LAKING PASALAMAT ni Adelle ng makitang naroon sina Panyang at Roy. Kaibigan din pala ng huli ang painter na kaibigan din ni Jared. Ipinakilala siya nito at napag-alaman niyang ito pala si Mauritius Augustus. Humahabol ito sa katanyagan ni Jared bilang isang pintor.
Pagdating nila doon sa Art Gallery na pag-aari ni Jared, sinalubong sila ng mga babaeng may masasamang tingin sa kanya. Hindi alam ni Adelle kung bakit pero may pakiramdam siya na kulang na lang ay sugurin siya ng mga babaeng iyon at sabunutan siya. But somehow, she felt proud. Sa dinami-dami ng alam niyang nagkakagusto kay Jared, siya ang napili nitong isama sa gabing iyon para maging date nito.
“Are you okay?” untag ni Jared sa kanya. naramdaman pa niya nang bahagya nitong pinisilin ang isang kamay niyang nakahawak sa isang braso nito.
“Oo. Kaso ang sama ng tingin sa akin ng ibang babae dito.” Sagot niya.
He chuckled. “Huwag mo silang pansinin. Hindi kasi nila matanggap na mas maganda ka sa kanila. Tapos ako pa kasama mo.”
Natawa siya. “Yabang.”
“No. Seriously, huwag mo silang alalahanin. Hindi ka nila puwedeng galawin hangga’t narito ako sa tabi mo.” Seryosong wika nito.
Ngumiti siya. Nakadama siya ng kapanatagan ng loob. Dahil sa puntong iyon, alam niyang hinding-hindi siya nito pababayaan.
“You look good together.”
Napalingon sila sa nagsalitang iyon. Ang mag-asawang Panyang at Roy.
“Pare,” bati ni Jared sa huli.
“Mabuti naman at sinama mo si Panyang, Roy. Baka kuyugin ako ng mga babae dito.” Aniya.
“Sus, huwag mo ngang pinag-iintindi ‘yang mga hitad na ‘yan. Inggit lang sila kasi mas mukha kang tao kaysa sa kanila.” Ani Panyang.
“Tiningnan na ba ninyo ang mga paintings ni Mauritius?” tanong ni Roy.
“Nope. We just got here.” Sagot ni Jared.
“Tara, let’s check out the whole place.” Yaya sa kanila nito.
Habang naglalakad sa buong art gallery, hindi maiwasan ni Adelle na balikan ang nangyari sa lugar na ring iyon. Ang dahilan ng lahat kung bakit kasama niya ang binata ng sandaling iyon. Hindi pa rin nito binibitiwan ang kamay niya. Parang sinasabi nito na kahit kailan ay hindi siya nito iiwan.
Tiningnan ni Adelle ang bawat larawan na nadadaanan nila. Maganda ang mga iyon, pero para sa kanya. Mas maganda pa rin ang mga gawa ni Jared. Mas may buhay ang bawat mga larawang pinipinta nito. Bigla ay naalala niya ang malaking painting na nakita niya sa painting room ng binata.
Sino nga kaya ang babaeng iyon? Marahil ay napaka-espesyal nito para pagbuhusan nito ng ganoong klaseng panahon at atensiyon para ipinta nito ang mukha ng babae. Alam kaya ng babaeng iyon na napakasuwerte niya. Bigla ay umahon ang kirot sa kanyang puso. Nakaramdam siya ng inggit sa babaeng iyon. Parang mas gusto niyang hilingin na sana’y siya na lang ang nasa posisyon nito. Naghari ang selos sa kanyang dibdib. At hindi niya maintindihan kung bakit kailangan maramdaman niya iyon. Hindi nga ba’t pilit niyang sinusupil ang bilis ng t***k ng kanyang puso para sa binata. Gaya ngayon, ang kaso naman, makulit din talaga ang puso niya. Ayaw paawat.
“Adelle, are you okay?”
Napakurap siya nang maramdaman niyang bahagya nitong pinisil ang kamay niyang nakahawak sa braso nito.
“H-ha? Ano nga ulit ang sabi mo?”
“Ang sabi ko kung okay ka lang?”
Ngumiti siya agad dito. “Oo naman. Okay lang ako. medyo may iniisip lang ako.”
“Kung may problema, sabihin mo agad sa akin.” Anang binata.
Tumango siya.
“Tell me, what do you think about my paintings?” singit ng isang baritonong tinig mula sa kanilang likuran. Sabay-sabay silang napalingon. Si Mauritius nakita nilang naroon.
Nagkamay ito, si Jared at si Roy. Pinakilala ng huli ang asawa nito. At siya, siguradong bilang isang kaibigan siya nito ipapakilala. At parang hindi niya gusto ang ideyang iyon.
“It’s great, Pare. I like them.” Sagot ni Jared.
“A compliment from the great Maestro J. That was big.” Ani Mauritius.
Isang tapik sa balikat ang tanging sinagot ni Jared dito.
“You’re getting better and better, Pare. No wonder na dumating ang panahon na maungusan mo pa itong kaibigan natin.” Wika naman ni Roy.
“Hindi mangyayari ‘yun. Jared will be my superior no matter what.” Sagot nito.
“Masyado mo akong pinupuri, ‘tol. Easy lang.”
Biglang lumipat ang tingin ni Mauritius sa kanya. Isang makahulugang ngiti ang binigay nito sa kanya.
“And who is this lovely lady here?” anito.
“By the way, she’s Adelle.”
“Adelle, what a lovely name. Bagay sa’yo.” Sabi pa sa kanya nito.
Pinigilan niya ang isang kilay niya para tumaas. Medyo may pagkabolero din pala ang isang ito.
“Salamat, sabi din ‘yan sa akin ng Nanay ko.” Pamimilosopo pa niya.
Eksaheradong tumawa si Panyang saka nakipag-apir sa kanya. Napansin din marahil nito na binobola na siya nito.
“Ganyan din sabi ng Lolo ko eh,” wika pa nito.
Pero parang hindi tinablan ng pamimilosopo niya ang isang ito dahil hayun at titig na titig pa rin sa kanya ang damuho.
“If it’s okay with you, Pare.” Anito kay Jared. “Can I borrow her for a moment?”
Hindi man nagsalita ay halatang hindi nito nagustuhan ang sinabing iyon ni Mauritius.
“Ay, talagang borrow? Ginawa mo naman cellphone ang kaibigan ko. Kapag wala ka nang load, ‘Can I borrow your phone? Makiki-text lang ako.’ Echosero!” pagtataray ni Panyang.
“My love, relax.” Saway ni Roy dito.
“Nakakainis eh.”
“Mr. Augustus, I’m sorry but I’m afraid I can’t,” tanggi niya.
“Why? I just want to show you my masterpieces.”
“Jared showed them all already,” sagot niya.
“Besides, Adelle wasn’t just my ordinary date tonight. She’s the special girl the one I’m telling you.” sagot ni Jared.
Halos lahat sila doon sa kumpulang iyon ay napatulala. Tama nga ba ang narinig niya? Siya? Special?
“Really? Give me a proof then.”
Nagkatinginan sila ni Panyang.
“Anong proof?” naguguluhang tanong niya.
Bago pa niya mahulaan ang susunod na kilos ni Jared. Nahigit niya ang hininga at nanlaki ang kanyang mga mata ng bigla siyang hapitin nito sa beywang palapit dito. Pinakatitigan siya nito habang may kakaibang ngiti sa mga labi. May kung ano siyang nabasa sa mga mata nito. Tila may kislap doon.
“Jared,” halos pabulong na sambit niya.
Halos panikipan siya ng hininga nang biglang naglapat ang mga labi nila. Narinig niyang may mga napasinghap sa buong paligid. At kung hindi siya nagkakamali, narinig din niyang napamura si Mauritius.
Dapat sana’y magalit siya at itulak ito palayo. Ngunit para siyang tinulos sa kinatatayuan niya. At sa hindi maipaliwanag na kadahilanan, kusang pumikit ang mga mata niya. And then she thought. Kung siya’y nananaginip sa mga oras na iyon. Parang ayaw na niyang magising pa. She love the feeling to be in his arms. Ayaw na niyang umalis pa sa kung saan siya naroroon.
Wala na siyang magagawa pa sa mga oras na iyon. Kung hindi ang aminin na ito ang sinisigaw ng puso niya. Mahal na niya ito. Mahal na niya si Jared Bandonillo. Ang lalaking pilit na pumasok at nanggulo sa tahimik niyang buhay. Kahit na anong pigil niya, hindi niya naiwasan. Hindi niya nakayanang labanan ang tawag ng pag-ibig.
Biglang naghiwalay ang mga labi nila nang may narinig silang bumagsak at nabasag na tila baso. Ganoon na lang ang ang gulat niya nang makita kung sino ang nakabasag ng baso. Gusto niyang tumakbo palapit dito. Si Aubrey. Nakita nito ang lahat.
Kitang-kita niya ang sakit na bumakas sa mukha nito. Tumulo ang mga luha nito kasabay niyon ay tumakbo ito palabas ng gallery.
“Adelle, Is everything’s okay?” nag-aalalang tanong ni Jared.
“H-Ha? Ah… Oo, teka diyan ka lang muna. May kakausapin lang ako sa labas.” Sagot niya. Hindi na niya hinintay pang magsalita ito. Mabilis siyang tumakbo palabas upang sundan si Aubrey.
“Aubrey!” sigaw niya.
“Sinungaling ka!”
Napalingon siya. Naroon nakatayo sa gilid ng isang kotse ang kaibigan niya.
“Please, let me explain. It’s not what you think.”
“Anong it’s not what I think? Hindi naman ako tanga para hindi ko malaman ang nakita ko.”
“Makinig ka muna,” wika niya.
“Para saan pa? Para maniwala na naman sa kasinungalingan mo? Nangako ka noon na hinding hindi ka mai-in love kay Jared. Dahil alam mong gusto ko siya. Kunwari ka pang ayaw mo sa kanya, na galit ka sa kanya. Iyon pala, pina-plastic mo lang ako. Siguro sinadya mong tapunan ang painting ni Jared para mapalapit ka sa kanya, no?”
“Aubrey naman eh. Hindi totoo lahat ng sinasabi mo!”
“Simula ngayon, kalimutan mo nang naging magkaibigan tayo. Traidor ka! Ahas!” pagkasabi nito iyon ay tuluyan na itong umalis.
Naiwan siya nitong tulala at lumuluha.
“Adelle...”
Nalingunan niya si Jared. Agad itong lumapit sa kanya nang makitang hilam ang mga luha sa mata niya.
“Hindi ko sinasadyang masaktan siya. Alam ‘yan ng Diyos.”
Ginagap nito ang mukha niya ng mga palad nito, saka maingat na pinahid ang mga luha niya.
“Hayaan mo na muna siya. Matatanggap din niya in time.” Anito sabay yakap sa kanya.
Hinayaan lang niyang ikulong siya nito sa mga bisig nito.
“Pero kaibigan ko si Aubrey.” Umiiyak pa rin sagot niya.
“Huwag mo na muna siyang kausapin. Palamigin mo muna ang sitwasyon. Palipasin mo muna ang araw. Pasasaan ba’t magkakausap din kayo n’yan.” Ani Jared.
Tumango siya. May katwiran ito. Hindi siya maiintindihan ni Aubrey sa ngayon dahil sariwa pa ang sakit na nararamdaman nito. Tama si Jared, hahayaan na muna niya ito. Sa ngayon, ang bagong kaganapan sa puso niya ang uunahin niya.
Saka biglang nag-sink in sa isip niya ang kanina lang na nangyari. Jared kissed her in front of so many people. Para na rin nitong sinabi na siya ang babaeng espesyal sa puso nito. Parang gusto naman humaba ng buhok niya. At naghari ang kakaibang saya sa dibdib niya. She love the thought of her and Jared, together as a couple.
KAHIT NA ANONG palit niya ng puwesto sa hinihigaang kama. Hindi pa rin siya dalawin ng antok. Laman pa rin ng isip niya ang nangyari kanina sa Art Gallery. Napahawak siya sa mga labi niya. Parang hanggang sa mga sandaling iyon ay nararamdaman pa rin niya ang mga halik ni Jared sa kanya.
Tumayo siya mula sa kama at tinungo ang bintana. Bahagya niyang binuksan iyon. Agad na pumasok mula doon ang malamig na simoy ng hangin. Kabaligtaran niyon ang naramdaman niya nang maglapat ang mga labi nila. She felt the warmth of his lips against her. Sa isiping iyon nagsimula na namang bumilis ang t***k ng puso niya. Tila isinisigaw niyon ang pangalan ni Jared. Parang sa tuwina ay nais niyang masilayan ang guwapo at maamo nitong mukha.
Ano bang ginawa mo sa akin, Jared? Bakit ganito na lang kabilis ang t***k ng puso ko? Mahal na nga ba kita talaga?
Lalong dumoble ang dagundong ng dibdib niya. Para bang sinasagot nito ang huling katanungan sa isip niya. Tama. Iyon na nga iyon. Mahal na niya si Jared.
Ngunit sapat ang lahat ng pagmamahal niya para sa binata dahil alam niyang may isang tao siyang nasaktan. Si Aubrey. Nangako siya noon dito na hinding-hindi siya iibig dito. Pero kinain niyang lahat ang pangako sa kaibigan. Alam ng Diyos na pilit niyang sinupil ang pag-ibig na noon ay namumuo pa lamang sa kanyang puso. Pero sadyang makulit ito at ang binata.
Lagi na lang nililigalig ng binata ang tahimik niyang puso. Kaya hayun na siya ngayon, wala ng kalaban-laban. Surrender na nga siya sa madaling salita. Pero ang tanong, pareho nga kaya sila ng nararamdaman ng binata? O sadyang sinakyan lang nito ang palabas nila kanina sa harapan ni Mauritius. Kung ano man ang estado ng relasyon nila ni Jared ngayon, ay hindi niya alam. Sana lang ay magkaroon siya ng lakas ng loob na tanungin ang binata hinggil dito. O kaya naman ay ito na mismo ang kusang mag-open ng tungkol sa nangyari.
Ano nga kaya ang magiging reaksiyon niya bukas kapag nakaharap ang binata? Hindi na kasi sila nagkaroon ng pagkakataon na mag-usap kanina dahil sa nangyaring komprontasyon nila ni Aubrey. Sa kabila ng hindi nila pagkakaunawaan ng kaibigan. Tanging dalangin na lang niya na dumating ang araw na maintindihan nito ang lahat.
Ay bahala na nga si batman… lintik!
HALOS ALAS-OTSO na ng umaga ng magising si Adelle. Hindi na rin niya namalayan kung anong oras na siya nakatulog. Basta ang alam niya, madaling araw na rin iyon. Napa-angat ang ulo niya nang marinig niya ang malakas na patak ng ulan sa bubong na bahay nila. Unti-unti ay binalot ng lamig ang buong silid niya. Tinakpan niya ng kumot ang buong katawan niya. Bigla tuloy siyang tinamad bumangon.
Wala sa loob na napangiti siya nang maalala ang halik na sandali nilang pinagsaluhan ni Jared. Hanggang ngayon ay hindi pa rin iyon mawaglit sa isipan niya.
Naputol lang ang pagde-daydreaming niya nang biglang pumasok sa loob ng kanyang silid ang Mama niya.
“Anak, gising ka na ba?”
Agad siyang bumangon. Saka nag-inat.
“Bakit po?” tanong niya.
“Magpapatulong sana ako sa’yo eh. Nagpapaluto kasi ng pansit itong Tita mo para mamayang tanghali. Magpapatulong sana ako sa’yong maghiwa ng mga rekados.” Anang Mama niya.
“Sige po, susunod na ako.” sagot niya.
“Bilisan mo, Adelle.”
“Opo.”
Paglabas ng Mama niya ay kumilos agad siya. Niligpit niya ang hinigaang kama tapos ay naghilamos at nag-toothbrush. Pagkatapos ay nagpalit ng pambahay na damit.
Nang makaayos na siya ng sarili. Sumunod na agad siya doon sa Mama niya sa kusina.
Habang naghihiwa ay hindi niya maiwasan na mapangiti. Ilang beses na siyang nahuli at sinita ng Mama niya kung bakit siya nagkakaganoon. Pero hindi siya nagku-kwento pa. Saka na lang siguro, kapag may linaw na ang lahat sa kanila ni Jared. Pasado alas-onse y medya na nang matapos ang niluluto ng Mama niya at kuhanin ng Tita niya ang pinakiluto nitong pansit. Siya naman ay lumabas na at nagtungo sa bahay ni Jared para naman gampanan ang tungkulin niya bilang isang housemaid nito.
Kasagsagan pa rin ng ulan nang magtungo siya roon. Dala ang pansit na pinabibigay ng Mama niya. Tinawag niya agad ito pagbukas niya ng front door. Ngunit walang Jared na sumasagot.
Nagtaka siya. Sigurado si Adelle na hindi ito umalis dahil nasa garahe ang kotse nito.
“Jared,” tawag ulit niya. Pero wala pa ring sumasagot. Nilibot niya ang buong first floor pero halos wala naman nagalaw na gamit ito.
Sinuyod niya ang second floor ngunit wala din doon ang binata. Ilang beses din siyang kumatok sa painting room pero ganun pa rin. Napalingon siya sa pintuan ng silid nito nang may marinig siyang ingay na nagmula doon na parang nabasag. Agad niyang tinungo iyon at binuksan ang pinto.
Napuno nang pag-aalala ang dibdib niya ng makitang nakatalukbong ito ng kumot at tila ba nanghihina at pilit na inaabot ang isa pang baso. Habang may isa pang baso na basag naman sa sahig. Agad niyang dinaluhan ito.
“Jared, anong nangyayari sa’yo?” nag-aalalang tanong niya.
“W-wala,” nanginginig ang boses na sagot nito.
Sinalat ng likod ng palad niya ang leeg nito. Lalo siyang nag-alala nang maramdaman mainit ang temperatura ng katawan nito. Mataas ang lagnat nito. Pilit pa rin nitong inaabot ang isang baso ng tubig na nakalapag sa ibabaw ng bedside table.
Tinulungan na niya ito. Pagkatapos ay agad siyang bumaba sa kusina at naghanda ng malamig na tubig sa isang maliit na planggana. Kumuha siya ng face towel at nilagay sa malamig na tubig. Pinatong niya iyon sa noo ng binata.
“Ikaw talaga, may sakit ka na pala hindi mo man lang ako tinawagan para makahingi ng tulong.” Sermon pa niya dito.
Hindi ito sumagot. Nanatili itong nakapikit at patuloy na nanginginig ang buong katawan. Kinuha niya ang gamot sa medicine cabinet nito at agad na ipinainom iyon dito para bumaba ang lagnat nito. Nang medyo umayos ito, saka siya bumaba ulit sa kusina at nagluto ng mainit na sabaw para dito.
Nabawasan ang pag-aalala niya nang pagbalik niya sa silid nito ay medyo bumaba na ang lagnat nito.
“Mabuti naman at bumaba na ang lagnat mo. Ano bang ginawa mo at nilagnat ka ng ganyan? Maayos ka pa naman kagabi ah?” sunod-sunod niyang tanong.
Hindi pa rin ito sumagot at nanatili pa ring nakapikit. Napailing na lang siya. Bigla niyang naisip kung paano kaya ito noong mga panahon na wala itong kasama at ganitong may sakit ito. Sino kaya ang nag-aalaga dito?
Inayos niya ang kumot nito. Siniguro niyang balot ang katawan nito hanggang sa leeg. Akma siyang tatayo sana nang bigla siya nitong hawakan sa kamay.
“Adelle, please stay.” Halos pabulong na wika nito.
Ginagap niya ang kamay nito. At kinalimutan na ang planong paglabas ng silid nito. Hindi na rin nito binitiwan ang isang kamay niya hanggang sa muli itong makatulog.
Hindi ako aalis sa tabi mo, Jared. Pangako ‘yan…