Nasa labas ng apartment type nilang bahay si Maro. Nakatingin sa madalim na kalangitan.
Pinagmamasdan niya ang buwan at mga bituin sa paligid nito habang siya’y nagpapahangin. Sinasabayan rin niya nang pag-iisip ang kanyang ginagawa.
Hindi mapigilang mag-isip ni Maro. Noon pa man, naging hobby na niya ang ganito dahil wala din naman siyang makausap na iba tungkol sa mga iniisip niya.
Para kay Maro, ang pinakamahirap na gawain ng isang tao sa mundo ay ang magtago.
Magtago sa totoong pagkasino at magtago sa tunay na nararamdaman.
Huminga nang malalim si Maro.
Bata pa lamang si Maro ay tampulan na siya ng tukso ng mga kalarong lalaki. Kumpara kasi sa mga ito, sobrang mahinhin at lampa siya. Nung mga panahong iyon ay wala pa siyang kaalam-alam sa kung bakit siya ganun pero aminado siyang nasasaktan dahil sa mga pang-aasar na natatanggap niya. Hindi madaling tanggapin ng isang batang gaya niya ang mga salitang binibitawan ng mga ito tungkol sa kanya.
Madalas din siyang pagalitan noon ng kanyang ama. Ang alam lang niyang dahilan kung bakit ito nagagalit sa kanya ay dahil sa ganoon niyang pag-uugali.
Ngunit may mas malalim pa palang dahilan.
Sa pagtuntong ni Maro ng pagbibinata ay doon niya napagtanto ang lahat. Bukod sa lalaki at babae, may iba pa palang kasarian ang meron sa lipunan. Napansin na niyang kakaiba siya kumpara sa ibang mga kabataang lalaki. Mas mahina siya kumpara sa mga ito gayong wala naman siyang sakit.
Nag-umpisa ang katanungan sa kanyang sarili sa kung bakit siya’y kakaiba hanggang sa malaman niyang… marahil kaya siya iba sa ibang kalalakihan ay dahil sa isa siyang alanganin.
Hindi niya matanggap sa sarili na kakaiba siya kumpara sa iba. Itinatak niya sa kanyang utak na hindi dapat siya maging ganun. Lalaki siya at hindi dapat iyon mabago.
Kaya pinilit niyang magbago. Nilakasan niya hindi lamang ang pangangatawan kundi pati na rin ang loob. Sumasabay siya sa ibang kalalakihan. Pinilit niyang supilin at itago ang nagsisimulang umusbong na pagkasino niya.
Takot siyang mahusgahan ng iba, lalo na ng magulang at kanyang kapatid.
Kaya ngayon ay nagtatago pa rin siya.
Naunang mawala ang ama nila ni Mika sa mundo dahil sa kumplikasyon sa diabetes na hindi na naagapan ng gamot. 17 siya at 15 si Mika ng iwan sila nito sa pangangalaga ng kanilang ina.
Ang ina naman nila ang siyang nagtaguyod at nagbigay ng pangangailangan nila ni Mika sa pamamagitan ng pagtitinda nito ng mga pagkain ngunit sa edad niyang 19 at 17 si Mika, iniwan na rin sila nito dahil naman sa pumutok na ugat sa ulo na pumutol sa buhay nito.
Hanggang sa pagkawala ng mga magulang, hindi niya naamin sa kanyang sarili at sa iba kung sino talaga siya.
Pero marahil ngayon ay alam na ng kanyang mga magulang kung sino talaga siya dahil nakikita siya sa kung nasaan man ang mga ito ngayon.
Pakiramdam ni Maro hanggang ngayon ay daig pa niya ang mga preso sa bilangguan. Nakakulong sa magandang itsura na nakikita ng iba.
Gusto ni Maro na lumaya. Gusto na niyang ipagsigawan sa mundo kung sino ba talaga siya ngunit nauunahan siya ng takot na mahusgahan.
Gusto rin ni Maro na ihayag ang tunay niyang saloobin, partikular sa totoong nararamdaman niya sa taong iniibig ngunit hindi maaari dahil tiyak na may magugulo at masasaktan.
Hanggang ngayon ay bilanggo ang kanyang sarili at gustuhin man niyang lumaya ngunit may mga kondisyon na pwedeng magpabago hindi lamang ng kanyang buhay kundi pati na rin ng mga taong nasa paligid niya.
Pero hanggang kailan niya maitatago ito kung pakiramdam niya ay malapit na siyang mapuno?
Iyon ang hindi niya alam.
Bumuntong-hininga si Maro.
“Ang lalim niyan, ah.”
Nagulat na lamang si Maro at napatingin kay Neo na nakaupo na pala sa kanyang tabi. Nakatingin ito sa kanya at nakasilay ang isang tipid na ngiti sa labi.
“N-Nandyan ka pala,” hindi naiwasang mautal ni Maro. Kapag talaga nasa paligid niya si Neo, mistulang bibigay siya lagi.
Sandong puti ang suot ni Neo at jersey short na medyo umaangat kapag kumukuyakoy ang mga binti nito. Litaw ang biceps nito at bakat ang magandang pangangatawan. Hindi santo si Maro kaya minsan na rin niya itong pinagnasahan kahit hindi dapat.
Umiwas nang tingin si Neo kay Maro. Tiningnan ang paligid.
“Gusto ko lang magpahangin. Akala ko tulog ka na,” sabi niya nang hindi tumitingin kay Maro. Mahina itong natawa. “Oo nga pala, hindi ka kaagad makakatulog dahil sa amin ni Mika,” dugtong pa nito.
Nanatiling nakatingin si Maro kay Neo.
Bumuntong-hininga si Neo.
“Pasensya ka na Kuya dahil hindi ko napigilang pagsalitaan si Mika,” sinserong sabi nito. Tumingin siya kay Maro.
“Naiintindihan ko dahil normal naman ‘yan sa mag-asawa,” sabi ni Maro.
Napatango-tango si Neo. Muli siyang umiwas nang tingin kay Maro.
“Naiintindihan ko naman siya na ginagawa niya ang lahat para sa trabaho dahil ganun rin naman ako pero hindi naman ako kagaya niya na kailangang isubsob ang sarili para doon,” sabi ni Neo. Bumuntong-hininga ito. “Napapabayaan na niya ako sa totoo lang,” bakas ang himig ng tampo sa boses nito.
Hindi nagsalita si Maro, nanatili lamang siyang nakatingin kay Neo.
Tumingin muli si Neo kay Maro.
“Mabuti ka pa nga Kuya at lagi kitang nakakausap ng ganito kasi siya, minsan ko na nga lang makausap pero sa ganung sitwasyon pa,” sabi ni Neo. Napabuntong-hininga ito.
“Hayaan mo kakausapin ko siya-”
“Huwag na Kuya,” sabi kaagad ni Neo. Ngumiti ito. “Salamat pero labas ka na sa aming dalawa. Oo at kuya ka niya at bayaw kita ngunit ayoko namang pati ikaw ay mamroblema pa sa aming dalawa,” nahihiyang sabi pa nito. Napailing-iling siya pagkatapos.
Nanatiling nakatingin si Maro kay Neo. Hindi nagsalita.
Umiwas naman nang tingin si Neo kay Maro.
“Kami ang aayos nito, hangga’t maaga pa ay dapat ng ayusin ang dapat bago pa mahuli ang lahat,” sabi ni Neo. “Kailangang ibalik iyong ligaya kapag magkasama kami gaya nung una. Hindi ko hahayaan na mauwi lang kami sa wala.”
Nakagat ni Maro ang ibabang labi niya. Hindi niya maiwasang mas lalong mainggit sa kanyang kapatid. Makikita kay Neo na mahal na mahal niya talaga si Mika at handa itong gawin ang lahat para maisalba ang relasyong parang bangka na unti-unting lumulubog sa dagat.
Muling tumingin si Neo kay Maro. Ngumiti ito saka tinapik sa balikat si Maro.
Napatingin naman si Maro sa kamay ni Neo na nakapatong sa kaliwang balikat niya.
“Huwag mo kaming masyadong intindihin Kuya. Sabi mo nga, normal lang sa mag-asawa ang mag-away,” sabi ni Neo. Binitawan nito ang balikat ni Maro at umiwas nang tingin.
Napatingin muli si Maro sa mukha ni Neo. Mas lalong gumagwapo ito kapag sa malapitan.
“Ang sarili mo dapat ang intindihin mo Kuya. Ilang taon ka na ba pero hindi ka pa rin nag-aasawa,” sabi ni Neo. Mahina itong natawa. “Kahit girlfriend, wala akong nabalitaan sayo,” dugtong pa niya.
‘Hindi ako magkakaroon nun kahit kailan,’ hiyaw ng isip ni Maro.
Dahil si Neo na nasa tabi niya ang laman ng kanyang isip at puso.
Umiwas nang tingin si Maro kay Neo.
“Wala pa sa isipan ko ‘yan,” dahilan na lamang ni Maro.
Napatingin si Neo kay Maro.
“Bakit naman Kuya? Sa itsura mong ‘yan, madali lang sayo na magkaroon ng girlfriend o asawa kung gugustuhin mo.”
Masasabi ni Neo na magandang lalaki naman si Maro. Matangkad dahil nasa 5’9 ang taas nito. Mestiso at makinis ang balat gaya niya. Slim ang pangangatawan na bumagay naman sa tangkad nito. Bad boy look dahil sa maangas na mukha at makapal na kilay nitong pataas ang tubo pero kabaligtaran ng itsura ang ugali nito dahil sobrang bait lalo na sa kapatid at napakabait din nito sa kanya.
Kaya walang dahilan para hindi magustuhan si Maro.
Napangiti nang tipid si Maro. Hindi niya mapigilang kiligin sa papuri ni Neo sa kanya.
“Baka naman kasi masyado mo ring sinusubsob ang sarili mo sa pagsusulat kaya wala ka ng time para maghanap?” tanong ni Neo. Natawa ito. “Kung gayon, may pinagmanahan din pala si Mika.”
Sa ngayon ay isang freelance writer si Maro. Nagsusulat siya ng kwento para sa mga publishing companies na kumukuha ng serbisyo niya. Hindi kalakihan ang kinikita niya kumpara kay Mika pero sapat na iyon para buhayin ang sarili at may maitabi rin para sa kinabukasan.
“Hindi naman. Kung subsob nga ako edi sana hindi mo ako kausap ngayon,” napapangiting sabi ni Maro.
Napatango-tango si Neo.
“Kunsabagay,” pagsang-ayon nito.
“Balikan mo na si Mika at baka hinahanap ka nun,” sabi ni Maro.
“Tulog na siya at alam mo naman na mantika iyon kung matulog,” biro ni Neo pero totoong tulog mantika kung matulog si Mika.
Napatango-tango si Maro. Tumingin sa paligid.
“Bigla kong naalala iyong unang beses tayong nagkita, crew ka pa nun tapos ikaw ang kumukuha sa order ko,” pag-alala ni Neo na muling ikinatingin ni Maro. “Hindi ko akalain na ikaw pala ang Kuya ng taong mahal ko,” dugtong pa nito. Tumingin kay Maro. “Maliit talaga ang mundo,” napangiti ito.
Napangiti nang tipid si Maro.
“Hindi ko akalain na ikaw pala ang Kuya ng taong mahal ko,” umulit sa isipan ni Maro ang mga katagang iyon ni Neo.
“At mabuti na lang na ikaw kasi sobrang bait mo. Kung alam mo lang na sobra lagi ang kaba ko sa tuwing ikinekwento ka sa akin noon ni Mika kahit na puro magaganda naman ang sinasabi niya tungkol sayo,” napapangiting sabi ni Neo. “May iba kasing Kuya na alam mo na, minsan hindi nakakasundo pero ikaw, ang dali mong pakisunduan.”
Napapangiti na lamang ng tipid si Maro.
“Nakikita ko rin naman kasi okay ka. Sino ba naman ako para pigilan ko ang kapatid ko na magustuhan at maging karelasyon ka?” tanong ni Maro. “Saka kung saan masaya si Mika, siyempre doon ako. Nakikita kong masaya siya sayo kaya wala akong dapat ipag-alala, ‘di ba?” tanong pa niya.
Napangiti si Neo at napatango-tango ito.
“Sige at papasok na ako sa loob at nakaramdam na ako ng antok,” pagpapaalam ni Maro.
“Ganun ba? Sige sabay na ako,” sabi ni Neo.
Napatango-tango na lamang si Maro. Sabay na tumayo ang dalawa at pumasok sa loob. Si Maro ang nagsara at nag-lock ng pintuan at nasa likod niya si Neo.
Pero nagulat na lamang si Maro dahil sa pagharap niya muli kay Neo ay halos magkadikit na ang kanilang mga mukha at katawan dahil sa sobrang lapit nito. Nanlaki ang mga mata ni Maro.
“N-Neo…” kinakabahang sabi ni Maro. Sunod-sunod ang naging paglunok niya. Naamoy niya ang natural na amoy nito na gustong-gusto niya. Ang bango-bango kasi kahit wala naman itong ginamit na pabango.
Ngumiti si Neo habang nakatingin kay Maro.
“Hindi mo na-ilock itong nasa itaas,” sabi ni Neo at siya na ang nag-lock ng nasa itaas ng pinto. Dalawa kasi ang lock nito at ‘yung ibaba lang ang sinara ni Maro.
Lumayo na si Neo kay Maro. Tumalikod namang muli si Maro at bumuntong-hininga.
“Tara na Kuya,” pag-aaya ni Neo.
Hinarap ni Maro si Neo.
“Sige na at mauna ka na, iinom muna ako ng tubig sa kusina,” sabi ni Maro na biglang nakaramdam ng uhaw.
Napatango-tango si Neo.
“Okay at mauna na akong umakyat.”
Tumango-tango na lamang si Maro.
Nakasunod ang tingin ni Maro kay Neo na umaakyat na ng hagdanan. Napabuntong-hininga muli ito.
“Hay!” ang nasabi na lamang ni Maro sa hangin.