Chapter Six

2639 Words
SINALUBONG si Jared ng mabangong amoy paglabas niya sa Painting Room. Pamilyar sa kanya iyon. Napangiti siya dahil kilala niya iyon. Carbonara. Ang paborito niyang pagkain at Rio's ang sa tingin niya ang may pinakamasarap na Carbonara na natikman niya. Bigla siyang nakaramdam ng gutom. Agad siyang bumaba at dumiretso sa kusina. Naabutan niya si Adelle na naghahanda ng mesa. Nasa gitna niyon ang kanina pa niya naaamoy. "Wow! Ang sarap n'yan ah!" sambit agad niya. "Tara, kain ka na." yaya nito. Parang nag-kulay rosas ang paligid nang ngumiti ang dalaga sa kanya. Naroroon na naman ang noon pa niya nararamdaman kapag nakikita niyang nakangiti ito. At hindi na niya maalala kung kailan iyon nagsimula. Nalalaman kaya nito kung gaano ito kaganda? Kinundisyon niya ang sarili bago naupo sa harap ng mesa. Hindi puwedeng magkamali na naman siya. Ilang beses na ba niyang naipahamak ang sarili dito? Noong una, hindi niya alam kung anong masamang hangin ang pumasok sa utak niya at bigla niyang hinalikan sa pisngi ito. Mabuti na lang at nalusutan niya iyon. Pangalawa, sa hindi niya malamang dahilan. Nang makita niya itong naiiyak at tuliro dahil sabay-sabay na nasira ang washing machines nito sa Laundry Shop, idagdag pa ang reklamo ng mga customers nito. Tumawag siya sa kaibigan niyang nagma-may ari ng isa sa pinakamalaking mall dito sa Metro Manila at nag-order siya ng kapalit sa mga nasira. Iyon nga lang, nabuking siya agad dahil hindi niya naitago agad ang resibo. Ngunit wala siyang pinagsisihan sa lahat ng iyon dahil ang naging kapalit naman niyon ay ang unti-unti niyang paglapit sa puso nito. Ang madala ito sa kanyang mga bisig at naipadama dito na may isang tulad niya na naghihintay sa kanya. "Hoy," untag nito sa kanya. Napakurap siya. "Ha?" "Natulala ka na diyan, huwag kang mag-alala. Hindi ako ang nagluto n'yan. Inorder ko 'yan sa Rio's." Naupo na siya sa harap ng mesa. "Sana ikaw na lang ang nagluto." Sabi niya. "No. I heard that all-time favorite mo daw ang Carbonara ng Rio's. Kaya ito ang sinerve ko." Paliwanag nito. "How'd you know?" "I just did some research." "Why?" "Because I want to. Gusto kong gawin 'to para man lang makabawi ako sa kabutihang ginawa mo para sa Laundry Shop." Sagot nito. "You already thanked me last night." "I know. But still, gusto ko pa rin gawin 'to. Please, hayaan mo na ako. Kung tutuusin, simple lang nga ito kumpara sa ginawa mo. Parang sinalba mo na rin ang habang buhay namin kabuhayan." Napangiti siya. "Wala 'yun. Para saan pa't naging magkaibigan tayo." May kung anong naaninag siyang lungkot sa mga mata nito. "Right. Basta salamat ulit." Anito. Muntikan na siyang mapaatras nang bigla itong dumukwang palapit sa kanya. Saka siya kinintalan ng isang halik sa pisngi. "Thanks Jared," bulong nito. Hindi na siya nakapagsalita hanggang sa makalabas ito ng bahay niya. Napangiti siya ng todo. Daig pa niya ang tumama sa lotto. Kung nalalaman lang ni Adelle. NAKAILANG palit na ba ng posisyon sa kama si Adelle. Pero talagang ayaw siyang dalawin ng antok. Laman pa rin ng isip niya ang sunod-sunod na rebelasyon ng kanyang puso. Bakit ba tila kay dali naman yata ng mga pangyayari? Hindi siya sigurado kung gusto nga talaga niya si Jared. Baka naman bunga lang iyon ng kaguwapuhan nito. Marahil ay humahanga lang siya. Pero may paghanga bang nakakapagpabilis ng t***k ng puso? Iyon tipong halos hindi siya makahinga sa sobrang bilis ng pintig nito. At parang nagliliwanag ang lahat sa buong paligid sa tuwing nakikita niya itong nakangiti. And it seems that the world stops revolving the moment he laid his eyes on her. Crush lang ba lahat ng iyon? Mahal mo na siya! Sigaw ng isang bahagi ng puso niya. Napabalikwas siya ng bangon sa isiping iyon. "Hindi puwedeng mangyari 'to. Paano si Aubrey? Tiyak na masasaktan ko siya." Sabi niya sa sarili. Pinilig niya ang ulo, pagkatapos ay pilit na pinalis ang lahat ng laman ng isip niya ng mga oras na iyon. Hangga't maaga pa, kailangan agapan na niya. Kung kinakailangan, didistansya na muna siya dito. Muli siyang nahiga, saka pilit na pinikit ang mga mata. Kailangan na niyang makatulog. Dahil kung anu-ano na ang pumapasok sa isip niya. Mga bagay na hindi naman dapat niya maramdaman. Kailangan niyang supilin ang kung ano man ang nagsisimula nang mabuo sa kanyang puso. "HOY! BAKIT ka na naman tulala diyan?" untag sa kanya ni Lorna. Napapitlag siya. Tiningnan lang niya ito tapos ay nagpangalumbaba na naman siya. Naroon siya ngayon sa Laundry Shop. Pinayagan siya ni Jared na doon muna siya ngayon araw na iyon. Kailangan din kasi niyang asikasuhin iyon. Mabuti na lang at walang topak ang isang iyon kaya madaling napakiusapan. "Sinong tulala?" tanong naman ng bagong dating na si Panyang. Kasama nito ang pinakamagandang buntis na yata na nakita niya sa tanan ng buhay niya, si Chacha. "Ayan oh," sambit ni Lorna sabay nguso sa kanya. Muli ay tiningnan lamang niya ito, sabay buntong-hininga. "Wow, ang lalim no'n ah." Wika ni Chacha. Sabay higop sa straw ng baso ng fruit juice na hawak na nito kanina pagdating. "Ano bang iniisip mo?" tanong pa ng buntis. Nagkibit-balikat siya. "Ngumanga ka nga," utos sa kanya ni Panyang. Wala sa loob na ngumanga naman siya. "Meron ka naman pa lang dila eh. Akala ko nalulon mo na." sabi ni Panyang. "Naguguluhan na ba ang puso mo?" "Teka, paano napasok sa usapan ang puso? Hindi ba dila ko ang topic natin?" sa wakas ay sabi niya. "Ayun naman pala, may silbi naman pala ang dila mo. Eh bakit ka ba hindi makapagsalita at kanina pa isip ng isip? Hindi ba dahil sa puso." Katwiran ng maliit na babae. "Ang talino mo ah, biruin mo 'yun. Nalagyan mo ng connection ang human biology." Tudyo pa ni Chacha dito. "Naman!" "Wala lang. Magulo nga eh. Hindi ko alam ang tumatakbo sa isip ko." Sagot niya. "Ay ako alam ko," singit ni Lorna. "Kabaliwan." "Korek!" sang-ayon ni Panyang. Pabirong tiningnan niya ito ng masama. "Naranasan mo na bang masisante? Gusto mo i-try natin ngayon?" "Echos lang naman, 'to hindi na mabiro." Biglang kabig nito. "Ikaw nga Adelaida eh, umamin sa amin." Ani Chacha. "Are you falling in love with Jared?" May kung anong tila sumipa sa dibdib niya matapos niyang marinig ang tanong na iyon. Is she? Bumuka ang bibig niya, handa na siyang itanggi ang lahat. Pero dumating ang lalaking halos isang linggo na mahigit na nagpapagulo sa isip at puso niya. May bitbit itong isang paper bag. Ngiti agad ang binungad nito sa kanya pagpasok nito ng Laundry Shop. "Jared," tawag niya dito. Hindi niya alam kung saan siya nakakuha ng lakas ng loob para ngumiti dito. Kahit na sa kabila niyon, ay ang matinding pagkabog ng dibdib niya. "Kumusta? I brought you some food." Anito. Tumikhim siya para pakalmahin ng lihim ang kanyang naghuhurumentadong puso. "O-Okay lang. Eto busy kanina, dami nagpa-laundry. Pero okay na kami ngayon." Aniya. "Good." Sambit nito. nilapag nito ang paper bag sa ibabaw ng counter. "Here, it's for you. Baka kasi nagugutom ka na eh." Dagdag nito. "Salamat, ha? Nag-abala ka pa." "Nah! It's nothing. Dinalan mo rin naman ako ng Carbonara no'ng isang araw eh." Wika nito. Ngumiti lang siya. "Thanks! Dito sa food." "Your Welcome! I gotta go." Nang mawala na ito sa paningin nilang lahat ay inulan siya ng tukso ng mga naroon. "Naks naman oh! May pa-ganon ganon na lang ngayon kayong dalawa ha?" tukso sa kanya ni Lorna. Naramdaman niyang nag-init ang pisngi niya. "At nagba-blush ka pa!" sabi pa ni Panyang. "Yari ka hija! Na-bulls eye ka ng pana ni kupido." Dagdag ni Chacha. "Hindi ah!" mabilis niyang tanggi. "Hay naku, sige! Mag-deny ka! Hindi ka rin naman makakatakas sa tawag ng pag-ibig." Si Panyang. "Wala ngang gano'n." tanggi ulit niya. "Oo na." pilit na sang-ayon ni Chacha. "Tara na, best." Yaya ni Panyang sa buntis. "Baka naghihintay na ang mga esposo natin." Lalabas na lang ito ng may tila naalala ito. "Nga pala, Adelle. Si Jared pala ang sinasabi mo kay Madi na friend mo na paborito ang Carbonara ng Rio's." wika nito, sabay ngisi ng makahulugan. Natutop niya ang noo saka napapikit. Buking na siya. Ano ba? Patay na naman ako nito! "HI GIRL, kumusta na?" Nagulat pa siya ng biglang sumulpot doon sa bahay nila ang kaibigan niyang si Aubrey. "O? hi, napasyal ka yata." Sagot niya dito. "Eh ikaw kasi, hindi ka na nagpaparamdam." Anito. "Ah, ano... kasi, busy eh. Alam mo na? Tsimay sa bahay niya. Businesswoman naman sa Laundry Shop." Paliwanag niya. "Kumusta naman ang prince charming ko? I'm sure guwapo pa rin." "Okay naman siya." Simpleng sagot niya. "Hindi ko na masyadong nakikita nga 'yun na lumalabas eh. Bakit? Anong ginagawa niya?" pang-uusisa pa nito. "Hay naku, busy din 'yun. Nagkukulong halos 'yun sa loob ng painting room niya maghapon. Kapag lalabas 'yun, siguradong may lakad." Bumuntong-hininga ito, saka umupo sa tabi niya sa kama. "Mabuti ka pa. Araw-araw mo siya nakikita. Samantalang ako, bihira nang makasilay." Malungkot na tugon nito. "Uy ha? 'Yung promise mo. Huwag kang ma-iin love sa kanya. Magagalit talaga ako." Tila nagkaroon ng bara sa kanyang lalamunan at kahit na binubuka niya ang bibig ay halos walang tinig na lumabas doon. Tumikhim siya ng ilang beses bago sa wakas ay nakapag-salita na siya. "Ano ka ba naman? Hindi ko magugustuhan 'yun. Alam mo naman 'yun, 'di ba?" Ngumiti ito saka siya niyakap. "Thanks girl! Sabi ko na nga ba't kaibigan talaga kita eh." Masayang tugon nito. Alanganin siyang napangiti pero hindi niya ipinakita iyon. Hindi maaaring malaman nito na unti-unting nahuhulog na ang loob niya kay Jared. "Teka nga, masyado ka ng nagiging ma-drama diyan. Umuwi ka na nga at magpapahinga na ako." pabirong wika niya. "Okay. Text text na lang, ha?" sagot nito bago lumabas ng silid niya. "Bye. Ingat." Nang makaalis na ito ay nakahinga na siya ng maluwag. Tumayo siya at nagtungo sa may bintana. Doon siya tumayo at pinagmasdan ang kahabaan ng Tanangco Street. Kay dami nang naganap sa lugar na iyon. Ilang magkasintahan na ba ang nasaksihan niyang doon nabuo ang pagmamahalan. Gusto niyang mainggit sa mga ito. Kung sana'y malaya siyang mahalin ang isang Jared Bandonillo. Kung sana'y wala siyang masasaktan at matatapakan na ibang tao. Ang kaso'y meron, at kaibigan pa niya. Wala siyang ibang puwedeng gawin kung hindi ang magparaya. And Adelle wonder. Dapat ba niyang sabihin kay Aubrey na sumira siya sa pangako? "Mukhang ang lalim ng iniisip ng anak ko, ah?" Napalingon siya. Naroon ang Mama niya sa may pintuan ng silid niya at nakatayo. "Ma, kanina pa po ba kayo diyan?" tanong niya. "Tama lang para mabasa ko kung anong iniisip mo." Sagot nito. She chuckled. Then, faced her mother. "Kailan pa kayo naging mind reader, Ma?" natatawang tanong niya. "Simula pa lang noong ipinanganak kita. Wala kang maaaring ilihim sa akin, Adelaida." Anang Mama niya. "Bakit Ma? Ano bang tingin ninyong iniisip 'ko?" tanong niya. "Nahuhulog na ang loob mo sa kanya, ano?" Tumungo siya saka kunwaring tumawa. "Si Mama, nagjo-joke ka na naman eh. Hindi po." Tinaas nito ang mukha niya. "Pero hindi ka makatingin ng diretso sa akin." Tiningnan niya ito. "Ayan, nakatingin na ako. Hindi po ako in love sa kanya." ulit niya sa sinabi. "Ako ba talaga ang kinukumbinsi mo? O ang sarili mo?" Napipilan siya. Wala na siyang puwedeng maidahilan pa. Sukol na siya, sabi nga nila. Pero ayaw niyang i-entertain ang nararamdaman niya. Para hindi na mas lalo pang lumalim. "Ma, hindi po puwede eh." Mahinang boses na sagot niya. "Bakit naman hindi puwede?" "Ayoko pong masaktan si Aubrey. Gusto niya po si Jared." "Kung iyon ang dahilan mo, sige. Tatanggapin ko. Eh paano kung si Jared na mismo ang lumapit sa'yo? At sinabing gusto ka niya." Naalala niya ang nakitang mukha ng babaeng pinipinta nito. Iyon ang gusto nito, at hindi siya. "Malabo po 'yun, Ma. May iba siyang gusto. Hindi po ako 'yun." Sagot niya. "Paano mo nalaman?" tanong nito. "Nakita ko po mismo 'yung mukha ng babae sa isang malaking painting." "Tanging siya lamang ang makakapagsabi n'yan. Ano bang malay natin kung sino ang babaeng iyon? Anak, kung kayo ang para sa isa't isa. Kahit na lumayo ka sa kanya para magparaya sa isang kaibigan para lang huwag itong masaktan. Sa bandang huli, ang tadhana pa rin ang siyang gagawa ng paraan para kayo'y magkatagpo." Mahabang paliwanag ng kanyang Ina. Tumanim ang bawat salitang binitiwan ng Mama niya sa puso niya. "Ayoko lang naman po na may masaktan ng dahil sa akin." "Alam ko, at alam din 'yun ng Diyos. Hayaan mong siya ang kusang kumilos para maisa-ayos ang lahat ng dapat maiayos." Ngumiti siya sa Mama niya saka yumakap. Para sa kanya, wala na siyang mahihiling pa. Dahil nawala man ang kanyang Papa. Napupunan naman lahat ng iyon ng kanyang Mama. "Thanks Ma," bulong niya. "Nga pala," anang Mama niya. "Dumaan pala si Jared dito kanina. Pinapasabi niyang agahan mo daw bukas. May importante daw siyang ipapagawa sa'yo." Napakamot siya ng ulo. "Tingnan mo 'yun, may cellphone naman. Hindi na lang nag-text." Natawa ang Mama niya habang naglalakad palabas ng kuwarto niya. "Baka nagpapalakas!" anito. Napailing na lang siya. Pagkatapos ay binalik niya ang tingin sa kahabaan ng Tanangco. Napakunot-noo pa siya nang mapansin na may isang lalaking nakatayo sa tapat ng gate nila. Hindi niya maaninag ang mukha nito dahil medyo may kadiliman sa kinatatayuan nito. Bigla siyang kinabahan, baka mamaya ay akyat-bahay 'yun. Nagulat pa siya nang kumaway ito sa kanya. Ilang sandali pa, nag-ring ang cellphone na binigay ni Jared sa kanya. "Hello," bungad niya nang sagutin ito. "Kumusta?" "Senyorito, ikaw ba 'yang nakatayo sa harap ng bahay namin?" "Yup. Bakit? Hindi mo ba ako nakilala dahil sa kaguwapuhan ko?" Natawa siya. Ibang klase talaga ang self-confidence nito. Sabagay, tama naman ito. Kung kaguwapuhan din lang, nangunguna ito sa paningin niya. 'Yun oh! May ganoon ka na ngayon? Tukso ng puso niya sa kanya. "Puwede rin. Kaso mas mukha kang miyembro ng akyat-bahay gang na naniniktik diyan." Narinig niyang tumawa ito sa kabilang linya. Napabuntong-hininga siya. Parang musika sa kanyang pandinig ang tawa nito. At magmula sa kinaroroonan niya, kita niya ang paggalaw ng balikat nito habang tumatawa. "Bakit ka napatawag?" pag-iiba niya sa usapan. "I just want to invite you." Kumabog ang dibdib niya. Date kaya ang ibig nitong sabihin sa invite? "Saan?" ninenerbiyos niyang tanong. "I have a friend. He's also a painter. He's having an exhibit. Gusto kong pumunta doon, and I want you to come with me." Nagrigodon ang puso niya. Tama ba ang narinig niya? O isa lang itong panaginip. It's another way of asking her on a date. "Ha? Ah... B-Bakit naman ako ang niyaya mo? Marami naman iba diyan." Kandautal na tanong niya. "Bakit naman hindi? Kailangan ba talagang may reason para imbitahan kitang samahan ako?" balik-tanong nito. Hindi agad siya nakapagsalita. "Okay, ganito na lang. You think about it first, then tomorrow, sa bahay. You tell me your decision. Tutal gabi pa naman ang event na 'yun." Anito. "Sige, salamat." "No Problem. I gotta go. Matulog ka na." anito. "Okay. Goodnight." Usal niya. "Gooodnight. Sweetdreams." Tugon nito. "You too," Hindi na niya hinintay pang may isagot ito. Baka kasi hindi matapos ang paalamanan nila. Kumaway pa ito sa kanya bago ito naglakad patungo sa direksiyon ng bahay nito. Lord, ano ba itong nararamdaman ko? Tama ba 'to? Piping dalangin niya. "Bahala na nga," usal niya. ****************************************************************** Ayan, 2 chapters ang in-update ko! Bakit? Dahil wala lang, feel ko lang mag 2 chapters! Next Tuesday ulit ah? I mean, next Tuesday ang update! Kung ilang chapters hindi ko alam. Depende sa mood ko! Walang mangungulit ng tanong ng pa-update ah?! Sige kayo kapag tinopak ako, lalong hindi ako mag-a-update~! Okay? Okay! -JA 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD