Habang nakatayo sa gilid ng kalsada sa Makati habang hawak-hawak ang mga diyaryong kuwari’y binibenta niya- ay hindi mapigilan ni Diana ang pagrambulan ng mga daga sa kaniyang dibdib.
Natatakot siya pero desidido na siyang gawin ‘to alang-alang sa kaniyang pamilya. Tumingin siya sa kabilang kalsada. Nakita niya doon si Momay na nakatayo. Samantalang si Kadyo naman ay kanina pa din nakapuwesto di kalayuan sa kaniya na kunwari din ay may kausap sa telepono.
Maya-maya ay napansin niyang pasimple itong sinenyasan ni Momay na tila may itinuturo sa likuran. Lumingon din siya at nakita niya ang isang lalaki na kakababa lamang ng taxi. May dala-dala itong isang travelling bag. Sinenyasan din siya ni Kadyo. Alam na niya ang ibig sabihin ng kaibigan.
Nangangatog ang mga tuhod na sinundan niya ang lalaki habang naglalakad at nakita niya ang nakaumbok na pitaka sa likod ng bulsa ng pantalon nito. Bigla siyang napatigil nang huminto ito at humarap sa kaniya na tila may nakalimutan.
Nagulat si Diana. Hindi niya inaasahan na ganito pala ka-guwapo ang magiging target nila. Nagkatinginan silang dalawa ng lalaki. Parang gusto na tuloy niyang umurong. Kung hindi lang sumagi sa isip niya ang kalagayan ng ina’t kapatid.
“S-sir, diyaryo po. Marami pong mga bagong balita ngayon.” Alok niya sa lalaki.
“I’m sorry, Miss, pero nagmamadali ako at wala akong hilig magbasa niyan.”
“Puwede niyo pong basahin pagdating niyo sa bahay para ma-relaks kayo.” Pangungulit niya.
Pero tinitigan lang siya ng lalaki. Maya-maya ay nakita na niya si Kadyo na palapit sa puwesto nila. Base sa tono ng lalaki ay hindi niya ito mapapabili lalo pa nang akmang aalis na ito.
“Sir kahit isa lang po.” Pamimilit pa rin niya at ipinakita dito ang laman ng mga diyaryo subalit matigas na umiling ang lalaki at nanlilisik na ang mga matang tiningnan siya.
“Kapag hindi ka pa umalis sa dinadaanan ko ay tatawag na ako ng pulis!”
Napikon si Diana sa ginawang iyon ng lalaki dahil kahit kailan ay wala pang nagbabanta at naninigaw sa kaniya. Kaya padabog niyang binitawan ang mga diyaryo.
“Pambihira naman kayo, Sir! Bente singko pesos lang pero nakikipagmatigasan pa kayo!” Hindi niya napigilang sigaw.
Lalong nagalit ang lalaki at nagsigawan pa sila na hindi niya alam ay nakaagaw na pala ng pansin sa ibang taong nandoon. Nakita niyang pasimpleng dumaan si Kadyo sa gilid ng lalaki.
Nang magawa ang plano ay dali-dali itong umalis at pinuntahan si Momay saka siya sinenyasan ng mga ito na dalian niya pero nakipagtalo pa siya sa lalaki. Hanggang sa may sumigaw na lalaki.
“Magnanakaw! Magnanakaw!”
Hindi na niya nakuhang pulutin pa ang ibang diyaryo at kumaripas siya ng takbo. Lumingon pa si Diana para tingnan ang sumisigaw. Isa iyong tindero sa isang bangketa.
Naalarma naman ang mga security guards sa iba’t-ibang establishments. Kinausap ng tindero ang lalaking ninakawan nila habang kinakapa ang bulsa. Lalo pa siyang kinabahan kaya binilisan niya ang pagtakbo.
Tinawag siya nila Kadyo at hinila para ikubli sa isang kanto. Patuloy silang hinahabol ng mga guards subalit nakatago na sila sa ilalim ng mga sasakyan.
Nang masigurong wala na ang mga ito ay saka sila lumabas. Halos himatayin naman siya sa takot samantalang ang dalawa ay kinabahan lang para sa kaniya.
“Muntikan na tayo don, ah! Di ba ang usapan ay aalukin mo lang ng diyaryo pero hindi ka makikipag-away! ” Galit na sermon sa kaniya ni Kadyo.
“Eh paano ako hindi magagalit? Eh ang kunat-kunat ng lalaking iyon. Tapos sinigawan pa ako. Gusto ko na ngang sapakin eh!”
“Ayan! Muntik ka ng ipahamak ng pagiging mainitin mo.” Patuloy na panggagalaiti nito.
“Bakit ka ba nagagalit? Hindi naman ako nahuli ah!”
“Hindi nga pero muntikan na! Alam mo bang ito na ang pinaka-simple namang ginawa ni Momay pero muntikan pang mabulilyaso dahil sa diyan init ng ulo mo na hindi mo ma-kontrol!”
“Huwag mo ng sisihin si Diana, Kadyo. Alam mo namang unang beses niya ‘to eh.”
“Una at huling beses. Hindi na kita papayagang sumama pa sa’min. Mapapahamak ka lang.”
“Kaya kong rumaket mag-isa!” Pagmamayabang pa niya.
“Huwag na nga kayong magtalo pa diyan. Ang importante ay may pera na tayong panggastos sa ospital.” Saway sa kanila ni Momay at sabay naman silang natahimik ni Kadyo.
Sabay-sabay nilang tiningnan ang laman ng pitaka. Para lang ma-dismaya sa mga laman non.
“Naloko tayo ng hayop na ‘yon ah!” Bulalas ni Diana nang pagbuklat nila ng pitakang nakuha sa lalaki ay puro I.D, atm at contact cards lang ang laman nito. Ni isang pirasong cash ay wala. “Naku! Huwag na huwag lang talaga magpapakita sa’kin ang lalaking ‘yon dahil masasampal ko sa kaniya ang walang kuwentang wallet niya.”
Kinuha ni Momay ang pitakang itinapon niya saka tiningnan ang I.D na nandoon. “Pero ang guwapo pala nitong nabiktima natin. Parang artista ‘to. Nakita ko na yata sa tv ‘to.”
“Guwapo? Saksakan naman ng suplado at kunat!” Kunwari’y kontra niya pero ang totoo ay nagu-guwapuhan din siya dito kahit noong una niyang makita ang binata. Di ba nga muntikan na siyang umurong sa plano dahil sa hitsura nito?
“Ganon talaga ang mayayaman, tol. Hindi ‘yon naglalagay ng cash sa pitaka nila. Ano kaya kung ibenta natin ‘tong mga cards niya sa mga eksperto dito? Madami nito sa Quiapo.”
“Tumigil nga kayo diyan.” Saway sa kanila ni Kadyo saka nito inagaw sa kamay ni Momay ang I.D. at matagal na tinitigan. “Parang kilala ko nga ang mokong na ‘to. Ito ‘yong nabasa ko noon sa diyaryo na tinakasan ng kaniyang bride.”
“Ah oo nga no!” Sabat ni Momay. Pinipigilan niyang tingnan ang litrato ngunit hindi niya mapigilan kaya nang ilapag ito ni Kadyo ay kinuha niya ito.
At habang nakatingin sa larawan, pakiramdam niya ay siya ang tinititigan ng binata. Wala siyang maipintas sa kahit anong anggulo ng mukha nito.
Napatingin siya sa pangalan na nakalagay sa gilid ng picture.. Oo nga, tama si Kadyo. Ito nga ang presidente ng Montano hotel. Isa ito sa mga kinababaliwan ng mga kababaihan sa sociedad.
Kaya ang sabi non sa balita ay halos hindi raw sila makapaniwala nang hindi ito siputin sa araw ng kasal nila ng isang modelo. Hindi naman siya mahilig makibalita sa showbiz pero hindi lang niya maiwasang marinig sa mga ka-trabaho niyang patay na patay din sa binata.
“Bakit ka natulala riyan?” Untag sa kaniya ni Momay. “Huwag mo sabihing na-iinlab ka na diyan.”
“Gaga! Naisip ko lang kung paano na ngayon sila Inay gayong pumalpak ang lakad natin.”
“Huwag mong problemahin ‘yon!” Ani Kadyo. “Hindi lang naman ang lalaking ‘yan ang tao dito sa Makati eh. Nakalimutan mo na yatang nasa lugar tayo ng mga mayayaman.”
“Paano kung pumalpak na naman tayo?”
“Gusto mo kami na lang ni Momay ang lalakad? Antayin mo na lang kami sa ospital.”
“Para mo namang sinabi niyan na wala akong silbi. Saka hindi naman ako papayag non na kayo ang magpakahirap para sa pamilya ko.”
“Sus! Kung makapag-drama ka naman parang hindi tayo tropa ah. Hindi bagay sa’yo ang mag-emote, oi!” Dagdag pa nito.
Tumayo siya nang biglang may ideyang pumasok sa kaniyang isip. “Ano kaya kung mang-holdap na lang tayo?”
“Ano?” Sabay-sabay na bulalas ng dalawang kaibigan. Napatayo din ito sa pagkagulat. “Grabe ka naman mag-isip, Diana. Kung ‘yon ngang simpleng pandurukot lang ay hindi mo kaya, ‘yong pang-big time pa kaya?” Sabi ni Momay.
“Oo nga naman, tol! Pang ismol time lang kami.”
“Wala na kasi akong maisip na paraan eh para magkapera.”
Hinawakan siya ni Kadyo sa balikat. “Huwag ka ng mag-alala. Singkwenta mil lang ang kailangan mo, hindi milyones. Bumalik ka na lang don sa ospital. Kami na ang bahala ni Momay mag-delihensiya.”
“Teka. Saan kayo pupunta?”
“Basta magkita na lang tayo mamaya sa ospital.” Hindi na niya napigilan ang dalawang umalis.
Dumaan din siya sa fast food na pinagtatrabahuan niya para manghiram. Nagbigay naman ang mga kasamahan at manager niya ng konting tulong pero hindi pa rin iyon sapat para sa operasyon ni Nene.