Nasa gilid kami ng quadrangle. Breaktime kaya tambay muna kami ng mga kaibigan kong sila Jared at Mark na katabi ko at pinapagitnaan ako sa pagkakaupo dito sa bench.
Dumekwatro ako nang upo. Hawak ko ang cellphone ni Jared at tinitingnan isa-isa ang litrato ng mga kaibigan niyang babae.
“Ano? May napili ka na ba sa mga kaibigan kong chika babes?” pagtatanong ni Jared.
Napabuga ako ng hangin. Sa totoo lang, wala pa although may kanya-kanya silang ibubuga pagdating sa kagandahan.
“Kailangan ko ba talagang gawin ito?” balik-tanong ko. Ewan ko ba pero I find it weird.
“Ikaw. Kailangan mo ng fake girlfriend para tigilan ka na ni Gut, ‘di ba?” pagtatanong ulit ni Jared.
“O baka naman sanay ka na nasa paligid mo si Gut. Sagutin mo na lang kasi ‘yun,” sabat ni Mark.
Tumingin ako sa kanya, nakangisi siya habang nakatingin sa akin. Napailing-iling ako.
“Oo nga. Kunsabagay nu’ng wala pa si Monique, mukhang na-immune ka na sa pangungulit niya at siguradong na-miss mo rin siya nu’ng hindi na siya nangulit dahil may girlfriend ka na,” sabi ni Jared.
Tiningnan ko si Jared. Nakangisi ang siraulo.
“Siraulo!”
Tinawanan lang ako ng ugok kong kaibigan.
“Kung gusto mo ako na ang pipili para sayo,” alok ni Mark saka kaagad na inagaw sa akin ang cellphone ni Jared. Hinayaan ko na lang. “Alam mo naman na magaling ako pagdating sa pagpili,” nangingiting dugtong pa nito.
“Hayaan mo na lang siya Mark at baka mamaya hindi niya type ang mapili mo,” sabat ni Jared.
“Ang tagal niya kasing mamili,” naiinip na saad ni Mark na tinitingnan ngayon ang mga litrato ng mga babaeng kaibigan ni Jared. “Pwede bang akin na lang itong mga kaibigan mo Jared? Ang gaganda at owww... ang sarap pa. Hmmm,” sabi pa nito saka dumila pa sa labi.
Napailing-iling ako sa sinabi ni Mark. Sa aming magkakaibigan, si Mark ang pinakamahilig sa babae.
Tumingin ako sa quadrangle. Muli akong nagbuga nang hangin sa katawan. Ewan ko ba pero pakiramdam ko ngayon, hindi ko naman kailangan ng taong magpapanggap para maging syota ko.
Pero kung hindi ko gagawin, siguradong hindi ako titigilan ni Gut.
---
Gabi na pero naisipan kong pumunta mag-isa sa karaoke bar. Sa pagpasok ko sa loob ay inilibot ko ang tingin sa paligid. Medyo marami ng tao at nasa entablado na ang banda at kumakanta.
“Wala pa ring pinagbago dito.”
Hindi lamang ito ang unang beses na nakapunta ako dito. Nu’ng una, kasama ko pa si Monique. Parehas kasi kaming mahilig sa banda kaya naman nagpupunta kami sa iba’t-ibang karaoke bar para makinig at magsaya na rin.
Pero ngayon, mag-isa lamang ako. Hay! Bigla naman akong nalungkot.
Napabuntong-hininga ako ng malalim. Malungkot din pala talaga kapag mag-isa ka lang. Ewan ko ba, hindi na dapat ako pumupunta dito pagkatapos nu’ng nangyari sa amin dahil maaalala ko lang siya pero ito ako, dinala pa rin ng mga paa ko dito. Masokista lang yata talaga ako. Hay naku! Bakit ko ba hinahanap-hanap ang batong ipupukpok sa ulo ko?
Humanap na lamang ako ng pwesto, saktong meron pa sa bandang harapan kaya kaagad ko iyong pinuntahan at doon pumwesto.
Hindi ko maiwasang maalala ang pinagsamahan namin dito ni Monique. Sabay kaming nakikinig sa awitin ng banda habang nakayakap siya sa akin at ang ulo niya ay nakadantay sa braso ko. Parehas kaming nakatingin sa entablado at pinapanuod ang pag-awit ng bokalistang paborito niya.
Mariin na napabuntong-hininga ako. Minsan talaga, traydor ang mga alaala... nakakasakit na nga pero nasa utak pa rin.
“Hi Sir.”
Napatingin ako sa waitress na lumapit at bumati sa akin. May dala itong menu at check book. Tipid na lamang akong napangiti sa kanya.
Inilapag niya sa mesa ko ang menu. Hindi ko naman iyon kinuha kasi may gusto talaga akong orderin.
“Tatlong bote ng chocolate drink.”
Napangiti ang waitress.
“Food sir.”
“Uh... cookies na lang.”
“Okay Sir,” sabi nito saka kinuha ang menu at umalis.
Mabuti na lang at meron sila ng gusto ko. Kakaibang bar, ‘di ba?
Napangiti ako nang maalala ko ang sinabi sa akin ni Monique noon.
“Para ka talagang bata. Sa halip na alak at pulutan ang orderin mo, chocolate drink at cookies talaga?” natatawang wika ni Monique sa akin.
Napangiti ako.
“Gusto mo bang mag-uwi ng lasing na boyfriend?”
Napanguso siya saka umiling-iling, “Ayaw.”
Niyakap ko siya sa bewang.
“Hayaan mo na ako sa gusto ko. Masarap kasi, e.”
Napangiti siya sa sinabi ko.
“Oo na baby ko,” lambing niya sa akin.
“Here’s your order Sir. Three bottles of chocolate drink and cookies,” sabi ng waitress na nakabalik na pagkatapos kunin ang order ko.
Napatango-tango na lamang ako sa kanya.
Nang mailapag na niya ang inorder ko sa mesa ay umalis na siya. Kinuha ko ang isang bote ng chocolate drink saka humigop sa straw na meron doon. Hay! Nakakagaan talaga ng pakiramdam ang pag-inom nito.
“Maraming salamat po sa lahat nang pumunta ngayong gabi,” napatingin ako sa entablado na nasa harapan ko lang. Nagsasalita ang bokalistang mahaba ang buhok pero bumagay naman sa kanya dahil may itsura siyang lalaki. “At sa panghuli naming awitin ngayong gabi ay ibibigay ko ang spotlight sa aming gitarista, si Blue,” sabi pa nito saka ngumiti.
Halos mabingi ako sa sigawan. Nilibot ko nang tingin ang karaoke bar. Halos mga babae at binabae ang sumisigaw.
Mabagal na napailing-iling ako. Tumingin muli ako sa entablado.
“Maraming fans?” mahinang tanong ko. Kunsabagay, magagaling naman kasi silang lahat pero mas napapansin ko ang bokalista dahil iyon ang paborito ni Monique dahil sa malamig nitong boses na parang nanghehele lang. Minsan nga ay muntik na akong makatulog dahil sa pagkanta niya, tinapik lang ako nun ni Monique para hindi ako tuluyang makatulog.
Mula naman sa entablado, nakita kong lumapit sa microphone ang sinasabing gitarista na si Blue. Nakasabit sa harapan nito ang gitara.
“Mic test... mic test,” saad niya. “Hello sa inyong lahat,” may pagkaseryosong pagbati pa nito. Lalo tuloy nagsigawan ang mga tao.
Napangisi ako. Sa tono pa lang ng pananalita nito, halatang may ibubuga na sa pagkanta. Maganda ang timbre at malalim ang boses. Malamig at swabe ding pakinggan.
“Ang kantang ito ay para sa inyong lahat. Sana magustuhan ninyo,” sabi pa niya saka kumindat. Lalo tuloy nabaliw ang mga nanunuod sa kanya dahil mas lumakas pa ang sigawan. Napailing-iling ako.
Teka... namamalikmata ba ako? Para kasing tumingin siya sa akin at kumindat ulit. Napakamot tuloy ako sa batok. Kung ano-ano na lang ang mga kakaibang nakikita ko. Patingin ko na kaya itong mga mata ko sa opthalmologist?
Tiningnan ko siya ng mabuti. Hindi na siya nakatingin sa akin dahil tinotono niya ang kanyang gitara.
Hindi ko naman itatanggi, magandang lalaki, maputi at makinis ang balat at matangkad siya kaya siguro marami rin siyang fans. Pwede nga siyang idol sa TV.
Humigop na lang ako ng chocolate drink saka kumain ng cookies. Kung ano-anong nakikita ko. Tsk!
Pamaya-maya ay muli niyang tiningnan ang audience, tilian na naman ang lahat.
Napapailing na lamang ako. Medyo nabibingi ako sa sigawan nila.
Hanggang sa muli na naman siyang tumingin sa akin at this time, sigurado na akong tiningnan nga niya ako. Bakit? Bakit niya ako tinitingnan?
Umiwas ako nang tingin.
“Sh*t!” napamura na lamang ako. Bigla kasing kumabog ‘yung dibdib ko. ‘Yung mapupungay niyang mga mata. Tsk!
‘Bakit niya ako tinitingnan?’ tanong ko ulit sa isipan. ‘Siguro kasi kasali ako sa audience kaya ganun,’ sabi ko pa sa isipan ko. ‘Yun na lang ang iisipin ko. Pero bakit kung ano-anong pumapasok sa utak ko? Sh*t!
Pamaya-maya ay narinig ko na ang pagtipa ng gitara, tinutugtog na niya ang intro ng kanta.
Hanggang sa muli akong napatingin sa entablado nang marinig ko na ang pagkanta niya.
Umiiyak ka na naman mahal
Lagi na lang ika’y nasasaktan
Nakatingin lamang ako sa kanya, nakatingin siya sa akin. Kung kilala ko lang siya ay iisipin kong para sa akin ang kinakanta niya.
Alam ko ‘yung kanta na kinakanta niya, si Sam Milby ang alam kong umawit at ang pamagat ay... ano nga ba iyon? Ahhh, Hindi Kita Iiwan. Tama, ‘yun nga.
Tumingin siya sa ibang audience pero ako’y nanatili lamang nakatingin sa kanya. Hindi ko maikakaila na maganda ang singing voice niya at magaling siya sa pagtugtog. Mararamdaman mo ‘yung gusto niyang iparating kahit na sa kanta at sa totoo lang, may bahagi sa aking tinatamaan.
Muli siyang tumingin sa akin. Nagtagpo ang aming mga mata. Hindi ko maintindihan pero ‘yung kanta niya... parang iyon ang sinasabi ng kanyang mga mata.
Biglang nawala ang mga tao sa paligid at tanging kaming dalawa na lamang ang narito. Tumahimik at tanging ang kanyang pagkanta at pagtugtog na lamang ang aking naririnig at ako na lamang ang taong kinakantahan niya. Pakiramdam ko pa nga, biglang huminto ang oras pero ang nangyayari sa pagitan namin, patuloy lang na tumatakbo.
Mabilis na umiwas ako nang tingin dahil hindi ko na nakayanan. Kaagad akong uminom ng chocolate drink at inisang lagukan ito. Bakit ganito ang nai-imagine at nararamdaman ko? Kabadong-kabado na parang gusto nang lumabas sa rib cage ang puso ko.
Ramdam kong nakatingin pa rin siya sa akin. Kung bakit ba kasi dito pa ako sa harapan ng stage pumwesto. Sh*t talaga!
Napatingin muli ako sa kanya. Hindi ko napigilan ang sarili ko. Patuloy siya sa pag-awit habang nakatingin sa akin.
Nakatingin lang din ako sa kanya.
Bakit parang kilala niya ako? Bakit pakiramdam ko, parang iyong liriko talaga ng kanta ang gusto niyang sabihin?
“Hindi kita iiwan,” huling liriko ng kanta pero sa halip na kantahin, sinabi niya iyon habang nakatitig sa akin.