Kabanata 12

1242 Words
Kabanata 12 Bakit nga ba ngayon ko lang naalalang may itim na rosas din ang nagbibigay sa akin. Ang akala ko ay ang asawa ng aking amain ang nagpapadala sa akin no'n dahil 'yon ang paniniwala ni Jeorgie. Nasabi pa nitong masama raw ang ibig sabihin nito ngunit sa nakikita ko ngayon ay mukhang may iba pang kahulugan ito. "Yana..." narinig kong bulong ng hangin sa akin. Natigilan ako. "Nagustuhan mo ba ang nakikita mo..." Mas lalo yata akong natigilan sa biglaan nitong pagsasalita sa aking likuran. Napalunok ako. Tanghaling tapat ay narito siya! Umiral na naman ang matinding kaba at kuryusidad sa akin. Natutuwa ako na natatakot. Sari-saring emosyon ang pumapaibabaw sa akin. Akmang lilingonin ko ito ngunit sa isang kurap lang ay yakap na nito ako mula sa aking likuran. Ipinatong din nito ang kanyang baba sa aking balikat at tila ba inaamoy niya ang aking leeg. Hindi ko alam kung paano niya nagawa iyong mabilis na pagkilos niya. Nagsimula nang manlumo ang aking mga tuhod. Kung hindi ito nakakapit sa baywang ko'y baka nabuwal na ako sa aking pagkakatayo. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko, ni ang pag-ungol ay hindi ko magawa! Bumigat ang aking paghinga nang maramdaman kong inilapat nito ang kanyang labi sa aking leeg. "Bakit ka naritong muli? Hinahanap mo ba ako, Yana..." halos pabulong nitong wika sa akin. Sa tono nang pananalita nito'y tila ba't nababasa niya ang mga kilos at iniisip ko. Diyos ko Yana! Gumalaw ka! Para akong nasemento sa aking kinatatayuan at kulang na lang maging isang ganap na rebulto. Napalunok akong muli. "...ah," tanging usal ko ngunit pabulong iyon. "Lakas-loob kang pumarito ngunit hindi mo naman alam ang labasan sa lugar na ito," bulong nito ulit sa aking tainga. Sa bawat letrang bigkas nito'y katumbas ng ilang milyong boltahe ng kuryente ang gumagapang mula sa dulo ng hibla ng aking buhok hanggang sa aking talampakan. Napalunok akong muli. Diyos ko! Tanging paglunok na lang yata ang magagawa ko! "Gusto mo yata ang ikulong kita rito..." muling bigkas nito. Napasinghap ako. Hindi puwedeng mangyari 'yon! Bigla ko siyang hinarap ngunit hindi ko inaasahan ang susunod na mangyayari dahil bigla nito akong siniil ng halik. Para pa itong nanggigil dahil bahagya pang dumugo ang pang-ibaba kong labi. Ngunit takang-taka ako sa aking sarili dahil hindi ko man lang magawang pumalag sa mapangahas na paghalik nito sa akin. Kasabay ng halik ay ang pagsalubong ng aming mga mata. May kung anong hipnotismo ang mga mata nito upang mapatitig ako ng husto. Kulay luntian ang mga mata nito at kay sarap lang nitong titigan ng pangmatagalan. Bahagya itong kumalas sa pagkakahalik sa akin ngunit nanatiling nakapulupot ang mga bisig nito sa aking baywang. Natigilan naman ako nang biglang dinilaan nito ang aking labi at tila sarap na sarap pa ito sa dugong nalasahan niya mula sa akin. "Ngayon caritas mea, sabihin mo sa akin kung ano ang iyong ginagawa sa sekreto kong pahingahan," anito. Nakagat ko ang pang-ibaba kong labi. Hindi pa nga ako nakakabawi sa ginawa nitong paghalik sa akin kanina, o mas tamang sabihin na tulala pa ako at hindi ko alam kung saan ako mag-uumpisa. "G-gusto ko lang magpasalamat... Kaya kita hinahanap..." sagot ko at napayuko. Ibig ko na yatang mahimatay dahil sa sobrang nerbyos. Muli akong nag-angat ng aking ulo at nakita mismo ng mga mata ko ang pagbabago ng kulay ng mata nito, naging kulay pula. Napaatras ako dahilan para makakalas ako rito ngunit sa bawat pag-atras ko'y siya ring paghakbang nito palapit sa akin. Imposible! Alam na alam ko kung anong klaseng nilalang ang may kakayahang maging pula ang mga mata, maliksing kumilos, may lakas na walang kapaguran at ang paborito nilang pagkain na ang tanging bumubuhay sa kanila ay dugo; mga bampira! Napaatras akong muli ngunit bago pa man ako makaatras lalo ay bigla itong lumitaw sa harapan ko at may kung anong idiniin sa parte ng aking leeg dahilan para ako'y mawalan na naman ulit ng malay. Dahan-dahan kong idinilat ang aking mga mata at gaya nga nang nangyari no'ng unang beses ay narating ko na naman ang aking silid at 'di ko na naman namalayan. Kung no'ng una'y sa sahig ako nagising, ngayon nama'y sa mismong kama ko na. Namilog ang aking mga mata nang maalala ko sa aking balintataw ang tagpong nangyari kanina. Totoo nga ba talaga sila? O talagang namamalikmata lang ako at baka dala lang iyon ng imahinasyon ko? Pinilig ko ang aking ulo at hinilot ang aking sintido. Sumasakit na talaga ang ulo ko sa mga nangyayari sa akin. Una'y ang mga pangitaing nakikita ko sa larawan no'ng nasa unibersidad ako nagtatrabaho. Pangalawa'y ang malaking aso na umatake sa akin. Ngayon nama'y ang lalaking nagpaparamdam sa akin noon pa man ay hindi isang multo o isang normal na tao bagkus ay isang bampira. Diyos ko! Iniisip ko tuloy kung may sakit na ba ako sa pag-iisip dahil kung anu-ano na ang nakikita ko. Mariin akong napapikit. Alam ko kung ano ang nakita ko kanina sa mga mata nito. Hindi rin naman ako isang mangmang para balewalain ang mga kaalaman sa ganyang bagay. Madalas ay napapanood ko lang ang mga gaya nila sa sinehan. Ngunit iba ito, talagang totoo sila. Napabuga ako ng hangin at bumababa sa aking kama. Sa pagtayo ko'y may nahulog na papel sa sahig. "Huwag na huwag ka ng babalik muli sa lihim kong pahingahan," basa ko sa nakasulat sa papel. Napapikit ako ng mariin at itinapon ang papel na hawak ko. Lumabas ako ng silid ko at saktong papasok rin naman si Egoy. Bahagya pa itong nagulat nang makita ako. "Nandito po kayo? Ang akala ko'y nasa museo kayo ate," anito. "Ha? Kalalabas ko lang..." sagot ko pa. Nagsalubong naman ang mga kilay nito. "Po? Eh kanina pa po ako rito sa labas ng tinutuluyan po natin e," ani Egoy at napapaisip pa. Alanganin akong napangiti. "Hindi mo lang yata ako napansin. Nga pala akin ba ito?" tukoy ko pa sa pagkaing nasa mesa. "Ah, opo ate. Bigay po iyan ni ate Catherine. Baka kasi may gana ka na pong kumain, pasado ala singko na po ng hapon kung 'di niyo napapansin," anito. Napaawang ang aking mga labi. Kung ganoon pala'y kay haba pala ng aking naitulog. Itinikom ko ang aking bibig at umupo na sa hapag. Nagkunwari akong masigla. "Nako Egoy, napasarap lang talaga ako sa pagtulog. Tara na't samahan mo akong kumain," nakangiting alok ko pa. Nailing naman ito at umupo lamang sa aking harapan. Kumikit-balikat na lamang ako at nagsimula nang kumain. Sa totoo lang ay ngayon ko lang naramdaman ang pagkalam ng aking sikmura. "Ate..." ani Egoy kaya't tiningnan ko ito. "Bakit Egoy, may problema ba?" tanong ko pa habang sumusubo. "Kasi ate papasok po ako sa kabilang bakod mamaya." Natigil ako sa pagsubo. "Talaga? Puwede ba akong sumama? Malapit lang naman siguro ang bahay na tinutuluyan ni Tiyang Nely 'di ba?" Nailing naman ito na siya ring ikinanglumo ko. Ang akala ko pa naman ay makikita ko na ang Tiyang Nely. "Malayo po 'yon ate at saka kukuha lang naman po ako ng mga bagong libro ro'n," paliwanag pa nito. Napayuko ako at tahimik na lamang na kumain. "Pero wala naman sigurong makakaalam kung ipupuslit po kita, 'di ba ate?" aniya sa huli. Nag-angat ako ng aking ulo. "Talaga? Isasama mo na ako? Kahit hindi tayo makapunta kay tiyang Nely ay ayos lang. Mabuboryo lang kasi ako rito," sabi ko pa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD