DAHAN-DAHAN minulat ni Jared ang mga mata niya. Sinalat niya ng likod ng palad niya ang sariling leeg. Medyo nagsubside na rin ang lagnat niya. Salamat na lang at dumating si Adelle at nakainom siya agad ng gamot. Hindi kasi niya alam ang pumasok sa isip niya kanina. Natuwa siya nang umulan kaya't hayun at naligo siya. Kaso, mukhang na-tiyempuhan siya. Bandang magtatanghali na nang biglang siyang samaan ng pakiramdam. At ilang sandali nga ay nilagnat na siya at hindi na siya makatayo pa sa kama.
Nilingon niya ang dalagang himbing sa pagtulog sa gilid ng kama niya. Hawak pa rin nito ang isang kamay niya. Gaya ng hiling niya dito na huwag itong umalis. Nanatili nga ito sa tabi niya. Sinulyapan ni Jared ang oras sa alarm clock niya sa ibabaw ng bedside table. Halos mag-aalas onse na pala ng gabi. Napangiti siya habang tinititigan ang magandang mukha ng himbing na dalaga. Hindi siya makapaniwala na ito ang nag-alaga sa kanya.
Umangat ang isang kamay niya para marahang haplusin ang mukha nito. Habang ang isang kamay niya ay hawak pa rin ni Adelle. Bigla sumiksik sa isip niya ang mapangahas niyang ginawa sa Painting Exhibit ni Mauritius. Hindi niya alam kung anong pumasok sa kanyang masamang hangin at bigla niya itong hinalikan sa harap ng maraming tao. Ang akala pa nga niya ay magagalit ito at sasampalin siya. Pero nanatili lang itong walang kibo.
Nabuhay ang pag-asa niya na baka may pagtingin na rin sa kanya ang dalaga. Nasa ganoon isipin siya nang unti-unting imulat nito ang mga mata. Sinalubong niya ito ng ngiti.
"Hi," pabulong na halos niyang bati.
"Jared, kanina ka pa ba gising? Pasensiya na, nakatulog pala ako. Kumusta ka na? Mataas pa ba ang lagnat mo?" sunod-sunod na tanong nito. Halata sa mukha nito ang pag-aalala sa kanya.
"Relax, I think I'm fine now." Aniya. "Well, not so fine. Medyo mabigat pa rin ang pakiramdam ko. Pero mas okay na ako ngayon kumpara kanina."
Sinalat pa nito ng likod ng palad nito ang leeg at noo niya. Saka lang niya nakita ang kapanatagan sa mukha nito.
"Okay ka na nga. Pero medyo mainit ka pa. Kailangan mo pa ring uminom ng gamot." Anito. "Sandali lang, magluluto lang ako para makakain ka na at makainom ka na ulit ng gamot."
Tumayo agad ito. Inayos pa nito ang kumot niya.
"Thanks Adelle," bulong niya.
Isang matamis na ngiti ang agad na natanggap niya mula dito. "Your Welcome."
UMAGA NA ng tuluyang bumuti ang lagay ni Jared. Bumaba na rin ang lagnat nito. Pero pinagbawalan pa rin niya itong kumilos ng husto. Mahigpit niyang bilin na magpahinga muna. Nang lumabas siya ng bahay nito ay mataas na ang araw. Nakakaramdam na rin siya ng antok. Halos magdamag din niyang binantayan ang binata. Tumaas ulit kasi ang lagnat nito kaninang madaling araw.
Hindi niya iniwan ito buong gabi. Alam niyang kailangan siya nito sa mga oras na iyon. Gusto niyang iparamdam sa binata na naroon siya sa tabi sa kahit na anong oras. Gusto niyang iparating dito ang damdamin niya para dito. Matapos ang halik na iyon noong gabi iyon. Nasagot na rin ang matagal nang gumugulo sa kanyang isip. Alam na niya kung bakit ganoon na lang ang bilis ng t***k ng kanyang puso marinig lang ang pangalan ni Jared. Isa lang ang dahilan ng lahat ng iyon. Mahal niya si Jared. Mahal niya ito at wala nang puwede pang kumwestiyon doon.
Pero sa kabila ng pag-amin niya sa tunay niyang damdamin para sa binata. Bigla siyang kinabahan sa hindi malamang dahilan. Nasa kalagitnaan siya ng pag-iisip nang bigla harangan ni Panyang ang dinadaanan niya.
"Magandang Umaga, Adelaida." Bati ni Panyang sa kanya.
"Uy," usal lang niya.
"Wow ha? Binati ko ng Magandang Umaga ang sagot mo lang isang malamyang 'Uy'. Ano 'yon?"
Humikab siya. "Wala lang. Inaantok kasi ako." anito.
"Mukha nga, ang laki ng balde sa mata mo ah." Sabi nito na ang ibig sabihin ay ang eyebags niya. "Ang aga mo nga ngayon diyan kay Maestro."
"Anong maaga? Ngayon pa lang kamo ako uuwi." Sagot niya.
"Hala ka! Lagot ka! Isusumbong kita sa Mama mo!" biglang sabi nito sa malakas na boses nito.
Nahampas niya ito sa balikat ng wala sa oras. "Ouch ah!"
"Anak ng... Pengkum! Ang boses mong bubwit ka!" saway niya dito.
"Hindi ko alam na may ginagawa na pala kayong milagro ni Jared."
"Maruming isip mo talaga. Hindi namin ginawa ang sinasabi mo." Paglilinaw niya. "May sakit si Jared. Pagdating ko kahapon ng tanghali, ang taas ng lagnat. Naligo yata sa ulan ang loko at natiyempuhan siya ng malas. Kaya ayun siya at nakaratay sa kama ng karamdaman."
"Kawawa naman pala siya kung ganoon. Mabuti na lang pala at pinuntahan mo ang mahal mo. Kung hindi, hindi pa man din kayo. Biyuda ka na." anang kausap niya.
"Ano bang mahal ko ang pinagsasabi mo diyan?" maang niyang tanong.
"Ay sus naman Adelaida, tayo ba naman ay magpa-plastikan pa."
"Wala akong alam sa sinasabi mo."
"Ewan ko sa'yo. Mapagpanggap kang tao ka. Kitang-kita ko nang halikan ka ni Jared doon sa Exhibit ni Mauritius na 'yon. Pumikit ka pa."
Hindi siya nakasagot. Oo nga pala. Nakalimutan niyang naroon pala ito. Ganoon na ba ang epekto ni Jared sa kanya? Kapag nakatitig na siya sa mga mata nito ay nakakalimutan na niya ang ibang tao sa paligid niya.
"Ano? Hindi ka nakasagot, no? Alam mo, girl. It's okay to admit kung talagang mahal mo siya. Wala naman problema doon. Huwag mong masyadong isipin ang kaibigan mo. Pasasaan ba't matatanggap din niyang mas makamandag ang ganda mo kay Jared kaysa sa kanya." mahabang litanya nito.
Kahit may pagka-mahadera pala ang isang ito ay maaasahan kapag sa mga ganitong seryosong usapan lalo't tungkol sa buhay pag-ibig. Sabagay, alam niya kuwento nito at ng asawa nito bago nagkatuluyan ang dalawa.
"Sige na nga. Aamin na ako. Mahal ko siya. Mahal na mahal ko siya. Kaya lang, hindi ko maintindihan. Parang gusto kong kabahan eh. Ewan, hindi ko maintindihan." Sagot niya.
Inakbayan siya ni Panyang kahit na medyo mas matangkad siya dito saka siya sinabayan ng lakad.
"Alam mo, Adelle. Huwag mo munang problemahin ang hindi pa problema. I-relax mo muna ang isip mo. Sige ka, kapag na-stress ka. Mababawasan tayong magaganda dito sa Tanangco." Payo nito.
Huminga siya ng malalim. Matagal-tagal na rin simula nang huli siyang nakaramdam ng ganoon. Kaya ngayon ay parang first time niyang magmahal. Hindi na pamilyar sa kanya ang nagliligalig niyang puso. Parang hindi na niya alam ang dapat gawin. Hindi niya alam kung para saan ang kabang iyon. O sadyang napa-praning lang siya.
"Basta, mahirap ipaliwanag. Mahal ko siya. Pero may kaba ako." aniya.
"Alam ko na, itulog mo 'yan. Sigurado ako, pagkagising mo. Wala na 'yan."
Sana nga. Sana wala lang ang kabang ito...
DALAWANG ARAW na ang lumipas simula nang magkasakit si Jared. Ngayon ay magaling na ito. Walang patid ang pasasalamat nito sa kanya. At siya naman, hindi man niya pinapahalata dito. Pero nag-uumapaw ang kasiyahan sa puso niya na pinapahalagahan nito ang pag-aalagang ginawa niya dito. Masyado na nga yata siyang nawili bilang housemaid nito. Hindi niya namalayan na mahigit isang buwan na pala ang lumilipas simula nang umpisahan niya ang 'sapilitang part-time job' niyang iyon.
Kung dati ay halos ipa-blotter niya sa pulis ang mag-nobyong tumulak sa kanya na naging dahilan kung bakit bigla siyang nagkaroon ng utang na dalawang milyon mahigit. Ngayon naman ay nagbago na ang isip niya. Nais na niya itong pasalamatan. Dahil kung hindi nangyari iyon. Hindi siya magiging ganito kasaya ngayon.
Gaya nang umagang 'yon. Naroon siya sa bahay nila nang dumating si Panyang na may dalang isang bouquet ng assorted flowers. Delivery daw galing kay Jared. Lumukso bigla ang puso niya sa tuwa. Hindi naman niya first time makatanggap ng bulaklak. May ibang nagpapadala din naman sa kanya noon, kaya lang, iba pa rin talaga kung gusto mo rin ang nagpadala. Kakaiba ang sayang nararamdaman.
"Aba anak, bawasan mo naman ang ngiti mo. Kanina ka pa nakatunganga riyan sa harapan ng bulaklak. Baka tubuan ka na rin ng ugat diyan." Biro ng Mama niya.
Hindi siya sumagot. Inamoy niyang muli ang mga iyon.
"Sige ka, mahipan ka ng hangin." Dagdag pa nito. "Sigurado ka na ba sa nararamdaman mong 'yan?"
Nakangiti pa rin na binalingan niya ang Ina. "Oo naman po."
"Hay salamat naman sa Diyos at dininig Niya ang panalangin ko. Ang akala ko talaga ay wala ka ng balak mag-asawa."
"Mama, kakaamin ko pa lang na mahal ko si Jared. Pag-aasawa na agad ang nasa isip n'yo. Ayaw n'yo na ba sa akin at tinataboy na ninyo ako." kunwari'y nagtatampo na sagot niya.
"Sus, nag-drama ang dalaginding ko. Excited lang akong magka-apo."
"Hindi ko pa nga po alam kung pareho kami ng nararamdaman. Baka mamaya, ako lang pala ang may gusto sa kanya." malungkot naman niyang wika.
Lumapit sa kanya ang Ina. Saka nilapat ang isang palad nito sa tapat ng puso niya.
"Ano bang sinasabi nito kapag nakatingin ka sa mga mata niya?" seryosong tanong nito.
"Pakiramdam ko, mahal din niya ako." sagot niya.
"Magtiwala ka sa sinasabi ng puso mo, Anak. Hayaan mong mangyari ang mga bagay-bagay sa paligid mo." Anang Mama niya.
"Pero Ma, natatakot po akong masaktan. Hindi ko alam kung paano ko iha-handle 'yun."
"Adelle, kapag nagmahal ka. Dapat handa ka ring masaktan. Walang nagmamahal nang hindi nasasaktan." Sagot nito. Sabay hagod ng kamay nito sa buhok niya.
May ngiting tumango siya sa sinabi ng Ina. Kahit paano'y napanatag ang kalooban niya. Hindi na niya kailangan pang mag-isip ng kung anu-ano. Sabi nga nila. Just go with the flow.
"Thanks Ma," usal niya.
"Nagpasalamat ka sa akin. Eh sa nagbigay ng bulaklak sa'yo. Nagpasalamat ka na ba sa kanya?"
"Oo nga pala." aniya. "Puntahan ko po muna siya."
"Sige, at sana'y magkaliwanagan na kayo. Para hindi ka nanghuhula diyan." Wika ng Mama niya.
Nilapag niya sandali ang bulaklak. Hahanapin na muna niya si Jared. Kakausapin na niya ito tungkol sa kanilang dalawa. Tama ang Mama niya, kailangan na nga nilang magkaliwanagan. Para alam niya kung saan siya lulugar sa buhay nito.
Habang naglalakad siya patungo sa bahay ni Jared. Nakasalubong niya sina Victor, Vanni, Ken at Darrel.
"O? Adelle, saan ang punta mo?" tanong ni Ken sa kanya.
"Diyan sa amo ko," sagot niya.
"Ah, kay Pareng Jared ba? Nandoon siya sa Rio's." ani Humphrey.
"Tara sabay ka na sa mga pogi." Sabi naman ni Vanni. Nakisabay naman siya sa mga ito.
"Balita ko ikaw ang nag-alaga sa kanya noong nagkasakit siya." Usisa ni Victor.
"Oo. Wala naman ibang mag-aalaga sa kanya eh." Sagot naman niya.
"Hmmm... Mukhang nagkaka-igihan na nga kayo ah. Balita ko pa doon daw sa Painting Exhibit na pinuntahan n'yo. Hinalikan ka pa daw ng kaibigan namin." Sabi pa ni Vanni.
"Totoo ba 'yun?" dugtong naman ni Humphrey.
"Tse! Mga tsismoso!" pambabara niya sa mga ito.
Binalewala lang nito ang pagtataray niya. Bagkus ay nagtawanan pa ang mga ito at nag-apir pa.
"Goodluck sa inyo, ha?" ani Ken.
"Ewan ko sa inyo," sambit niya.
Malapit na sila sa Rio's ng mapahinto siya sa paglalakad. Kasalubong kasi niya si Aubrey.
"Hoy, tara na." yaya sa kanya ni Ken nang mapansin huminto siya.
"Sige na, mauna na kayo. May kakausapin lang ako saglit." Sagot niya.
Dumiretso na ang mga ito sa loob. Samantalang siya ay hinintay na makalapit si Aubrey. Napahinto din ito nang makita siya.
"Aubrey, puwede na ba tayong mag-usap?" tanong niya dito.
Hindi agad ito sumagot. Matagal din bago ito tumango.
"I'm sorry. I'm sorry kung nasaktan kita." Aniya.
Tumungo ito. Saka bahagyang tumango.
"Okay lang 'yun." Sabi nito.
"Hindi ko sinasadyang mahulog ang loob sa kanya. Alam ng Diyos kung paano ko pinigilan ang puso ko para huwag lang siyang mahalin. Pero mahirap pa lang kalabanin ang puso. Wala akong laban. Ayoko kasing masaktan ka. Ayokong masira ang pagkakaibigan natin ng dahil lang sa ganito."
Ngumiti ito. "Ano ka ba? Okay na ako." anito.
"Talaga?"
"Oo naman. Tanggap ko na. Pasensiya ka na sa mga nasabi ko sa'yo ha?" hinging paumanhin naman nito.
"Huwag mo ng isipin 'yun." Sagot naman niya.
Niyakap niya ito ng mahigpit. "Bruha ka, na-miss kita talaga." Aniya.
"Ako rin. Pero in fairness, Adelle. Bagay pala kayo ni Jared."
Natawa siya. "Huwag mo na nga munang banggitin 'yan."
"Okay na nga ako. Hindi ko na siya crush ngayon. May iba na ako." sagot nito.
"Ikaw talaga, ang bilis mo naman magpalit ng crush."
"Gano'n talaga," sabi pa nito. "O Paano? Mauna na ako sa'yo. May pinapabili pa sa 'kin si Mama ko."
"Okay,"
"Punta ako sa inyo mamaya. Marami kang iku-kwento sa akin." Ani Aubrey.
"Sige, hintayin kita."
Sinundan pa niya ito ng tingin habang papalayo ang kaibigan. Nakahinga na siya ng maluwag dahil sa wakas ay nagkaayos na sila nito. Nakabawas kahit paano sa iisipin niya. Ngayon naman ay si Jared na lang kailangan niyang harapin.
Pagpasok niya sa Rio's ay agad na hinanap ng mga mata ang pakay niya. Ngunit wala ito sa dining area.
"Hi Adelle," bati sa kanya ni Madi.
"Hi Mads, nakita mo ba si Jared?" tanong niya agad.
"Naks naman oh! Totoo nga yata ang naririnig ko sa paligid ah. Kayo na nga ba?" usisa pa nito.
"Tsaka ka na magtanong. Sagutin mo muna ako. Narito ba si Jared?" tanong ulit niya.
"Ay sige na nga, nandoon sa office ni Chef." Sagot nito sabay turo sa direksiyon kung saan naroon ang pribadong opisina ng fiance nitong si Vanni.
"Okay, thanks!"
Malapit na siya sa pinto ng opisinang iyon nang marinig niyang nagtatawanan ang mga nasa loob niyon. Bahagya din nakabukas ang pinto kaya't dinig sa labas ang mga boses nito. Ngunit napahinto siya sa paglalakad nang biglang magsalita si Justin.
"Jared, ano nang development sa plano mo kay Adelle?" tanong nito.
May kung anong tila bumundol sa dibdib niya nang marinig ang pangalan niya.
"Anong plano?"
"'Yung trip nitong si Maestro noong exhibit niya. 'Di ba natapunan ni Adelle ng wine 'yung dummy painting na naka-display. Sukat ba naman gawing housemaid si Adelle para makabayad."
"Ah 'yun ba? Oo nga pala, dude. Isang buwan nang mahigit ang nakalipas ah. Hindi mo pa rin pala sinasabi sa kanya?"
Daig pa niya ang binuhusan ng isang baldeng nagyeyelong tubig. Tama ba ang narinig niya? Dummy lang ang painting na 'yun? Kung ganoon, Para saan ang lahat ng pagsisilbi niya dito bilang housemaid nito? Isa lang ang naging malinaw sa kanya ng mga oras na iyon. Pinaglaruan siya ni Jared. Ginawa siya nitong tanga.
Bigla niyang naramdaman ang sakit sa kanyang dibdib. Parang hindi siya makahinga sa sobrang sakit. Nagsunod-sunod ang paglandas ng mga luha sa kanyang mga mata. Kung kailan na mahal na niya ang binata. Saka niya malalaman na isa lang palang malaking kalokohan ang lahat. Pati marahil ang lahat ng pinapakita nito sa kanya. Ang magandang pakikitungo. Ang pagiging sweet nito. Ang halik na iyon na inakala niyang pinakamagandang nangyari sa buhay niya. Isa lang palang napakalaking kalokohan.
May narinig pa ulit siyang nagsalita.
"Ano? In love na ba sa'yo?"
"Ewan. Siguro."
"Magkano nga ulit 'yung sinabi mong presyo ng painting. Two point eight million pesos?"
"Oo."
"Siraulo ka talaga, kailan mo ba balak sabihin ang lahat sa kanya? Kawawa naman si Adelle."
Hindi na siya nakatiis. Tinulak niya nang malakas ang pinto. Lahat ng naroon sa loob ay napalingon. Nakita niya nang magkulay suka ang mukha ni Jared.
"Adelle..." usal nito.
"Hindi na niya kailangan pang sabihin sa akin ang lahat. Dahil alam ko na." Aniya. "Ano? Masaya ka na? Dahil napaglaruan mo na ako?"
Napuno ng galit ang dibdib niya. Galit sa lalaking nasa harap niya. Dahil minahal niya ito. Galit para sa kanyang sarili dahil hinayaan niya ang sarili na mahalin ito.
"Adelle, let me explain."
"Ano pa bang ie-explain mo?!" sigaw niya. "Narinig ko nang lahat, Jared. Alam ko na kung paano mo ako pinagtatawanan sa tuwing may iuutos ka at para akong gagang sumusunod." Hilam sa luha pa rin ang mga matang wika niya. "Tama na."
Eksaktong pagpihit niya patalikod ay siya naman dating ni Abby na may bitbit ng tray na may laman na tatlong baso ng tubig. Nagkabungguan sila at nabitawan nito ang hawak na tray. Kaya bumagsak sa sahig ang mga baso at nabasag ang mga iyon.
Agad niyang tinulungan si Abby sa pagdampot ng mga basag na piraso ng baso.
"Adelle, ako na. Sige na." Ani Abby.
"Hindi. Okay lang." wala pa rin tigil sa pag-iyak na wika niya. "Pasensiya ka na ha?" hinging-paumanhin niya dito.
Hindi na rin niya namalayan na nasusugatan na pala siya.
"Adelle, may sugat ka." narinig niyang wika ni Vanni.
Pilit siya nitong inalalayan para tumayo. Inagaw naman ni Jared ang kamay niya. Saka dinampian ng tissue ang nagdudugo niyang kamay.
"Magpapaliwanag ako. Makinig ka muna sa akin. I'm sorry."
Umahon ang hinanakit sa puso niya. Buong lakas niyang tinulak ito palayo. Wala na siyang pakialam kung namantsahan ng dugo niya ang damit nito.
"Layuan mo ako! Hindi kayang tanggalin ng tissue na 'to ang sakit ng nararamdaman ko. Sinaktan mo ako at iyon lang ang malinaw sa akin ngayon. Pinaglaruan mo ako. Ginawa mo akong tanga. Hindi mo na kailangan pang magpaliwanag dahil hindi na ako maniniwala pa sa mga sasabihin mo."
Pagkatapos niyon ay patakbo niyang nilisan ang Rio's. Bakit ganoon? Nananahimik siya noon sa laundry shop niya. Nang biglang pumasok sa buhay niya si Jared. Hinayaan niya itong bulabugin ang tahimik niyang mundo at puso. Pero ngayon, heto pa ang napala niya. Nasaktan siya sa tila isang pitik lang ng daliri.
Bakit kailangan pang mangyari 'to? Kung kailan mahal na kita...