Chapter Five

2510 Words
"NAKAKALOKA ha? Sino kaya itong saviour mo na bigla na lang nagpapadala ng mga brand new washing machines?" nagtatakang tanong ni Olay habang ini-inspeksiyon ang mga ito. Nagkibit-balikat siya. Hanggang ngayon kasi ay hindi niya alam kung sino nagpadala ng mga iyon. Pilit niyang tinanong ang nag-deliver ng mga washing machines kung sino ang nagpadala, pero ayaw nitong magsalita. Iyon daw ang mahigpit na bilin sa kanila. Huwag sasabihin kung sino ang nagbigay ng mga iyon. Gustong-gusto pa naman niyang magpasalamat sa taong ito na may gintong puso. Kung sino man ito, ang Diyos nang bahalang gumanti sa kabutihan nito. Hindi nito alam kung gaano kalaki ang nagawa nito sa Laundry Shop niya. Agad na nakalma ang mga customers nila. Mabuti na lang din at nakakiusapan niya ang mga ito na bigyan pa siya ng konting panahon para matapos lahat ng mga damit. Tumulong na rin siya para madaling matapos ang mga damit at ng mai-deliver na agad ang mga iyon. Kaya pagdating ng gabi ay natapos bigla ang kanyang problema. Kung sino man iyon. Isa siyang anghel na sugo ng langit para sa kanya. "Mahahalikan ko talaga ang nagpadala ng mga iyan," may kasiyahang wika niya. "Weh? Sure ka? Paano kung lalaki ang nagpadala ng mga 'yan?" tanong naman ni Panyang. "Kahit na," sambit niya. "Sinabi mo 'yan, ha?" paniniguro pa ng una. "Ano kayang hitsura nang nagpadala n'yan?" tanong ni Olay na nakahalukipkip pa at nakatingala sa kisame ng shop niya, kung saan sila nakatambay. Pilit nitong iniisip kung ano ang hitsura nang nagpadala ng mga washing machines. "Siguro ang guwapo niya." Dugtong nito. "Paano mo naman nalaman na lalaki?" tanong naman niya. "Hija, isang masugid mong admirer lang ang mag-aaksaya ng pera para bigyan ka ng ganyan kamahal na regalo. Imagine, kulang kulang fifteen thousand pesos ang isa n'yan. Tapos lima pa. Saan ka pa?" sagot ni Olay. Napaisip siya. May punto ang bading, in fairness. May malaking posibilidad na lalaki nga ang nagpadala niyon. Pilit niyang inukilkil ang isip niya, baka sakaling magkaroon siya ng hint kung sino ang nagbigay sa kanya ng ganoon klaseng regalo. Kilala niya halos lahat ng nanliligaw sa kanya. Pero sa pagkakaalam niya, average ang klase ng pamumuhay ng mga ito. Hindi kakayanin ng mga ito na bilhin siya ng ganoong kamahal na gamit. Sino ka ba? Sana magpakilala ka para makapagpasalamat ako sa'yo... "Tama! Kasi kung babae, kawang-gawa ang ibig sabihin n'yan." Ani Allie. "Malamang naman, di ba?" Sabad naman ni Panyang. "Weh? 'Wag lang 'di may masabi oh," tukso ni Madi dito. "Ay, parang siya rin oh." Ganti naman ng una. "Hoy, tumahimik kayong dalawa diyan. Si Adelle ang bida dito ngayon, hindi kayo." saway sa dalawa ni Abby. "Eh sino nga kaya ang misteryosong nilalang na iyon na madatung? Aba'y kasuwerte mo 'pag nagkataon. Mayaman ang magiging jowa mo." Wika ni Olay. Bigla ay sumagi sa isip niya si Jared. Hindi kaya ito ang nagpadala ng mga washing machines? Napailing siya. Hindi. Malabo pa sa tubig ng ilog pasig mangyari 'yon. Tanggi niya sa naunang naisip. "Hmmm... May idea na ako kung sino." Sabi naman ni Panyang. Naghintay sila ng susunod na sasabihin nito. Pero nanatili lang itong nakatingala at animo nag-iisip. "Hoy, ano ba? Anak ng patis naman oh! Naghihintay kami dito ng sagot mo." Singhal ni Madi dito. "Nangingialam ka, mas marunong ka pa sa utak ko." Sagot ni Panyang dito. "Ang gulo n'yong dalawa. Sino ba kasi ang iniisip mo?" tanong naman ni Chacha na abala sa pagkain ng siomai sa isang tabi. Habang nakahawak sa tiyan nitong palaki ng palaki habang tumatagal. "I'm not sure eh." "Kahit na, sino?" "Si Jared." Bigla ay bumilis na naman ang pintig ng puso niya pagkarinig pa lang ng pangalan ng binata. Nagsisimula na siyang matakot sa kabang nararamdaman niya. Pamilyar sa kanya ang ganitong klaseng kaba. Hindi na iyon bago sa kanya dahil minsan na siyang nagkaganoon sa lalaking naging bahagi ng kanyang nakaraan. Pinalis niyang pilit ang kabang iyon. Hindi dapat ganoon ang maramdaman niya sa binata. Hindi dapat. Pero kung sakaling ito nga ang nagbigay ng mga washing machines. Anong motibo nito? Hindi nga ba't kaya siya naroroon sa bahay nito ay dahil nagbabayad siya ng utang dito. Ano? Para lalo siyang malubog sa utang dito? Hindi naman siguro ito ganoon kasama. "Seryoso ka ba? Malabong mangyari 'yun. Kaya nga n'ya ako tsimay dahil nagbabayad ako ng utang sa kanya eh. Tapos bibigyan pa niya ako ng ganyan." Tanggi niya. "Hindi siya 'yun." "Ano bang malay natin, 'di ba?" makahulugang tugon ni Madi. "What do you mean?" tanong niya. Nagkibit-balikat lang ito. "Wala lang." "At bago tayo magkalimutan. Ikaw Adelaida. Maghapon ka nang nandito sa shop mo. Iyong part-time job mo doon, nakalimutan mo na." paalala ni Myca. Bigla siyang napatayo. Oo nga pala. Nakalimutan na niya ang trabaho niya kay Jared. Patay siya. Siguradong magagalit na naman ito. "O sige, mamaya na lang ulit!" sagot niya sabay takbo palabas ng laundry shop. Pagdating niya sa bahay ni Jared ay agad siyang pumasok sa loob. Dahan-dahan pa niyang binuksan ang pinto. Hinanap ng mata niya ang amo. Pero wala ito sa sala. Nakahinga siya ng maluwag. Akala niya ay isang Jared na magkasalubong ang kilay ang sasalubong sa kanya. Baka umalis ito. Dumiretso siya ng pasok sa loob ng bahay. Eksaktong paglapat ng pinto ay nagulat siya ng biglang may magsalita sa bandang likuran kanina. "Saan ka nanggaling?" seryoso ang tinig na tanong nito. Nakagat niya ang ibabang labi. Akala pa naman niya ay nakalusot na siya. "Ah... kasi, ano... Nagkaroon ng problema sa laundry shop. Kailangan ko rin asikasuhin 'yun. Pasensiya ka na kung hindi ako agad nakabalik." Paliwanag niya. "Bigla ka na lang umalis kanina nang hindi ka nagpapaalam. Tapos iniwan mo pa ang mga labahin mo sa likod ng hindi tapos. Ano kaya kung dagdagan ko ng dalawang linggo ang pagninilbihan mo sa akin?" Napaharap siya dito dahil sa sinabi nito. "Ano? Nasisiraan ka na ba talaga ng bait? Naiintindihan mo ba na nagkaroon ng problema sa laundry shop? Hindi lang itong kalokohang pinapagawa mo sa akin ang responsibilidad ko. Pati iyon, dahil doon kami kumukuha ng ikinabubuhay namin." Mahabang depensa niya sa sarili. "Oo na. Oo na. Ang dami mo na agad sinabi." Tila tinatamad sa sagot nito. Parang balewala dito ang mga sinabi niya. "Naku talaga nga naman! Kapag hindi ka ba naman talaga natuyuan ng dugo sa isang ito." pabulong na wika niya pagtalikod nito. "May sinasabi ka?" biglang harap nito sa kanya. Nagkunwari siyang nakangiti. "Ha? Wala! Wala naman akong sinasabi eh." Tumango lang ito. "Okay. Paki hugasan na lang itong pinagkainan ko." Agad siyang tumalima. Naglalakad na siya patungo sa kusina nang may nahagip ang mga mata niya sa may refrigerator. May papel na nakaipit sa isang magnet doon. Pinakatitigan niya ang nakasulat doon. At ganoon na lang ang pagkabog ng dibdib niya nang mabasa ito. Resibo iyon kagaya ng resibo na hawak niya noong tanggapin niya ang delivery ng limang washing machines. Kinapa niya ang bulsa ng pedal shorts na suot niya. Naalala niyang doon niya sinilid ang papel. Agad niyang kinuha iyon saka itinabi sa resibong nakaipit sa magnet. Umahon ang kaba sa kanyang dibdib. Ito nga iyon. Resibo din iyon ng limang washing machines na dumating sa laundry shop kanina. Ngunit, bakit meron kopya noon si Jared? Kung ganoon, ito ang nagpadala ng washing machines. Hindi alam ni Adelle kung iiyak ba siya sa tuwa o magagalit sa pangahas na aksyong ginawa ng binata para sa kanya. Ayaw niyang madagdagan ang utang niya dito. But somehow, she felt strange. Saya ang naghari sa puso niya. Hindi ang pilit niyang isinasaksak sa utak niya na gusto nitong mabaon siya sa utang. Kahit na hindi sila ganoon ka-close. She knew him, hindi naman ito ganoon kasama. Kinuha niya ang resibo sa ref. Kailangan niyang tanungin ito ng harapan. Hinanap niya ito. Wala ito sa sala, o sa hardin. Baka nasa kuwarto niya ito. "Jared," tawag niya dito sabay katok sa pintuan ng silid nito. Pero walang sumasagot. Nabaling ang paningin niya sa dulong silid sa bandang kanan. Nasisiguro niyang naroon ito. Baka abala ito sa pagpinta ng malaking larawan na nakita niya doon sa loob. Nagtungo siya doon, saka kumatok. "Jared," tawag ulit niya. "Jared!" mas malakas na ngayon ang boses niya. Ilang sandali pa, nakarinig siya ng mga yabag na papalapit. Bumukas ang pinto. Nakakunot-noo ito na humarap sa kanya. Baka hindi nito nagustuhan ang pang-iistorbong ginawa niya dito. "I'm busy. What do you want? Kung tapos ka na sa pinapagawa ko, you can go now. Make sure you'll come back tomorrow early." Dire-diretsong wika nito. "Puwede ba tayong mag-usap?" tanong niya dito. "I said I'm busy." "This won't take long." "What?" "About this." Aniya, sabay taas ng hawak niyang resibo. Naging mailap ang mga mata nito. "Wala naman dapat pag-usapan tungkol diyan." Sagot nito. Lumabas ito ng silid. Saka walang-lingon likod na naglakad pababa ng sala. "Meron Jared. Bakit mo ginawa 'yun?" tanong niya habang sinusundan ito. "Huwag mo nang alamin." Anito. "Hindi puwedeng hindi. I just want to know, why you have to do that?" tanong niya. "Dahil gusto ko." Usal nito. "Bakit nga? Alam natin pareho kung bakit ako narito sa bahay mo. Para magbayad ng utang sa'yo. Sa ginawa mo, lalo lang lumaki ang babayaran ko sa'yo." Naiiyak nang wika niya. "Did I say something that you will pay me for those?" sagot nito. "Ginawa ko 'yun dahil gusto ko. Hindi mo kailangan bayaran 'yun. Sabihin na natin gusto kong makatulong. Nakita ko kung paano ka mamroblema kanina. I just had this feeling that you need help." Paliwanag nito. Nahihiyang tumungo siya. Hindi na niya napigilan ang luhang kanina pa gustong pumatak. Wala pang may nakakagawa ng gaanong kalaking bagay sa buong buhay niya para sa kanya. Sa tuwina'y palagi na lang siya ang laging gumagawa. Ang tumutulong. It's always her. Ngayon lang may nagmalasakit sa kanya ng ganito. Kung ano man ang motibo nito sa ginawa nitong iyon. Wala na siyang ibang masasabi kung hindi ang magpasalamat. "Salamat. Maraming Salamat." Mahinang usal niya. Naramdaman niya unti-unti ang nang dumapo ang mga palad nito sa kanyang balikat. "Tahan na," bulong nito. Hindi niya namalayan na nakakulong na siya sa mga matitipunong bisig nito. Strange, it was. But Adelle felt at ease. She felt secured. Tila ba, walang maaaring gumalaw o mang-api sa kanya. Nagkaroon siya ng kapanatagan. "Uulitin ko, bakit mo ginawa 'yun? Kung tutuusin, wala ka naman tungkulin sa akin. Wala tayong ibang relasyon kung hindi bilang mag-amo. Ni hindi tayo magkaibigan." Tanong ulit niya habang yakap nito. "Dahil ayokong nakikita kang nahihirapan," halos pabulong na sagot nito. Pero nakarating pa rin iyon sa pandinig niya. At kung hindi siya nagkakamali, parang naramdaman niyang hinalikan siya nito sa ulo. Muling bumilis ang pintig ng puso niya nang humigpit ang yakap nito sa kanya. "Jared, okay ka lang?" nag-aalalang tanong niya. Iyon ang tila naging hudyat para bitiwan siya nito. Nang magkaroon na ng pagitan sa kanilang dalawa. Tinitigan niya ang mga mata nito. May kung anong emosyon ang mga mata nito. Parang may saya ang mga iyon na hindi niya maipaliwanag. "Salamat ulit," usal niya. Isang magaan na ngiti lang ang isinagot nito sa kanya. Pagkatapos ay wala na siyang narinig pa mula dito. Umakyat na ulit ito. Bago ito lumiko pakanan ay sinulyapan siya nito. "Ingat ka sa pag-uwi mo," anito. Iyon lang at nawala na ito sa paningin niya. Jared... Ano 'tong nararamdaman ko? Hindi puwede.... "SIGE NA, PLEASE..." pagmamakaawa pa ni Adelle kay Madi. "Sabihin mo muna sa akin kung kanino mo ibibigay 'yung carbonara?" usisa pa nito. Napakamot siya sa batok. Talagang kailangan pa nitong mang-intriga bago siya pagbigyan. Ayaw naman niyang sabihin na para kay Jared iyon dahil siguradong panunukso na naman ito. "Eh gusto kasi ng friend ko ng Carbonara dito eh," pagsisinungaling pa niya. "Baka kapag ako ang nagluto hindi niya magustuhan." Kunot-noong tinitigan siya ni Madi. Wari'y hindi kumbinsido sa dahilang sinagot sa kanya. "Bakit ba ganyan ka kung makatingin sa akin?" "Wala naman. Nahihiwagaan lang ako sa'yo nitong mga nakaraang araw eh." Sagot nito. "Anong ibig mong sabihin?" Ilang sandali itong nanahimik. Saka umiling. "Hindi. Wala. Kalimutan mo na lang na may sinabi ako sa'yo." Kapagkuwa'y wika nito. "Ano?" naguguluhang tanong niya. Magulo na nga ang nararamdaman niya para sa binata. Magulo pa rin itong kausap niya. "Wala nga. Kalimutan mo na lang ang sinabi ko. Anyway, kaysa maghirap ka sa pagluto. Ako na lang ang magluluto para sa'yo. Kung gusto mo, manood ka na lang sa kitchen." Wika nito. "Okay. Thank you very much Madi!" Ayon na rink ay Aubrey na patay na patay kay Jared. Paborito daw nito ang Carbonara sa Rio's. At bilang pasasalamat sa ginawa nito sa Laundry Shop niya. Iyon ang naisip niyang paraan para kahit paano'y makabawi man lang dito. Dinala siya ni Madi sa loob ng kitchen. Naabutan nila doon si Vanni na abala sa pagluluto. "Hey You! Bawal ang outsider dito. For Employee's only." Sabi nito pagkakita sa kanya. "Honey, ako ang nagpapasok sa kanya dito. I'll cook Carbonara for her. Ibibigay daw niya sa friend n'yang favorite ang Carbonara natin." Paliwanag ni Madi. "Friend mo? Sino?" pang-uusisa ni Vanni. "Hindi mo kilala," Napaisip ito. "That's weird. Halos lahat ng regular customers ko dito ay kilala ko. Ngayon lang ako naka-encounter ng ganyan." Binaling niya ang paningin sa ibang direksiyon. Hindi niya kayang salubungin ang mga tingin nito. Baka mahuli siya nito na kay Jared nga niya totoong ibibigay ang pagkain. "Ah... Ano... Mads, babalikan ko na lang 'yung Carbonara. Saglit lang muna ako sa bahay, nag-text si Mama eh." Pagdadahilan niya sabay taas ng cellphone na hawak niya. Kailangan niyang makaisip ng paraan para makaalis sa lugar na iyon. Baka makahalata si Vanni. "Okay. Uy teka, bago ang phone mo? Ang ganda ah!" puri nito. "Ah... Now I know." Ani Vanni. "What?" "Sa'yo pala binigay ni Jared ang phone na 'yan. Nakita namin siyang dala 'yan isang araw bago ka nagsimula sa pagta-trabaho sa kanya. Sabi na nga ba eh." Sabi pa nito. "Anong ibig mong sabihin?" tanong niya. "Wala lang," usal nito. "O siya sige na, alis ka na muna. Baka naghihintay na sa'yo si Aling Delia." Sabad ni Madi sa usapan na ang tinutukoy ay ang Mama niya. Magulo pa rin ang isip na lumabas siya ng kitchen. Kasinggulo niyon ang t***k ng kanyang puso, na habang tumatagal ay tila ba nagiging abnormal na ang pagpintig. Habang nagtatagal ang pagsasama nila ni Jared. Unti-unti din ay nagiging malalim na pakikitungo nila sa isa't isa. Bigla ay naalala niya nang halikan siya nito sa pisngi. Ilang araw na magmula ng mangyari iyon. Pero parang ramdam pa rin niya ang mga labi nito sa balat niya. Jared is getting in to her system. At hindi maaaring mangyari 'yon. Nangako siya sa sarili niya na hindi hahayaan ang sarili na mahulog ang loob dito. Kung kinakailangang pigilan niya ito. Pipigilan niya. Ayaw niyang may masaktan. Ayaw niyang masaktan si Aubrey, ang kaibigan niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD