Chapter Ten

3767 Words
          ILANG ARAW na ang nakakalipas simula nang matuklasan niya ang tunay na dahilan kung bakit siya kinuhang housemaid ni Jared. Hanggang ngayon, nasasaktan pa rin siya. Hanggang ngayon, durog-durog pa rin ang puso niya. Hindi niya matanggap na naging tanga at bulag siya. Kung alam lang ni Adelle na ganito ang mangyayari. Sana’y hindi na lang niya hinayaan ang sarili na mahalin ang lalaking ito. Mauuwi din pala sa wala ang lahat. Ang akala niyang lalaking magmamahal sa kanya ng tunay ay isa pa lang manloloko.           Namuo ang mga luha niya sa mga mata. Pilit niyang pinigilan ang pagbagsak niyon, pero hayun at tuluyan pa rin tumulo. Kagaya na lang ng pagpigil niya na mahalin ito pero wala din siyang nagawa.           “Girl, okay ka lang?”           Agad siyang tumalikod at mabilis na pinahid ang mga luha niya. Pilit na ngumiti siya kay Lorna.           “Oo,” tugon niya.           “Hindi eh. Kilala kita kapag okay ka lang. Matamlay ka pa rin. Ilang araw ka nang ganyan.” Anito.           “Huwag mo akong alalahanin, Lorna. Ayos lang ako.”           “Kausapin mo na kasi si Jared. Makinig ka muna sa paliwanag niya.” Ani Lorna.           “Ano pa bang dapat kong marinig? Ayoko na, hindi ko na kayang makinig sa mga sasabihin niya. Kasinungalingan lang lahat ng iyon.” May hinanakit pa rin wika niya.             “Ikaw ang bahala. Pero sa nakikita ko sa inyong dalawa. Pareho n’yo lang pinapahirapan ang mga sarili n’yo.”           Hindi na siya sumagot pa. Kung mayroon man higit na mas nahihirapan. Siya ‘yon. Dahil siya ang naloko. Siya ang nasaktan.           “May aasikasuhin lang ako sa loob ng washer room.” Paiwas niyang wika.           Hindi na niya narinig itong nagsalita pa. Inabala niya ang sarili sa pagtulong sa mga tauhan niya sa pagsasalang sa washer ng mga damit. Bigla ay tumigil siya sa ginagawa. Napatitig siya sa washing machine. Muli ay ang guwapong mukha ni Jared ang sumiksik sa utak niya. Lumabas na lang siya ng Laundry Shop. Kahit saan kasi siya tumingin ay ang binata ang naaalala niya. Paano niya ito makakalimutan?           “Lorna, uwi na lang muna ako.” paalam pa niya bago tuluyang lisanin ang laundry shop.           “Okay. Mas mabuti pa nga. Magpahinga ka na lang muna, para ma-relax ‘yang isip mo.” Anito.           Malungkot na ngiti lang ang tinugon niya sa sinabi nito. Hindi pa siya nakakalayo sa shop nang makasalubong niya si Aubrey.           “Hi friend,” bati nito sa kanya.           “Hi,”           “Busy ka ba ngayon?” tanong nito.           “Hindi naman. Bakit?”           “Samahan mo naman ako. May kailangan akong bilhin sa mall eh.”           “Gusto ko sana, Aubrey. Kaso wala ako sa mood lumabas.” Aniya.           “Ay ano ba ‘yan? Sige na, please…” pagmamakaawa pa nito.           “Iba na lang ang isama mo.” Wika niya.           “Ayoko ng iba. Ikaw ang gusto kong kasama eh. Medyo matagal na rin simula noong huli tayong lumabas.” Tugon nito.           “Next time na lang. I’m really not in the mood.”           “Anong not in the mood? Sumama ka na kasi.” Sabad ni Panyang sa usapan. Bigla itong sumulpot kasama si Madi at ni Chacha.           “Please. Tigilan na muna ninyo ako.” pakiusap niya.           “Adelle, kaibigan mo kami. Alam namin na hindi ka okay. Ang gusto lang naman namin ay kahit paano’y malibang ka.” sagot ni Panyang. “Kesa magmukmok ka dito sa Tanangco. Eh ang dahilan naman ng pinagkakaganyan mo ay taga-rito din.”           Napipilan siya. May katwiran ito. Ilang araw na rin siyang hindi naglalalabas. Umiiwas siya na makasalubong si Jared. Simula nang matuklasan niya ang kalokohan na iyon ng binata. Hindi na siya pa nagpakita dito. Ilang beses na rin itong pumupunta sa kanila at nakikiusap sa Mama niya para kausapin at magpaliwanag sa kanya. Pero hindi niya ito hinaharap. Wala nang dahilan para mag-usap sila. Alam naman niyang pawang kasinungalingan lamang ang maririnig niya mula dito. Ayaw na niyang marinig pa ang lahat ng iyon. Natatakot siya na baka paniwalaan lang niya ang mga iyon. At mahulog lang lalo ang puso niya dito.           “Kasi naman Girl, hear him out. Baka may magandang dahilan naman ‘yung tao.” Ani Chacha.           “Ano ba ang puwede niyang magandang i-dahilan sa ginawa niya? Niloko niya ako. Pinaglaruan. Iyon lang ang malinaw sa akin.” Sagot niya.           Muli ay nanumbalik ang sakit. Parang pinipiga ang puso niya. Bakit nga ba nagkaganoon ang lahat? Kung kailan naman niya natutunang mahalin ang binata, saka niya malalaman na pinaglalaruan lang pala siya nito. Wala nang mas sasakit pa doon.           “Huwag n’yo na lang pilitin si Adelle kung ayaw pa niyang makausap si Jared. Hayaan na natin siya sa ngayon.” Ani Madi. “But for now, we suggest if you go with Aubrey. Makakatulong ‘yun sa’yo. Kahit paano’y malilibang ka.”           Bumuntong-hininga siya. “O sige na nga.” napilitan niyang sagot. “Hindi rin naman ninyo ako titigilan kapag hindi ako pumayag eh.”           “Tama!” sabay-sabay na sang-ayon ng apat.           Napailing siya. “Ang kukulit n’yo. Anong oras ba tayo aalis?” tanong niya kay Aubrey.           “Mamayang hapon mga alas-tres.” Sagot nito.           “Okay. Punta ka na lang sa bahay mamaya. Gamitin na lang natin yung kotse ko.” Aniya.           “Yes!” sabay-sabay ulit na tugon ng apat.           Napakunot-noo siya nang mapansin lihim na nag-senyasan ang apat. Ang tatlo ay mabilis na tumalikod at naglakad palayo.           “Hoy teka, hintayin n’yo ‘ko!” sigaw ni Chacha sa dalawa nang naiwan na ito sa paglalakad.           “Ay oo nga pala, may kasama pala tayong babaeng nakalunok ng limang kilong kasoy.” Narinig niyang sabi ni Panyang saka binalikan nito ang buntis na kaibigan at inalalayan ito sa paglalakad.           Kahit medyo mabigat pa rin ang dibdib niya. Napangiti siya sa kakulitan ng tatlo.           “Adelle,”           Napalingon siya sa tumawag sa kanyang pangalan. Umahon ang galit na ilang araw na niyang kinikimkim. Si Jared. Gaya niya ay may lungkot sa mga mata nito. Bakas sa mukha nito ang pagsisisi sa pagkakamaling nagawa nito.           “Una na ako sa’yo Aubrey. Sunduin mo na lang ako mamayang hapon sa bahay.” Baling niya sa kaibigan.           Mabilis siyang naglakad palayo, patungo sa bahay niya.           “Please, pakinggan mo naman ako.” narinig niyang wika nito habang umaagapay sa paglalakad niya.           Hindi siya nagsalita at nagpatuloy lang sa paglalakad.           “Adelle, patawarin mo na ako. Hindi ko sinasadya.”           Huminto siya sa paglalakad. Binalingan niya ito. Sabay igkas ng isang palad niya sa mukha nito. Sa isang iglap ay nag-unahan sa paglandas ang mga luha sa kanyang mata.           “Hindi sinasadya? Hindi sinasadya? Meron bang hindi sinasadya na pinagplanuhan? Huwag mo akong gawing tanga, Jared. Tapos na ako doon. Hindi mo na ulit mabibilog ang ulo ko.”                    Nasapo nito ang pisngi nitong sinampal niya.           “Kung hahayaan mo lang akong magpaliwanag, Adelle.” Wika nitong may pagsasamo sa mga mata nito. At kung hindi siya nagkakamali, parang may namumuo na ring mga luha sa mata nito.           “I’ve had enough of your lies. Tama na.” tugon niya saka naglakad muli palayo dito.           “Mahal kita, Adelle!” sigaw nito.           Napahinto siya. Tila isang matalim na kidlat na tumama iyon sa puso niya. Tama ba ang narinig niya? Mahal siya ni Jared? Nagsimulang tumibok ng mabilis ang puso niya. Pero agad din niyang sinupil iyon.           “Iyon lang ang tanging dahilan kung bakit ko nagawa ‘yun. Dahil Mahal kita!”           Lalo siyang napaiyak nang muling marinig ang mga katagang iyon.           “Sinungaling ka!” sagot niya.           “Kung talagang mahal mo ako. Hindi mo ako lolokohin. Hindi mo ako paglalaruan ng ganoon. Ginawa mo akong tanga. Habang para akong gagang sumusunod sa bawat utos mo, ang hindi ko alam, pinagtatawanan ninyo ako kapag nakatalikod na ako. Lalo na ikaw.” Aniya.           “Hindi ganoon ‘yun!”           “Huwag ka nang magsalita, Jared. Nakikiusap ako. Huwag mo nang dagdagan pa ang sakit na nararamdaman ko. Hindi mo ako mahal. Huwag mong gamitin ang salitang ‘mahal’. Para lang mapagtakpan mo ang mga kalokohan ginawa mo.” Pagkasabi niyon ay dumiretso na siya ng lakad pauwi. Hindi na niya pinansin ito nang muli nitong tawagin ang pangalan niya.           Sinarado ni Adelle ang tenga niya sa mga bagay na maaari niyang marinig. Maging ang puso niya. Ayaw na niyang muling paasahin ang sarili. Ayaw na niyang masaktan ng paulit-ulit. Tama na ang minsan siyang nagmahal at nasaktan sa iisang pagkakataon.                     KANINA PA SIYA nagtataka kay Aubrey habang naroon sila sa mall. Tila hindi ito mapakali, panay ang sulyap nito sa cellphone nito at sa oras.           “Ano bang nangyayari sa’yo? Niyaya mo ako dito sa mall, tapos hindi ka naman maintindihan diyan. May hinihintay ka ba?” tanong niya.           “H-ha? Ah, wala… wala! May hinihintay lang akong importanteng text.” Sagot nito.           “Tutal at tingin ka ng tingin sa oras. Anong oras na ba?”           “Alas-siyete na ng gabi.”           Napahawak siya sa tiyan. Medyo nagugutom na rin siya. “Tara Aubrey, kain na tayo. Nagugutom na ako.” yaya niya dito.           “O sige, gutom na rin naman ako eh.”           Tama si Aubrey. Mabuti na lang at sumama siya dito. Dahil kahit paano’y nalibang siya sa pamamasyal. Wala silamng ginawa nito kundi ang umikot sa buong mall. May ilang nagustuhan itong damit at binili nito. Siya naman, may pambili siya kaya lang. Wala siya sa mood mag-shopping. Tama na muna sa kanya ang tumingin-tingin sa ngayon.           Habang nasa kalagitnaan ng pagkain. Biglang nag-ring ang cellphone ni Aubrey. Napapitlag pa ito. Agad nitong sinagot iyon.           “Hello, ano na?” tanong nito sa kausap. “Okay na? Talaga? Ayos! Sige pauwi na ‘ko. Tatapusin ko lang ‘tong kinakain ko. Text kita kapag malapit na kami.” Dagdag nito. “Oo… Oo… Sige, bye!”           “Sino ‘yun?” curious niyang tanong.           “Ah, ‘yung isang friend ko from college. Nagkausap kasi kami kaninang tanghali sa sss. Pupunta daw siya sa bahay mamaya.” Sagot nito.           “Okay. Sana sinabi mo agad sa akin. ‘Di sana, hindi na tayo tumuloy.” Aniya.           “Ah hindi, okay lang ‘yun. Mayamaya pa naman ‘yun eh.”           “Bilisan na natin, baka dumating na ‘yung kaibigan mo.” Sabi niya.           “Okay. Ay naku! Exciting ‘to!” tugon ni Aubrey.           “Ang alin?”           “Wala lang. Sige na, kain ng kain at nang makauwi na. Medyo pagod na rin ako.”           Nagtataka man. Hindi na niya kinulit pa ito. Gusto na rin naman na niyang umuwi. Napapagod na rin siya ng kakalakad.                     “GOODLUCK, PARE.”  Ani Darrel sa kanya, sabay tapik sa isang balikat niya.           “Thanks. Sana this time, pakinggan na niya ako.”             “She will, don’t worry. Sinabi mo na naman sa kanya ang tunay na nararamdaman mo, ‘di ba?”  sagot ni Leo.           “And with all this preparation, you did. Sigurado ako, you’ll win her heart this time.” Dagdag ni Dingdong.           Huminga siya ng malalim. “Sana nga. I don’t want to lose her.”           “Just relax. Believe in yourself. Tingnan mo na lang ang mga pinagdaanan namin, katakut-takot na paliwanag at pakiusap ang ginawa namin makuha lang namin ang puso ng babaeng pinakamamahal namin.” Payo ni Vanni, sabay baling sa fiancé nitong nasa tabi nito.           “Yeah. That’s right.” Sang-ayon naman ni Madi.           “Kaya kung ako sa’yo. Magtiwala ka. Sa ginawa mo ngayon dito, manhid na lang ang babaeng hindi mai-in love sa’yo.” Sabad ni Panyang.           Ilang sandali pa ang lumipas, pumarada ang puting sports car ni Humphrey. Nagulat pa silang lahat ng may bumaba sa unahang passenger’s seat na magandang babae. Maputi ito at may mahabang buhok. Parang pamilyar pa nga sa kanya ang babae.           “Uy, tama ba ang nakikita namin?” ani Justin dito.           “Oo, at may malaking problema.” Sagot nito.           “Ano naman ‘yun?” kunot-noong tanong ni Victor.           Bago pa ito makasagot. Dumating si Ken na may dalang diyaryo. Nagulat pa ito nang makita ang dalawang bagong dating.           “O? Phrey? Nandito ka na pala? Ayos pare ah, sikat ka na lalo. Ngayon lang ako may nabalitaan na photographer na sangkot sa isang scandal.”           “Scandal?!” gulat na wika nilang lahat.           “Oh my God!” si Allie.           “No way pare! Really?” ani Roy.           “Mga Pengkum! Hindi iyon scandal na kagaya ng iniisip n’yo.” Depensa naman nito. “Pero nga pala, meet Lady Castillo. Dito muna siya sa Tanangco magtatago habang mainit pa ang issue.”           “Lady Castillo? ‘Di ba ikaw ang anak ni Senator Mario Castillo?” tanong ni Chacha sa babae.           Nahihiyang tumango lang ito.           Hindi pa sila nakakabawi sa pagdating nila Humphrey at ng nagngangalang Lady Castillo. Tumunog ang message alert tone ng cellphone niya. Binasa niya ang mensahe.           “They’re coming,” aniya.           “Lights off please!” sigaw ni Abby. “Myca! Ready ka na ba diyan?”           “I’m ready!”           “Goodluck, Pare.” Pahabol na wika pa ni Leo.           “Salamat,”           This is it Jared. It’s now or never. Pagpapalakas loob pa niya sa sarili.                     NAGTATAKA SI Adelle pagdating niya sa mismong kanto ng Tanangco. Nakapatay ang ilaw sa buong street nila. Samantalang, nakasindi naman ang ilaw sa ibang kalye. May problema yata sa street lights nila. Madilim tuloy sa dadaanan niya.             “Ano bang nangyayari? Bakit ang dilim dito?” nagtatakang tanong ni Adelle.           “Ewan ko. Kagabi naman okay pa ang mga ilaw dito. Bumusina ka kaya muna, baka mamaya makasagasa ka ng kuting diyan. Kawawa naman.” Anang kaibigan niya.           Ganoon na nga ang ginawa niya. Bumusina siya. At ganoon na lang ang gulat niya nang tila naging hudyat iyon para magsindi ang ilaw sa buong Tanangco. Ngunit may kakaiba sa pinakagitna ng kalye nilang iyon. May nakaharang na isang bagay na hugis parisukat at may nakatakip na puting tela doon.           Napakunot-noo siya nang makita sina Abby at Myca na nakatayo sa magkabilang gilid. Kumaway pa ang mga ito sa kanya.           “Ano bang nangyayari?” tanong niya. Nilingon niya si Aubrey. Nakangiti ito sa kanya. Base sa anyo nito, mukhang may alam ito.           “I’m sorry, Girl. Nakiusap kasi siya sa akin. At dahil kaibigan mo ako. Pumayag ako sa pakiusap niya. Ang gusto lang namin ay maging masaya ka.” anito.           “Aubrey, ano bang pinagsasabi mo?” tanong ulit niya.           “Basta, makinig ka na lang sa kanya. Pakinggan mo siya.”           Nagsimulang umahon ang kaba sa kanyang dibdib. Kasabay noon ay tinanggal ng dalawa ang telang nakatakip sa parisukat na naroon sa gitna ng daan. Tila nanikip ang dibdib niya nang tumambad sa harapan niya ang magandang mukha ng isang babae. Iyon ang painting na nakita niya sa loobng painting room ni Jared. Napilitan siyang bumaba ng sasakyan at lumapit sa malaking painting. Nang lumingon siya sa paligid ay wala halos tao doon.           Pinakatitigan niya ang mukha ng babae sa painting. Nagsimulang bumagsak ang mga luha niya. Hindi siya maaaring magkamali. Siya ‘yun. Siya ang babae sa painting. Kung ganoon…           “It’s you.”           Kumabog ng husto ang dibdib niya. Kilala niya ang nagmamay-ari ng boses na iyon. Kahit na pumikit siya. Mismong ang puso niya ang magsisigaw ng pangalan nito.           “Jared,” bulong niya.           “Hindi ko na maalala kung kailan ko unang naramdaman na mahal kita. Basta ang alam ko lang, highschool pa lang tayo ay may gusto na ako sa’yo. Kaso, hindi ako makalapit sa’yo kasi mataray ka. Hindi mo ako pinapansin no’n. Pero kahit na ganoon, hindi pa rin ako tumigil sa paghanga sa’yo.”           Lalong dumoble ang t***k ng puso niya. Naghuhumiyaw doon ang damdamin niya para sa binata.           “Hanggang sa lumaki tayo, ikaw pa rin ang laman ng puso. Ikaw pa rin ang babaeng pinapangarap ko. Kaya nang pumunta ka sa painting exhibit ko. Tuwang-tuwa ako no’n. Ang sabi ko sa sarili ko, sa wakas. Napansin mo rin ako.”           Parang isang panaginip lang ang lahat ng ito. Hindi siya makapaniwala sa mga naririnig niya. Ang isang Jared Bandonillo. Matagal nang may gusto sa kanya? “Hanggang sa nangyari na nga ang lahat sa Exhibit. Sa maniwala ka’t hindi. Walang plano. Naisip ko lang ‘yun noong gabi ding ‘yon. Wala na akong ibang maisip na paraan para lang mapansin mo. Gusto kong iparamdam sa’yo kung gaano kita kamahal. Kung gaano ka ka-espesyal sa akin. Pero hindi ko alam kung saan ko uumpisahan.”           “Patawarin mo ako sa pangahas kong ginawa. Kung pakiramdam mo na pinaglaruan kita. Na ginawa kitang tanga. I’m sorry. Hindi ko intensiyon na umabot sa ganito. I did plan to tell you everything. Pero naduwag ako. Nag-enjoy ako sa presensiya mo sa buhay ko. Hanggang sa hiniling ko na lang sa Diyos na sana’y hindi na matapos ‘yun.”           Lalo siyang napaiyak sa mga narinig. Tila isang pangarap lang ang lahat. Isang magandang panaginip na kahit na sinong babae ay gugustuhin nang hindi na lang magising.           “Naiinis ako sa’yo!” singhal niya dito.           Naramdaman niyang lumakad ito palapit sa kanya saka siya hinawakan sa magkabilang balikat at pinihit siya paharap dito.            “Kapag kasama kita. Ikaw na lang ang nakikita ko. Ikaw at ang pagmamahal ko sa’yo ang tanging nagbibigay buhay sa akin. Until I realize, that I’m nothing without you. Hindi ko na alam kung anong gagawin ko kapag hinayaan pa kitang mawala sa akin, Adelle.”           “Mahal kita. Mahal na mahal kita. Noon hanggang ngayon. Ikaw lang ang babaeng minahal ko ng higit sa aking buhay.”           Kinulong ni Adelle ang mukha sa mga palad at doon siya umiyak ng umiyak. Biglang natunaw ang lahat ng galit niya dito. Sa isang iglap ay ang pagmamahal niya para dito ang naghari.           “Buwisit ka! Mahal mo naman pala ako pero sinaktan mo muna ako!” umiiyak pa ring wika niya.           Naramdaman niya nang yakapin siya nito ng mahigpit.           “Mahal din kita, Jared. Mahal na mahal din kita.” Sa wakas ay sabi niya.           “Ano?” hindi makapaniwalang tanong nito.           “Mahal din kita. At naiinis ako sa sarili ko. Dahil kahit sinasaktan mo na ako. Kahit na galit na galit ako sa’yo. Mahal pa rin kita. Mahal na mahal pa rin kita at hindi ko iyon kayang alisin sa puso ko. Nasanay na akong ikaw ang nariyan. At ayoko nang masanay na wala ka sa tabi ko.”           Tinanggal nito ang mga palad sa mukha niya at pinunasan ng daliri nito ang mga luha sa pisngi niya. And there he was, in front of her. The handsome face of the man she truly love.           “I love you, Adelle.”           “I love you too, Jared.”           Pumikit siya nang unti-unti ay lumapit ang mukha nito. Hinanda na niya ang sarili doon. Sa loob ng ilang segundo ay naglapat na muli ang mga labi nila. Mga halik na akala niya ay hindi na kailan man pa niya matitikman.Halik na nagpapatunay ng pagmamahalan nila sa isa’t isa.           Nang matapos iyon ay pinagdikit nito ang noo nila. They smiled at each other and kissed her again.           “Noong makita kita. Natakot akong makilala ka. At nang kilala na kita, natakot akong mahalin ka. At ngayong mahal na kita. Natatakot pa rin akong mahalin ka pa lalo. Dahil ikaw na ang buhay ko. At iyon lang alam ko ngayon at sa mga susunod na araw na ikaw ang kapiling ko.” Buong pusong paglalahad niya sa binata.           Hinaplos ni Jared ang pisngi niya. “Don’t be afraid. I promised you. I will never leave you. At hinding hindi ako mawawala pa sa tabi mo maging sa buhay mo.”           Nag-uumapaw ang kasiyahan sa puso niya nang tugunin niya ng isang matamis na ngiti ang sinabi nito. Niyakap niya ito ng mahigpit at paulit ulit na sinabi dito kung gaano niya ito kamahal.           “You like it?” tanong ni Jared na ang tinutukoy ay ang painting niya.           “Oo naman, ang ganda nga eh. Parang hindi ako.”           “Ikaw ‘yan. Matagal ko ng ginagawa ‘yan. Buti natapos just in time.”           “Thank you,”           “Your Welcome. Lahat gagawin ko, makapagpasaya lang sa’yo.”           “Huuuu! Tama na ‘yan!” awat ni Dingdong.           “Nagka-aminan na, nakahalik ka na. Okay na ‘yan!” dagdag ni Panyang.           “Tse! Pengkum!” asik niya sa huli.           “Sabi na sa’yo sa kanya din ang bagsak mo eh.” Sabi pa ni Panyang.           “Oo na nga!”           “Ayun oh!” ani Humphrey sabay pindot ng kung ano sa videocam nito.           “Yehey! Susunod na siyang mai-inlove!” sigaw naman ni Madi.           “Pengkum!” tanging sagot nito. “Kalokohan lang ‘yan.”           “Bobo, ayan na nga siya oh.” Sabi ni Jared sabay nguso kay Lady na tahimik lang na nakamasid sa mga nangyayari.           “Ewan ko sa inyo. Basta sa sss na ‘to bukas.” Ani Humphrey. “Uy tara na, doon ka na muna sa bahay magpahinga.” Baling nito sa Lady.           Tumalima naman agad ang babae.           “Miss, huwag kang masyadong didikit diyan. Mabubuntis ka!” biro pa dito ni Ken.           Nagtawanan lang sila habang hinahatid ng tingin ang dalawa.           Muli nilang binalingan ang isa’t isa. Hindi pa rin makapaniwala si Adelle. Nasa bisig na siya ngayon ng lalaking hindi niya akalain na mamahalin niya. Parang kahapon lang ay wala siyang pakialam dito. Ngayon naman ay heto na siya, sa isang iglap ay baliw na sa pagmamahal para dito.           Pero wala siyang pinagsisisihan. Mahal nila ang isa’t isa at iyon ang importante sa lahat.           Maglalapat na muli ang kanilang mga labi nang magulat silang lahat ng biglang tumili si Chacha.           “Babe! Manganganak na ‘ko!” hiyaw nito.           Taranta sila…   **THE END/WAKAS**  

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD