Nakita ko ang balance ng Gcash account ko at napabuntong-hininga. Mariin kong ipinikit ang mga mata ko at humugot ng hangin bago tumango sa tindera na kaharap ko.
"Sige po. I-cash out ko na lahat..." pagpasya ko.
Napatango ang tindera. "Sige. Paki-send na lang sa number na nasa picture, Miss," instruksyon niya sa akin.
Iwi-withdraw ko na kasi ang kabuuang ipon ko na Php 20,000. Hindi ko gustong galawin ito pero wala akong ibang choice.
"Beng, sigurado ka na ba sa gagawin mo? Ilang buwang ipon mo na rin 'yan sa pagsa-sideline mo sa online, 'di ba?" tanong sa akin ni Ellen, ang matalik kong kaibigan na hindi ako iniwan magmula nang lisanin ko ang Victoria City.
"Beng, may pagpipilian pa ba ako? Hindi pwedeng hindi magamot si Yen-yen sa lalong madaling panahon," katwiran ko pa habang napaluha. Ako na lang at si Yen-yen ang magkasama. Kapag nawala siya, baka ikamatay ko pa.
Kahapon kasi ay isinugod namin sa ospital si Yen-yen. Bigla kasing tumaas ang lagnat niya. Sa sobrang pagkataranta ko ay kaagad kong tinawagan si Ellen. Sinamahan ako ng kaibigan ko sa ospital. At habang inaasikaso sa loob si Yen-yen ay hindi matanggal sa dibdib ko ang kaba.
Iyak ako nang iyak.
"Diyos ko, huwag mong pababayaan si Yen-yen. Diyos ko... huwag ang anak ko. Ibigay N'yo na lang sa akin ang lahat ng sakit, huwag lang magdusa ang pinakamamahal kong anak..." piping panalangin ko nang mga oras na iyon.
Pagkatapos na iniabot sa akin ng tindera ang kabuuan ng aking pina-cash-out ay nanginig ang kalamnan ko.
"Kayanin mo ito, Leen. Para kay Yen-yen..." bulong ko sa aking sarili.
Ibinulsa ko ang pera at sabay kaming nagkatinginan ni Ellen. Ngunit ang kanyang ekspresyon ay may laman na tila may nais na sabihin.
Napabuntong-hininga siya. "Bakit kasi ayaw mo pang bumalik sa Victoria, Beng? Kung para rin naman kay Yen-yen itong gagawin mo, bakit ka pa nagdadalawang-isip? Isipin mo na lang kung babalik ka, tiyak na mas giginhawa ang buhay niya," bigla ay sabi niya.
Hindi naman ako nagtaka pa sa kanyang binuksang usapan. Ilang beses na rin akong kinukumbinsi ni Ellen tungkol dito ngunit hindi talaga ako nagpatinag.
"Beng, 'di ba napag-usapan na natin 'yan? Kahit anong sabihin mo, hinding-hindi pa rin ako babalik sa impyernong lugar na 'yun!"
"Hindi mo ba pwedeng ibaba nang kahit kaunti ang pride mo para sa anak mo, Beng? Saan aabot ang bente mil mo kung ang sakit ng anak mo ay kailangan ng maraming gamutan?" pangungumbinsi pa niya.
Si Ayenah Dreanni Guillermo o Yen-yen ay ang anim na taong gulang na anak ko. At kahapon lang ay ipinaalam sa akin ng kanyang doktor ang isang kagimbal-gimbal na balita. Ang anak ko ay diagnosed ng Acute Lymphocytic Leukemia.
Sa anim na taon na itinaguyod ko siyang mag-isa, hindi ko aakalain na aabot kami sa ganitong problema. Hindi ko lubos akalain na sa murang edad niya ay tatamaan siya ng ganitong klaseng sakit.
Hindi ko basta matanggap lang. Kaya kayod-kalabaw ako buong buhay ko dahil ayaw ko na mahirapan ang anak ko sa buhay. Katulad ng paghihirap na nararanasan ko. Pero hindi pala naging sapat ang pag-aaruga ko sa kanya.
"Leen, hindi sapat ang bente mil mo para masalinan ng dugo si Yen-yen. Kailangan mong lumapit sa ama niya para—"
"Sinabi ko bang ito lang ang kaya kong ibigay sa anak ko?" pagputol ko sa sinabi niya. Rumagasa na ang mga luha ko sa mukha. Ayaw ko hangga't maaari na magsalita ng ganito ngunit hindi ko kayang marinig ang gusto niyang sabihin.
"Kaya kong ipagamot si Yen-yen. Kakayanin ko. Kung kinakailangan na maging anim ang side jobs ko, gagawin ko, Beng. Pero hinding hindi ako hihingi ng tulong sa hayop niyang ama! Anim na taon, Beng. Anim na taon kong binuhay ang anak ko. Ngayon pa ba ako susuko? Ngayon pa ba na mas kailangan ako ng anak ko? Bakit kung kailan ganito ang sitwasyon niya ay saka pa ako hihingi ng tulong sa kanya?" Napailing ako. "Hindi na bale, Beng. Kahit magkanda-utang-utang pa ako ay gagawin ko. Pero hinding-hindi ako kailanman lalapit sa lalaking iyon na ang mahal lang ang ang sarili niya! Kaya tama na ito, Beng. 'Wag mo na akong pilitin pa. Nakikiusap ako sa'yo..." mahaba kong litanya sa kanya at saka humikbi.
Walang salitang lumabas sa bibig ng aking kaibigan at kaagad lang akong dinala sa kanyang bisig at niyakap nang mahigpit. Ramdam ko ang hagulgol niya. Dahil alam na alam niya ang hirap na dinanas ko sa loob ng anim na taon. Alam niya ang mga pagdurusa ko.
Pagkatapos niyon ay nagtungo kami sa pharmacy at bumili ng ilang gamot na nireseta ng doktor para kay Yen-yen. Iilan doon sa nireseta ay sobrang mahal. Umabot ng 200+ ang isang gamot lang na isang beses iinumin.
Isang araw lang ay mauubos ang ang bente mil ko kung wala akong ibang lalapitan. Naging mahaba ang araw na iyon para sa akin. Marami akong charity ng gobyerno na nilapitan para lang kahit sa gamot ay makalibre ako kahit ilang piraso lang. Pagkatapos niyon ay dumiretso na ako sa ospital.
Nabungaran ko ang maingay at matinis na boses ng anak ni Ellen na si Barbie. Apat na taong gulang ito at malapit kay Yen-yen.
Napangiti ako nang makitang nakangiti rin ang aking pinakamamahal na anak. Sa mukha nito ay walang sakit na mababanaag. Sobrang masigla ang kanyang mga mata at hindi pa halata sa kanyang pangangatawan ang sakit na unti-unting pumapatay sa kanyang katawan.
Gusto kong humikbi ngunit pinigilan ko ang aking sarili.
"Kaya mo 'to, Leen. Huwag na huwag kang iiyak sa harap ng anak mo..." pagpapaalala ko sa aking sarili.
Nang makaya kong iurong ang mga luhang nagbabadya ay pinalitan ko ng isang masiglang ngiti ang nakaplastada sa aking mukha.
"Mama! Mama!" pagbati sa akin ni Yen-yen.
Humalik ako sa kanyang noo at naupo sa isang bakanteng upuan sa gilid ng kama. "Kumusta ang pakiramdam mo, anak?"
"Heto, Mama! Wala na akong lagnat. Sabi ko nga sa doktor na uuwi na ako. Kasi may school pa ako. At saka, mukhang mahal ang mag-stay rito, Mama! Uwi na tayo kasi kawawa ka naman. Ayaw ko na mahirapan ka. Magaling naman na ako, e..." mahabang balita niya sa akin.
Agad naman kaming nagkatinginan ni Ellen dahil doon.
Napatikhim siya at inaya si Barbie na lumabas silang dalawa. Nang kami na lang ni Yen-yen ang nasa loob ay saka ako nagsalita.
"Anak... sabi kasi ng doktor kailangan na dito ka muna. Ang sabi niya ay mas maganda na dito ka magpahinga..." paglalahad ko.
"Bakit naman po? Pwede naman pong magpahinga sa bahay natin, 'di ba po? Sayang kasi ang pera natin, Mama. Okay lang naman ako, Mama. Promise! Makakapasok ako sa school," tugon naman niya.
"Yen-yen, anak... Mahal mo ba si Mama?"
"Syempre naman po, Mama! Mahal na mahal po kita."
"Mahal na mahal din kita, anak. Kaya nandito ka sa ospital kasi mahal na mahal kita. Ayaw ko na magkasakit ka. Kaya kung pwede sana... dito muna tayo, okay? Para mapanatag ang loob ni Mama. Okay lang ba sa'yo 'yun?"
Biglang napatahimik si Yen-yen at tinantiya ang mga sinabi ko. Kahit anim na taon lang siya ay kakikitaan na siya ng talino. Kaya hindi ko siya basta-bastang nauuto. Sobrang bait niyang anak at sobrang maintindihin. Pero hanggang ngayon kasi ay hindi ko pa masabi sa kanya ang tunay na estado niya. Hindi pa kaya ng puso ko na sabihin sa kanya ang totoo. Sobrang sakit at ayaw ko na masaktan siya. Wala pa akong sapat na lakas para sabihin sa kanya ang lahat.
"Mama..." bigla ay tawag niya sa akin.
"Yes, anak?"
"Mama, hihintayin ko po kayo sa tamang panahon kung kailan n'yo po sasabihin sa akin ang gusto ninyong sabihin. Naiintindihan ko na nahihirapan kayo. At kung sa tingin ninyo ay okay lang na dumito muna tayo, sige po..." Napatango siya at mahinang ngumiti sa akin. "Basta po hindi kayo nag-aalala sa akin ay ayos lang po..."
Napangiti ako sa sagot niya. Kaagad ko siyang niyakap. "Salamat sa pag-intindi, anak ko. Mahal na mahal ka ni Mama, ha?"
Pagkatapos kong painumin si Yen-yen ng gamot ay pinatulog ko na siya. Nang masiguro kong tulog na siya ay saka lang tumulo nang masagana ang mga luha ko.
"Diyos ko... Bakit ang anak ko pa? Bakit? Sobrang sakit..." piping tanong ko sa hangin habang humihikbi nang tahimik. Tumalikod ako sa aking anak dahil ayaw kong makita o marinig niya ang sakit na nararamdaman ko.
Maya-maya ay may tumawag sa akin.
Si Gellie iyon. Isa sa dati kong katrabaho noon sa isang fast food chain.
"Oh, Gellie, napatawag ka?"
"Hello, Leen! Kumusta ka na?" tanong niya mula sa kabilang linya.
"Heto... Kayod kalabaw pa rin. Ikaw?"
"Okay naman," sagot niya. "O siya nga pala! Napatawag lang ako kasi 'di ba naghahanap ka ng trabaho? Hindi ka naman maarte sa trabaho, 'di ba?"
"Oo naman, Gellie. Kahit ano pa iyan basta't marangal."
"Ayun nga... naghahanap ang kaibigan ng amo ko ng bagong katulong. Malaki ang sahod. Singkwenta mil ang kinsenas! Galante ng kaibigan ng amo ko, Leen. Ikaw agad ang naisip ko kasi balita ko mula kay Ellen ay nasa ospital ang iyong anak. Ano... gusto mo ba ito?"
"Sige, Gellie. Maga-apply ako. I-text mo lang sa akin ang address. Gagawin ko ang lahat para lang sa anak ko."
"Sige. Nag-text na ako sa amo ko. Ang totoo niyan ay pumayag na ang kaibigan niya. Pasensya at pinangunahan kita, ha? Urgent na kasi ang paghahanap nila. E kaso saka ko lang nalaman na may issue pala sa'yo sa ibang details. At saka ano..."
"Ano 'yun, Gellie? May problema ba?"
"K-kasi... Susunduin ka raw ng bagong amo mo sa mismong bahay ninyo. Binigay na ni Ellen ang address mo kaya binigay ko na agad."
"Teka... saan ba ang address ng amo ko na sinasabi mo?"
"Sa Victoria City, sis..."
"H-ha?!"