Kinabukasan ay maaga akong gumising. Alas kwatro pa lang ng madaling araw ay mulat na ang mga mata ko.
Kaagad kong tinungo ang vanity set sa loob ng kwarto at sinipat ang aking sarili.
Makapal na kilay, good to go.
Malapad na ilong, perfect!
Okay na ang disguise ko. Kapit na kapit.
Pagkatapos niyon ay naglinis na ako sa mga lugar na nakatoka sa akin. Inuna ko ang veranda ni Rave at ang kanyang opisina.
Hindi naman ako gaanong nahirapan dahil mula sa loob ng kanyang opisina ay tiyak na mapapasabi ang kahit sino na isang masinop na tao ang may-ari nito. Ayon kay Manang Maribel ay siya lamang ang naglilinis ng mga nakatoka sa akin ngayon dahil siya lamang ang pinagkakatiwalaan ng lalaki. Hindi maaaring mangialam ang ibang katulong doon liban na lamang kung sila ay uutusan. Ayon pa kay Manang ay halos wala na siyang nalilinis dahil likas na masipag at masinop ang kanyang alaga.
"Hmm... Infairness naman pala. Akala ko kasi lahat na lang ng tungkol sa'yo ay pangit na," bulong ko sa hangin habang nagwawalis. Napairap pa ako at nagbuntong-hininga.
Ipinagpatuloy ko na lang ang aking paglilinis. Pagkatapos sa opisina ay dumako naman ako sa private library ni Rave.
Sa loob ay tahimik at madilim. Nakatabon pa ang mga black-out curtains sa mga bintana. Minabuti ko na lang na hawiin ang mga ito isa-isa at saka unti-unting pumasok ang mayuming liwanag na nanggaling sa pagbusilak ng umaga.
Napangiti ako sa aking natanaw. Bigla akong napabuntong hininga. "Kumusta na kaya si Yen-yen? Sana ay okay lang siya. Nami-miss ko na ang anak ko..." Pinahid ko ang umalpas na luha mula sa aking mga mata.
Pagkatapos niyon ay kinuha ko na ang walis at dustpan at akmang pipihit paharap. Bigla akong napatalon sa gulat nang may mamataang isang malaking bulto ng katawan sa aking harapan.
"Ay, anak ng tipaklong!" hiyaw ko. Agad ko namang nahulog ang mga hawak ko at nagkalat ang mga ito sa sahig.
Ang nakahalukipkip na si Rave ang aking nabungaran. Halata na bagong gising ito at tila naistorbo sa pagtulog.
Napakunot ang aking noo. Dito ba siya natulog?
"S-Sir Earl? Ang aga n'yo po atang nagising?" nauutal na tanong ko.
"Yeah, which I shouldn't be. Who told you to come here?" madilim niyang tanong.
"Ahh... Hindi pa po ba nasasabi sa inyo ni Senyora Reyna? Ako po 'yung bagong katulong dito. At sabi po niya na nakatoka po ako sa mga gamit at mga lugar ninyo sa mansyon, Sir," pagpapaliwanag ko naman.
Narinig ko siyang marahas na bumuntong hininga. Hinagod niya ang kanyang buhok na gulo-gulo pa upang pawiin ang kanyang pagkainis. Bagay na alam kong ginagawa niya tuwing siya ay nagpipigil ng galit.
Napakagat-labi ako.
"After you clean, ipagtimpla mo ako ng kape..." utos niya nang hindi man lang ako sinusulyapan at saka agad na lumabas ng library.
Napasimangot naman ako. "Sungit!"
Ano pa nga ba ang ini-expect ko? Wala nang tatalo pa sa kasungitan ng lalaking iyon. Sabagay, bakit naman niya ako pakikitunguhan nang maayos? E ako si Lena! At si Lena ay hindi kagandahan at hindi worth it ngitian!
Padabog kong pinulot ang mga gamit na nabitiwan ko saka ko ipinagpatuloy ang paglilinis.
Minsan ay naiisip ko, ano pa bang silbi ko rito sa pamamahay na 'to kung halos wala naman na akong malilinisan sa sobrang linis ng mga kwarto niya? Kung bakit naman kasi pa-hire-hire pa ng katulong ang pamilya Fortaleza?
Pagkatapos ko sa library ay nagtungo na ako sa kusina at nagtimpla na ng kape. Doon ay naabutan ko si Salve. Isa siya sa mga katulong na nakatoka naman sa hardin. Minsan ay tumutulong siya kay Manang Maribel sa mga gawain sa kusina kaya madalas siya rito.
"Magtitimpla ka ba ng kape ni Sir Earl?" tanong niya sa akin.
"Ah... opo. Sabi niya ay dalhan ko raw siya."
"Alam mo na ba ang timpla ng kape na gusto ni Sir? Medyo pihikan pa naman siya. Tinuruan ka na ba ni Manang?"
"Ahh... hindi pa po, e."
Napangiti naman si Ate Salve sa akin. "'Wag kang mag-alala. Tuturuan kita, okay? Ganito lang 'yan..." Sinimulan na ni Ate Salve na kumuha ng isang mamahaling tasa mula sa cupboard at magpainit sa maliit na coffee maker.
Kakaiba ang coffee maker na naroon. Pamilyar sa akin ang disenyo. Hindi siya isang pangkaraniwang disenyo. Naaalala ko na may ganito akong nakita noon. Nang maalala ay napangiti ako.
Isa iyon sa mga pioneering designs sa ForTech noong nag-intern pa lang ako sa kumpanya. Kung hindi ako nagkakamali ay dinisenyo ito ng isa sa mga top interns sa ForTech na ahead sa akin ng isang year.
Iyon ang tunay kong nakaraan sa lugar na ito. Isa akong Electronic Engineering graduate. At ang ForTech ang una kong tahanan sa loob ng Victoria City.
Naririnig ko si Salve na nagsasalita. Tinuturuan niya ako kung paano gamitin ang coffee maker machine na iyon ngunit dahil sa lalim ng gunita ko ay hindi ko siya napagtuunan ng pansin.
"Hello? Nakikinig ka ba, Lena?" untag niya sa akin.
"Ah? Ah, opo, Ate."
"Oh, sige nga, gawin mo nga ang sinabi ko kanina!" panghahamon niya pa.
Nagpalit kami ng posisyon at ako naman ngayon ang nasa harap ng machine. Walang sabi-sabi na inumpisahan ko na ang pag-operate doon.
Laglag-pangang pinagmasdan ako ni Ate Salve. Halata ang pagkamangha sa kanyang mukha. Bahagya akong napatawa.
"Ang bilis mo yatang matuto, ah! Okay, sige na. Naniniwala na akong nakinig ka sa akin kanina. Ibigay mo na iyan kay Sir at kanina pa iyon naghihintay sa may veranda," pantataboy naman niya saka ako iniwan.
Dinala ko na ang isang tasa ng kape patungo sa veranda kasama ang dalawang toasted bread at boild egg.
Naabutan ko ang lalaki na nakatunghay sa kanyang laptop at seryosong nagbabasa roon. Nakasuot pa ito ng eyeglasses.
Hmm... Malabo na pala ang mga mata niya pagkalipas ng anim na taon?
"Sir Earl? Ito na po ang kape ninyo..." pagbati ko sabay lapag ng tray sa mesa.
"Ano bang nilagay mo sa kape at inabot ka pa ng siyam-siyam sa pagtitimpla?" malamig niyang tanong.
Muntik nang mapataas ang aking nangangapal na kilay dahil sa kanyang sinabi.
'Wag mong kakalimutan, Leen. Katulong ka. Katulong!
"Ahh... T-tinuruan pa po kasi ako ni Ate Salve kung paano po paganahin ang coffee maker machine, Sir. Pasensya na po kayo. Wala po kasi no'n sa amin. Alam n'yo na po... tagabundok ako kaya po nagpaturo ako," pagdadahilan ko pa sabay natatawa. Ngunit sa totoo lang ay maning-mani ko na ang pag-operate ng mga appliances kahit pa hindi ako pamilyar sa model. Iyon ang isa sa maipagmamalaki ko sa sarili ko dahil sa experience ko bilang isang Electronic Engineer.
"I didn't ask for your petty life. Kapag trabaho, trabaho. Kailangan mong kumilos nang hindi mo naaabala ang iba. Naiintindihan mo ba?" pambabara niyang bigla.
"O-opo, Sir. Pasensya na po."
"And why the heck would you wear make-up early in the morning? At ganyan pa ang pagkakalagay mo sa kilay! Pwede bang ayusin mo naman 'yan?"
"Ay, pasensya na po kayo, Sir. Wala na po ako magagawa sa mukha ko. Ipinanganak na po talaga akong ganito. At mas okay na rin na ganito ang kilay ko kaysa kung wala. Kapag hindi po ako naglalagay ng drawing na kilay, Sir, baka magulat kayo kasi mata at pilik-mata lang ang mayroon ako. Tanggalin ko na po ba, Sir?" Akma ko nang pupunasan ang drawing sa kilay ko nang bigla niyang hinarang ang kanyang kamay sa aking harapan.
"Stop!" agad niyang sigaw sa akin. Halata sa mukha niya ang pagkatakot dahil nanlalaki pa ang mga mata niya.
"Oh, ano, Sir? May ipapabura pa po ba kayo bukod sa kilay ko?"
"Nothing! Just get lost. Nasisira ang umaga ko sa'yo!"
Same, Sir. Same!
"Ahh..." Napatawa ako nang malumanay at napatanghod sa kanya. "Kung wala na po kayong kailangan ay aalis na po ako. Byers!" sabay alis mula sa kanyang harapan.
Maka-judge naman! Pangit na ako kung pangit! E, sa ito ang disguise na mainam. Magpapaka-choosy pa ba ako? Tama lang talaga ang desisyon kong ilayo ang anak ko. Ayaw ko na makilala niya ang ama niya na sobrang judgmental akala mo kung sinong perfect!
"Oh, bakit ganyan ang mukha mo, anak? Umagang-umaga. Nagpapalihi ka yata ng sama ng loob sa buong kabahayan, ah? May problema ba?" tanong ng bagong kaharap ko. Pagkatingala ko ay si Manang Maribel lang pala.
"Kayo po pala, Manang. Huwag mo na po akong pansinin. Ano po bang lulutuin natin ngayon?" pag-iiba ko na lang ng usapan.
"Naku! Tamang-tama at narito ka. Tulungan mo akong maggayat ng mga rekado. Magluluto tayo ng sinigang na bangus. Ito kasi ang paborito ni Mrs. Reyna. Marunong ka bang magluto?"
"Ay, syempre naman po! Yakang-yaka ko 'yan, Manang. Kahit napapikit pa!" pagyayabang ko pa.
"Sus! Talaga kang bata ka! Tulungan mo na nga ako rito at nang makapag-agahan na sila."
Sinimulan ko nang gayatin ang mga rekado na kailangan ni Manang Maribel para sa Sinigang na Bangus. Marami siyang gulay na isinahog dahil ang kanyang niluto ay para na sa pangkalahatan.
Natuwa naman ako dahil kung ano ang kinakain ng mga amo namin ay siyang kakainin din ng mga katulong at iba pang trabahador sa mansyon. Dahil sa dami naming mga empleyado sa mansyon ay sa loob na kami ng kusina kumain. Ang pamilya Fortaleza naman ay sa dining hall kumain.
"Ang aaga talaga magsigising ng mga amo natin, ano?" tanong ni Gina, isa sa mga katulong na nakatoka naman sa isa sa kapatid ni Rave.
"Ganoon na talaga sila noon pa man, Gina. Likas silang masisipag dahil mga negosyante sila. Hindi ko nga nakita na nagpahinga si Sir Roberto, e. Namana iyon ni Sir Earl sa kanya. Kaya naman ay sila ang nangunguna na negosyante sa buong Victoria City," paliwanag naman ni Manang Maribel.
Hindi naman nakakapagtaka ito. Likas na masipag ang mga Fortaleza pagdating sa business. Kaya mula noon at mapaghanggang ngayon ay sila pa rin ang nangunguna na tech company hindi lamang sa Victoria kundi sa buong bansa.
Naging magiliw ang pagsasalo namin ng agahan na lahat. Liban na lamang sa mga guardiya na nagbabantay sa labas ng mansyon.
Sa gitna ng masayang umaga ay nabalot ito ng isang malakas na ingay mula sa dining hall. Tila may nabasag doon.
Agad kaming napatahimik lahat. Dahil sa pagka-curious ay minabuti kong silipin ang naganap. Ganoon din ang ginawa ni Manang Maribel, Gina, at Ate Salve.
Napasinghap ang lahat nang makita ang komosyon.
Nakatayo roon si Earl sa gitna ng mga bubog sa sahig. Nang mapadako ang mga mata ko sa kanyang mukha ay napatakip ako ng mukha.
May malaki siyang sugat doon!
Anong nangyayari? Bakit galit na galit na nakatingin ang matandang lalaki sa kanyang harapan?