Nakatingin lamang ako kay Blue habang inilulusot niya ang susi sa doorknob ng kanyang tirahan. Nasa loob ng isang dormitory na malapit lang din sa school ang bahay niya.
Pinihit niya pabukas ang doorknob saka tuluyan na niyang binuksan ang pintuan. Nakatingin lamang ako sa lahat ng ginagawa niya.
Nauna siyang naglakad papasok pero bago siya tuluyang pumasok sa loob ay nilingon niya ako. Nanatili lang kasi akong nakatayo dito sa labas.
“Tara,” aya nito saka umiwas din nang tingin sa akin at tuluyang pumasok.
Napabuntong-hininga na lamang ako ng malalim saka naglakad papasok.
Dilim ang sumalubong sa akin sa pagpasok ko sa loob. Hindi pa nabubuksan ni Blue ang ilaw.
“Tsk! Ang dilim naman!” reklamo ko. “Parang haunted house,” pintas ko pa.
Pagkasabi ko ng huling mga salita ay lumiwanag na pero dim lang dahil table lamp ang binuksan ni Blue. Nakita ko siyang nakatayo malapit sa isang mesa at nakatingin sa akin nang nakakunot ang noo.
Mabilis akong umiwas nang tingin sa kanya saka nilibot nang tingin ang paligid ng bahay niya. Hindi ganoon kalaki at simpleng kwarto lang. Namamayani ang kulay puti na pader at kisame. Konti lang ang gamit sa loob pero ang napansin ko, hindi siya maayos pagdating sa bahay. Nakakalat ang mga damit at personal niyang gamit at ang iba ay hindi pa maayos ang pagkakalagay sa mga cabinet at ibabaw ng mesa. In short, burara siya.
Isa pa sa napansin ko ay walang bedframe ang higaan niya na nasa bandang gitna. Isa lamang iyong makapal na kutson na nababalutan ng itim na kulay ng kobre. Magulo din ang mga unan at kumot na nakalagay doon. Napailing-iling tuloy ako. Hindi marunong mag-ayos. Kunsabagay, ‘yung buhok nga niya, ang gulo. Hiling ko lang na sana hindi magulo ang buhay niya. Hay naku! Kung ano-anong sinasabi ko.
Mabagal akong naglakad pero kaagad ring napatigil dahil may naapakan ang paa ko. Bumaba ang tingin ko at tama nga, may naapakan nga ako.
Bahagya akong yumuko at kinuha ang naapakan ko saka ko iyon tinaas only to find out na... underwear pala iyon na kulay itim. Tinaas ko pa kapantay sa mga mata ko para makasigurado kung tama nga ba ako.
“Sh*t!” napamura na lamang ako nang masiguro kong underwear nga. Napatingin ako kay Blue na nakatayo pa rin sa pwesto niya at nakahalukipkip na ang magkabilang braso habang diretsong nakatingin sa akin. Sumilay ang ngisi sa labi niya.
“‘Yung reaksyon mo parang ngayon ka lang nakakita ng brief,” sarkastikong sabi nito. “Wala ka bang brief?” tanong pa niya.
Kaagad kong hinagis ang brief niya. Hindi ko alam kung saan napunta.
“Mukhang ang linis-linis mo naman sa katawan pero itong bahay mo...” sabi ko saka napailing-iling nang mabagal.
Mas lalong napangisi si Blue. Dahan-dahan itong naglakad palapit sa akin habang diretsong nakatingin.
Napaatras naman ako at kinabahan. Pucha ‘to, a!
“Edi tulungan mo akong maglinis,” cool na wika niya. Huminto rin siya sa paglalakad malapit na sa akin.
Kaagad akong umiwas nang tingin. Napalunok ako ng tatlong beses.
“A-Ayoko nga! hindi mo naman ako alila-”
“Pero boyfriend kita,” sabi kaagad niya na ikinatingin ko ng biglaan sa kanya. Nanlalaki ang mga mata ko dahil sa gulat sa sinabi niya.
“Iyon ang pinalabas mo kay Gut kanina,” nangingiting saad pa ni Blue.
“Kalokohan lang iyon para tigilan na niya ako,” mariing depensa ko. “Masyado mo namang sineryoso,” sabi ko pa sabay mabilis na iwas nang tingin sa kanya.
Hindi nagsalita si Blue. Mula sa gilid ng mga mata ko ay tiningnan ko siya. Nakatingin pa rin siya sa akin at nakangisi. Napabuntong-hininga na lamang ako ng mariin.
“‘Yung gitarang ipapahiram mo sa akin. Gusto ko nang umuwi,” sabi ko. Iyon lang naman ang ipinunta ko dito kaya bakit pa ako magtatagal?
Tumango-tango na lamang si Blue. Umiwas nang tingin sa akin at naglakad sa isang direksyon. Kinuha niya ang gitara na nakasandal sa pader.
Muli siyang bumalik sa kinatatayuan niya kanina dala ang gitara. Tumingin ako sa kanya.
“Akin na,” wika sabay lahad ng kanang kamay.
“Marunong ka na bang magtono?” tanong niya.
Hindi ako nakapagsalita.
Umiwas siya nang tingin sa akin. Tumalikod at pumunta sa kama saka naupo sa dulong bahagi.
Nanatili naman akong nakatayo lang habang nakatingin sa kanya.
Muli siyang tumingin sa akin.
“Tatayo ka na lang ba diyan?” tanong ni Blue. “Bahala ka at mangangawit ka diyan,” dagdag pa niyang sabi.
Sumimangot ako. Naglakad sa kinaroroonan niya saka tumabi sa kanya sa pag-upo.
“Gusto mo ba turuan na kita ngayon?” pagtatanong ulit ni Blue.
Mabagal na umiling-iling ako.
“Gabi na. Bukas na lang.”
Napatango-tango siya sa sagot ko. Umiwas nang tingin sa akin saka pinatong niya sa kanyang hita ang gitara.
“Paano ka natutong maggitara?” tanong ko. Sh*t! Hindi ko napigilan magtanong.
Tumingin sa akin si Blue.
“Hilig ko,” sagot niya.
Tumango-tango ako ng marahan. Nagtanong na lang din ako edi lubos-lubusin ko na.
“Ibig sabihin music lover ka na noon pa.”
“Ikaw ba?” balik-tanong ni Blue.
“Hmmm... hindi masyado,” sagot ko.
“Bakit gusto mong sumali sa banda namin?” tanong pa ni Blue.
Umiwas ako nang tingin.
“Gusto ko lang maka-experience ng bago.”
“Pero ako ang ginawa mong dahilan sa iba dahil sabi mo tagahanga kita,” ani ni Blue.
Natawa ako.
“Sinabi ko lang iyon.”
“Talaga ba? O baka naman type mo lang talaga ako at gusto mong mapalapit sa akin,” nakakalokong sabi ni Blue na ikinatingin ko sa kanya.
Nasalubong ng mga mata ko ang titig niya. Sh*t! Kinakabahan ako ng sobra. Pucha naman talaga!
Kaagad akong umiwas nang tingin. Napalunok muli ng tatlong beses.
“Kung ano-anong sinasabi mo diyan, naitono mo na ba ‘yan?” tanong ko nang hindi tumitingin sa kanya. Iniba ko ang usapan.
“Hindi pa. Dinadal mo kaya ako,” sabi niya. Sinisi pa ako.
“Itono mo na para makauwi na ako,” utos ko.
Hindi na nagsalita si Blue. Narinig ko na lamang na tinitipa niya ang strings na naglilikha ng tunog. Napatingin ako sa kanya, tinotono na niya ang gitara.
Magaling talaga siya, at aminado ako doon. Hindi ko tuloy maiwasang...
Napailing-iling tuloy ako sabay iwas nang tingin. Tsk! Kung ano-anong kalokohang naiisip ko.
“Gusto mo bang tugtugan kita?” tanong ni Blue na kaagad kong ikinatingin sa kanya.
Kumunot ang noo ko ng bahagya.
“At bakit mo naman gagawin iyon?” nagtatakang tanong ko.
Napangisi si Blue.
“Para mas marinig mo ng mabuti ang pagtugtog at pag-awit ko. Sa bar kasi, maingay ‘yung mga tao.”
So... hindi nga ako namamalikmata na nakatingin siya sa akin nun? Alam niyang nandun ako, e.
“Kilala mo ba ako?” lakas-loob na tanong ko kay Blue. Gusto kong malaman kung kilala nga ba niya ako noon pa. Gusto kong malaman kung tama ba ako o nagkakamali lang ako sa aking hinala.