EPISODE 3 (2)

2631 Words
Naisipan kong maglakad-lakad na munang mag-isa dito sa paligid ng eskwelahan. Gusto kong mag-relax kahit sandali dahil sa stress na dinulot sa akin ng nangyari kanina. Alam ko naman na gusto lang akong tulungan nila Jared at Mark para malayo na si Gut sa akin at na-appreciate ko naman iyon nga lang, nabuking kaagad at hindi ko akalain iyon. Ang galing din ni Gut. Nilibot ko nang tingin ang paligid. Ngayon ko lang naman na marami rin palang nag-aaral sa eskwelahang ito. Kunsabagay, maganda rin naman kasi at malaki at bukod pa roon, okay ang education system at ang pamamahala dito. ‘Yun nga lang, minsan walang tissue sa banyo. May high school at college department ang Onyx Academy. Sa pagkakaalam ko ay meron ding elementary pero hindi siya kasama dito. Nasa ibang lugar siya. Kumpleto din sa facilities kaya naman nagagawa ng kahit sinong estudyante ang mga gusto nila. Naipapamalas ang talents sa mga club na sinasalihan at nahihinang ang kanilang kaalaman dahil na rin sa magandang library at kumpletong pasilidad para sa academics. Patuloy lang ako sa paglalakad. Pinamulsa ko pa ang dalawa kong kamay sa bulsa ng suot kong pants. Nilalanghap ang sariwang hangin. Pakiramdam ko, naglalakad ako sa park. Ang dami din kasing nakatanim na mga puno at halaman sa paligid. Pero bigla akong huminto sa paglalakad dahil sa biglang nakita ko. Ewan ko ba pero bigla na naman akong kinabahan na parang lalabas na sa rib cage ang puso ko. Bakit ba ang bilis-bilis mong tumibok puso ka kapag nakikita mo siya? Nakikita ko siya pero sa palagay ko ay hindi niya pa ako nakikita. Nakatingin kasi sa ibang direksyon ang kayang mga mata, may suot na earphones sa magkabilang tenga niya at mukhang nakikinig ng music. Ang suot niyang long sleeve polo na puti ay bukas ang dalawang butones sa itaas. Nakapamulsa ang kanang kamay. Hindi maikakaila na ang cool niya maglakad. Napapansin ko pa na napapatingin sa kanya ang mga babae at binabae saka kikiligin na parang nakakita ng matinee idol. May ilang lalaki rin na napapatingin sa kanya. Wala naman siyang pakiealam sa mga ito. Mukha ngang wala siyang nakikita sa paligid kundi ang mga puno at gusali lang. Hanggang sa malapit na siya sa akin, mistulang naging slow-motion ang lahat sa paligid at tanging siya na lamang ang nakikita ko. Mas lalong kumabog ang dibdib ko. Hindi nagtagal... ilang dipa na lang ang layo niya sa akin. Patuloy pa rin siya sa paglalakad habang ako ay nakatingin pa rin sa kanya. Hanggang sa... Nilagpasan niya ako... parang hindi niya ako nakita. Hindi nga niya ako tinapunan nang tingin. Pakiramdam ko nga, kahit sa hangin hindi ako maihahalintulad dahil sa ginawa niya dahil parang hindi din niya ako naramdaman. At ewan ko kung bakit may kakaiba sa pakiramdam ko. Napailing-iling tuloy ako ng mabilis. Bumalik ako sa sarili. Nilingon ko siya. Likod na lamang ang nakikita ko sa kanya. Hindi ko napigilang mapabuntong-hininga nang malalim. “Ano bang nangyayari sa akin?” pagtatanong ko sa aking sarili. Kahit ako hindi ko na din alam kung ano itong nararamdaman ko sa tuwing nae-encounter ko siya. Tsk! “Grabe ang gwapo niya talaga!” “Ang cool pa.” “Yieee... kilig!” “Gusto ko siyang maging asawa.” “Wahhhh No way highway!” “Ambisyosa! Ako ang magiging asawa niya!” “In your dreams!” “In my reality! Magiging asawa ko siya at wala kang magagawa!” Mariing napabuntong-hininga ako. Dumekwatro ako nang upo. Hindi pa nagsisimula ang klase kasi hinihintay pa naming dumating ang professor. “Nakakainis naman ‘to. Bakit ba siya na lang lagi ang laman ng newsfeed ko?” Mabilis akong napatingin kay Jared na abala naman sa pagtingin nito sa cellphone na hawak. Kita ko ang pagkainis sa kanyang mukha. Napailing-iling naman ako ng tatlong beses. Nilipat ko ang tingin ko kay Mark, ayun at tulog ang ugok. Nilipat ko ulit ang tingin ko kay Jared. Bakas pa rin sa kanyang mukha ang pagkainis. “Bakit ka naiinis diyan?” pagtatanong ko kay Jared. Curious ako kung bakit, e kaya nagtanong na ako. Naalis ang tingin niya sa cellphone at nalipat sa akin. Napangisi ako. “Mukhang inis na inis ka kasi diyan.” Bumuga nang hininga si Jared. “Nakakainis kasi panay ang share ng pictures at video niya kaya ito puro mukha niya ang nakikita ko dito sa newsfeed ko,” halatang-halata nga sa kanya na inis na inis siya. Pero kaninong mukha ba iyong nagkalat sa newsfeed niya? “Kulang na lang siya ang maging mukha ng Picbook, e!” naiinis na dugtong pa niya. Nangunot ang noo at nagsalubong ang makapal na kilay ko dahil sa pagtataka. “Sinong siya?” tanong ko. Hindi ko naman kasi kilala kung sino ang tinutukoy niya. Isa pa, hindi naman ako madalas tumingin sa social media although meron naman ako nun, hindi ko lang talaga hilig. “Sino pa edi ‘yung kinakikiligan nila,” inis na sabi ni Jared sabay tingin sa mga kaklase naming babae at binabae. Napatingin ako sa mga kaklase namin. Kanya-kanyang tingin sa mga cellphone at para ngang mga kiti-kiting kinikilig. Kulang na nga lang ay ilagay sila sa tubig at maging lamok. Muling bumalik ang tingin ko kay Jared. “Sino ba ang kinakikiligan nila?” pagtatanong ko ulit. Hindi ko talaga alam, e. Kaagad na tumingin sa akin si Jared. Bakas na ang pagtataka sa mukha nito na kanina ay inis. “Hindi mo kilala?” nagtatakang tanong ni Jared. Mabagal akong umiling-iling. Natawa naman si Jared. “Hays! Oo nga pala nakalimutan ko, hindi ka nga pala mahilig tumingin sa Picbook,” sabi niya. Napakamot pa ito sa ulo. “Si Blue Sandoval, ang most popular guy ng campus,” dugtong pa niya. Mas lalo akong nagtaka. Most Popular Guy ng campus? Meron nun? Bakit hindi siya popular sa akin? “Hindi mo talaga kilala kung sino si Blue Sandoval?” hindi makapaniwalang tanong ni Jared. Napailing-iling ako. Mukhang narinig ko na ang pangalan na iyon pero hindi ko lang alam kung saan. Napangisi si Jared. “May pagkataong tabon ka talaga,” nakakalokong sabi niya saka tumawa. “Si Blue, sikat na sikat dito sa campus lalo na sa mga girls at gays,” wika pa niya. “Kinakikiligan siya ng lahat dahil sa cool niyang awra at galing niyang tumugtog ng gitara at umawit. Kahit nga walang mga social media accounts iyon ay sikat pa rin siya sa socmed dahil kalat ang mga pictures at videos niya dahil sa mga fans niyang wagas kung humanga sa kanya.” Mabagal na napatango-tango ako. Hindi ko talaga siya kilala. Napailing-iling naman si Jared. Bigla niyang inabot sa akin ang cellphone niya. “‘Yan! Tingnan mo ang newsfeed ko, tadtad ng post tungkol sa kanya,” utos sa akin ni Jared. Tinitigan ko ‘yung cellphone. Maya-maya ay kinuha ko mula kay Jared ang cellphone niya saka tiningnan. Scroll up and scroll down. Hanggang sa manlaki na lamang ang mga mata ko sa gulat dahil nakita ko ang mga pictures niya. Karamihan ay stolen shots na galing sa iba’t-ibang tao na kumuha nito. “Mukhang nagulat ka. Kilala mo siguro siya pero hindi mo lang alam,” wika ni Jared. Napatingin ako kay Jared na nakatingin pala sa akin. “Siya si Blue Sandoval?” pagtatanong ko. “Oo, Blue Angelo Sandoval ang buo niyang pangalan,” sagot ni Jared. Muli akong tumingin sa cellphone. Scroll down. Hindi naman sinasadya ay napindot ko ang play button ng isang video kung saan nandoon siya. Pinanuod ko na lang. “Hi Blue, ito oh, binili ka namin ng snacks,” malambing na wika ng isa sa mga babaeng nakapalibot kay Blue at inabot ang isang supot ng mga snacks. May dalawa itong kasamang kaibigan na katabi niyang nakaupo sa isang mahabang upuan. Sa tingin ko ay nasa eskwelahan sila. Nakatingin lamang ang mapupungay na mga mata ni Blue sa mga babae. “Tanggapin mo na Blue. Token of appreciation namin ‘yan para sayo,” segunda naman ng isa na halatang kilig na kilig dahil nakikita niya si Blue. “Hindi ako tumatanggap ng pagkain galing sa ibang tao,” malamig na wika ni Blue. Walang kagana-gana magsalita. Bakit siya gustong-gusto ng mga babaeng ito? “Pero Blue-” “Akin na!” sigaw nu’ng isang kaibigan ni Blue at kaagad na inagaw mula sa babae ang supot. Ngumiti. “Kakainin niya ito mamaya huwag kang mag-alala,” sabi pa nito saka kumindat. Tiningnan ni Blue ‘yung kaibigan niyang kumuha ng pagkain. Napatingin rin iyon kay Blue. Ngumiti lang ito na parang sinasabing hayaan na lang siyang tanggapin ang bigay. Mabagal na napailing-iling na lamang si Blue. “Kainin mo ‘yan Blue, okay? Ayaw ka naming magutom dahil sobrang mag-aalala ang #TeamBlueWives sayo,” pakiusap ng babae na nililiitan ang boses. “Team Blue Wives?” hindi ko namalayang nasabi ko pala. “‘Yan ang tawag sa mga fans niyang nauulol sa kanya.” Napatingin ako kay Jared dahil sa sinabi niya. “Ang suplado, ‘di ba?” tanong pa ni Jared. Napatango-tango ako. Napansin ko nga. Muli kong pinanuod ang video. May isang video pa akong nakita. Nasa harapan ng isang bulletin board si Blue at nakatayo. Nakapamulsa ang dalawang kamay niya. Tama nga si Jared, nakatayo lang siya pero cool na ang dating. May tinitingnan siya sa bulletin board. Para namang wala siyang nakikitang iba kahit na nakapaligid sa kanya ang mga babae at binabae at parang naghihintay ng grasya. “Hay! Sana naging announcement na lang ako na idinikit sa bulletin board para matitigan din ni Blue,” natawa naman ako sa narinig kong sinabi ng bading sa video. “Oo nga eh! Matitigan lang ako ni Blue, pwede na akong mamatay!” pagsang-ayon naman ng bading na kasama niya. “Gaga! Hindi ka pwedeng mamatay! Paano mo siya matitikman kung patay ka na?!” natawa na naman ako dahil sa sinabi nu’ng bading. Grabe sila! “Hindi ka niya susundan sa kabilang buhay, ‘no!” dagdag pa niya. “Oo nga, noh?” maarteng wika nu’ng kausap niyang bading. “Minsan talaga aanga-anga ka din!” nagtataray na wika ng kaibigan niyang bading. Napailing-iling na lamang ako ng mabagal dahil sa usapan ng dalawang bading na iyon. “Anong club ang sasalihan mo Blue?” lakas-loob na tanong naman ng isang babae. Hindi sila pinansin ni Blue. Kahit nga tapunan nang tingin hindi nito ginawa kaya ‘yung mga nakapaligid kay Blue, halatang inggit na inggit sa bulletin board. Pamaya-maya ay bigla na lang itong umalis. ‘Ang bastos naman,’ sabi ko sa isip. Bigla na lang kasi umalis. Pero kung ako nabastusan, iyong mga babae naman sa video ay kilig na kilig pa. Napailing-iling tuloy ako. “Ewan ko ba kung bakit baliw na baliw sila sa lalaking ‘yan. Oo nga gwapo naman at malakas ang dating pero kasi, ‘yung ugali hindi pasado.” Napatingin ako sa kanya. Nakita ko siyang napapailing at hindi maipinta ang mukha. “Nasasabi mo lang ‘yan kasi inggit ka,” biro kong sabi sa kanya. Sinamaan ako nang tingin ni Jared. “Hindi ako inggit sa kanya, nagsasabi lang ako ng totoo,” depensa ni Jared. “Wala namang espesyal sa ugali niya,” dagdag pa niya. “Baka naman kasi taken na kaya umiiwas sa mga babae,” saad ko. Pwedeng ganun, ‘di ba? Baka good boy siya. “Kung taken na ‘yan malamang bumaha na ng luha dito sa campus,” nakakalokong sabi ni Jared saka ngumisi. Natatawang napailing na lamang ako sa sinabi ni Jared. Ang OA naman. Babaha talaga ng luha kapag may girlfriend na si Blue? Ano ba siya? Siya ba ang hari ng mga gwapo para bumaha ng luha dito mula sa napakaraming babae at binabaeng nagkakandarapa sa kanya? “Oo nga pala, may irereto ulit akong babae sayo para maging fake girlfriend mo,” wika ni Jared. Umiling-iling ako ng mabagal. “Huwag na. Nandadamay ka lang ng iba sa problema ko, e,” nakakahiya rin kung sino man siya. “Hayaan mo na lang ako,” sabi ko pa. “‘Yun ba ang gusto mo? Hayaan na lang kita? Hahayaan mo na lang guluhin ka palagi ni Gut?” pagtatanong ni Jared. Nagkibit-balikat ako. “Ewan ko, bahala na,” sabi ko. “Basta huwag na lang siguro tayo mandamay ng ibang tao,” wika ko pa. “O kung gusto mo, hanapan kita ng fake boyfriend,” saad ni Jared na ikinagulat ko. Nanlalaki ang mga mata kong nakatingin kay Jared. “Baliw ka ba?” pagtatanong ko. Boyfriend talaga? “Bakit? Fake lang naman saka walang masama dun,” wika ni Jared saka ngumisi. “Uso na rin sa panahon ngayon na ang mga gwapo ang nagkakagustuhan,” sabi pa nito. Mariing napailing-iling ako sa sinabi ni Jared. Nanayo balahibo ko sa batok. “Suggestion ko lang naman. Ayaw mo kasi ng fake girlfriend edi fake boyfriend na lang at least pwede ka niyang ipagtanggol kung sakaling may gawin sayo si Gut,” ani ni Jared. “Pwede mo siyang isalang sa bugbugan habang ikaw, nakadekwatro nang upo sa isang tabi at nanunuod na parang hari na ipinagtatanggol ng kanyang kawal,” sabi pa niya saka tumawa. “Hindi na lang kaya ikaw ang maghanap ng fake boyfriend?” sarcastic kong tanong. Napangisi na lamang si Jared. Napailing-iling na lang ako. Minsan talaga wala sa hulog ang utak nito. Muli kong tiningnan ang hawak kong cellphone ni Jared... and right there, mukha niya ang kaagad na nakita ng mga mata ko. ‘Fake boyfriend?’ nasabi ko sa isip ko. --- “Bes, narinig ko na magkakaroon daw ng battle of the bands next month.” “Ows talaga?” “Oo at lahat ng faculty kasali.” “So kasali si Blue?” “Sureball iyon. Siya kaya lagi ang pambato ng faculty of Liberal Arts.” “Ay! Na-excite naman ako bigla!” “Me too!” “Me three!” Tumigil ako sa pagkain at tiningnan ang mga babaeng nagdadaldalan sa kabilang mesa. Parang mga bulate na inasinan dahil sa kilig na nararamdaman. “Oo nga pala, battle of the band next month,” bulong ko. “Sumasali pala siya dun,” narinig ko kasi ang pangalan ni Blue sa usapan. Last year kasi ay hindi ako nanuod. Magkasama kami nun ni... basta siya dahil nagdate kami. Wala rin naman kasi akong pakiealam sa mga school activities lalo na kung hindi related sa academics. Ngayon may pagkakataon na ako para makapanuod. “Narinig ko rin na may open audition sila dahil naghahanap pa ng isang guitarist.” “Talaga?” “Yup! Kaya nga magau-audition ako kasi open naman siya sa lahat.” “Kahit hindi ka magaling?” “Yeah kasi may magtuturo naman.” “Wow naman!” “Baka naman para lang sa students ng faculty of Liberal Arts lang ‘yung audition.” “Nope! Wala naman kasi sa rules na hindi pwedeng kumuha ng taga-ibang faculty kaya ‘yun, pwede kahit taga-ibang faculty.” Nakatingin pa rin ako sa mga babaeng nagdadaldalan at nakikinig sa mga pinag-uusapan nila. Pinapahaba ko pa nga ang tenga ko para mas marinig ang mga sinasabi nila. Oo na! Dakilang tsismoso na ako at siguradong aasarin na naman ako ng dalawa kong ugok na kaibigan pero mabuti na lang at iniwan ko sila. Napapaisip ako sa mga sinabi nila. “Open audition?” pagtatanong ko sa hangin. Hindi ko namalayan na ngumiti ang labi ko. At ewan ko ba pero namalayan ko na lang ang sarili ko na lumalapit na ako sa mundo niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD