School
Shawnna Gaile Arcinue
Six AM ako gumising dahil ayon sa schedule ko, Seven AM ang simula ng klase.
Para kaming mga paniki at bampira, sa gabi kami madalas na gising at sa umaga kung matulog. Kaya naman halos papikit-pikit akong bumangon. Sa tingin ko ay kailangan kong sanayin ang sarili ko sa bagong oras ng pagtulog at paggising.
Pinagmasdan ko ang sarili ko sa tinatawag nilang salamin at napagtantong mukha na nga talaga akong tao ngayon sa ayos ko. Imbis na ang mahaba at itim na balabal ang suot ko ay naka-school uniform na ako.
Kulay asul ang palda naming kita ang tuhod, lagpas siko naman ang haba ng sleeves ng puting pang-itaas at ang ribbon na nakalagay sa leeg ko ay hindi ko maitali nang maayos.
Hindi ako sanay!
Hinayaan ko na lang iyong nakasabit sa 'kin at saka nagsuot ng itim na sapatos. Tiningnan ko ang laman ng kulay itim kong bag at nakita ang mga papel doon. May mga libro rin at isang notebook na makapal.
Unang araw ko sa klase kaya naman kailangang maaga ako. Ayoko namang isipin nilang isa akong pasaway na estudyante.
Itinaas ko ang kanang kamay ko, handa na para mag-teleport, nang mapagtanto kong isa nga pala akong tao. Agad kong binaba ang kamay ko at nagsimulang maglakad. Nasa utak ko na kung saan ang daan kaya naman hindi na ako nahirapan. Sobrang lapit lang naman kasi.
Nakita ko ang mga estudyanteng gaya ko na kararating lang. Tulad ko ay kulay asul rin ang suot nilang uniporme. Sa mga lalaki naman ay berde na pantalon. Hinanap ko ang logo ng St. Marcel at nakitang nasa laylayan iyon ng damit sa kaliwa. Sa pagkakaalam ko kasi ay dapat sa dibdib iyon.
Nang madaanan ko ang gwardya ay bahagya pa akong natigilan, nagdadalawang isip kung babatiin ko ba. Sa huli, ngumiti ako at saka siya binati ng magandang umaga. Hanggang sa makarating ako sa gym – kung saan gaganapin ang orientation – ay nakangiti ako sa mga estudyante na nadadaanan ko. Lahat sila parang natatakot sa 'kin.
Nang may nadaanan akong CR habang papunta sa gym ay pumasok muna ako. Mabuti na lang at walang ibang tao roon kung hindi ako lang.
Sinubukan kong ngumiti habang nakatingin sa harap at napagtanto kong nakakatakot nga talaga akong ngumiti lalo na kapag pinipilit ko. Sumeryoso naman ako ng tingin sa harap, mas ayos kaysa sa nauna kong ginawa.
"Sa tingin ko hindi na lang ako ngingiti masyado dahil mukha akong clown na hindi matae," bulong ko na lang sa sarili ko at saka muling lumabas ng CR.
Nagderetso ako at saka nakihalo sa mga tulad kong freshmen. Hindi ko inaasahang ganito pala ang pakiramdam. Sobrang nakakabagot nga talaga ang mga ganito. Akala ko naman ay masaya. Akala lang pala.
Itinuro sa amin ang magiging room namin at nakita ko na ang mga magiging kaklase ko sa mga susunod buwan. Sa dulo ako ng room naupo para makita ko ang lahat ng uri ng mga tao.
Hindi ko maiwasan ang mapaisip. Kung ako pala ang makikihalo sa kanila ay baka hindi ako makasunod. Marami kasi sa kanila ang napakadaldal at ang iba naman ay napakatalino. Hindi ko alam kung saan ako nabibilang na grupo kaya naman tumahimik na lang muna ako. Sanay naman na akong mag-isa lang – or not?
Naalala ko tuloy si Luke na laging nakasunod sa 'kin. Dati ay naiirita ako sa pagsunod-sunod niya pero ngayon naman hindi ko inaasahang hahanapin ko rin pala. Ngayon alam ko na kung ano ang pakiramdam kapag mag-isa ka lang. Hindi maganda ang pakiramdam.
"Uy! Alam mo ba iyong balita? May bago na naman 'atang biktima si Ms. Pangil."
"Oo nga. Kinilabutan nga ako noong narinig ko na naman iyong pangalan niya sa TV kagabi."
"Grabe! Nakakatakot kaya. Hindi ako nakatulog nang maayos dahil do'n!"
Ms. Pangil? Ang weird naman ng name niya. Sino naman kaya itong pinag-uusapan ng mga kaklase ko? Kung masamang loob man ang tinutukoy nila, hindi naman yata angkop ang Ms. Pangil.
Hindi ko na nagawang magtanong dahil may pumasok na kalbong sa tingin ko ay ang guro namin.
"Good morning, class."
"Good morning, Sir."
Para akong batang namangha nang marinig ko ang mga kaklase ko. Wala lang. Natutuwa lang akong kabilang na ako sa mga nagsasabi nito.
"My name is Mr. Raemon Mendoza and I will be your adviser for this school. Let's have a blast, 7-2!" biglang sigaw ng bading pala naming guro.
Nagsigawan din ang mga kaklase ko pero hindi na ako nakisigaw. Kaya na nila iyan.
Napapailing na lang ako dahil sa mga bagay na hindi ko inaasahan. Tulad nitong guro naming akala ko maskulado, sirena pala. Napakalaki kasi ng katawan niya na parang regular sa gym.
Isa-isa kaming nagpakilala sa harap at this time, hindi na talaga ako ngumiti. Baka naman kasi matakot na naman sila sa 'kin. Kaya as much as possible, huwag na lang. Hindi rin naman masama kung maging seryoso akong tipo ng tao.
"Sir! May gusto lang po akong itanong," ani kaklase kong maingay, si Janus.
"Ano naman iyon?"
"Nabalitaan ninyo po ba iyong tungkol kay Ms. Pangil?" tanong niya kaya muling nag-ingay ang mga kaklase ko. Base sa reaksyon nila ay ako na lang ang hindi nakakakilala sa kaniya.
"Quiet, class!" bulalas ni Sir. "Of course, I heard. Sino ba naman ang hindi makakakilala sa kaniya, hindi ba? Ang dami na niyang napatay. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin siya nahuhuli."
"Sir, hindi po ba parang nakakatakot naman?"
"Oo nga naman, Sir. Hatid-sundo na tuloy ako ng parents ko dahil sa nangyayari."
"Hindi naman natin maiiwasan ang mga ganoon. Tulad ng sabi sa balita at kanina sa orientation, kailangang doble ingat tayong lahat. Kung maaari nga ay triple. Huwag kayong maglalakad mag-isa lalo na kapag gabi na. Magpasundo kayo kung maaari." Hindi ko yata narinig kanina ito no'ng orientation dahil masyado akong occupied sa pagsipat ng paligid.
"Sir, ano ba kasi talaga iyon? Bakit marami ang nagsasabing hindi naman siya tao? Totoo po ba iyong mga kakaibang nilalang?" Yes, dear. And one of them is your classmate.
"No one knows, Iho. Pero hindi totoo ang mga kakaibang nilalang na tinutukoy mo. Ayon naman sa balita, isa lang siyang psychopath na pumapatay."
Natapos ang klase namin sa kaniya nang si Ms. Pangil lang ang pinag-uusapan namin. Nakatuon din doon ang atensyon ko dahil na-curious ako. Psychopath? Grabe naman kung ganoon. Pero bakit parang kakaiba ang pakiramdam ko sa isang ito? Bakit parang hindi lang simpleng psychopath ang Ms. Pangil na iyon? Hindi ba at madali lang nilang mahuhuli ang psychopath na iyon kung sakali dahil hindi naman gaya sa mga libro na scripted, mga simpleng tao lang din sila na nawala sa katinuan.
And why do I have this urge to know who this Ms. Pangil is?
NANG MAG-BREAK TIME namin ay dumeretso ako sa canteen. Tulad ng inaasahan ko ay rito sila kumakain. Masyadong crowded. Ayoko ng ganito. Gusto ko ay mag-isa lang ako at ayoko nang may nakatingin sa 'kin kapag kakain ako. Iyon na ang nakasanayan ko sa mundo namin.
Um-order na ako ng pagkain ko at saka umakyat sa hagdan na nakita ko sa isang gilid. Doon na lang ako kakain sa kung saan patungo ang hagdan na ito. Basta walang ibang tao kung hindi ako lang. On second thought, not a human but a demon.
Agad akong naupo sa isang gilid nang makarating ako sa parte ng school na ito na walang laman kung hindi nag-iisang upuan at sira pa. Open space ito at hindi ako pwedeng magkamali, ito ang rooftop. Wala ngang nagpupunta rito dahil wala namang pwedeng ibang gawin kung hindi ang tingnan ang tanawin.
"What are you doing here?" tanong bigla ng isang babaeng kadarating lang.
Sinipat ko siya at mukhang kaedad ko lang siya – what the hell am I saying? Kaedad? I mean, para rin siyang Grade Seven gaya ko. She's looking at me like I'm the most boring thing in the world. Ano ba ang problema niya?
Tiningnan ko ang pagkain ko at saka ibinalik ang tingin sa kaniya. "Obviously?" sarkastiko kong sabi sa kaniya pero hindi na niya ako pinansin. Seriously? Parang timang naman ang taong ito.
Hindi ko na lang din siya pinansin at pinagpatuloy na lang ang pagkain ko. Kung wala siyang pakialam sa 'kin ay ganoon din ako sa kaniya. Mukhang hindi naman siya friendly kaya hindi rin ako magiging friendly sa kaniya.
Ilang minuto pa at busog na ako. May natira pang pagkain sa binili ko kaya itatapon ko na lang. Pero bago pa ako tumayo at umalis ay nakita ko siyang nakaupo sa isang sulok at nakahawak sa tiyan niya na parang namimilipit sa sakit.
Muli akong napatingin sa pagkain na hawak ko, na itatapon ko sana.
Napairap na lang ako sa loob ko dahil sa kung anong naiisip ko. I'll just play the good girl here.
"Here." Sabay abot ng pagkain ko sa kaniya.
Napatigil siya sandali at saka dahan-dahan akong tiningnan. Imbis na ang pagkain ang tingnan niya ay ako ang tinapunan niya ng tingin. Iyon na naman ang mga tingin niya. Parang bored na bored siya sa pagtingin sa 'kin.
"Walang lason iyan kaya kainin mo na," sabi ko.
Ilang sandali pa ay tumayo siya at saka nagmamadaling umalis sa rooftop. Hindi na naman niya ako pinansin! Ano ba ang problema ng taong iyon? Mukha na nga siyang dukha at pinapakain na, ayaw pa niya. Ewan ko ba sa taong iyon! Isang weirdo pa ang makikita ko sa lugar na ito.
Sa mga nababasa kong libro ng mga tao noon, isang lalaki ang nakikita ng mga bida at doon magkakatuluyan sila sa huli. Akala ko pa naman ay makakahanap na ako ng lalaking tutulong sa 'kin para magkaroon ng tagapagmana.
Napabuntong-hininga na lang ako at iniwan ang pagkain ko. Malay mo bumalik siya at nahihiya lang kunin sa 'kin.
Bumaba na ako ulit, still wearing my poker face, at saka dumeretso sa room namin. May mangilan-ilan na ang naroon at nagdadaldalan pero nakaramdam ako ng pagod at antok. Hindi naman kasi ako sanay nang gising sa umaga.
Sa hindi malamang dahilan ay bigla na lang ako nakatulog habang nakaupo at nakadukmo sa lamesa.
"MS. ARCINUE? MS. ARCINUE!"
Napadilat ako nang dahan-dahan dahil sa narinig kong tumatawag sa 'kin. Bigla na naman akong nainis dahil ang ayoko sa lahat ay iyong ginigising ako sa oras ng pahinga ko.
"Ano ba 'ng kailangan mo? Nakita mong nagpapahinga ako! Hindi mo ba nakikita?" sigaw ko sa taong nanggising sa 'kin at saka siya tiningnan nang masama.
Nakita ko ang takot sa mukha ng taong kaharap ko. Ilang segundo pa at nilibot ko ang tingin sa paligid. Saka ko lang napagtantong nakatingin na pala silang lahat sa 'kin na mukhang nagulat at natakot din sa naging reaksyon ko.
Nahihiyang napakamot ako sa batok ko. "S-Sorry po! Ang ganda kasi ng panaginip ko, Sir. Matapos ko raw matalo iyong demonyong nakaharap ko ay knock out rin ako at sa sobrang pagod ko ay nakatulog ako. Ayun!" Sinubukan ko pang tumawa pero nabigo rin ako.
"O-Okay. You may sit down. Next time, ayokong makikitang natutulog ka sa klase ko."
"Yes, Sir. Sorry po talaga."
Napaupo na lang ulit ako sa silya ko at saka umiling. Ngayon lang ako nag-sorry nang ganito sa tanang buhay ko dahil kahit na ako ang may kasalanan ay sila pa rin ang nagso-sorry sa 'kin. Hayy! Kailangan ko na talagang masanay.
Matapos ang araw ko sa school ay umuwi na ako. Pero bago iyon ay may lumapit sa 'king isang maliit na babaeng sa tingin ko ay isa ring grade seven na gaya ko.
"Hello po! Gusto ko lang po sana itanong kung interesado kang sumali sa dance club? Nagre-recruit po kasi kami." May ibinigay siya sa 'king poster na sa tingin ko ay poster ng sinasabi niyang dance club.
"Ahm... pag-iisipan ko muna. Bukas ko na lang sasabihin kung papayag ba ako o kung hindi," sabi ko na lang kahit wala naman talaga akong balak na sumali.
"Ganoon ba? Sige, ako nga pala si Ria. Sana sumali ka, kailangan kasi namin ng bagong mga myembro," muli niyang sabi at saka nagpaalam sa 'kin.
Tinitigan ko ang poster na ibinigay niya at saka napaisip. Paano kaya kung sumali ako? Tutal alam ko naman sa sarili kong marunong ako. Pwede itong maging hakbang para sa plano kong maki-blend in sa mga tao. Baka rito na ako matuto kung paano makisalamuha sa ibang tao. Mukhang failed na kasi ako umaga pa lang.
"Why not, right?" tanong ko sa sarili ko at saka itinago ang papel sa bag ko.