NAPANGITI SIYA habang pinagmamasdan ang resulta ng ginawa niya. Hindi na kasi nakatiis. Pinilit siyang pumasok ni Jared sa buhay nito bilang isang housemaid. Pero ang nakakaloka, pagdating doon. Imbes na tambakan siya ng trabaho. Halos kulang na lang ay sabihan siya nito ng huwag siyang gagalaw. Kaya kahit alam niyang magagalit ito. Niligpit niya ang kalat sa buong sala at naglinis siya doon. Somehow, she felt proud. Nagmukha na kasi itong tunay na sala kaysa kanina ng dumating siya, mas mukha itong bodega.
Napapitlag pa siya nang pabagsak nitong sinarado ang pinto ng silid paglabas nito doon.
"What the hell did you do?" galit na tanong nito.
"I just did my job."
"Kailangan ko ba talagang paulit-ulitin? Ang sabi ko sa'yo, huwag kang kikilos hangga't hindi ko sinasabi."
"Jared, puwede ba? Tigilan mo nga ako sa kalokohan mo! Ikaw itong naghila-hila sa akin sa ganitong trabaho tapos hindi mo ako pagagawain dito sa bahay mo. Hayaan mo nga ako." depensa niya.
"Bahala ka," usal nito.
"Good. Para hindi tayo nagkakabanggaan." Pahabol pa niya.
"By the way, alas-otso na ako siguro makakauwi. Here." Sabi nito.
Bumaba ito ng hagdan. May bitbit na paper bag, inabot nito iyon sa kanya. Kinuha niya iyon kahit na may pagtataka. Napakunot ang noo niya nang makita ang laman niyon.
"Anong gagawin ko dito?" tanong niya.
Isang brand new cellphone ang laman ng paper bag. At iyong latest model pa. Sigurado si Adelle na galing iyon sa kumpanya ni Dingdong.
"Diyan kita tatawagan mamaya para kumustahin. Kung may kailangan ka, tawagan mo lang ako. May simcard na 'yan, may load na rin. Nandiyan na ang number ko. Huwag mong ipamimigay ang number mo diyan. Nagkakaintindihan tayo?"
"May sarili naman akong cellphone. Sana kinuha mo na lang ang number ko."
"Gusto ko walang ibang naka-save na number diyan sa cellphone mo. Dapat ako lang." anito.
"Ha?" naguguluhang tanong niya. "Bakit naman?"
"Ah... ano... basta, sundin mo na lang ako." anito sabay talikod at labas ng bahay.
"Praning na yata 'yon." Aniya sa sarili.
Kinuha niya ang kahon sa loob na bag, napangiti siya. Maganda kasi ang modelo ng phone. Pasalamat na rin siya dahil kahit na sa loob ng dalawang buwan ay may maganda siyang cellphone na magagamit. In-on niya iyon. Tama nga, number lang ni Jared ang naroon. Sa lahat yata ng amo, ito na ang napaka-demanding. Tama bang pagbawalan siyang ipamigay ang number na iyon. Gusto niyang sumimangot nang makita ang sinave nitong pangalan nito. Nakalagay sa phonebook nito ang 'Jared Pogi'.
"Kapal," bulong niya.
Sinubukan niyang tawagan ito. May nakalimutan din kasi siyang itanong dito, bigla na lang kasi itong umalis. Nag-ring agad iyon.
"O Bakit? Na-miss mo agad ako?"
"Feelingero! Nakalimutan ko lang itanong kung dito ka kakain mamayang gabi para magluluto ako."
"Marunong ka ba? Masarap ka bang magluto?" tanong nito.
"Naman! Hindi lang paglalaba ang kaya kong gawin ah. Ako kaya ang nagluluto sa bahay namin." Pagmamayabang pa niya.
"Oo na."
"Okay, iyon lang naman Senyorito. Bye!"
"Teka lang Adelle,"
"Ano?"
"Mag-iingat ka diyan,"
"Okay. Ikaw rin. Bye ulit!"
Hindi na niya hinintay pang sumagot ito. Basta na lang niya pinindot ang end call button. Pinagmasdan niya ang paligid. Mukhang mag-eenjoy naman siya dito. Huwag lang siyang aasarin nito.
PAGKATAPOS niyang maglinis sa kusina. Ang second floor naman ang binabalak niyang linisin. Una niyang tinungo ang kuwarto ni Jared. Pinihit niya ang seradura. Bukas iyon. Pagbukas niya ng pinto ay sumalubong sa kanya ang mabangong amoy ng silid nito. Parang sadyang inisprayan ng cologne na panglalaki ang buong paligid. At gusto iyon ng pang-amoy niya. Bigla ay pumasok sa isip niya si Jared, habang nakangiti ito sa kanya.
Sa puntong iyon nagsimulang bumilis ang t***k ng puso niya. Natutop niya ang dibdib. Sabay hinga ng malalim.
"Bakit ganoon?" tanong niya sa sarili. Pinilig niya ang ulo. "Ay Adelaida, kung ano ano kasi ang pinag-iisip mo. Kulang ka lang sa trabaho. Kaya maglinis ka na lang." Kausap pa niya sa sarili.
Dinampot na lang niya ang walis saka nagsimulang maglinis sa loob ng silid nito. Inayos niya ang kama nitong hindi man lang niligpit pagkabangon. Gaya kanina sa sala, may mga wala ng laman na bote ng beer na nakalat sa sahig. Napailing na lang siya, libangan yata ng taong iyon ang uminom.
Kumusta naman ang atay no'n? tanong niya sa isip.
Ay concern siya oh... tukso naman ng isang bahagi ng puso niya.
Lihim niyang sinaway ang nanunuksong puso niya. Hindi kailan man niya magugustuhan ang isang iyon. Dahil paniguradong kunsumisyon lang iyon. Panggulo kumbaga sa buhay niya. Kaya pinagpatuloy na lang niya ang paglilinis sa silid nito. Pati na ang banyo sa loob ng silid nito ay nilinis na rin niya, dahil medyo dumudulas na ang tiles niyon. Baka sa susunod lumot na ang makita niya doon.
Pinasadahan niya ng tingin ang buong silid. Kumbinsido naman siya sa kinalabasan ng trabaho niya. Mabuti na lang pala at sanay siya sa trabahong bahay. Lalabas na lang sana siya ng silid na iyon nang makuha ng picture ni Jared ang atensiyon niya. Daig pa niya ang nahihipnotize nito. Parang may sariling buhay ang mga paa niyang humakbang ito palapit dito. She stared at his angelic face. Kay amo ng mukha nito, parang bigla ay nawala ang lahat ng inis na nararamdaman niya dito. She looked at those almond shaped hazel brown eyes. Parang inaakit siya nito, tila ba nakakadama siya ng kasiyahan. That kissable lips of him, ano nga kaya ang pakiramdam to be lock inside his arms and kiss her in the end.
Wala sa loob na hinaplos niya ang mukha nito sa larawan.
"Inday!!!"
Ang sigaw na iyon ang nakapagpabalik sa kanyang katinuan. Bigla ay nag-init ang mukha niya. Kahit hindi niya tingnan, alam niyang namumula ang mukha niya. Mabilis niyang kinalma ang sarili saka mabilis na lumabas sa silid.
Nakita niya si Panyang na naroon sa sala at prenteng nakaupo.
"Hoy, kutong-lupa! Anong ginagawa mo dito sa bahay ng Amo ko?"
"Amo? Ibig sabihin, ikaw ang sinasabi ni Jared na bagong kasama niya sa bahay?" tila gulat na tanong nito.
Tinaas niya ang hawak na walis tambo at dustpan. "Obvious ba?"
Tumango-tango ito. "Okay. Akala ko joke lang ang sinabi niya kanina na ikaw ang housemaid niya." Anito.
"Obviously ulit, hindi. Sa kamalas-malasang malas, tinotoo ng damuhong iyon ang sinabi kagabi. Sweet, 'di ba?"
"Oo nga. Pero in fairness ha? Hindi ka mukhang tsimi-aa. Mas bagay kang ilaw ng tahanan." Ani Panyang. "Pundido nga lang."
Natawa siya sa sinabi nito.
"O eh, Ano nga bang ginagawa mo dito?" tanong niya.
"Wala naman. Nautusan lang ako ng amo mo. Bago kasi 'yon umalis kanina, pinagbilin niya na sabihin ko daw sa'yo. Mag-iingat ka daw dito." Sagot nito.
Nagtaka siya. Kung makabilin ito na 'mag-ingat siya' akala mo nanganganib ang buhay niya.
"Tignan mo 'yun, sinabi na rin niya 'yun kanina noong mag-usap kami sa phone." Wala sa loob na wika niya.
"Uy ha? Mukhang may nabubuong love team sa inyong dalawa ah." Tukso sa kanya ni Panyang.
"Heh! Kung sa kanya din lang, huwag na. Kapag kami ang nagkatuluyan n'yan. Makukunsumi lang ako habang buhay."
"Hoy, huwag kang magsalita ng tapos. Baka mamaya kainin mo lahat ng sinabi mo." Ani Panyang.
"Hindi kaya,"
"The more you hate, the more you love."
"Gasgas na 'yung linya na'yun." Sagot ulit niya.
"Ay bahala ka, basta sa nakikita ko. Malamang!"
"Anong malamang?" tanong niya.
"Basta, sige. Iyon lang. I've done my job." Sagot ni Panyang saka diretsong lumabas ng bahay.
"Hoy bubwit! Bumalik ka nga dito. Ano yung malamang?" habol pa niya dito. Ngunit hindi ito sumagot. Kumaway lang ito sa kanya.
"Ano bang ibig sabihin ng isang 'yun?" tanong niya sa sarili.
Nagkibit-balikat na lang siya. Hindi na niya dapat intindihin ang isang 'yun. Nang-aasar lang ang babaeng 'yon. Kilala pa naman si Panyang doon sa buong Tanangco bilang isa sa pinakamakulit na babae. Sinong mag-aakala na may asawa na ito?
Sinulyapan niya ang oras sa nakasabit na wall clock. Magta-tanghalian na. Doon na lang siya sa kanila manananghalian. Babalik na lang siguro siya doon mamaya para magluto ng gabihan ng amo niyang pogi.
Pogi? Uy!!! Tukso ng isip niya.
Pinilig niya ang ulo. Nahahawa na yata siya ng ka-praningan ni Jared at ni Panyang. Kung anu-ano na tuloy ang naiisip niya. Niligpit muna niya ang mga ginamit niya sa paglilinis, tapos ay chineck niya ang buong kabahayan. Pababa na lang siya ng hagdan nang mapalingon siya sa bandang kanan niya. Tumama ang paningin niya sa isang silid na pinakadulo. Sigurado siyang hindi iyon ang silid ni Jared. Ang ibang silid doon ay guest room na. Alam niya dahil bago pa niya malinis ang silid nito ay tiningnan na niya ang mga kuwartong iyon. Maliban na lang sa pinaka-dulo.
Parang may kung anong puwersa ang humihila sa kanya. Dinala siya ng mga paa niya patungo sa silid na iyon. Dahan-dahan niyang binuksan ang seradura ng pinto. Pagbukas niya, agad tumambad sa kanya ang isang malaking silid. Sa may bandang binatan naroon ang mga gamit nito sa pagpinta. Sa buong paligid naman ay ang napakaraming paintings na mukhang tapos na. Wala siyang itulak-kabigin sa mga iyon. Pawang magaganda ang mga iyon. Kahit na sino ay hahanga sa mga iyon. Hindi siya makapaniwala na si Jared ang gumawa lahat ng iyon. Napakagaling nitong magpinta. Samantalang siya, noong nag-aaral pa siya. Kapag pinapa-drawing sila ng teacher nila. Bakat system ang style niya. O iyong ipapatong ang typewriting sa ibabaw ng larawan na pinapa-drawing sa kanila saka binabakat.
Natawa siya. Kumpara dito. Parang sisiw lang dito ang pag-painting. Isang partikular na larawan ang nakakuha ng atensiyon niya. Kahawig ng background nito ang painting na nabuhusan niya ng red wine. Ang pagkakaiba lamang. Mas malapit ang mukha ng babae. Pinakatitigan niyang maigi ang mukha sa larawan. Medyo malabo pa iyon. Ito siguro ang espesyal na babae sa buhay ni Jared.
Sino kaya siya? Tanong niya sa isip.
Halos tumalon ang puso niya sa gulat nang biglang mag-ring ang cellphone na binigay sa kanya ni Jared.
"Ay kabayong baliktad!" sinagot niya agad ang nag-iingay na CP.
"Bakit ka ba nanggugulat?" bungad niya dito.
"Nanggugulat? Malay ko ba kung anong ginagawa mo. Baka mamaya tulala ka diyan kaya ka nagulat." Anito.
Hindi siya kumibo. "Bakit ka ba napatawag? Wala na ang mga gamit mo dito nilimas ko nang lahat."
"Oo na." balewalang sagot nito. "Nga pala, nakalimutan kong sabihin sa'yo kanina. Puwede mong linisan ang lahat ng kuwarto diyan sa bahay, even my room. Except the last room on the right side. Hindi ka maaaring pumasok doon." Mahigpit nitong bilin.
Nakagat niya ang ibabang labi niya. Saka mabilis na lumabas sa silid na iyong sinasabi nitong bawal niyang puntahan. Agad niyang sinarado ang pinto niyon.
"Okay po, Senyorito." Sagot na lang niya.
"Good. O sige, 'yun lang. Bye."
Iyon lang at nawala na ito sa kabilang linya. Bakit kaya ayaw nitong ipakita sa kanya ang silid na iyon? Kung alam lang nitong nakita na niya. Baka naman ayaw nitong ipakita sa kanya ang babaeng espesyal dito. Oh well, care naman niya.
"PSSST! ADELAIDA!"
Napalingon siya sa tumawag na iyon sa pangalan niya. Nakita niya sa harap ng tindahan ni Olay nakatambay sina Panyang, Madi, Allie, si Abby, Myca at si Chacha na palaki ng palaki ang tiyan.
"Halika!" si Madi.
Sigurado siyang uuriratin lang siya ng mga ito. At sigurado pa rin siya na si Panyang na naman ang may pakana niyon kung sakali.
"Bakit?" tanong niya paglapit niya sa mga ito.
"Wala lang, kumusta naman ang part-time job mo?" tanong ni Allie.
Tiningnan niya ng masama si Panyang. Kunwa'y abala ito sa pagkutkot sa ulo ni Madi. "Uy, ayun siya oh?" sabi pa nito. Bago parang may kinuha ito sa ulo ng huli.
"Ikaw naman, diyan ka lang pala nagtatago eh."
Hinampas ni Madi ang kamay ni Panyang. "Luka luka! Baka isipin ng mga tao may kuto ako."
"Aray naman! Sinabi ko bang kuto 'yung kinuha ko? Yung salagubang na alaga ko!" sagot nito sabay pakita sa kanila ng hawak nitong salagubang.
"Carmela, meet everybody." kausap pa nito sa pobreng insekto.
Napailing siya. Ang lakas talaga ng tama nito sa utak. Parang bata ito, pero kapag nakikita niyang magkasama ito at ang asawa nitong si Roy. Nakikita niya ang tunay na pagmamahalan sa dalawa.
"O bakit nga ninyo ako tinawag?" tanong niya.
"Kumusta nga 'yung bagong trabaho mo?" ulit ni Abby sa tanong ni Madi.
"Alin? Ang pagiging tsimay ni Jared Bandonillo? Okay naman."
Nagkatinginan ang mga ito. Biglang sumingit sa usapan si Olay. "Okay naman? Pero according sa mga naririnig kong alingasngas sa tabi-tabi, inis na inis ka daw kay Maestro."
Nagkibit-balikat siya. "Oo nga. Naiinis pa rin naman ako eh. Kung hindi ko na nga lang ipinagpilitang kumilos, baka may gyera na sa bahay niya hanggang ngayon." Sagot niya.
"Bakit? Ano bang sabi niya sa'yo pagdating mo sa bahay niya?"
"Hay naku, maloloka ka. Inutusan akong maghugas ng pinagkainan niya. Ang hinugasan ko, isang platito at isang tinidor. Tapos pinaupo ako, baka daw kasi napagod ako."
Nagtawanan ang mga ito.
"Eh di nang-aasar," dugtong pa niya.
"Kaloka nga!" sang-ayon ni Olay.
"Ganoon talaga kapag nagmamahal, ayaw napapagod ang minamahal n'ya. Tingnan mo ang asawa ko, ayaw na ayaw no'n na pinapakilos ako." ani Chacha.
Kumunot ang noo niya. Parang gustong sumabog ng eardrums niya sa sinabi nito.
"Ano? Anong nagmamahal? Walang ganoon, okay?" aniya.
"Oo nga naman. Walang ganoon." Sang-ayon ni Panyang, pero kita niya ang pagsenyas nito sa buntis sa pamamagitan ng mga mata nito.
"Teka nga, mayroon ba akong hindi alam?" panghuhuli niya sa mga ito.
"Uy ah, wala akong alam diyan." Ani Abby.
"Lalo na ako." si Myca.
"Ewan, baka itong si Panyang." Turo naman ni Allie sa huli.
"Bakit ako? Wala akong alam." Tanggi naman nito.
"Huwag ka sa akin tumingin, Adelle. Ambot man! Wala ako kabalo diri!" ani naman ni Madi.
"Ano daw?" naguguluhang tanong niya.
"Anak ng tilapia naman oh! Hindi ka kaya namin maintindihan." Ani Panyang kay Madi. "Paki-translate naman please."
"Ang sabi ko, Ewan ko. Wala akong alam diyan. Ay sus, na-praning naman agad kayo." sabi ni Madi.
Napabuntong-hininga siya. Mas mababaliw pa yata siya sa mga ito kaysa sa amo niya.
"In fairness, super guwapo ang amo mo. Impossible naman na hindi ka na-attract sa kanya." singit naman ni Olay.
"H-hindi nga." halos magkandautal niyang sagot.
"Weh? Hindi daw? Ano ka? Manhid? Huwag mo nang agawin ang titulo ni Victor." Ani Panyang.
"Hep, noon 'yun. Hindi na manhid ang pare ko ngayon. Sobrang mahal na mahal kaya ako no'n." pagtatanggol ni Abby sa nobyo.
"Oo na nga."
"Hindi nga. Wala akong naramdaman." Ulit niya.
"Sa sitwasyon mo, delikado ang puso mo. Kapag iyan tumibok ng mabilis. Patay ka!" ani naman ni Madi.
"Tama," sang-ayon naman ni Panyang.
Bigla niyang naalala ang kanina'y naramdaman niya habang naglilinis siya ng kuwarto ni Jared, nang maisip niya ang binata na nakangiti sa kanya. Bigla ay tumibok ang puso niya ng mabilis.
Hindi! Hindi mangyayari 'yon! Kundisyon pa niya sa isip.
"Kapag tumibok ang puso! Wala ka ngmagagawa kundi sundin ito! kapag tumibok ang puso! Lagot ka na! Siguradong hulika!" sabay-sabay ng kanta ng mga ito.