Rechel POV
Hindi ko inaasahan na dito lamang pala sa loob ng bakuran ng mansion ni Daniel gaganapin ang kasal. Puno ng magagandang disenyo ng pinaghalong puti at pulang rosas ang paligid bilang pinaka palamuti sa lugar.
Hindi na ako magtataka kung bakit nagawa ni Daniel na maghanda ng ganito kabilis. He has the money and power madali lamang dito ang mag-utos sa kung sino para gawin ang gusto nito. Iba talaga kapag may pera. Kaya marami ang nakakagawa ng masama dahil sa kapangyarihan nito.
Napalingon ako ng hawakan ni Daniel ang kamay ko at pinagsalikop. Sa tindi ng biglaang kaba na nagpalakas ng pintig ng puso ko ay talaga namang nanlamig ang palad ko at namuo ang pawis sa noo ko.
Hindi naman mainit ang sikat ng araw sa lugar na ito dahil na rin sa ilang malalaki at mataas na puno na tila pinasadya para maging presko ang lugar na ito.
"Let's go, everything is ready. Tayo na lang ang hinihintay nila," mahinang boses na bulong nito sa akin.
Nanindig ang balahibo ko sa pagtama ng labi ni Daniel sa dulong tenga ko. Muntikan na akong mapaubo ng bumara ang laway sa lalamunan ko ng hindi ko agad nalunok ito.
Ni hindi pa kasi ako nagkakaroon ng boyfriend tapos biglang ganito na ikakasal ako, hawak kamay kami at magkalapit ng ganito. Kahit pa sabihin na mapapangasawa ko na siya hindi pa rin ako komportable dahil halos twenty-four hours pa lang kaming nagkakilala.
Maaaring hindi kami pareho ng nararamdaman dahil magkaiba kami ng sitwasyon. Matagal na niya akong kilala at nakikita pero ako, sa side ko, lahat ito bago sa akin at hindi ko alam kung saan patungo ang lahat ng ito basta sumusunod lang ako sa agos ng mga nangyayari.
Isang magarbong parang altar ang nadatnan ko sa gitna ng garden. May pari na rin na naghihintay sa amin. Tama nga si Daniel nakahanda na ang lahat at kami na lang ang kulang.
Lutang ang isip ko sa buong durasyon ng seremonyas. Natauhan lang ako ng pisilin no Daniel ang palad ko na hawak pa pala nito sa simula kanina. Dahil sa maraming bagay na iniisip ko hindi ko na namalayan ang mga nangyayari.
Tinatanong pala ko ng pari at ilang beses na hinintay na sumagot ako ng "I do."
Kita ko na pinagpawisan ang noo ni Daniel ng tumingala ako rito. Siguro dahil sa takot nito na mapahiya sa mga tao sa paligid na ni hindi ko kilala kung sino at saan galing.
Mabilis akong sumagot ng I do ng tanungin ulit ako ng pari. Gusto ko na kasing matapos ito at mapuntahan na si mama. For formalities lang naman ang kasal na ito kaya wala ng dahilan para patagalin pa ang lahat ng ito.
Napatingin ako sa papel kung saan nagpapatunay ng maraming bagay sa buhay ko. Mga bagay na malaking pagbabago na naganap at magaganap pa.
Wala na ang dating Rechel Custan na palagi kong nababasa sa bawat papel kung saan nakasulat ang pangalan ko.
Dito isang patunay na ako si Rechel Hernandez at ngayon asawa na ng isang Daniel Monteverde.
Ilang saglit pa ay narinig ko na sinabi na ng pari sa harap namin na legally kasal na kami sa mata ng diyos at batas ng tao. Pwede na raw akong halikan kaya napatingin ako kay Daniel.
Seryoso ang mukha nito at wala akong nababakas na kahit anong emosyon pero nasa mga mata nito ang matiim na titig sa akin ng saglit na nagtama ang mga mata namin bago bumaba ang mukha nito palapit sa akin at lumapat ang labi nito sa labi ko.
Hindi ako makahinga sa kaba at anticipation. Siya ang kauna-unahang lalaki na humawak at ngayon ay humalik sa akin. Binabalot ako ng hiya dahil ginawa namin ito sa harap my maraming tao at heto halos ni hindi nito bitawan ang labi ko.
Kung hindi pa siguro narinig nito ang malakas na hiyawan at palakpakan hindi ako nito papakawalan. Wala akong masabi kaya yumuko na lang ako kasabay ng paggagap nito sa kamay ko.
Mabilis na lumapit sa amin ang mga saksi sa naganap na kasalan. Bawat isa ay binati kami at puro magagandang wishes ang narinig ko mula sa mga ito.
Inaya ni Daniel ang lahat sa isang salu-salo. Bagot na hinintay ko na matapos ang lahat dahil wala akong nakikitang dahilan para magsaya.
Nasa kung saan nakaburol si mama at ang tanging gusto ko lang sa mga oras na ito ay makita at mapuntahan ito kaya wala sa loob ko ang lahat ng nagaganap sa harap ko.
"Focus for a while Rechel, kailangan nating gawin ito at para matapos na rin tayo. Just this one," bulong nito saka ingunuso ang mga taong ngayon ay kadarating lamang at nagsisimula ng i-set up ang mga dalang camera.
"Ano 'yan? Sino sila?" naitanong ko ng makitang marami ang mga ito.
"Mga reporter sila ng iba't-ibang tv station. They here for our special interview at para na rin sa scop ng kasal natin. Mabilis lang 'to," pabulong ulit na paliwanag nito.
"Kailangan ba talaga nating gawin ito?" hindi ko mapigilan na tanong dito. Hindi kasi ako nagtanong sa mga preparation na ginawa nito at hinayaan ko na s'ya. Hindi ko alam kung ano ang motibo niya at may mga press pa palang kailangan naming harapin.
Akala ko kasi tapos na at makakaalis na kami pero heto kailangan ko pa silang harapin at magtagal sa lugar na ito.
Ilang sandali pa ay umupo kami sa harap ng mga ito. Hindi rin naman nagtagal ang interview kaya natapos namin ito ng sampung minuto. Tama nga si Daniel saglit lang talaga ito.
Malaking bagay daw kasi ito para iparating sa panig nina Laura na kasal na kami at may equal share na kami sa property ng bawat isa. Sa ganitong paraan daw mas mapoprotektahan niya ako.
Alam ko na tila ipinain niya ang sarili sa panganib sa ginawa nitong pagtulong sa akin. Napakalaki ng tulong ni Daniel na habang buhay kong tatanawin na utang na loob at pagpapasalamat.