nauunawaan ko, dahil alam ko ang batas ni Aryan sa loob ng pamamahay na ito.
Hindi ako nagreklamo nang kunin ni Tinay ang mop na hawak ko. "Ako na po ang bahala dito, Ma'am Precy," nakangiting sabi niya sa akin.
"Salamat, Tinay," pilit ang ngiti na sagot ko.
"Pwede bang Precy na lang ang itawag mo sa akin simula ngayon at huwag ng ma'am?" mahina ang tinig na pakiusap ko sa kanya.
"Pero, ma'am-"
Umiling ako, "Precy na lang please. Ayaw kong isipin ni Aryan na feeling amo ako dito sa bahay niya."
Narinig ko ang malakas na buntong-hininga na pinakawalan ni Tinay.
"Asawa ka ni Sir Aryan, Ma'am Precy. Nararapat lang po na igalang ka rin namin, katulad ni boss," paliwanag ni Tinay, pero alam kong imposibleng mangyari ang gusto niya.
Yumuko at at huminga ng malalim. "Alam mo naman na hindi asawa ang turing ni Aryan sa akin, kung 'di katulong dito sa bahay na ito."
Pinaalis ni Aryan ang ilang katulong nang dumating ako dito at tanging si Tinay lang ang natira. Ako ang pumalit sa kanila at simula ng tumira ako dito ay ito na ang papel ko, kaya wala akong nakikitang dahilan para tawagin na ma'am ni Tinay.
"Gusto mo bang tawagan ko ang mga magulang ni Sir Aryan, para makausap mo sila?" mahina ang tinig na tanong ni Tinay sa akin.
"Mabait si Ma'am Aubrey, siguradong magbabago ang pakikitungo sa iyo ni Sir Aryan, kapag nalaman niya kung ano ang ginagawa niya sa iyo dito sa bahay."
Mabilis na hinawakan ko ang dalawang mga kamay ni Tinay. "Please, kung talagang concern ka sa akin, huwag na huwag mong gagawin iyan," kinakabahan at takot na pakiusap ko sa kanya.
Nagbanta noon sa akin si Aryan na, puputulin niya ang medical assistance para sa gamutan ng aking ama at itatapon niya sa labas ng ospital si daddy.
Hahayaan daw niyang mamatay si daddy, kahit magmakaawa pa ako sa kanya kapag ginalit ko siya at may ginawa ako, para masira ang pangalan niya.
"Parang awa mo na, Tinay. Huwag na 'wag mong gagawin 'yan."
Mas lalong humigpit ang pagkakahawak ko sa mga kamay ni Tinay. Buhay ni daddy ang nakasalalay dito, kaya kahit ano pa ang sitwasyon ko ngayon sa loob ng bahay na ito ni Aryan ay titiisin ko, para lang masiguro ko na madudugtungan pa ang buhay ng aking ama at gagaling siya.
"Sige, sabihan mo lang ako, kapag sa tingin mo ay may maitutulong ako sa iyo." Narinig kong sagot ni Tinay.
Nakahinga ako ng maluwag at mabilis na tumango. "Salamat, Tinay. Tatanawin kong napakalaking utang na loob sa iyo ang lahat ng ito."
Ngumiti siya sa akin at pinisil rin ang mga kamay ko.
"Halika na, gabi na. Hindi ka pa naghahapunan," yaya sa akin ni Tinay.
Oo nga pala, nakalimutan ko na naman ang oras ng pagkain, dahil maghapon na hindi maganda ang pakiramdam ko.
Tanghali na nang lumabas ako sa silid na tinutuluyan ko, kaya late na rin ako nakakain ng tanghalian at hanggang ngayon ay hindi pa ako nakakaramdam ng gutom.
"Alam mo, parang katulad sa isang nobelang binabasa ko ang kwento ng buhay mo, Precy. Dating masaya at maganda ang buhay ng babaeng bida, tapos may dumating na mag-inang bruha kaya-"
Natigil sa pagsasalita si Tinay ng tumunog ang intercom dito sa kusina. Agad niya itong sinagot at narinig kong si Aryan pala ang kanyang kausap sa kabilang linya.
"Noted po, sir."
Naghintay lamang akong matapos ang usapan nilang dalawa. Walang imik na nakatayo ako malapit kay Tinay at lihim na nakikinig sa kung ano ang sinasabi niya.
"May bisita raw si Sir Aryan. Sandali, maghahanda muna ako ng dinner nila."
Hindi pa ako nakakasagot nang tumalikod na agad si Tinay at mabilis na pumasok sa kusina. Ako naman ay iika-ika na sumunod sa kanya at nagtanong kong may maitutulong ba ako.
"Wag na, maupo ka na lang muna d'yan at kaya ko na ito," mabilis na tanggi ni Tinay.
Nahihiya na ako sa kanya. Dapat sana ay katuwang niya ako sa gawain dito sa bahay, pero hindi ko magawa. Mahirap para sa kanya na gawin ito ng mag-isa, pero dahil sa kondisyon ko ay hindi ako makatulong sa kanya.
"Ako na lang ang mag-aayos sa mesa," mabilis na sabi ko at tumayo na.
Walang nagawa si Tinay nang maglakad ako palabas sa kusina at pumunta sa dining room.
Hindi nagtagal ay pumasok si Tinay, dala niya ang pagkain at inilapag ang tray sa ibabaw ng mesa.
"Ako na ang bahala sa table settings, ikaw na lang ang kumuha ng inumin nila," sabi ko kay Tinay.
"Sure ka na kaya mo na?" tanong ng babaeng kasama ko, kaya mabilis akong tumango.
"Sige, d'yan ka muna at kukuha ako ng baso at iba pang kailangan."
Naiwan akong mag-isa sa harap ng malaki at mahabang table. Sanay naman ako sa gawaing bahay, kaya kahit paano ay hindi ako nahirapan.
Ako ang nag-ayos ng mga plato at tableware. Kumuha na rin ako ng napkins at isa-isa itong inayos sa hapag.
Abala ako sa ginagawa ko, kaya hindi ko agad napansin ang dalawang pares ng mga matang nakatingin pala sa akin.
Namalayan ko na lang na nandito na pala sila sa tapat ng mesa nang ipaghila ng upuan ni Aryan ang babaeng kasama niya.
"You don't need to do that, Aryan. I am not one of those bitchés who used to flirt with you, so I don't expect you to be a gentleman, dahil alam kong hindi ka naman ganyan" Narinig kong walang pakundangan at very straightforward na sabi ng babaeng kasama ng asawa ko.
Yumuko ako habang pigil ang hininga na ginagawa ko ang trabaho ko.
"It's okay, Jam. As a princess and heiress of your clan I know how precious you are, kaya bilang bisita dito sa bahay ko ay pagsisilbihan kita," pabirong sabi ni Aryan, na ngayon ko lang narinig na nagsalita ng ganito.
Marunong naman pala siyang ngumiti, pero kahit minsan ay hindi niya pinakita sa akin.
Nakaramdam na naman tuloy ako ng kirot sa dibdib ko. Ngayon ko napagtanto na ibang-iba pala talaga si Aryan sa harap ng ibang tao, kumpara sa akin, kapag kasama at kausap niya ako.
Sa naririnig kong usapan nilang dalawa ay mukhang malapit silang dalawa sa isa't isa. Komportable si Aryan na kausap at kasama ang babaeng katabi niya, kaya nagagawa niyang magbiro at sinabing kahit habang-buhay raw itong tumira dito sa bahay niya ay walang problema.
Hindi ko tuloy nagawang pigilan ang sarili ko na huwag makaramdam ng takot, lungkot at selos.
Para bang ang layo sa akin ni Aryan, kahit kasama ko naman siya araw-araw. Kung sabagay, para sa kanya ay hindi nga naman ako nag-eexist sa kanyang buhay, kaya dapat noon pa man ay hindi na ako umasa.
Nakaramdam tuloy ako ng lungkot, dahil sa tingin ko, kahit anong gawin ko ay imposible talagang mahalin niya ako, dahil galit at puot ang nararamdaman ni Aryan para sa akin.