Chapter 1

2068 Words
The Queen Shawnna Gaile Arcinue "What? Anong klaseng batas na naman ba ang sinasabi mo!" pasigaw na tanong ni Jennica. Kasabay niyon ay ang pagtilapon niya sa batong pader dahilan upang masira ito. Itinaas ko ang kanang kamay ko upang patigilin si Luke. Alam ko namang ipinagtatanggol niya lang ako pero ayoko naman kasi nang may masaktan pa nang dahil sa batas na ipatutupad ko. Alam kong mapanganib pero ako lang naman at hindi sila. Ako lang ang may karapatang tumapak sa mundo ng mga tao. Nakita kong tutol din ang ilan sa mga narito ngunit hindi pa nagsasalita. Hindi pa naman kasi ako tapos magsalita kaya bakit kailangan nilang sumabat agad? Masyado silang mainipin! Humawak ako sa batong lamesa sa harap naming lahat. Narito kami sa silid kung saan ginaganap ang mga pagtitipong gaya ng pagpapatupad ng batas at pagbibigay ng parusa sa mga kauri namin. Nakaupo kami ng mga katiwala ko sa isang pahabang lamesa. Gawa iyon sa kulay tsokolateng bato na nakadikit mismo sa sahig. Ganoon din ang mga kinauupuan namin. Ako ang nasa dulo dahil ako ang nasa pinakamataas na posisyon. Si Luke na aking kanang kamay ay nasa kanang bahagi ng upuan ko. Ang labing dalawa pang mga myembro ay tahimik na nakikinig. Ang ilan ay nagbibigay ng mga suhestiyon samantalang ang iba ay nagtatago ng mga ngiti dahil sa pag-alis ko. "Walang problema sa 'kin na pumunta ka sa mundo ng mga tao, Lady Shawnna. Pero ano na lamang ang mangyayari sa mundo natin kung aalis ka? Hindi mo gugustuhin kung ano ang mangyayari," nag-aalalang tanong naman ni Rafael, isa sa mga pinagkakatiwalaan ko. Agad akong napangisi. Mabuti naman at may nagtanong nito. "Napag-usapan na namin ito ng aking kanang kamay." Saglit kong tinapunan si Luke ng tingin bago ibinalik sa kanila. "Aalis lang ako at doon mamamalagi sa mundong ibabaw, ngunit hindi ibig sabihin ay tatalikuran ko na ang pagiging pinuno ko rito. Ako ang reyna. Kaya wala kayong dapat na ipag-alala," sabi ko sa kanila habang seryoso na ang ekspresyon ng mukha. "K-kung ganoon, sino na ang mamamahala rito upang sabihan ka sa mga problema?" tanong ni Jennica na mukhang nakabawi na sa pagtilapon mula sa upuan. Pinagpagan niya ang kaniyang itim na roba, ang kasuotang nakalaan para sa aming lahat. Sinamaan niya ng tingin si Luke dahil sa ginawa nito pero hindi na ito pinansin pa ng huli. "Tungkol doon, aking itatalaga ang kanang kamay ko upang pamunuan ang mundo natin. Lucas Sevilla, ang pinagkakatiwalaan ko sa lahat. Alam kong hindi niya ako bibiguin." Yumuko naman si Luke nang banggitin ko ang pangalan niya. Nginitian ko siya dahil alam kong 'di niya ako bibiguin. Ilang dekada ko na siyang kasama at palagi siyang nasa tabi ko, tinutulungan ako sa lahat ng tungkuling dapat kong gawin. Naging payapa ang mundo namin nang ilang dekada. At dahil sa sobrang pagkabagot ay ayoko nang manatili pa rito. Gusto ko namang maglakbay. Gusto ko sanang bitiwan ang tungkulin ngunit wala pa akong tagapagmana. Sa akin iniwan ni Ama ang pamumuno kaya kailangang anak ko ang susunod sa aking mga yapak. Ang problema, wala naman akong asawa, paano ako magkaka-anak? "SIGURADO KA NA ba talaga sa plano mo, Lady Shawnna?" tanong ni Luke. Narito kami sa isang espesyal na silid kung saan ko gagawin ang ritwal upang makapunta sa mundo ng mga tao. Madilim sa buong paligid, walang mga nakadikit sa bawat pader na kulay itim. Tanging estatwa lamang ng isang pigura na may sungay ang nasa harapan namin. Halos kasinglaki namin ito na may lima't kalahating talampakan. Kulay itim iyon at medyo malabo ang pagkakaukit sa mukha. "Ngayon lang ako naging sigurado sa kahit anong pasya ko, Luke. Huwag kang mag-alala, lagi naman akong mag-iingat sa mundo ng mga tao," sabi ko sa kaniya habang nakangiti. Ayoko kasing mag-alala siya sa 'kin sa gagawin ko. Gusto ko lang naman maglakbay at kalimutan panandalian ang trabaho ko. "Pero hindi pa rin ako mapakali. Paano kung magkaroon ng aberya? Paano kung may makaalam sa sikreto mo at ipagkalat iyon? Malalagay sa panganib ang buhay mo, Lady Shawnna. Hindi dapat mangyari 'yon," may halong pag-aalalang sabi naman niya sa 'kin. Bahagya akong napatawa. "Hindi nila ako kayang galawin, Luke. Hindi ako isang ordinaryong tao. At hindi ako isang ordinaryong nilalang. I am a queen." Bumuntong-hininga siya. "Alam ko, Lady Shawnna. Hindi ko lang maiwasan ang malungkot ngayong aalis ka na. Hindi na kita makikita at mababantayan dahil kailangan naman ako rito," sabi niya, nakayuko na sa gilid ko. Tinapik ko ang balikat niya. "Huwag kang mag-alala. Babalik naman ako. Hindi naman ako habang buhay mananatili roon. Maglalakbay lang ako, parang bakasyon, tulad ng sinasabi ng mga tao." Muli niyang binaling sa 'kin ang tingin. "Pero mag-iingat ka roon, Lady Shawnna. Kapag may masamang nangyari, huwag kang magdadalawang isip na sabihan ako. Ako pa rin naman ang iyong kanang kamay, hindi ba?" Natawa na lang ako dahil para siyang bata kung umasta. Parang hindi siya matanda sa 'kin nang ilang henerasyon. "Oo naman, Luke! Pwede naman tayong mag-usap madalas kapag wala tayong ginagawa," sabi ko para hindi na siya gaanong mag-alala pa. "Kailangan ko nang umalis. Marami pa akong kailangang ayusin sa magiging tahanan ko sa mundo ng mga tao. Mag-iingat ka lagi rito." "Mag-iingat ka rin, Lady Shawnna." Agad akong pumikit at ginawa ang ritwal upang makapunta sa mundo ng mga tao. Hindi tulad ng teleportasyon ay may ritwal na kailangang gawin upang makapunta sa ibang mundo. Naging mas madali pa ito dahil isa akong reyna. Hindi ko na kailangan pa ng pahintulot dahil sa 'kin din naman hihingi nito. Ito ang naging dahilan kung bakit hindi nakapupunta basta-basta ang ilan sa mga kauri ko sa mga mundong gusto nila. We have rules, after all. Our consciousness will travel. At doon ako papasok sa isang katawan ng isang tao. Isang tao na hindi nag-eexist. Posible iyon sa tulong ni Luke. Hindi magtatagal ay maaari ding mag-travel ang buo kong katawan. It's just a matter of time. Kailangan ko lang itago itong mahahabang sungay ko at itim na pakpak. Then, it's done. I can completely travel — with my powers and all that. Nang matapos ang ritwal ay dumilat ako at nakita ang sarili ko sa loob ng isang maliit na bahay. Sa tingin ko ay apartment ito kung tawagin. Matagal na akong nagmamatyag sa mundong ito kaya marami na akong natutunan. Ang laki na nga ng pinagbago ng mundong ito isang daang taon na ang nakalilipas. Ang bilis ng mga pagbabago rito. But finally, narito na ako sa mundo ng mga tao, ang Hearth. Napatingin ako sa pinto nang marinig ko ang sunod-sunod na pagkatok doon. "Hoy, Shawnna! Magbayad ka na ng upa mo. Ilang buwan ka nang hindi nakakapagbayad! Bilisan mo o gusto mong palayasin kita rito sa pamamahay ko?" Uminit ang ulo ko dahil sa kawalang respeto ng taong sumisigaw. Hinanda ko na ang sarili ko upang parusahan siya pero naalala kong hindi na nga pala ako si Lady Shawnna sa mundong ito. Isa na lang akong ordinaryong Shawnna magmula ngayon. Hindi ko dapat kalimutan iyon. Binuksan ko ang pinto at nakita ang isang babaeng may katandaan. Naka-duster ito na maraming disenyong bulaklak at makapal ang lipstick na pula sa labi. May kung anong abubot ang nakalagay sa ulo niya na sa tingin ko ay pampakulot ng buhok. Kunot-noo ko siyang tiningnan. "Ano? Tititigan mo na lang ako hanggang sa may lumabas na pera sa harap mo? Bilisan mo na at magbayad!" sigaw na naman niya sa 'kin. Pumikit ako at nagtimpi. Kailangan kong alalahanin kung sino ako. Mga tao lang sila, Shaw. Wala silang alam. "P-Pwede ho bang bukas na lang? Hindi pa po kasi ako nakakahanap ng trabaho rito sa mundo ninyo," sabi ko. Agad kong natikom ang bibig ko. Minsan talaga ay may sariling utak 'tong bunganga ko. "Aba't maka-mundo ka naman diyan! Ano ang akala mo sa 'kin, demonyo?" Lalong nag-init ang ulo ko sa sinabi niya. "Pero kung sabagay, magkaiba nga pala talaga ang mundo nating dalawa. Ako tao, ikaw demonyo!" Imbis na magalit ay napangisi na lang ako. Bakit ang galing manghula ng matandang ito? Hindi naman ako nasabihan na ganito pala sila katalino. "Bukas ho talaga ay magbabayad na ako. At iwasan ninyo ho ang pagbigkas sa salitang demonyo. Baka magulat na lang ho kayo at sinakmal na kayo ng isa," sabi ko at saka ngumiti sa kaniya nang pagkatamis-tamis. Minsan lang ako ngumiti, pero kapag ngumiti ako ay marami ang natatakot sa 'kin. Gaya na lang ng matandang ito na parang nakakita ng demonyo. Tumpak! Nakakita ka nga. Agad kong sinara ang pinto nang hindi siya hinihintay magsalita. Narinig ko ang pagyapak niya palayo kaya nilibot ko ang tingin sa buong bahay. Ang weird pala talaga ng pakiramdam kapag nasa loob ka na. Ibang-iba ang pakiramdam kapag nasa kwartong 'to. Masyadong maliwanag at sobrang makalat. Agad akong naglinis, na hindi ko alam na gagawin ko sa tanang buhay ko. Kasama na rin sa ritwal ang paggawa ko ng sarili kong pagkakakilanlan sa mundong ito. Wala akong kakilala. Bagong tao lang ako at ayon sa card na nakita ko habang naglilinis ay ako si Shawnna Gaile Arcinue, isang grade seven student sa St. Marcel National High School. Teka? Masyado naman yata akong bata sa mundong ito? Bakit hindi man lang ako ginawang college, o kaya naman grade ten man lang? May mali ba sa ginawa kong ritwal? Pero sabagay, wala namang magbabago, basta tao pa rin ako. Sinubukan kong palutangin ang bagay na nasa harap ko at hindi naman ako nabigo. Iyon nga lang, pakiramdam ko ay nanghihina agad ako. Para akong nahihilo at tila umiikot ang tiyan ko. Huli ko itong naramdaman noong nilunod ko ang sarili ko sa tambak na trabaho at hindi ginamit ang aking dugo. Isa kasi sa kailangan kong gawin ay ang gumawa ng low class demons gamit lamang ang aking dugo. Sila ang mga nagtatrabaho sa mundo namin, iyong mga mabababaw na trabaho lang kaya hindi sila ganoon kalakas. Hindi naman iyon sapilitan pero malaki naman ang nagiging epekto sa 'kin kapag hindi ko nagawa. Kailangan kong magbawas ng dugo para mapalitan iyon ng bago dahil maaari akong magkasakit. Nawawala kasi ako sa sarili ko kapag nangyari iyon at hindi magugustuhan ninuman kung ano ang pwede kong gawin. Kailangan ko rin sigurong bawasan ang paggamit ko ng kapangyarihan sa mundong ito dahil hindi magiging maganda ang kalalabasan nito. Tiningnan ko ang orasan at kumunot ang noo ko. Hindi ko alam kung paano magbasa ng relo. Bibili na nga lang ako n'ong numero na. Iyon naman kasi ang madalas kong makita noong nasa mundo pa ako ng mga demonyo. And yes, I am a demon, the Demon Queen to be exact. Hindi tulad sa mga librong nababasa ay hindi naman kami masasama. Hindi ko ba alam sa mga utak ng tao at naisip nilang kalaban kami ng kabutihan. Sa katunayan nga ay para kaming mga anghel na tinutulungan sila kapag may hiling sila. Kami kaya ang naglalagay ng mga bulalakaw sa langit. Hindi iyon simpleng meteor lang na naligaw sa mundong 'to. Kami ang naghuhulog niyon mula sa itaas. At dahil trabaho namin iyon ay ginagawa pa rin namin, kahit na nilalait kami ng ilan sa mga tao. Kaya nga nandito ako sa mundo nila. Isa sa mga dahilan ay gusto kong ipaalam sa kanila na mababait kami. Ang problema ko nga lang ay paano? Paano ko sasabihin sa kanila kung hindi rin naman talaga sila naniniwalang nabubuhay nga kami? Iyon lang ang pinaniniwalaan ng ilan para sabihin sa mga bata. Panakot lang naman nila kami. Gumawa kaya ako ng libro patungkol sa mga tulad ko? Pero hindi naman ako marunong magsulat ng mga kwento kaya paano ko naman gagawin iyon? Napasabunot na lang ako sa buhok ko. Hindi ko na alam! Basta't itutuon ko na lang muna ang atensyon ko sa paglalakbay sa mundong ito. Hahayaan ko na muna ang mga naiisip nila tungkol sa 'min. Gaya na lang ng ang daming taon na iyong pinaniniwalaan pero wala namang umaangal sa mga kalahi ko. Ako nga lang yata talaga ang may problema tungkol sa kung ano kami sa paningin nila. Sino ba naman kasi ang matutuwa kapag sinabihan ka na masamang nilalang, hindi ba?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD