"HOY! BAKIT ka ba hindi mapakali diyan?" tanong sa kanya ni Lorna habang pabalik-balik siya sa paglalakad.
Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin siya nakakapag-decide kung sasama ba siya sa pupuntahang painting exhibit ni Jared. Hindi naman sa ayaw niya. Ang sa kanya lang, nalilito siya. Gusto niyang sumama pero palagi niyang naiisip ang kaibigan niya.
Nangako siya dito na hinding-hindi mahuhulog ang loob niya sa binata. Pero anong nangyari? Kinain niyang lahat ng sinabi niya dito. Sinira niya ang pangako sa kaibigan niya. Kung ganoon nga lang kadali na pigilan ang damdamin niya para sa binata.
"Eh kasi eh..."
Hindi niya alam kung dapat ba niyang sabihin ang dilemma niya kay Lorna.
"Ano nga? Sabihin mo sa akin kung anong problema mo, malay mo makatulong ako." anito.
Huminga siya ng malalim saka hinanda ang sarili. Malaki ang posibilidad na pagtawanan siya nito.
"Si Jared eh."
"O? Ano si Jared? Ginahasa ka ba?"
"Hindi ah! Gaga! Niyaya niya ako kagabi, gusto daw niya akong isama sa painting exhibit ng kaibigan niya."
Nagulat pa siya nang bigla itong tumili.
"Oh my God! Niyaya ka n'yang mag-date?!" malakas ang boses na wika nito.
Sa isang iglap ay nasa loob na ng Laundry Shop niya sila Myca, Abby, Allie, Madi, Panyang at si Chacha na hawak ang balakang habang naglalakad.
"Ano nga 'yung narinig namin? Tama ba? May date kayo?" tanong agad ni Madi pagpasok nito sa loob.
"Sinong may date? Kayo ni Jared?" nanlalaki ang matang tanong din ni Panyang.
"Sabi na nga ba eh," ani Myca.
"The more you hate, the more you love." Dugtong ni Abby.
"Goodluck then," ani naman ni Chacha.
Nasapo niya ang noo saka inambaan ng sabunot si Lorna. Sukat ba naman kasing tumili at isigaw ang sinabi niya dito.
"Hindi date 'yun, okay? Nagpapasama lang siya sa painting exhibit ng friend niya." Pagtatama niya sa mga ito.
"Sus, pinasimple mo lang eh. Ganoon na rin 'yun." Sabad pa ni Lorna.
"Right." Sang-ayon ni Chacha.
"Besides, what's wrong in going on a date with Jared? He is handsome. You're beautiful. Bagay kayo." dagdag ni Allie.
"Right again," sang-ayon naman ni Myca.
"I can't." mahinang usal niya.
"Why not?" tila naguguluhang tanong ni Allie.
"May masasaktan," sagot niya.
"Sino?"
"Si Aubrey. Gusto niya si Jared."
"Aubrey who?" tanong ni Abby.
"'Yun ba 'yung taga-kabilang street na kaibigan mo?" si Madi.
Tumango siya.
"Hindi naman siya gusto ni Jared ah," sagot ni Panyang.
"Paano mo nalaman?" tanong niya dito.
"Hay naku girl, kilala ko 'yang si Jared. Kapag may gusto 'yan, gagawa at gagawa 'yan ng paraan para makausap niya ang babaeng gusto niya. Eh halos hindi nga siya tumitingin sa iba." Paliwanag ni Panyang.
"Eh teka nga, bakit ba kung umarte ka diyan akala mo gulong-gulo ka? Kung talagang ayaw mo sumama, 'di wag!" wika ni Madi.
"Correct. Unless, magkakaganyan ka kung in love ka na sa kanya." tila balewalang dagdag ni Chacha.
"OMG!" sambit ni Myca sabay tutop sa bibig niya.
"You're in love with Maestro J," dugtong ni Abby.
Sunod-sunod na napailing siya. "Ayoko. Hindi puwede. Kahit pa sabihin pa natin na walang gusto si Jared sa kanya. Mahal siya ni Aubrey. And I promised her na hinding-hindi mahuhulog ang loob ko sa kanya." wika niya. "Pipigilan ko 'to."
"Ako na nagsasabi sa'yo, hindi mo mapipigilan 'yan." Si Madi.
"Yeah. You listen and you listen to us carefully. Wala kang laban diyan, mahirap kalaban ang puso. Para kang bumabangga sa pader." Sabi ni Panyang.
"Pero masasaktan siya," sambit niya.
"Kailan ba nagmahal ang isang tao ng hindi siya nasaktan?" ani Panyang. "Alam mo Girl, lagi ko na lang naririnig ang mga ganitong advice. Kaya uulitin ko na lang. Kapag nagmahal ka, dapat handa ka ring masaktan. Kambal 'yun."
"Tama! At 'yan ang sabihin mo sa kaibigan mo." Singit ni Lorna sa usapan.
"Ano 'yun? Ipagtutulakan mo ang kaibigan mo kay Jared. Without knowing na ikaw pala ang gusto nung isa. Sinaktan mo na siya, sinaktan mo pa ang sarili mo. Bongga!" dagdag ni Allie.
"And seriously speaking, just go with flow. Huwag mong pigilan kung ano man ang nararamdaman mo." Seryosong wika ni Chacha.
Tumanim sa isipan niya ang mga sinabi ng mga ito. Wala naman sigurong mawawala kung sasama siya kay Jared. At nagkaka-aminan na rin lang. Sige, aaminin na niya. Gusto niyang makasama ang binata.
"So, ano na? Sasama ka ba sa kanya? O sasama ka?" tanong ni Madi.
Ngumiti siya. "Sasama na po," sagot niya.
"Hay! Ang daming sinabi, sasama ka rin pala." buntong-hininga ni Allie.
"At least, umamin siya." Ani Myca.
"Ayun naman," parang tamad na tamad na sabi ni Panyang.
"Tara na girls, alam na natin ang lihim ng Kuskos-Piga Laundry Shop." Ani Madi.
"Ayun naman," sambit ulit ni Panyang.
"Hoy Pamela Anastaciang 'Praning' Aramburo Cagalingan! Halika na!" sigaw dito ni Madi, sabay hila dito.
Parang naka-droga na nagkunwaring tulala ito at dilat na dilat ang mga mata.
"Ayun naman," anito habang palabas ng Shop niya. "In love na siya."
Hanggang sa mawala sa paningin nila ang mga ito ay wala silang tigil sa kakatawa. Ibang klase talaga ang kamandag ng kabaliwan nitong si Panyang. Nawala tuloy bigla sa kanya ang kanina'y kaba at pagkalito. Matapos niyang makausap ang mga ito, naging kampante siya. Napanatag ang kalooban niya.
Kung ano man ang mangyayari sa hinaharap. Handa siyang panindigan. O kung dumating na ang panahon na malaman ni Aubrey na may nararamdaman na rin siya sa binata. Sana'y maintindihan nito, na hindi rin niya sinasadya na mahulog ang loob kay Jared Bandonillo.
WALANG TIGIL ang pagkabog ng puso niya habang naglalakad siya patungo sa bahay ng binata. Alam niyang naroon ito at naghihintay ng kasagutan niya.
Kung bakit ba naman kasi ang dami naman diyan na puwedeng yayain, siya pa. Namroblema tuloy siya ng wala sa oras.
"Kaya mo 'yan Adelle, relax!" kausap pa niya sa sarili.
Bumuntong hininga pa siya bago niya binuksan ang gate saka diretsong pumasok sa loob ng bakuran. Pagpasok niya sa loob ng sala ay agad na lumipad ang tingin niya sa bandang likod ng bahay nito. Dahil naroon ang pakay niya. Ngunit natulala na siya ng tuluyan nang makita ang mga muscles nito na naghuhumiyaw habang tumutulo sa hubad na dibdib nito ang pawis pababa sa may tiyan. Nagbubuhat kasi ito ng dumbbell ng mga oras na iyon.
Napalunok siya. Parang bigla yatang nanuyo ang lalamunan niya. Gustong-gusto niyang ibaling ang tingin sa ibang direksiyon ngunit tila may kung puwersa ang pumipigil sa kanya.
Diyos ko po, ilayo po Ninyo ako sa tukso...
Napakurap lang siya nang bigla itong lumingon sa gawi niya. Automatic na ngumiti ito sa kanya. Tumayo ito saka kinuha ang towel na nakasampay sa backrest ng isang silya pagkatapos ay pinunasan nito ang pawis nito. Parang gusto niyang maging towel na lang ng mga oras na iyon.
Lihim niyang sinaway ang sarili sa mga kalokohang iniisip niya.
Adelaida, tumino ka nga...
"Adelle, kumusta?" tanong ni Jared sa kanya.
"Okay lang,"
"Have you thought about it?" tanong ulit nito.
Patay-malisyang kumunot ang noo niya. "Ha? Ang alin?"
"About the one that I told you last night."
"Ah! 'Yung tungkol sa painting exhibit ng friend mo." Aniya.
Tumango ito.
"Hindi ba nakakahiya? Wala naman akong kakilala doon, baka mamaya magkalat na naman ako doon gaya ng ginawa ko sa exhibit mo."
Ngumiti ito. Nagulat pa siya nang biglang gagapin nito ang isang kamay niya at ikulong iyon sa mga palad nito.
"You don't have to worry, Adelle. You have me. I won't leave you."
Tumagos sa puso niya ang sinabing iyon ng binata. Tila kaylalim nang ibig nitong ipakahulugan. Parang pang habang buhay ang ibig nitong sabihin sa mga katagang iyon. And she felt good afterwards. Nagkaroon ng kapanatagan ang puso niya.
"O-Okay, sabi mo eh. Sige, sasama na ako." sagot niya.
"Yes!" tila sobrang sayang wika nito.
"Kaso wala akong isusuot." Sabi niya.
"Wala kang dapat na ipag-alala, boy scout yata ako. Nakahanda na 'yan." Sagot nito. Binitawan nito ang kamay niya saka patakbong umakyat sa silid nito. Ilang sandali pa ang lumipas ng lumabas ito bitbit ang isang paper bag.
"Here," anito sabay abot sa kanya.
"Ano naman 'to?" tanong niya. Kinuha niya ang paper bag. Nang ilabas niya ang laman niyon ay isang black above knee-length dress ang bumungad sa kanya. Napatunganga siya sa ganda ng damit. Naisip kaagad niya kung nababagay ba sa kanya iyon. Parang masyado itong sosyal para sa kanya.
"Do you like it?" tanong nito.
"Oo naman. Kaya lang, mukhang mahal itong damit." Sagot niya.
"It doesn't matter. Ang importante, kasama kita. And I'm sure na bagay sa'yo 'yan." Anito. "Maganda ang damit na 'yan, kasingganda ng magsusuot."
Napipilan siya sa sinabi nito. Lihim niyang kinagat ang ibabang labi. Gusto niyang ngumiti dahil sa tinuran nito. Pero pinigilan niya, ayaw niyang ipahalata nito na kinikilig siya sa papuri nito sa kanya.
"Weh? Ito naman, nangbola ka pa talaga ha? Pumayag na nga akong samahan kita eh." Sagot niyang dinaan na lang sa biro.
Tumawa lang ito. "Hindi ako marunong mangbola."
"Oo na! O paano? Ilalapag ko na muna ito dito at may gagawin pa ako sa kusina."
Akma niyang ilalapag ang paper bag na hawak niya nang pigilan siya ng binata.
"No. Go ahead. Huwag mo na munang isipin ang mga gawain mo dito. Magpahinga ka na muna, ako nang bahala dito sa bahay." Wika nito.
"Sure ka?"
"Yup."
"Okay. Pero kung may kailangan ka tawag ka lang, ha?" sabi pa niya.
Tumango ito. Bago pa niya mapihit ang seradura ng pinto ay muli na naman siyang pinigilan nito.
"Adelle, wait."
"Hmmm?"
"I'll pick you up at seven thirty."
"Okay. Thanks ha? Para dito sa damit."
"You're welcome,"
Tumango lang siya saka ngumiti bago lumabas ng tuluyan sa bahay. Pilit niyang pinakalma ang sarili dahil kanina pa walang tigil sa pagkabog ng malakas ang dibdib niya. Ayaw muna niyang kumpirmahin ang kakaibang nararamdaman niya para kay Jared. Gusto muna niyang samantalahin ang pagkakataon na makakasama niya ito. Gusto niyang pagbigyan ang sarili na sumaya kahit na sandali sa piling ng lalaking natutunan nang kilalanin ng kanyang puso.
DAIG PA NIYA ang teenager na kabadong kabado habang hinihintay ang pagbaba ni Adelle. Naroon siya sa bahay ng dalaga, sinundo niya ito para sa painting exhibit na dadaluhan nila sa gabing iyon. Pakiramdam niya ay sa isang JS Prom ang punta nila.
Jared had been dreaming of this moment for a long time. To be with the love of his life is such a dream come true.
Tama. Matagal na siyang may gusto kay Adelle. Hindi na niya matandaan kung kailan niya unang naramdaman na gusto niya ang dalaga. Lamang, hindi siya pinapansin nito simula pa noon. Isang tamang magkakilala lang ang tanging relasyon nila sa isa't isa. Kaya't nagkasya na lamang siya na tingnan ito mula sa malayuan. At ngayon nga na nagkaroon na siya ng pagkakataon na maging malapit dito, hinding-hindi na niya bibitawan ang sandaling iyon.
"Naiinip ka na ba?" untag sa kanya ng Mama ni Adelle.
Napangiti siya saka parang batang napakamot sa batok, masyado yata siyang obvious.
"Eh, hindi naman po."
"Pasensiya ka na sa anak ko. Hindi naman dati matagal magbihis iyon."
"Okay lang po."
"Ikaw nang bahala kay Adelle." Bilin nito.
"Makakaasa po kayo."
Nabaling ang atensiyon nila nang biglang bumukas ang pinto ng silid nito. Para siyang namatanda nang makita kung gaano ito kaganda na suot ang binigay niyang damit dito. Salamat kay Panyang na hiningian niya ng tulong para makapili ng kung anong bagay kay Adelle.
She looks absolutely gorgeous, wearing that black dress. Simple lang ang ayos ng buhok nito, nakalugay iyon at may isang maliit na clip sa gilid. Pati ang make-up nito ay simple rin pero lalong tumingkad ang ganda nito. Jared knew from that moment, kahit na wala pa sila sa venue. Si Adelle na ang pinakamagandang babae sa gabing iyon.
"H-hi," kandautal na bati niya.
"Hi, pasensiya ka na kung napaghintay kita." Anito.
"Okay lang," usal niya. "By the way, you look gorgeous."
"Talaga? Salamat. Ikaw rin. Bagay sa'yo ang suot mo."
He's wearing a black suit with a light blue longsleeve inside the coat.
Hindi na siya nag-necktie.
"Thanks. So, let's go?"
May ngiti sa mga labing tumango ito. Daig pa ni Jared ang tumama sa lotto. Ang mangitian nito ay isang malaking bagay na sa kanya. Palagi na lang kasi siya nitong tinatarayan.
"Okay. Ma, alis na po kami." Paalam pa nito.
"Oo sige, mag-iingat kayo. Jared, mag-ingat sa pagmamaneho." Bilin ulit nito.
"Opo, ako pong bahala."
Hindi alam ni Jared kung hanggang saan siya dadalhin ng damdamin niya para sa dalaga. Sa ngayon ay hindi na muna siya mag-iisip ng kung anu-ano. Ang mahalaga sa kanya sa sandaling iyon ay kasama niya ang babaeng lihim na tinatangi ng puso niya sa loob ng mahabang taon. At ipinapangako niya na ipaparamdam niya dito sa gabing iyon kung gaano ito ka-espesyal sa kanya.