Chapter Two

2389 Words
"ANO? PAYAG ka na ba sa gusto ko?" tanong sa kanya ni Jared. Salubong ang kilay na tiningala niya ito. Padabog na tumayo siya mula sa pagkakaupo sa tiled floor ng art gallery nito. "Kapag sinabi ko bang hindi papayag ka?" mataray niyang balik-tanong niya dito. Tila nang-aasar pang ngumiti ito ng matamis saka umiling. "Hindi." Sagot nito. "Iyon naman pala eh. Bakit mo pa ako tinatanong?" "Wala lang," sagot ulit nito. "Buwisit!" nanggigigil na wika niya dito. "Hep Hep Hep! Ceasefire!" awat sa kanila ni Panyang. "Sinasabi ko na nga ba't wala kang gagawing maganda sa buhay ko eh. Kaya ba wala akong katiwa-tiwala sa'yo!" patuloy pa niya sa pagtutungayaw. "Friend, awat na." ani Aubrey. "Ikaw. Ikaw ang may kasalanan nito eh. Sabi ko na sa'yo na ayokong pumunta dito. Kita mo na nangyari." Sermon naman niya sa kaibigan. "Adelle naman eh, malay ko bang mangyayari 'yon." Naiiyak sa sagot nito. "Why are you blaming others for your own fault?" si Jared. "Kung nag-ingat ka lang sana, hindi mangyayari ang lahat ng ito." "Tse! Huwag mo akong kausapin! Ayaw kitang kausap!" Lalo siyang naiinis sa isang ito. Bakit ba siya napasok sa ganitong klaseng gulo? Kung nanahimik na lang sana siya sa laundry shop niya. Siguradong kumita pa siya. Hindi kagaya dito, nagmagandang loob na nga siyang samahan ang kaibigan. Nagkautang pa siya na milyon ang halaga sa isang iglap. Diyos ko! Mababaliw na yata ako! "Uuwi na ako!" sabi na lang niya. "Teka Adelle, mamaya na." pigil sa kanya ni Aubrey. Halos umusok ang ilong niya sa narinig. "Maglakad ka pauwi! Basta ako uuwi na! Minamalas ako dito!" Hindi na siya nagpapigil pa. Walang lingon-likod na naglakad siya palabas ng gallery. Hindi siya makakapayag na maging tsimay ng isang Jared Bandonillo. At kapag mangyari man iyon. Sisiguraduhin niyang magiging impyerno ang buhay nito sa kanya. "MAMA naman eh! Papayag kayong gawin akong tsimay n'on?" pagmamaktol pa niya sa Ina. "O sige, huwag kang pumayag sa gusto niya. Ang tanong, may two point eight million pesos ka bang ibabayad sa kanya?" kalmadong tugon ng Mama niya. Hopeless na napasalampak siya ng upo sa sofa. "Kainis naman kasi eh!" "Anak, relax ka lang kasi. Ano ba naman 'yung dalawang buwan na magtitiis ka? Mabuti nga't iyan lang ang hininging bayad sa'yo eh. Hindi ka pa dinemanda." Anang Mama niya. "Bakit kayo ganyan Mama? Hindi ba dapat kayo ang unang-unang magagalit?" tanong niya. "Magagalit ako kung pangit ang papasukan mo. Eh ang kaso'y kaguwapo ng batang iyon. Bagay na bagay kayong dalawa, anak. Kung siya ang magiging manugang ko, siguradong ang gaganda at kagaguwapo ng mga magiging apo ko." Mahabang sagot pa ng Mama niya. "Mama naman eh!" Tumawa lang ito. "Anak, mabuti nang mangyari ang ganito. Baka mamaya kapag hinintay kitang kumilos, uugod-ugod na ako. Hindi ko pa rin nagigisnan ang mga apo ko. Aba'y mukhang wala kang balak mag-asawa." "Magma-madre na lang ako kung kay Jared din lang ako babagsak." Naiinis na wika niya. "Ay hija, huwag kang magsalita ng tapos." Paalala ng Ina. "Saka sayang ang matris mo, Anak. Nag-iisang anak na nga lang kita, hindi pa mapapakinabangan 'yan. Aba, baka lumutin lang 'yan." Napakamot siya sa sentido. Pati sa Mama niya, nakukunsumi na rin siya. Kahit na may edad na ito ay daig pa niya kung mag-isip. Kunsabagay, matagal na nga rin siya kinukumbinsi nitong mag-asawa. Iyon nga lamang, wala siya talagang nagugustuhan sa nanliligaw sa kanya. "Mama, twenty nine pa lang ako. Iyong iba nga diyan eh, halos kuwarenta anyos na kapag nag-aasawa." Katwiran pa niya. "Sila 'yun. Ayokong lisanin ang mundong ibabaw nang hindi ko nakikita ang mga apo ko." "Ang kulit mo, Mama." "Tse! Tsaka malay mo, may gusto sa'yo si Jared kaya n'ya ginagawa 'yun. Dream come true pa ako!" anang Mama niya. Kunot-noong tinitigan niya ang Ina. "Ma, hindi kaya kayo ang may gusto kay Jared. Parang daig n'yo pa si Aubrey." Aniya. "Susmaryosep na bata ka! Manghilakbot ka nga sa sinasabi mo!" "Ikaw kasi eh," usal niya. "Pengkum ka talaga, Anak." Napahagalpak siya ng tawa. Hindi niya kasi akalain na pati ang 'pengkum' na pauso ng mga bata sa Tanangco ay gagayahin din nito. Ang Mama ko, pasaway talaga... napapailing na wika niya sa isip. Hangga't hindi pa nag-uumpisa ang penetensya niya. Minabuti na lang muna niyang bumaba sa hardin nila at diligan ang mga tanim niyang halaman. Napangiti siya nang makita ang mga maliliit at cute na piti mini roses na iba't iba ang kulay. Nakaka-relax talaga kapag tumitingin siya sa mga bulaklak na iyon. Kakaiba nga daw ang bahay nila ayon na rin sa mga tao doon. Dahil kung sa paligid nila ay puro gawa sa semento ang mga bahay. Ang sa kanila ay hindi. Yari ang bahay nila sa kawayan. Istilong pang probinsya ang pagkakayari niyon. Open ang mga bintana kaya malayang nakakapasok ang hangin. Kaya't presko din sa buong kabahayan. Idagdag pa ang mga halaman nila sa hardin. And she's proud to say na sa buong Barangay nila, sila lamang ang may ganoong bahay. Naputol ang pagmumuni-muni niya nang bigla siyang tawagin ng Ina. Sumilip ito sa binatana. "Hoy Adelaida, tumawag na naman si Lorna." Anang Mama niya na ang tinutukoy ay ang Assistant niya sa Laundry Shop. "Bakit daw ho?" "Bumigay na naman daw 'yung isa sa mga kakarag-karag mong washing machine." Sagot nito. "Sige po, pupunta na ako doon." "Sus, ikaw na naman ang kakalikot noon. Manong ipagawa mo sa tunay na marunong gumawa niyon. Hindi iyon ikaw na kababaeng tao eh." "Mama, sayang naman ang ibabayad sa mekaniko. Puwede ko naman gawan ng paraan." Sagot niya. "Naka! Ka-kuripot talaga nitong Anak ko." "Nagtitipid lang po." "Basta hindi mo sa akin namana 'yang kakuriputan mong 'yan ah?" "Oo na nga po. Kay Papa na ako nagmana." Sang-ayon na lang niya para tumigil ang Mama niya sa kakakulit sa kanya. "Punta po muna ako sa Laundry Shop." Lalabas na lamang siya sa gate nang may pahabol pa ang Mama niya. "Anak, baka makasalubong mo 'yung future manugang ko. Eh ikumusta mo na lang ako, ha?"  Napakamot siya sa ulo. "Ang Mama talaga," bulong niya. "ANO BA naman?! Kagabi pa ako minamalas ah!" reklamo niya sabay bagsak ng hawak niyang screw driver. "Buwisit kasi! Malas talaga siya sa buhay ko!" patuloy niya. "O sino na naman ang kaaway mo?" napalingon siya sa nagtanong na iyon. Isang Panyang at Abby ang nakita niyang nakatayo sa may likuran niya. "Kanina pa ba kayo diyan?" tanong niya. "Hindi naman. Mabuti hindi nagsalita iyang washing machine na mini-murder mo." Sagot ni Panyang. "Anong murder? Sinasalba ko nga ang buhay n'ya eh." "Alam mo? Base sa hitsura n'yang washing machine mo. Mukhang mas gusto na n'ya mamahinga kaysa magpasalba." Ani naman ni Abby. Napanguso siya. May katwiran naman kasi ang mga ito. Siya lang talaga ang may ayaw i-dispose iyon. Puwede pa naman kasing pagtiyagaan. Kahit na ba tagpi-tagpi na 'yun ng electrical tape. At halos nangangalawang na ang kalahati ng katawan ng washing machine na iyon. Mahal na mahal niya iyon. "Eh, sayang kasi iyong naipon ko kapag nagkataon. Ang mahal mahal ng brand new washing machine." Depensa niya. "Sus, ang sabihin mo kuripot ka talaga." Sabi ni Panyang. "Hey, you're here! At last I found you. Kanina pa kita hinahanap eh." Anang bagong dating na si Jared. Automatic na sumimangot siya. Ngunit parang gusto niyang ngitian ito bigla. Daig pa niya ang nakakita ng aparisyon. He looks cute on his black board shorts and white sando. Naka-baseball cap pa ito na nakasuot ng pabaliktad, kaya mas lalong naging cute ito. With that killer smile of his, that makes every girl's heart melts. Agad siyang natauhan nang biglang umukilkil sa utak niya ang napipintong maagang penetensya niya sa piling nito sa loob ng dalawang buwan. Sumimangot ulit siya. "Ano na namang ginagawa mo dito? Puwede ba? Minamalas na ako simula pa kagabi." Pagtataray pa niya dito. "Dagdagan natin. I think I forgot to tell you that today is your first day as my housemaid. Kaya ano pang ginagawa mo? Halika na sa bahay at may ipapagawa ako sa'yo." Dire-diretsong sabi nito. Lalong nag-init ang ulo niya. Base sa himig ng salita nito, tila ba pinapahiwatig nito na talagang wala siyang ibang choice kung hindi ang sumunod na lang. "Ang galing mo talaga," pilit niyang pinakalma ang tinig niya. "I know." "Ang galing mong mang-buwisit ng tao!" sigaw niya dito. " I know that too," lalo pang pang-iinis sa kanya nito. "Grrrr! Makakaganti din ako sa'yo! Tatandaan mo 'yan!" "Okay. Teka, ano ba 'yan kinukutingting mo diyan? Ayaw pa kasing palitan eh." Anito sabay dampot ng screw driver na kanina'y binagsak niya. "Nangingialam ka!" angil niya. "Amina nga 'yan! Ako nang gagawa at nang matapos na." ani Jared sabay salampak ng upo sa semento. May ilang ginalaw ito sa makina ng washing machine tapos konting pukpok. Pagkatapos ay tumayo ito. Nang tinesting nito ang washer. Umikot iyon. In short, nagawa nito ang kanina pa niya sinusubukang kumpunihin. "Ayan ha? Gawa na ang antique mo. Siguro naman hindi na ako malas sa buhay mo. Slight na lang." Anito. "Oo na. Salamat!" "Walang anuman. O paano? Tara na! May ipapagawa ako sa'yo." Anito sabay talikod. "Sumunod ka na agad sa akin ha?" pahabol pa nito. "Opo Senyorito!" pang-aasar niya dito. "Bilisan mo, Inday!" Napasigaw siya lalo sa sobrang inis. Napamura siya ng wala sa oras. "Gaganti talaga ako sa'yo!" Ang Panyang at Abby ay may makahulugang ngiti nang lumabas ang mga ito. Pero hindi para uriratin pa niya ang trip ng dalawang iyon. Basta ang mahalaga sa kanya, makaganti sa Jared Bandonillo na iyon. "TAO PO!!!" sinadya niyang lakasan ng todo ang boses. Isang nakasimangot na Jared ang lumabas mula sa loob ng bahay nito at saka siya pinagbuksan ng gate. "Kung makasigaw ka akala mo may sunog ah." Anito. "Malay ko ba kung nabingi ka na... sana." "Masyado kang mataray para sa isang may utang ng dalawang milyon mahigit." Ani Jared. "Eh ano," bulong niya. Pinagbuksan siya nito ng gate. Pagpasok niya ay agad siyang hinarap nito. Mukhang hindi pa rin maganda ang mood nito. "You better be nice to me, lady. Let me remind you na ikaw ang may utang sa akin. You ruined my masterpiece, kaya wala kang karapatang mag-reklamo. O baka gusto mong sa korte na lang tayo magkita? Susunod ka sa lahat ng gusto ko. O puwede ko ring dagdagan ng tatlong buwan pa ang pagsisilbi mo." Mahabang litanya ito. "Tinatakot mo ba ako?" hamon niya dito. "Hindi. Sinasabi ko lang sa'yo ang kaya kong gawin." Sagot nito sabay talikod. "Sumunod ka sa akin." Napapikit siya sabay hinga ng malalim. Mukhang mapapasubo nga yata siya sa pakikisama sa isang ito. Dapat na yata niyang tigilan ang pagtataray dito. At kahit na labag sa loob niya ang pinapagawa nito. Tungkulin niya ang sumunod. Tama, kaysa naman mademanda pa siya. Walang salitang agad siyang sumunod dito sa loob ng bahay. Pagpasok niya ay bumungad sa kanya ang magandang istruktura ng bahay nito. Ang mga gamit nito ay pawang mga mamahalin. Kabi-kabila din ang painting na nakasabit sa lahat ng parte ng dingding nito. Well, hindi na kataka-taka iyon dahil pintor nga ito. Pero base sa mga nakikita niya. Karamihan ay kulay itim ang mga gamit nito. Hahanga na sana siya sa ganda ng bahay nito. Maliban na lang sa mga kalat nito sa paligid. May mga nakasampay na damit kung saan-saan. May mga empty bottle of beers sa ibabaw ng center table. Madumi in short. Mukhang kailangan nga nito ang maglilinis. Iyon nga lang, mukhang siya ang natiyempuhan nito. "Bahay ba 'to? Mas mukha siyang bodega." Komento niya. "Dito sa kusina." Sa halip ay sabi nito. Sumunod na lang siya dito at hindi na nagsalita pa. Baka masungitan na naman siya ng timawang ito. "Hugasan mo 'yung pinagkainan ko." Anito. "Opo, senyorito." Halos magsalubong ng husto ang dalawang kilay niya nang makita ang dami ng huhugasan niya. Nang-iinis ba 'to o talagang nananadya? Ang iniuutos nitong hugasan niya ay isang platito at isang pirasong tinidor. Naman! Hindi kaya bigla siyang hikain sa sobrang pagod? "Nang-iinis ka ba?" "What? Hindi ba sabi ko wala kang gagawin kung hindi ang sumunod lang sa lahat ng sasabihin ko." Ani Jared. "Now, ang sabi ko. Hugasan mo 'yan." Wala siyang nagawa kung hindi ang mapakamot na lang sa ulo. Mababaliw yata siya talaga sa lalaking ito. Kumbaga sa paglalaba, kinulang sa kula ang taong ito. Ka-lhorky!!! Sigaw niya sa isip. Ilang sandali lang ang lumipas nang matapos niya ang pinapagawa nito. "Maglilinis lang ako doon sa sala mo." Aniya. "Maupo ka." sabi nito nang hindi siya tinitingnan. Abala ito sa pagbabasa ng broadsheet habang nagkakape. Sumunod siya. Naupo siya sa kaagapay na silya. "Magpahinga ka muna, baka napagod ka." Anito. Gusto yatang lumagpas ng isang kilay niya sa noo niya. Kung hindi lang talaga sa kasalanan sa Diyos. Nahampas na niya dito ang silyang inuupuan niya. Sure siya, kapag nagtagal siya dito. Malamang na masiraan siya ng ulo dito. "Sa tingin mo ba nakakapagod maghugas ng isang pirasong platito at tinidor?" naaasar na wika niya. "Salaksakin kita ng tinidor sa lalamunan eh." Bulong pa niya. "You're saying something?" "Oh no, your highness. Wala po akong sinasabi." Eksaheradong sagot niya. "Good. Coffee. Gusto mo?" tanong nito. Sasagot pa lang siya ng hindi nang bigla itong tumayo at kusa itong nagtimpla ng kape tapos ay binigay sa kanya. "Hindi ba dapat ako ang gumawa nito sa'yo? Kaya mo nga ako kinuha para maging katulong mo." Aniya. "Basta, huwag mo na lang akong kontrahin." "Jared, este Senyorito. Kung may ipapagawa ka, ipagawa mo na. Hindi iyong nakatunganga lang ako dito. Paano ako makakabayad ng utang ko sa'yo kung ganitong magbubutas lang pala ako ng bangko dito?" wika niya. "Mas marunong ka pa sa akin." Katwiran nito. "Ah basta, kikilos ako dito. Kung anong makitang kong gagawin. Ayokong masayang ang oras ko dito. Tsaka ipapaalala ko rin sa'yo, may negosyo din akong pinapatakbo. Kahit na pobre lang ang laundry shop ko, mahal ko 'yun." "Sa lahat ng maid, ikaw ang ma-katwiran." "Eh wala kasi akong ginagawa dito." "Basta, huwag kang kikilos hangga't hindi ko sinasabi. Mag-relax ka lang diyan. Maliligo lang ako kasi may lakad ako." ani Jared. Hindi na siya hinayaan pa nitong makasagot dahil sinabakan na naman siya nito ng talikod sabay akyat sa silid nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD