"Are you going to just stand there?"
Napabalik ako sa realidad nang marinig ko ang boses na iyon. Kanina pa pala ako nakatunganga. Lagot!
"Ahh... O-opo!" Agad akong tumalima at kinuha ang dalawang bag ko na dadalhin. Muli akong sumulyap sa loob ng bahay namin at saka napabuntong-hininga. Matapos niyon ay lumapit na ako sa sasakyan ni Rave.
Nagpalinga-linga ako sa harap at sa likurang bahagi ng kotse niya. Napakapit ako sa aking bag at kinagat pailalim ang aking dalawang labi.
"Ah, S-sir... Saan ko po ilalagay ang bag ko?" nahihiyang tanong ko.
"Just toss it at the back. Whatever suits you. Just get it quickly because I'm late!" angil naman niya sa akin nang hindi ako tinatapunan ng tingin.
Napabuga ako ng mahinang hangin. Tama nga si Ellen. Hindi ako makikilala sa disguise na mayroon ako ngayon. Ni hindi nga ako tinapunan ng tingin ni Rave.
Pagkatapos kong ilagay ang mga gamit ko sa likuran ay umupo na rin ako sa likuran. Prenteng inayos ko na ang napakaluwag na damit kong sobrang baduy na dress at napatingin sa harapan.
"What do you think you're doing?"
"S-sir?"
"Sinabi ko bang sa likuran ka mauupo? Ano 'yun pagmumukhain mo akong driver mo?!"
Napatalon ako sa kanyang boses. Napakagat-labi ako at minabuti na lang na tumalima kaysa ang kagalitan ako ng lalaking ito. Sobrang tagal na rin mula noong huli kaming magkita. Ang totoo niyan ay halos makalimutan ko na ang boses niya. Pero ngayong nakita ko na siya ay tila isa itong bagong alaala.
Nang makaupo ako sa harapan ay saka lang pinaandar ni Rave ang kanyang sasakyan. Tahimik lang kami sa biyahe.
May pagkakataon na nakakasulyap-sulyap ako sa kanyang mukha. Nakita ko na hindi pa rin nawawala ang kunot sa kanyang noo. Mukhang galit pa rin siya sa pag-upo ko sa likuran. At halata rin sa hitsura niya na ayaw niyang kinakausap siya.
Ang Rave na kilala ko ay sobrang malambing at masayang kausap. Pinaramdam niya sa akin na ako lang ang pinaka mahalagang babae sa buhay niya. Pero noon iyon. Noong mga panahon na hindi pa niya nalalaman ang lahat.
At kung makikita man ako ni Rave bilang si Leen, siguradong kamumuhian niya ako.
Pero ako ngayon si Lena. Isang katulong na maninilbihan sa bahay ng mga Fortaleza.
"Ah... Sir, pwede po ba akong magtanong?" bigla ay pagbubukas ko ng usapan. "Hindi po kasi nabanggit ng kakilala ko ang tungkol sa aking trabaho. Biglaan po kasing sinabi sa akin na susunduin na ako sa bahay kaya po hindi ko alam ang gagawin ko po. May ideya po ba kayo kung ano ang gagawin ko?"
Narinig ko siyang napabuntong-hininga. "I really don't know the details, but you'll be working inside Casa de Fortaleza. That's all I know, so just remain silent and wait until we get there," malamig niyang tugon sa akin.
Alam ko ang tungkol sa Casa de Fortaleza. Iyon ang main residence ng mga Fortaleza sa loob ng Victoria City. Ang Victoria City naman ay ang tinaguriang largest capitalist city within a city. Nasa loob siya ng Forbes City at isa sa pinaka-progressive na siyudad sa Pilipinas. Lahat ng successful businesses ay dito itinayo. Ang mga nakatira lamang doon ay mga prominente hanggang sa middle class na mga tao. Walang mahihirap. Walang mga nagpapalaboy-laboy.
Sa bungad nito ay may mahigpit na security check. Sampu ang nakagwardiya sa labas at kinakailangang mag-tap sa QR Code na eksklusibo lamang sa mga residente sa loob. Hindi basta-basta nakakapasok dito.
Hindi pa rin ako sinusulyapan ni Rave hanggang sa makarating kami sa bungad ng Victoria.
Sino nga naman ang titingin sa ganitong hitsura? Sobrang pangit ko talaga. Kahit ako ay hindi maaatim na tingnan ang sarili ko.
Tama lang ito. Tama lang na hindi niya ako makilala.
Ibinaba ni Rave ang kanyang bintana at iniscan ang kanyang QR sa scanner na nakatapat sa kanya.
Dumungaw naman ang isang gwardiya at napasulyap sa aking gawi. "Who is she, sir?"
"New maid. We will apply for her QR later. I'm a bit late to my meeting. Can you just ring Casa de Fortaleza later?" sagot naman ni Rave dito.
"Okay, sir..." Sinenyasan nito ang isang gwardiya at itinaas ang harang sa entrance.
Umandar nang muli ang sasakyan at matagumpay kaming nakapasok sa loob.
Doon na nagsimulang dagain ang dibdib ko. Unti-unting rumagasa ang mga alaala ng Victoria sa akin. Maraming mga nagbago ngunit ang karamihan ay ganoon pa rin. Nakita ko ang building ng ForTech Inc. o Fortaleza Technologies Incorporated. Iyon ang kumpanya na pagmamay-ari ng pamilya ni Rave. Ang kumpanya kung saan ako nagsimula.
Hindi nagtagal ay nakarating na rin kami sa malawak na mansyon ng mga Fortaleza.
Anim na taon na rin nang huli akong makatapak sa lugar na ito. Nakakamangha na walang ipinagbago ang hitsura nito.
"Wow! Ang ganda pala rito, Sir!" nagagalak kong sabi. Gusto ko lang pagtakpan ang ekspresyon ko na tila hindi nabigla sa lawak ng mansyon nila. Ayaw kong maghinala siya sa akin.
Pagkalabas sa sasakyan ay kinuha ko na ang gamit ko. May isang babaeng matanda ang lumapit sa akin. Napayuko ito sa harap ni Rave.
"Good morning, Sir Earl! Salamat po sa pagsundo sa bago nating maid. Pasensya na kayo kung kayo pa ang sumundo," anito sa lalaki.
"I won't come in anymore. Late na ako sa meeting, Manang. Kayo na ang bahala sa kanya," tagubilin ng lalaki. Wala man lang lingon-lingon sa amin at pinaandar ang sasakyan palabas ng mansyon. Hanggang sa nawala na siya sa aming paningin.
"Ikaw ba si Lena Palermo? Ikaw ba iyong bagong katulong ni Mrs. Reyna Fortaleza? tanong ng matanda sa akin.
Napangiti ako at napatango rito. "Ah, o-opo. Ako nga po si Lena."
"Ako nga pala si Manang Maribel. Ako ang mayordoma rito," pagapakilala nito. "Halika, anak. Pasok ka na at pumunta sa kwarto mo..."
Hinatid ako ni Manang sa malawak na maid's headquarters. Hindi aakalain ng kahit sino na para ito sa mga maid dahil sobrang lawak ng area. Napanganga ako nang makapasok sa loob ng kwarto na gagamitin ko.
Sobrang ganda! May sariling study table, may aircon, may lampshade, at mga paintings. Kumpleto ang toiletries at mga hygienes para sa babae. Parang kwarto lang ng isang may-bahay. Nakakatuwa.
Ganito pala maging katulong sa Casa de Fortaleza. Nakakatuwa at maalaga sila sa mga katulong.
Binigyan ako ng pagkakataon ni Manang Maribel na maisaayos ang mga gamit ko sa loob ng kwarto bago ako lumabas. Nakapagpalit na rin ako ng uniform bago hinarap si Manang.
Itinuro sa akin ni Manang ang mga gagawin ko.
"Ito ang magiging trabaho mo rito, Lena. Ang pinaka sisigiruhin mong malinis ay ang mga gamit ni Sir Earl. Ikaw ang maglilinis sa kanyang kwarto, opisina, at ikaw na rin ang nakatoka sa paglalaba ng kanyang mga damit," tagubilin niya.
"P-po? Ako po?" Tinuro ko pa ang sarili ko.
"Oo. Ikaw. Sa'yo itinoka ni Ma'am Reyna ang lahat ng gawain para kay Sir Earl. Iyon ang bilin niya sa akin.
"Dito sa mansyon, ang mga katulong ay may kanya-kanyang mga nakatoka na gawain. Ako ang nangangasiwa sa lahat dito sa mansyon pero mas nakatuon ako sa kusina. Ang ibang katulong dito ay nakatuon sa pagpapanatili sa mga kagamitan ng mga anak ni Mrs. Reyna. At ikaw ang naatasan para naman kay Sir Earl," mahaba nitong paliwanag.
"Ahh... gano'n po ba?"
"Oo, anak. Galingan mo ha? May 1 week probation ka pa sa trabahong ito. Pagkatapos ng isang linggo, kung magugustuhan ni Sir Earl ang iyong pagtatrabaho ay makakapirma ka kaagad ng 1 year contract para manilbihan sa mga Fortaleza. Kapag sa loob naman ng isang linggo ay hindi siya nasiyahan ay ibibigay kaagad sa'yo ang sweldo at pwede kang umuwi sa inyo. Ang sweldo na ibibigay sa iyo ay ang kabuuang sweldo para sa isang buwan.
"Kaya sana ay galingan mo, anak. Dahil nahihirapan na rin si Mrs. Reyna sa paghahanap ng panibago. Ang totoo ay hindi na namin mabilang ang mga katulong na wala pa mang isang linggo ay napapauwi na. Kaya sana ay ikaw na ang huli..." Nagtaka ako sa kanyang mahabang paliwanag.
"Marami na po bang dumaan na katulong kay Sir Earl?"
"Oo, anak. Dahil masyadong pihikan si Sir sa mga katulong na nakatalaga sa kanya. Ayaw niya kasi sa lahat ay ang magkakagusto sa kanya o 'di kaya ay makikialaman ang mga gamit niya lalong-lalo na sa loob ng kanyang kwarto. Maling galaw lang ay kaagad nang magsasabi na paaalisin ang katulong. Kaya sana magtagal ka..."
Napalunok ako sa sinabi ni Manang. Hindi ko alam na ganito pala kalala si Rave sa bahay nila. Masyadong conceited ang mokong!
"Lahat po ba ng katulong ni Sir e nagkakagusto sa kanya?" tanong ko pa.
"Oo, anak. Kadalasan ay iyon ang rason. Mga bata o kasing edad kasi ni Sir ang madalas na nakatoka sa kanya. Kung hindi naman ay matatanda ngunit malilikot ang mga kamay. Kaya wala pang isang linggo ay kaagad na silang pinapauwi," anito. "Bakit, anak? Nagkakagusto ka na ba sa kanya? Naku, anak, huwag na huwag mo iyang gagawin!"
"Ay, naku! Nagkakamali po kayo, Manang. Wala po akong gusto kay Sir. May anak na po ako at nakatuon lang ang atensyon ko sa kanya. Kaya ko rin po tinanggap ang trabaho na ito ay dahil gusto ko siyang buhayin nang maayos. Gusto kong maibigay ang lahat ng pangangailangan niya. Kaya makakaasa kayo na hindi ko gagawin ang mga bagay na makakasira sa akin sa pagtatrabaho rito."
"Maraming salamat, anak. Oh, siya. Magpahinga ka na. Bukas ay magsisimula ka na sa mga gawain. Sa ngayon ay maaari kang magpahinga."
Pagkatapos niyon ay nagpasalamat ako kay Manang at bumalik na sa aking kwarto.
Buong maghapon ay nag-ayos ako ng mga damit ko at inilagay ko sa tokador. Nang matapos ay naligo ako sa loob ng CR sa kwartong iyon. Pagdating na alas singko ay dumiretso ako sa kusina at nagpakilala sa iba pang mga katulong. Naging mabuti naman ang kanilang pagtanggap sa akin at niyaya nila akong maghapunan.
Hindi ko alam kung makakayanan ko ang buhay sa loob ng Casa de Fortaleza, pero isa lang ang hinihiling ko.
Sana ay gumaling ang anak ko at sana makaalis ako rito pagkatapos kong makuha ang sapat na pera na kailangan ko.