Hilam sa luhang nagligpit ako ng mga gamit ko.
Pagkatapos sabihin ni Rave ang mga katagang iyon ay hindi na ako nagtagal pa sa kanyang harapan at agad na bumalik sa kwarto at diretso sa pagliligpit.
Nanlalabo na ang mga mata ko ngunit patuloy lang ako sa pagliligpit.
Ano pa bang ini-expect mo, Leen? Hindi ba't ito rin naman talaga ang gusto mo? Ang mawala nang tuluyan sa buhay ng ama ng iyong anak? Bakit parang nasasaktan ka pa na pinapalayas ka na niya? Mas matuwa ka pa nga dahil sa maikling pananatili mo sa poder ng mga Fortaleza ay hindi ka nila namukhaan bilang si Leen Guillermo na dating taga-Victoria City!
Sang-ayon ako sa sinabi ng isang bahagi ng isipan ko. Wala na akong dahilan pa para manatili sa mansyon na ito. Hangga't nakikita ko ang mukha ng hayop na lalaking iyon ay bumabalik lang ang lahat ng sakit na naranasan ko sa mga kamay niya.
Natapos na ako sa pag-iimpake nang biglang tumunog ang cellphone ko na nakapatong sa may vanity set.
Nang makita ko kung sino ang caller ay napapahid ako kaagad ng luha. Suminghot-singhot at tumikhim. Saka ako sumagot sa tawag.
"H-hello?"
"Beng, hindi ka man lang nag-text o tumawag kung naging maayos ba ang pagdating mo sa Victoria." Boses iyon ni Ellen mula sa kabilang linya. "Kumusta ka na d'yan?"
"Ahh... O-okay lang naman, Beng. S-si Yen-yen? Kumusta na siya?" pag-iiba ko agad ng topic.
"Heto nga at kinukulit ako nitong anak mo na tumawag sa'yo. Heto at ibibigay ko na!" Saglit na namayani ang katahimikan mula sa kabilang linya bago ko narinig ang munti at mahinhin na boses ng anak ko.
"Mama?" pagtawag sa akin ni Yen-yen.
Napaluha na naman ako ngunit pinilit na ngumiti. "Anak! Kumusta na ang baby ko d'yan? Sumusunod ka ba kay Tita Ellen? Iniinom mo ba ang mga gamot mo?" sunod-sunod kong tanong sa kanya.
"Opo, umiinom naman po ako, Mama. Ayaw ko pong mag-alala kayo sa akin kaya po tina-try ko ang best ko na gumaling," sagot naman niya na hindi nawawala ang lambing.
Miss na miss ko na ang anak ko. Sa ganitong panahon ay gusto ko siyang yakapin.
"Mama, kumusta na po kayo d'yan? Kwentuhan n'yo naman po ako kung nasaan kayo..."
"Ahh... Si Mama ay nandito sa trabaho. Ang bait-bait nga ng amo ko, anak, e. Nagustuhan niya ang pagtatrabaho ko. Kaya baka magtagal pa si Mama rito, anak. Para hindi maputol ang gamutan mo. Alam mo naman... mag-aalala nang husto si Mama kung hindi magaling ang baby ko. Kaya magpagaling ka, anak, ha? Para sa'yo at para kay Mama..." Pinilit kong pasiglahin ang boses ko. Lihim at tahimik lang akong napapaluha at napapahikbi habang sinasabi iyon sa kanya. Ayaw ko lang na mag-alala pa si Yen-yen sa kalagayan ko rito. Mahal na mahal ko ang anak ko at ayaw ko na magdagdagan pa ang sakit na nararamdaman niya.
"Opo, Mama. Naiintindihan naman po kita. Basta po lagi kayong mag-iingat. Okay lang naman po ako rito. Lagi pong nandito si Barbie at si Tita Ellen. Kaya po 'wag na kayo mag-alala sa akin, Mama, ha?"
Mas lalong tumindi ang tahimik kong hikbi nang dahil sa sinabi ni Yen-yen. Sobrang bait ng anak ko at nagawa pa niya akong alalahanin.
Hindi ko siya deserve. Wala akong kakayanan na maibigay sa kanya ang lahat lalo na at may dinaramdan siyang sakit. Nadudurog ang puso ko para sa maliit kong anghel.
"Basta, anak... Magpagaling ka ha? Uuwi si Mama sa'yo. Bibilhan kita ng maraming laruan at ng mga books na gusto mo, okay? Kaya magpakabait ka kay Tita Ellen. Lagi mong sundin ang sasabihin niya, ha?"
"Opo, Mama. I love you!"
"I love you, too, anak. Oh, sige, anak. Ibalik mo na kay Tita Ellen ang cellphone. Kakausapin ko siya."
"Oh, Beng? Kumusta? Anong nangyari na sa'yo d'yan?" Boses na ni Ellen ang pumailanlang sa kabilang linya.
"Okay lang naman, Beng. Wala naman naging problema. Salamat sa tulong mo, ha? M-may natira pa ba sa pera na iniwan ko?"
"Ahh... iyon nga, Beng. Nagalaw ko na ang ipon namin ni Junior kanina kasi naubos na ang gamot ni Yen-yen na isa. E, hindi kasi pwede na maabutan ni Junior na bawas na ang sa bangko. Alam mo naman 'yun, Beng..."
"S-sige, Beng. Bukas na bukas ay magpapadala na ako ng pera sa iyo. Sabihan mo lang ako kung magkano ang nagalaw mo sa pera mo. Pasensya ka na, Beng. Nadamay ka pa tuloy sa problema ko..."
"Ano ka ba? Wala naman sa akin iyon. Maiintindihan pa rin naman ni Junior ang dahilan. Kaso kasi kilala mo naman iyon. Sa pera kami nagkakaproblemang dalawa dahil para iyon sa emergency ng pamilya. Hayaan mo at ipapaliwanag ko naman."
"Salamat, Beng. I-ikaw muna ang bahala sa anghel ko..."
"Oh, siya, sige na, Beng. At baka mapagalitan ka pa d'yan. Bye na. Ingat!"
Pagkatapos naming magpaalaman ay doon ko lang naisaboses ang paghagulgol ko.
Paano na ito ngayon? Tanggal na ako sa trabaho. Wala na rin akong pera na maiaabot kay Ellen.
Parang gusto ko na lang maglaho. Gusto kong ako na lang ang magkasakit para ligtas lang ang anghel ko at nage-enjoy sa kabataan niya. Pero anong magagawa ko? Kay lupit ng pagsubok na ibinigay sa akin ng Diyos. Para Niya akong pinarurusahan. Ano bang kasalanan ko para ganito kalalang problema ang ibinibigay Niya sa akin?
Lumipas ang buong araw na nakakulong lang ako sa aking kwarto. Nakita ko na lang sa cellphone ko ang notification na na-send na sa bank account ko ang Php 50,000 na bayad sa akin. Tanda na talagang aalis na ako sa pamamahay na ito.
Walang gana na sinukbit ko na ang maleta sa aking braso at tahimik na lumabas ng kwarto.
Pasado alas onse na ng gabi. Tahimik ang paligid at wala nang tumatao sa sala. Patuloy lang ako sa paglalakad hanggang sa marating ko na ang entrance door. Akma na akong lalabas nang may marinig akong boses.
"So, you're really going to leave, huh?"
Napalingon ako sa pinanggalingan niyon at natuod sa aking kinatatayuan nang mapagsino ito.
"S-Sir Earl? Ano pong ginagawa ninyo dito?"
Nakahalukipkip siya nang mabungaran ko. Maya-maya ay lumapit siya sa akin at nakalagay na ang mga kamay sa magkabilang gilid niya. Pagkatapos niyon ay napayuko siya at natigil sa hawak kong maleta.
"Are you that eager to leave this house, Lena?" bigla ay tanong ni Rave sa akin.
"W-wala naman po akong magagawa, Sir. Pagod na rin po akong ipilit pa ang dahilan ng pagtatrabaho ko. Gaya po ng sabi ko kanina, kayo po ang amo ko at kasama na roon ang pagtanggal ninyo sa akin anumang oras ninyong gustuhin. Natanggap ko na rin po ang bayad na binigay ninyo. Hindi po ako tatanggi dahil lubos po akong nangangailangan ngayon. Maraming salamat po sa pagiging galante ninyong amo. Siguro nga po ay hindi ako nababagay sa trabahong ito. Pasensya na po sa abala na nagawa ko. Sana po ay makahanap po kayo kaagad ng magiging kapalit ko..." Yumuko na ako sa kanya at saka akmang lalabas ng pinto. Nakahawak na ako sa doorknob nang marinig ko na naman siya.
"Php 100,000 pesos monthly..."
Napalingon ako kay Rave na may pagtataka. "P-po?"
"I'll give you a hundred thousand monthly," pag-uulit ni Rave. "Just promise me one thing..."
Nangunot nang muli ang noo ko. Ano na naman ang pinagsasabi ng lalaking ito? 100,000 monthly? Para saan?
"Work with me. You will do everything that I ask you to. But you have to swear an oath to one thing..." pagpapaliwanag niya. "Promise that you will never fall in love with me..."
"H-ha?!"