Kabanata 11
Puna kong may kung anong kinuha naman ang pinsan ko sa kabilang kuwarto. Hindi rin naman nagtagal ay bumalik din naman ito, dala niya 'yong kopita at mabilis na inilapag sa harapan ni kuya Steffano. Ako naman ay kain lang din nang kain at tahimik lang na nagmamasid sa kanilang dalawa. Pakiramdam ko talaga ay may kakaiba sa kanilang dalawa.
Nang sumubo ako'y muntik na akong masamid sa pagkagulat dahil kitang-kita ko ang dugong kumalat sa bibig ni kuya Steffano. Halos mamilog ang aking mga mata at nagsisimula ng manginig ang aking mga tuhod. Diyos ko! Huwag niyong sabihing dugo ang laman ng kopita! Bumaling naman ako kay ate Catherine at nakita kong may malaking sugat siya sa kanyang palad at mukhang balewala lang ito sa kanya.
"A-ate m-may s-sugat ka..." nagkandabuhol-buhol kong wika rito.
Nahinto naman ito sa pagkain.
"Nako, dumi lang ito Yana," aniya.
"Akin na nga po..." sabi ko pa at mabilis na hinawakan ang kaliwang kamay nito.
Nang tingnan ko ito'y konti akong napasinghap dahil wala na ang malaking sugat nito sa kamay. Ngumiti naman ang pinsan ko.
"Sabi ko naman sa 'yo Yana, dumi lang 'yon. Ikaw talaga, kumain ka na lang," masiglang wika nito.
Natameme ako at nanlulumong napayuko. Imposible talagang dumi ang nakita ko. Talagang malaking sugat iyon at hindi lang basta imahinasyon ko lang.
"Ito Yana, tikman mo. Masarap 'yan..." wikang bigla ni ate Catherine habang may hawak na pitsel.
Namilog muli ang aking mga mata. Pinagsalok niya ako ng inoming... Dugo!
"Po!?" tarantang sambit ko pa.
"Masarap 'yan. Inomin mo na," nakangiti pang alok ng pinsan ko.
Mariin akong napalunok at napakapit sa aking kinauupuan. Nanginginig pa ang aking mga kamay na kinuha ang baso. Kunwari akong ngumiti at napalunok muli. Nag-aalangan akong inomin ang laman ng baso. Ngunit ayaw akong lubayan ng tingin ni ate Catherine kaya't mukhang mapapasubo ako nito. Diyos ko! Gusto ko na yatang masuka rito at tumakbo na pauwi.
Napapikit ako ng mariin at walang nagawa kundi ang inomin ang laman ng baso. Natigilan ako nang malasahan ko ito. Pinahiran ko pa ang aking bibig dahil bahagya itong kumalat.
"Ano po ito?" tanong ko.
Ang sarap lang kasi! Ang tanga ko lang dahil nag-isip ako agad ng masama.
"Minatamis na ubas at berrys. Masarap 'di ba?" ani ate Catherine. Napatango-tango ako.
"Kasi naman ate, kulay ano kasi..." alanganin ko pang sabi.
"Dugo ba? Nako, hindi ah! Ganyan talaga kapag purong katas at naluto na," natatawa pang dugtong niya sa sinabi ko.
Hiyang-hiya naman ako sa mga naiisip ko. Kung ganoon din pala ay hindi rin dugo ang iniinom ni kuya Steffano kundi ang inoming gawa ni ate Catherine.
Bahagya akong nakahinga ng maluwag. Ang akala ko talaga ay dugo 'yon. Pinilig ko ang aking ulo at tinapos na lang ang aking agahan.
Nang matapos ang agahan ay nagpaalam na ako kina ate Catherine at kuya Steffano. Paano ba naman kasi'y nakalimutan kong may kasama pala ako sa tinutuluyan ko, si Egoy. Paniguradong nag-aalala na 'yon sa akin.
Nang makalayo na ako sa bahay ng pinsan ko ay napuna kong maraming kalalakihan ang nagkukumpulan malapit sa mataas na bakod. Lumapit ako upang makiusyoso kay Mang Dhelfin. Puna kong siya yata ang nagmamando sa mga tao.
"Mang Dhelfin..." tawag ko rito.
"Nako señorita, kayo po pala," anito.
"Yana na lang po. Ano pong mayroon diyan?" tukoy ko pa sa mga nagkukumpulang mga kalalakihan.
"Nagpapalista sila, señorita. Pasensya na po, nasanay lang talaga ako kay señorita Catherine," paumanhin nito sa akin. Ang tinutukoy niya ay ang pagtawag sa akin ng señorita.
"Ayos lang po..." Napahagod naman ako ng tingin sa malawak na pader.
"Gaano ho ba iyan kataas Mang Dhelfin," tanong ko bigla.
"Kung ikukumpara po sa isang gusali, aba'y nasa sampung palapag po iyan. At 'yang mga nagpapalista ay dudugtungan ulit ang taas ng pader, siguro mga limang palapag pa po," paliwanag nito.
"Talaga po?" mangha ko pang sambit.
Kung ganoon ay napakataas na nga niyan.
"Hindi lang basta sementong pader 'yan, señorita. Lalapatan pa 'yan ng solidong bakal dito sa harap natin at sa kabila nama'y purong pilak," paliwanag nito ulit.
"Oh? E 'di ang laki po ng magagastos no'n at saka grabe naman po 'yang pader na 'yan Mang Dhelfin, masiyado pong mapili sa materyales," sabi ko pa.
"Basta ba sa siguridad ng pamilya Zoldic at ng mga Seltzer, maging ang mga iba pang nakatira sa looban ay wala sa kanila ang malaking gagastusin para lang dito," nakangiting sagot din naman ito.
Seltzer? Akala ko ba ang mga Zoldic lang ang nagmamay-ari ng islang 'to. Magtatanong pa sana ako ngunit nakita kong tumatakbo palapit sa aming puwesto ni Mang Dhelfin si Egoy.
"Ate Yana..." sambit nito at bigla akong niyakap.
"Egoy, bakit?" nag-aalala ko namang tanong.
"Kasi ate, ang akala ko'y may masamang nangyari sa iyo. Dapat kasi isinabay na lang kita sa perya kagabi," anito. Napangiti naman ako at ginulo ang kanyang buhok.
"Huwag mo sisihin ang sarili mo, Egoy. Ayos lang naman ako." Nag-angat naman ito ng kanyang ulo.
"Sa susunod na aalis ako ate ay isasama na talaga kita," paniniguro pa nito. Ngiti lang ang itinugon ko.
"Mauna na ho kami, Mang Dhelfin," paalam ko pa.
Tumango lamang ito at lumapit na sa mga kalalakihang nagpapalista. Kami naman ni Egoy ay lumakad na pabalik sa silid-aklatan.
"Egoy, nagsara ka ba?" tanong ko nang matanawan kong nakasirado pa ang mga kurtina ng mga bintana.
"Opo ate, utos ni ate Catherine para naman po raw makapagpahinga kayo," aniya.
Tipid na ngiti lamang ang itinugon ko.
"Egoy, maari bang tumambay ako sa museo?" pagpapaalam ko pa.
"Oo naman po..." Nakahinga naman ako ng maluwag sa pagpayag nito.
Nang umabot kami ay tuluyan na akong nagpatiuna nang lakad papasok sa museo. Nang makapasok ako'y sinigurado kong silyado ang pinto. Humakbang ako palapit sa larawang napasukan ko no'ng nakaraan. Ngayon lang kasi ako nagkaroon ng oras na makabalik dito kaya't lulubusin ko na ang pagkakataon.
Napamasid akong muli sa larawan at sinubukang galawin ito ng konti. Napaatras ako sa biglaang paggalaw ng pader ngunit agad din naman akong sumampa upang madala ako nito sa oras na ito'y bumaliktad.
"Hmm..." ungol ko.
Hindi ko na naman kasi napaghandaan ang aking pagbasak sa sahig. Dahan-dahan akong napatayo at muling kumuha ng isang sulo na nakasabit lamang sa pader. Lumakad na ako at muli ay narating ko ang dulo ng makipot na daanang 'to. Kinapa ng mga daliri ko ang nakaukit sa pader at muli ay binigkas ito.
"In profudum cordis videam secretum iter..."
Muli ay napaatras ako at isinabit muli sa pader ang sulong hawak ko. Muling umakyat ang pader. Hindi ko talaga mapigilan ang sobrang tuwa at mangha ko talaga sa lugar na ito. Napatakbo ako at agad na dumungaw sa malinaw na tubig ng talon. Nagsalok ako ng tubig gamit ang aking mga palad at ininom ito. Talagang kay sariwa at presko ng tubig. Napalinga rin ako sa aking paligid at talagang ang gaganda ng pagkakatanim ng mga itim na rosas. Ngunit napaisip ako saglit.
"Itim na rosas..." sambit ko.